Three

1596 Words
Sa isang tagong tenement house siya dinala ni Iris at kahit alanganin ay napilitan siyang sundan ito. Wala siyang magagawa dahil kung hindi siya sasama sa babae ay maaaring wala siyang tutulugan. "Naks, Iris. Sino iyan? Boyfriend mo?" nanunudyong tanong ng nakasalubong nilang lalaki na mukhang adik. Naka-sando lang ito at may hawak na sigarilyo. Isang batok ang ibinigay ni Iris sa nang-aasar na lalaki. "Huwag mo nang dagdagan ang inis ko, Bong. Palaboy lang ito na pinag-tripan nila Musang. Nakakaawa kaya dinala ko na rito." "Ako nga pala si Bong," pakilala ng lalaki at iniabot pa ang isang kamay. Mukha naman itong mabait kaya tinanggap ni Rio ang pakikipagkamay nito. "Rio," pakilala naman ni Rio sa sarili. "Sige na. Mauna na kami. Gagamutin ko lang ang sugat nito pagkatapos baka makitulog na siya sa inyo," paalam ni Iris. "Sa kwarto namin?" nag-rereklamong tanong ni Bong. "Boss naman, pito na kami doon." "Ngayong gabi lang naman. Huwag kang madamot." Kakamot-kamot ang ulong napatango na lang si Bong habang sumunod naman si Rio sa nauna nang babae. "Sa susunod umiwas ka sa mga iyon," seryosong sabi ni Iris habang nilalagyan ng gamot ang pasa at sugat ni Rio. "Ano ba kasi ang ginagawa mo sa daan e hating-gabi na?" "Naglayas ako," napilitang mag-kwento si Rio. Napailing naman si Iris. "Pustahan tayo, bukas ng umaga, babalik ka rin sa inyo." "Ihanda mo na ang pusta mo dahil hindi ako babalik hangga't wala akong nakukuhang kasagutan." Napataas ng kilay ang babae, "Matapang ka. Anong kasagutan ba ang hinahanap mo? Ang may magsabing gwapo ka? Huwag ka nang maghanap ng ganoong sagot at hindi ka na talaga makakabalik sa inyo." Hindi man lang natawa si Rio sa biro ng kausap, "It's rather personal." "Wow, inglisero ka pala," natawa si Iris. "Mayaman siguro kayo ano? Pwedeng-pwede pala kitang ipakidnap for ransom." Bahagya namang kinabahan si Rio. Lalong natawa si Iris. "Huwag kang mag-alala, hindi ako masamang tao." Bahabang katahimikan ang namagitan sa dalawa. Maya-maya ay may naalalang itanong si Rio. "Yung mga bumugbog sa akin? Member ba sila ng sindikato?" Napatingin sa kanya si Iris at natatawang napailing. "Inosente ka nga talaga. Gangster lang ang mga iyon. Wala pa iyon sa member ng mga sindikato, tumitiklop ka na. Kaya nga mabuti pang umuwi ka na. Hindi mo alam kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa'yo rito." "Hindi ako uuwi," buo ang loob na sagot ni Rio. "Huwag mo akong sisihin pagkatapos ha." "Nasaan na 'yung sindikato? Kilala mo ba sila? Hindi ba gangster ka din?" sunod-sunod na tanong ni Rio. "Marami sila. Hindi ko pwedeng isa-isahin. Tsaka mas mabuting wala kang alam. Mahirap na. At mali ka din, hindi ako myembro ng kahit anong grupo." "Sabihin mo sa akin," hindi napigilang magtaas ng boses ni Rio. Lalo namang nagtaka si Iris. "Please..." naghihinang paki-usap ni Rio. Doon lang nakita ni Iris na maamo ang mukha nito sa kabila ng pagiging suplado ng lalaki. "Kailangan ko ang tulong mo." Bahagya siyang tinapik ni Iris sa likod, "matulog ka na. Bukas na tayo mag-usap." Ilalatag na sana ni Rio ang nakitang banig nang pigilan siya ng babae. "Hindi ka rito matutulog. Doon ka sa kabilang kwarto." "Wala naman akong masamang gagawin sa'yo," nakasimangot na katwiran ni Rio. "Hindi ko kilala ang mga iyon. Isa pa, sabi nila pito sila sa isang kwarto. Kung kasing laki ng kwartong ito ang kwarto nila, nakakaawa naman sila kung makikipagsiksikan pa ako. Huwag kang mag-alala, hindi katulad mo ang tipo ko." "Malay mo, ako ang may masamang gawin," natatawang biro ni Iris pero nanatiling seryoso si Rio. Hindi yata marunong ngumiti ang binata. Natahimik si Rio kaya lalong natawa ang babae. "Doon ka na sa kama. Ako na lang sa sahig." "Malamig..." "Huwag ka nang sumagot kung ayaw mong palabasin kita." "Bahala ka sa buhay mo." Wala nang nagawa si Rio kung hindi sundin ang babae. Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog si Iris. Dalawang oras naman bago dinalaw ng antok si Rio. Alam na kaya ng mga lolo't lola niya na nawawala siya? Naalimpungatan si Iris nang marinig ang mga sigaw mula sa kasamang estranghero. Nananaginip pala ito. "Takbo! Kumapit kang mabuti...No!" Gigisingin sana ni Iris ang binata pero tumigil na ito sa pagsigaw kaya hindi na siya nag-abala. Naalala niya ang pangalan nito nang nagpakilala ito kay Bong kanina. "Rio," mahinang sambit ni Iris. "Ano ba talagang nangyari sa'yo?" Tahimik ang dalawa habang naglalakad papunta sa pinakamalapit na karinderya dahil walang pagkain sa bahay ni Iris. Hindi kasi marunong magluto ang dalaga kaya hanggang ngayon ay hindi pa sila kumakain ng agahan. Hanggang sa makarating sila sa karinderya ni aling Bebe ay hindi nag-uusap ang dalawa. "Matira matibay na lang," bulong ni Iris sa sarili. "Dito tayo kakain?" maang na tanong ni Rio nang makita ang maliit na karinderya. "One, zero," natatawang bulong ulit ni Iris. Nakaisang puntos na ang lalaki dahil ito ang unang kumausap sa kanya at kung sino ang pinakamaraming puntos ay siyang talo. "Saan mo gusto? Sa fine-dining?" sarkastikong tanong nito kay Rio. "Malinis ba ang pagkain dito?" pabulong na tanong ng binata habang nakatitig sa pagkain na akala mo ay nakakita ng lason. "Kung ayaw mo, maghanap ka ng ibang kainan," inis na sambit niya at hinarap na ang tindera, "Isang order nga po ng sopas." Napabuntonghininga si Rio at pumili na lang ng kakainin. "Isang order nga rin po ng... ng dinuguan." Bahagyang natawa ang tindera "Champorado iyan, iho." Halos maibuga na ni Iris ang kinakain sa katatawa pero agad ding huminto nang makita ang matalim na tingin ni Rio. Sa huli ay champorado rin ang kinain nito. Mukhang gutom na gutom na si Rio kaya bahagya siyang nakaramdam ng awa sa lalaki. Bakit kaya ito naglayas? Sa porma ng lalaki ay halatang galing ito sa mayamang pamilya. Pauwi na sila nang maramdaman ang mahihinang patak ng ulan. Mabuti na lang at may nadaanan silang pawid at pansamantala munang sumilong hanggang sa tumila ang ulan. Hindi alam ni Iris kung bakit nakaramdam siya ng kalungkutan habang pinagmamasdan si Rio. Malayo ang tingin nito pero nababakas ang lungkot sa mga mata. Bahagya siyang namula nang mahuli siya ni Riong nakatingin. "What?" supladong tanong nito. "Anong what? Masama bang tumingin?" nakaangil din na tanong ni Iris. Tiningnan lang siya nang masama ni Rio. "Suplado nito. Gwapo ka sana," lalo namang ginanahang mang-asar si Iris, "May girlfriend ka na?" Lalo yatang nag-init ang ulo ni Rio at hindi sinagot ang tanong niya. "Huy," pangungulit ni Iris at niyugyog pa ang binata. "Hindi ka papasa sa standards ko." Natawa siya sa sinabi nito. "Aba! At sino ba nagsabing may gusto ako sa'yo?" "Doon din naman tayo pupunta, inunahan na kita." Napailing na lang si Iris. "Conceited ka pala." "Wow, English," sarkastikong biro ni Rio bagamat nanatiling seryoso. "May girlfriend ka siguro ano? Siya 'yung tinatawag mo kagabi." Kinakabahang napatingin si Rio sa babae. "Nanaginip ka. Sumigaw ka pa nga," pagkwekwento ni Iris. "Anong sabi ko?" Nagkibit-balikat lang ang dalaga. "Wala ka namang nabanggit na pangalan. Kaya nga curious ako e." Napansin niyang natigilan si Rio at nag-iwas ng tingin. "Girlfriend mo iyong tinatawag mo kagabi ano? Sabi mo pa, kumapit siyang mabuti," tawa nang tawang pang-aasar ni Iris. "Ano bang pakialam mo?" tumaas na ang boses ni Rio. "Sungit nito," tumatawa pa ring sabi ni Iris kahit ang totoo ay namumula na siya sa sobrang pagkapahiya. Ano bang nangyari sa lalaking ito at ubod ng suplado? Hindi na sumagot pa si Rio kaya naisipan niyang ibahin ang usapan at inaya na lang ito sa ulan. "Tara, ligo tayo." "Ayoko." "Ang kj mo naman." Hinila niya sa gitna ng malakas na buhos ng ulan si Rio pero ganoon na lang ang pagkapahiya niya nang magalit ang lalaki. "Sabi nang ayoko e! Bakit ba ang kulit mo?!" galit na sigaw nito. Walang paalam na umalis ang lalaki at sumugod sa ulan. Naiwan namang natitigilan si Iris pero maya-maya ay hinabol niya ang lalaki. Baka may humarang na naman dito sa daan. Naabutan ni Iris sila Bong na naglalaro ng chess sa labas ng tenement. "Nakita niyo ba si Rio?" tanong agad ng dalaga. "Nasa kwarto namin. Pinahiram ni Bong ng damit," hindi tumitinging sagot ni Victor habang nag-iisip ng ititira. Mabilis na pumanhik si Iris sa kwarto ni Bong. Dahil hindi naka-lock ang pinto ay basta na lang itinulak iyon ni Iris. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang maabutang walang suot na pang-itaas si Rio at kasalukuyang binabaliktad ang bagong t-shirt. Halatang nagulat ito nang may nagbukas ng pinto at agad nag-init ang ulo nang makita siya. "Ano ba?! Hindi ka ba marunong kumatok?!" galit na sigaw ng lalaki. "Dapat ni-lolock mo ang pinto," namumulang katwiran ni Iris, "Tsaka bakit ba ang arte mo? Sanay akong makakita ng hubad na katawan. Mga lalaki nga dito naglalakad ng nakahubad..." "I don't give a f**k! Get out!" "O bakit?" narinig nila ang boses ni Bong mula sa pasilyo. Nakiusyoso itong sumilip sa kwarto habang mabilis namang nagsuot ng t-shirt si Rio. Tawa nang tawa si Bong nang maintindihan kung ano ang nangyari. "Sinilipan mo si Rio, bossing? Ikaw ha, masama iyan." "Tigilan mo ako, Bong," Inis na pakli ni Iris at walang paalam na umalis. Napailing na lang si Bong at pumasok sa loob. "Salamat pala sa damit. Ibang bag kasi 'yung nadala ko," nahihiyang paumanhin ni Rio. "Wala 'yun. Grabe siguro ang pagmamadali mo," Napailing lang si Bong, "bakit ka ba kasi naglayas?" Natahimik siya. Hindi pa siya handang sabihin sa mga ito ang katotohanan. Tila naintindihan naman iyon ni Bong at bahagya siyang tinapik sa balikat. "Okay lang kung hindi ka pa handang sabihin sa amin. Siya nga pala, may meeting ang grupo. Hindi ka sana pwedeng sumama pero pinagpaalam na kita kay big boss." Nagtatakang napatingin si Rio sa lalaki pero bago nakasagot ito ay may tumawag sa cellphone ng lalaki. "O, bossing? May nakalimutan ka?" nakita niya nang mawala ang ngiti sa mga labi ng lalaki at napalitan iyon ng kaba. Bigla siyang hinawakan nito ay hinila papunta sa bukas na bintana. "Rio, wala nang maraming tanong. Sumunod ka lang sa sasabihin ko." "Ano bang..." hindi alam ni Rio kung anong nangyayari. "Talon sa bintana!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD