Kabanata IV

1773 Words
Nanatili akong tuod habang nakaupo at tensyonadong kumakain ng lugaw. Iniisip kung sakaling mapalapit siya sa gawi namin ay saan ko itatago ang sarili para hindi niya makita. Ilang hiyawan ang narinig ko matapos ang pag parada ng isang mamahaling sasakyan, agad akong umiwas ng tingin bago pa man bumaba ang gwapong may-ari nito. "Ate, si Superman," sabi ni Junmar habang naka-luhod at tinatanaw ang bungad ng court. Napatingin ako kay Mama, mayroon siyang ekspresyon na nagtatanong at hindi alam ang nangyayari, at kung bakit ganon na lang ang reaksyon ng mga tao. "Kilala mo 'yon, Sese?" biglang tanong ni Mama. "Customer ni Nay Jeda, Ma," paliwanag ko. Hindi naman na siya nagtanong, paminsan-minsan naman kase ay may mga bigatin na mamimili si Nay Jeda at bultuhan kung bumili, sadyang ngayon ay mukhang modelo kaya usap-usapan. "Huy tara, lumapit tayo!" sabi ng kapit-bahay sa kasama. "Ibida mo na 'yang anak mo Neng, pagkakataon niyo na 'to, baka matipuhan! Angat ang buhay niyo riyan," sagot nito sa kanya. Sumunod naman ang dalagang anak na halos ka-edad ko lang din, hindi kami magkaibigan dahil may pagkakataon noong mga bata pa kami na tinutukso niya kami ni Marisa dahil sa kutis namin. Mapait akong ngumiti, ano bang inaakala ko? makikilala niya ang isang tindera sa palengke na katulad ko? duda ako na alam niya maski ang pangalan ko. "Sir Haze!" Dinig hanggang sa pwesto namin ang sigla ng tauhan sa barangay, hindi ko alam kung tanod siya o ano, hindi siya pamilyar sa'kin. Lumingon ako at hindi rin siya nadapuan ng tingin, nag-kumpulan na kase ang mga tao at pinalibutan siya na parang siya ang sugo na makakapag-pakalma ng bagyo. Kung sana may kapangyarihan siyang ganon, baka lali siyang sinamba ng mga tao. "Ang bilis mo kumain ah, gutom?" nakangiti kong baling kay Junmar, nauna na pa siyang umubos ng lugaw kesa sa'min ni Mama. "Bitin ate," nakanguso niyang sabi habang nakahawak sa tiyan. "Mag babanyo lang ako, bantayan mo 'tong kapatid mo." Tumayo si Mama at nawala na sa paningin namin, sa dulo pa at sulok ng court ang banyo at sa dami ng tao ay hindi na matatanaw pa 'yon mula rito. "Ayos na muna 'yan, oh, uminom ka ng tubig," inabot ko ang bote ng tubig kay Junmar, pero nakanganga lang siyang nakatingala sa... "Are you okay?" Muntik ko pang mabitawan ang hawak na bote nang marinig ang malalim na boses na 'yon mula sa likuran ko, napagtanto ko na siya ang tinitingala ni Junmar. Hindi ako lumilingon dahil hindi naman yata ako ang kausap, sa dami ng tao rito baka nakita niya ang anak ng kapit-bahay at totoong natipuhan-- "Selene." Nanlaki ang mata ko at dahan-dahan siyang nilingon at tiningala habang nananatiling naka-upo. Nagtama ang mga mata namin at muli kong nasilayan ang asul niyang mata na nakakamangha. Ilang segundo rin akong tahimik. "Right? Your name is Selene, right?" tanong niya. Nakatunganga lang ako sa kanya at hindi makapaniwala, kilala niya ako? alam niya ang pangalan ko...at hindi sa lahat, parang nag-tunog mamahalin 'yon ng siya ang nagbanggit. "Hoy Sese! Kinakausap ka!" pukaw ng kapit-bahay sa atensyon ko. Para akong natauhan at agad na umiwas ng tingin, parang nangalay pa ang leeg ko sa pag-lingon na ginawa. "A-Ayos naman po s-sir." Nanatili akong nakatalikod habang si Junmar ay kumakaway, nakangiti at nakatingin sa likuran ko. Hindi pa rin siya umaalis? Napakagat ako ng labi, nasa amin na ang sentro ng atensyon. Naririnig ko na ang mga tsismosa naming kapit-bahay na nagbubulungan kahit dinig naman. "Ay naku, iba rin pala 'tong anak ni Benna. Naunahan ka pa, tatahi-tahimik lang 'yan ah." "Hi sir Haze, napadaan po kayo? worried po ba kayo sa'min? Maayos naman po kami, opo," sabi ng madaldal naming kapit-bahay na naka-pwesto lang sa tabi namin. Hindi siya sumagot pero sa tingin ko ay ngumiti siya sa kanila, narinig ko kase ang singhap at mga bulungang papuri. Yumuko ako. Biglang humangin ng malakas at bumalik ang ingay ng mga patak ng ulan sa bubong dahilan para tumingala ako. Nanlaki ang mata ko nang pag-tingala ay ang mukha niyang nakadungaw sa'kin ang nakita ko. "Sir! Tara na ho, lumalakas na ulit ang ulan baka mahirapan tayo 'pag bumaha sa kalsada," sabi nang palagay ko ay driver niya base sa uniporme. "Okay." Nakaramdam ako ng lungkot, hindi pala siya pwedeng manatili. Ang buhay niya ay may mahalaga kaysa sa'min. Nang akala ko ay aalis na siya ay may bumalot na mabangong bagay sa balikat ko. Gulat ko 'yong hinawakan. Agad akong napalingon pero ang naabutan ko lang ay paglakad niya paalis. Nanuot sa ilong ko ang pabango niyang halatang mamahalin, hindi pa rin ako makapaniwala, sadya niya ba itong iniwan sa'kin? o nalaglag lang? Wala naman siyang sinabi...Ayos lang ba na nasa balikat ko 'to? paano kung madumihan, maputikan at bumaho? Paano ko papalitan 'to, kahit hawakan ay kinakatakot ko. Wala kaming pera pamalit. Hindi ko namalayan na napatulala na pala ako sa kawalan, kung hindi pa ako kinausap ni Mama ay mananatili akong tuliro. "Oh, kanino 'yan?" tanong niya habang pinupunasan sa damit ang basang kamay. Uminit ang mukha ko sa di malamang dahilan. Paano ko ba sasabihin kay Mama na bigla na lang iniwan ang brown na Jacket sa balikat ko ni sir Haze? "Saan ka nanggaling, Benna? Iyang anak mo kursunada yata ni sir Haze, aba't nakita naming ipinatong ang Jacket sa balikat niya," tsismis ng kapit-bahay kay Mama. "Ano ka ba mare, nag magandang-loob lang 'yung gwapo sa bata kase nilalamig!" sabi naman nang isa na may mapait na ngiti. Minsan ang inggit ay may maganda ring dulot. Binalingan ako ni Mama. Hindi ko maintindihan ang ekspresyon sa mukha niya, pero wala naman siyang sinabi kundi, "Magkakape tayo mamaya kung nilalamig ka." Natahimik lang ako, kilala naman ako ni Mama at alam niyang imposibleng totoo ang sinasabi ng mga tsismosa. "Ikaw, tigilan mo nga 'yan. Hindi naman siya magugustuhan non, ang kinis kinis ng balat, nakita mo naman parang modelo tapos magkakagusto sa ganyan ang kutis?" Eto na naman sa bulong na naririnig naman. Nilibot ko ang tingin ko at marami rin ang matalas ang tingin sa'kin, at sa Jacket na nasa balikat ko. Alam kong narinig din ni Mama ang bulong pero minabuti niyang hindi na lang patulan. Sanay na kami. Muli akong pinaalalahanan na ang balat na hindi kaputian ay minamaliit, kahit pa anong kinis at linis ay hindi mababago ang kulay. Pero isa lang ang nasisiguro ko, maganda ako. Hindi ko man maipagmalaki ngayon ang kulay ko, darating ang araw na hindi ko na kailangan pang manahimik sa mga mapang-api. "Ate, ang bait ni Superman 'no?" si Junmar na tinatanaw din ang lakad ni sir Haze palayo. Si Mama ay nakatuon na ang atensyon sa cellphone niyang touch screen, bigay lang 'yon at pinaglumaan ng amo niya. Napansin kong kanina niya pa iyon tinitignan at nagtitipa habang hindi mapalagay ang itsura. Hindi na ako nag tanong pa, baka amo niya 'yon at nagpapaalam siyang hindi makakapasok ngayon. Hindi nag tagal, nagkaroon muli ng komusyon nang isang truck ang dumating. Lahat ng tao sa court ay umaasa na relief goods iyon, at hindi kami nagkamali. "Magsi-upo po ang lahat sa kani-kanilang pwesto, hindi na kailangan tumayo at pumila, kami na ang pupunta sa inyo." Maingay at magulong nagsi-balikan ang mga tao sa pwesto nila. Mabuti talaga at hindi kami sa gitna dahil ang iba ay naaapakan na sa pagmamadali ng iba. "Salamat po," nakangiti kong pasasalamat sa nag-abot. Mukhang hindi sila taga-barangay dahil iba ang uniporme nila, at mas malalaki ang katawan. Naka-mask sila pero hindi ito naging hadlang para mapansin ko ang napatagal na titig sa'kin nung lalaki. Pinagsawalang bahala ko na lang 'yon. "Wow, yummy," komento ng kapit-bahay. "Ate, ano'ng laman?" agad na tanong ni Junmar. Maging si Mama ay na-intriga at tinulungan akong buklatin ang malaking eco bag. Nanlaki ang mata ko ng makita ang laman, mayroong spam na nakikita ko lang na naka-kandado sa isang supermarket nang mamasyal kami. May ilan pang pang-personal na gamit gaya ng tissue, alcohol, at wipes. Mayroon ding gatas, kape, mga rekado sa pagluluto ng spaghetti dahil may sauce at noodles. Mayroon ding tinapay na may flavor at ngayon ko lang nakita. "Wow! ate pahingi ako niyan," masiglang sabi ni Junmar. Napangiti ako at inilabas ang tinapay na bago lang sa akin, mukha itong mamahalin base sa lalagyan. "Pahingi nga rin ako, anak," si Mama na mukhang natakam din sa tinapay. Inabot ko sa kanya ang isa na may parang balahibo sa ibabaw, hindi ko alam kung ano ang tawag pero mukhang masarap. Kanya-kanyang kain ang lahat, naalala ko na hindi ko napansin si Marisa at ang Lola niya rito sa court, saan naman kaya sila sumilong? "Ma, nasaan kaya sila Marisa?" nakaka-kwentuhan ni Mama ang Lola ni Marisa, malakas pa naman kahit papaano si Aling Linda. "Nandoon sa simbahan nila, 'yung...ano'ng tawag don? basta, 'yung dapat mahaba ang buhok mo at mahaba ang palda," sabi niya. Tumango na lang ako, naalala ko nga na iba ang relihiyon ni Aling Linda, mabuti naman at may mapupuntahan sila sa oras ng sakuna. "Mag-punas ka ng kamay mo gamit 'tong tissue at alcohol," utos ko sa kapatid. Si Junmar ay masunurin sa'kin kahit hindi naman ako ang Mama. Alam niya kase na mahal ko siya at wala nang panahon pa si Mama para punahin siya o pagsabihan. "Eto 'yung pangalawang poste, dito raw ba banda?" Napalingon ako sa mga lalaking nag-uusap sa tapat namin habang tinuturo ang poste sa malapit. "Oo, teka tanungin natin." "Excuse me, ikaw po ba si Miss Selene?" baling ng lalaki kay Mama. Kunot-noo si Mama nang bumaling sa'kin, nagkatinginan kami bago ako sumagot. "Ako po 'yon, bakit po?" sagot ko. Mukhang nagulat pa ang lalaki bago kumamot ng batok, nagkatinginan sila ng kasama niya at itinuro ang pwesto namin sa ilan pang mga lalaki. Maya-maya ay may isang parang aircon na may gulong ang inilagay sa tapat namin, at nang umandar 'yon ay nalasap namin ang init, sapat lang para maibsan ang lamig, nakaramdam ako ng ginhawa kasabay ng pagkalito. "Wow, may special treatment?" rinig kong sabi ng kung sino. "Ano bang ginawa mo, Sese? bakit may ganito rito?" si Mama na hindi na natiis mag-tanong dahil sa mga bulong-bulungan. Hindi naman siya galit, marahil ay nag-aalala lang din. Umiling ako. "H-Hindi ko alam, Ma. Wala naman akong inorder?" sagot ko Tinignan lang ako ni Mama. Kinabahan tuloy ako, baka may renta pala 'to? baka may nanti-trip sa'kin at inilista sa pangalan ko? naku, kung sisingilin kami sa kuryente ay baka mahimatay ako. Mukhang malakad pa naman ang sagap nito. 'Wag naman po sana, Panginoon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD