"Bakit hindi mo sinabing blue eyes!" pagmamaktol sa'kin ni Marisa, kasalukuyan siyang nakatayo habang ako ay kalmadong nakaupo sa papag at binabasa ang sanaysay na ginawa ni Junmar. Kakabalik lang namin mula sa palengke, nakakapagod ang araw na 'to dahil dinagsa talaga kami.
Pero masaya ako dahil binigyan ako ni Nay Jeda ng pa-sobra dahil malaki ang kinita niya. Nakabili tuloy kami ng pritong manok, at tig-isa pa kami!
Ang makulit na si Marisa ay hindi naman mapakali mula nang makita ang lalaking usap-usapan sa palengke, bakit daw nakaligtaan kong sabihin na asul ang mata ng lalaki.
"Hindi ko naman alam na hindi mo alam, akala ko nasagap mo na," sabi ko at binalingan siya ng tingin, naka-krus pa ang mga kamay niya.
"Hmp! Pero ang gwapo niya talaga! para siyang model!" halos maglupasay niyang sabi.
Patuloy kong binabasa ang sanaysay ni Junmar, sa murang edad ay natutuwa ako na may interes siya sa pagsusulat. Ngayon ay nagsulat siya patungkol sa pamilya.
Hindi nasusukat ng timbangan ang pagmamahal ng isang nanay sa kanyang mga anak, ang mga sakripisyo niya ay dapat lang bigyan ng papuri.
Napangiti ako.
"Nakikinig ka ba Sese?" pukaw muli ni Marisa sa atensyon ko.
Ibinaba ko ang binabasa at muli siyang tinignan. "Ano ba 'yon?" tanong kong muli, ang kulit lang talaga.
Maarte siyang umupo sa plastic na upuan. "Sabi ko, subukan natin i-search sa internet 'yung gwapo! Malay mo model pala siya, edi magpa-picture tayo!" kilig na kilig niyang sabi na parang ang ideya niya ay napaka-talino.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Oh, kamusta naman kayo ni Jerome?" usisa ko, para na rin maiba ang usapan.
Ngumiwi siya at natahimik, sinuri ko ang reaksyon niya at base ron, parang alam ko na ang nangyari.
"Umuwi na--"
"Oo na!" pinutol niya ang sana'y sasabihin ko at nagsimula siyang umiyak at lumukot ang mukha habang nakatingin sa bubong para pigilan ang luha. Nakakatawa man ang itsura niya ay pinigilan ko ang sarili kong pagtawanan ang kalagayan niya.
"S-Sabi niya hindi siya aalis, eh pinaalis naman siya nung may-ari kase nakahanap ng mas maliksi at malakas!" dugtong pa niya, naiinis at hindi mawari ang itsura. Muntik na akong tumawa, gaya ng naisip ko noon, hindi kaliksihan si Jerome.
Tumango-tango ako. "Hindi ka naman pala sadya na iniwan, pwede pa naman 'yan 'yung LDR," suhestiyon ko pero pampalubag-loob lang talaga, hindi ako sigurado kung tumatagal ba ang ganong relasyon, pero marami naman ang nag-iibang bansa na hindi iniiwan ang asawa.
"Hahanap na lang ako ng bago!" bigla niyang sabi na para bang ayos na siya. Ang bilis naman niya mag move-on.
"Ano nga ulit pangalan nung gwapo? Ace?" tanong niya. Bumalik na naman kami sa usapan tungkol sa gwapong nilalang na 'yon.
"Haze," pagtama ko.
"Haze," ulit niya sa pangalan at sumilay pa ang ngiti sa mukha.
"Pangalan pa lang halata mo nang lima ang putahe ng ulam ang nakahanda kada araw sa lamesa. Kung sana ganon ang makatuluyan ko 'no, 'di na ako magtitiis sa lucky me na pinarami ang sabaw para umabot lang ng gabi!"
Napangiti rin ako, siguro ay pinapantasya na siya ni Marisa, hindi ko siya masisisi. Mabait si sir Haze at madalas magtungo sa palengke sa kabila ng halatang yaman, higit sa lahat ay kakaiba ang presensya niya, halatang bihasa sa pakikipag-usap, ang tindig niya ay bagay sa gwapo niyang mukha.
Kinagabihan ay umuwi si Mama, saktong buhos ng ulan pagkarating niya.
"Muntik ka na maulanan, Ma," sabi ko habang pinaparinggan ang malalaking patak ng ulan. Dali-dali akong nagtungo sa banyo para kumuha ng dalawang balde at timba, para ilagay sa banda ng bahay na may tulo.
Nilapitan ako ni Junmar at tinulungan akong itapat ang timba sa may tulo.
"Ate, lumaki ang butas," puna niya.
Tumingala rin ako at tinanaw ang bubong naming kinakalawang na, napansin ko nga na mas lumaki pa ang butas kumpara sa nakaraan. Bumuntong hininga ako at napa-baling kay Mama, naabutan ko siyang nakatingin sa'kin, sa'min. Ang mukha niya ay malungkot at parang iiyak, pero agad din siyang umiwas ng tingin at humiga.
Parang piniga ang puso ko, alam kong nasasaktan din si Mama kapag nakikita kaming nahihirapan sa sitwasyon namin dito sa skwater, alam ko rin na kung mayroon siyang pagpipilian ay hindi naman niya pipiliin na manatili kami rito.
"Magdasal tayo na tumila agad ang ulan," sabi ko kay Junmar. Agad siyang pumikit matapos pagsiklupin ang dalawang kamay.
"Ate, okay ka lang ba riyan?" pabulong na tanong ni Junmar nang makahiga na kami, katabi ko kase ang isang timba at kahit na nakasahod na ang tulo ay natatalsikan pa rin ako, hindi naman na ito bago sa'kin, pero hindi ko maitatanggi na hindi komportable ito dahil na rin sa lamig ng tubig ulan.
Nginitian ko siya, "Oo naman, titila rin 'yan maya-maya," sabi ko.
Subalit dumating ang hating-gabi at hindi dumating ang pagtila na inaasahan namin, lalong lumakas ang ulan at hangin na nagpapatunog sa bubong namin at iba pang bahagi ng marupok naming bahay. Ang kulog at kidlat ay hindi rin nagpahuli, sa lakas nito ay parang sadya na ayaw kaming patulugin.
Hindi ako makatulog. Nang umupo ako ay nakita kong nakadilat din si Junmar at nakatulala habang lumuluha.
"Shh, nandito naman si Mama at Ate, 'wag ka na matakot," bulong ko at inalo siya sa ulo.
Ilang saglit pa ang lumipas, naka-idlip yata ako at naalimpungatan nang may marinig na sigaw.
Sigaw?
"Ate!"
"Sese! Bumangon ka! Baha na!"
Isang malalim na hinga at gulat akong napabangon, tumambad sa'kin ang basang sahig, nang ibaling ko ang tingin sa hinigaan ko ay ganon din, naramdaman ko ang lamig at napagtanto na basa na ang damit ko.
"Itaas na ang mga gamit!" tarantang utos ni Mama. Agad akong kumilos at itinaas ang gasul sa lababo, ang iilang gamit na nasa sahig ay itiaas ko sa upuan, ang iba ay sa kama, at ang iba ay sa aparador. Wala kaming taas, hanggang dito lang ang kaya naming gawin para iwasan ang baha.
Nag-aalala ako. Patuloy ang malakas na ulan at kapag tumaas pa ang baha, wala kaming masisilungan.
"Mama," naibulalas ko nang binuksan ko ang pinto, mas lalong narinig ang malakas na ulan. Pumasok ang malamig na hangin na bumalot sa'kin, ang mga kapitbahay ay kapwa taranta, rinig ang mga boses habang bukas ang mga ilaw. Lahat ay nagkukumahog na itaas ang mga gamit, kahit pa alam namin na wala nang tataasan pa, umaasa na lang hindi hahagipin.
"Isara mo ang pinto, Sese, wala tayong magagawa kung tumaas ang baha. Kuhanin mo ang bag at mag-impake ka ng damit," sabi ni Mama na medyo kumalma na dahil naitaas na namin ang dapat itaas.
"Mama, may bagyo ba?" tanong ng batang boses.
Habang abala ako sa paglalagay ng iilang damit namin ay nakabaling ako kay Junmar, maging ako ay nais malaman 'yon, hindi ko nabalitaan dahil hindi kami nanunuod ng TV. Dinamay ko ang perang inipon at isinuksok iyon sa gilid ng lumang bag, kaunti lang ang matino naming damit na karamihan ay bigay at yon lang ang pinili kong isama, maging ang iilang photo album na kinakatakot kong mahagip ng baha.
Hindi ko narinig ang sagot ni Mama dahil isang maingay na siren ang narinig sa buong kabahayan, kasabay nang boses na parang nasa radyo.
"Oh, lumikas na! Lahat ay lumikas na, papalapit ang bagyo, lalakas ang ulan at inaasahan ang matinding pagbaha, lumikas na!" sabi nang boses.
Nagkatinginan kami ni Mama, madilim pa at matagal pa ang dating nang araw, patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig, at umabot na ito sa tuhod nang lisanin namin ang bahay. Kinailangan ko pang buhatin si Junmar sa balikat ko para hindi siya lumusong.
Alas tres ng madaling-araw nang makarating kami sa covered court malapit sa barangay, marami ang tao at minabuti naming sa bandang gilid pumwesto para hindi maraan-raanan.
"Hoy nauna kami rito Elena, naku, inaagawan mo pa kami nang pwesto kahit kailan ka talaga, mang-aagaw."
"Ano na naman ang problema mo Mabel? Wala namang pangalan 'yung sahig, ang daming space ron oh, bakit 'di kayo ron? Isama mo ang isang dosena mong anak, kaiingay naman."
"Aba, ang yabang mo ah porket nakahanap ng Foreigner ang p*kpok mong anak?"
"Hoy! maganda ang anak ko kaya naka-bingwit hindi tulad sa mga anak mong puro palamunin!"
Tahimik lang kaming tatlo sa tabi, kahit kakilala namin ang mga kapitbahay na nagbabangayan ay hindi na namin ninais pang makigulo. Parati naman ito nangyayari, at ayaw din ni Mama ng away dahil hindi namin ugali ito. Tinatakpan ko naman ng bahagya ang tenga ni Junmar, nakatulong din ang malakas na ulan para hindi niya maintindihan ang pinag-aawayan.
"Oh, 'wag na lang po magsiksikan, marami pang bakante sa likod. Maari lamang na magbigayan, lahat tayo ay nakikigamit lamang," muling salita nang taga-barangay gamit ang megaphone yata ang tawag don.
Nanginginig ako sa lamig nang sumilay ang liwanag, sa tingin ko ay ala sais na, wala pa akong sapat na tulog at hindi pa rin ako mapalagay sa sitwasyon namin. Tinanaw ko ang gilid ng court mula sa kinauupuan. Mayroon pa ring pag-ulan subalit hindi na katulad kagabi at kaninang madaling-araw.
Maya-maya ay mayroong isang sasakyan na pagmamay-ari ng barangay ang dumating sa court. "Pumila po tayo, at mayroon tayong pa-lugaw mula sa ating minamahal na kapitan."
Agad na nagsi-bangon ang mga tao, maging si Junmar at Mama ay nagising mula sa mababaw na tulog.
"Ako na lang kukuha, Ma. Dito na lang kayo," sabi ko at tumayo na.
"Sige, Salamat Anak."
Agad akong pumila, naiisip ko pa lang ang lugaw ay kumakalam na ang sikmura ko, hindi pa naman oras ng kain pero siguro dahil na rin sa pagod at puyat.
"Hoy singit! pumila ka ron, angas mo ah."
"Dito ako tol, sa likod ni Selene 'wag kang mayabang diyan baka pektusan kita."
Bangayan muli hanggang sa pila, hindi na ako lumingon pa para makita kung sino ang nag-uusap, magkakakilala naman kami kahit hindi parati nag-uusap.
"Tatlo po, kasama ko ang Mama at kapatid ko ron," sabi ko sa Ale na namimigay, tinuro ko pa ang pwesto namin. Tinaasan niya ako ng kilay at tinignan ng ilang segundo bago ibigay ang tatlong lugaw na nasa styro na lagayan at nasa loob ng plastic.
"Salamat."
Hindi ko alam kung bakit mukhang labag pa sa loob niya ang pagbigay, wala naman akong ginawang masama para tignan ng ganon. Bakit may mga taong ibinubuntong sa iba ang sama ng gising nila? lahat naman ng tao ay may problema, pero sana ay hindi na gamitin ito para dagdagan pa ang problema ng iba.
Umalis ako sa pila at napapaisip habang naglalakad. Napansin ko ang ngiti at saya ng mga tao sa simpleng lugaw.
"Si Kapitan, mabait 'no? binoto ko 'yon eh." Dinig kong sabi nang isang lalaki sa kasama niya.
Napahinto ako saglit, bago natauhan at nagsimula ulit lumakad papunta sa pwesto namin. Bakit ang babaw ng tao? Hindi ba dapat lang naman na pagsilbihan kami ng mga politiko? hinalal sila para sa mga tao, hindi sa hindi ko pinasasalamatan ang lugaw. Pero hindi dapat itaas ang pangalan ng sino mang politiko para sa paggawa ng trabahong nararapat lamang sa posisyong itinakbo.
"Ma oh, Junmar." Inabot ko sa kanila ang lugaw. Ngumiti si Junmar at nagpasalamat sa'kin, suot-suot pa niya ang jogging pants na bigay ng amo ni mama. Mabuti na lang dahil sobra ang lamig ngayon.
"Hala, nariyan ang sikat na gwapo na dumadalaw sa palengke!"
Nanigas ako mula sa kinauupuan nang marinig iyon.