ELARA’S POV:
“Elara June Ynares!” napalingon ako nang marinig ang pamilyar na tinig ng kaibigan kong si Akane Samaniego.
Mula pa pagkabata ay magkaibigan na kami dahil na rin magkatabi lamang ang mga bahay namin. Madalas siyang nasa bahay noon para makipaglaro sa akin dahil nag-iisang anak lamang ako ng mga magulang ko habang siya ay may nakatatandang kapatid na lalaki, si Kenji.
“Buong pangalan ko talaga?” taas ang kilay kong tanong rito.
“Ang bilis mo naman kasing maglakad! Hintayin mo naman ako!”
Madaldal at hyper si Akane, sobrang prangka ngunit marami siyang kaibigan dahil na rin sa pagiging bubbly ng personality niya. May katangkaran siya at maputi ang balat na makinis. Half-Filipino, half-Japanese si Akane. Isang negosyanteng hapon ang mommy niya habang ang daddy niya ay nagtuturo bilang teacher sa high school na pinanggalingan namin.
Magkaibigan ang mga magulang namin. Ang tawag nila sa amin ay ‘Yin Yang’ dahil sa magkaibang personality at attitude namin. Kung siya ay maligalig, ako naman ay tahimik kaya palagi niyang banat sa ibang tao ay ‘opposites do attract’.
Tumigil ako sa paglalakad at ngumiti sa kaniya, “Huwag kang tumakbo at baka madapa ka nanaman!” suway ko rito dahil halos hingalin na ito sa pagsunod sa akin.
Nang makalapit ito ay magaan niyang hinampas ang balikat ko, “Kanina pa ako nagmamadaling humabol sa’yo! Akala ko ba sabay tayong pupunta ng Preston?” nakataas ang kilay niyang tanong sa akin.
Maliit akong napangiti saka sumagot, “Aba tinanong ko si tita Naomi ang sabi naliligo ka pa raw kaya mauna na raw ako,” tukoy ko sa kaniyang ina.
“Hay naku talaga ‘yan si mommy palagi na lang sinasabing naliligo ako. Eh nag-aayos lang naman ako ng buhok tapos narinig ko na ang gate ninyo kaya nagmadali akong magkulot,” umiikot ang mga mata niyang turan.
“Tara na at baka ma-late tayo sa enrollment,” yakag ko rito at nagpatuloy na kaming maglakad patungo sa sakayan ng jeep.
Ngayon ang unang araw ng enrollment para sa freshmen entry sa Preston International Academe. Isa ang Preston sa mga kilalang unibersidad sa Pilipinas. Puro anak mayaman ang mga nag-aaral sa Preston ngunit nabigyan ako ng scholarship dahil grumaduate ako bilang salutatorian.
Hindi kami kasing-yaman ng pamilya nina Akane ngunit hindi rin naman kami mahirap. May mga negosyong bigasan at maliliit na sari-sari store ang mama ko habang ang papa ko naman ay isang piloto. Dating stewardess ang mama ko ngunit nang mabuntis siya sa’kin ay nagresign na siya sa trabaho at tumutok na sa pag-aalaga sa’kin.
Hindi na muling nabiyayaan ng anak ang parents ko dahil kinailangang tanggalin ang isang matres ni mama dahil nagkaroon ng maraming bukol ito roon. Ang ending, nagnegosyo na lang siya habang pinapalaki ako.
Bata pa lang ay gusto ko nang maging journalist. Gusto ko sanang maging news anchor ngunit habang lumalaki ako ay mas lalo akong nagiging introvert at mas gusto ko madalas mapag-isa. Gusto ni mama na maging stewardess din ako pero… tatanggapin ba naman ako sa mga airlines kung ang height ko ay 5’1?
Handa namang magbayad ng tuition ang mga magulang ko dahil may trust fund na nakatabi para sa pag-aaral ko. Sinabi ko na lang na itatago ko ang pera na ‘yon para magamit ko kapag kailangang-kailangan ko na.
Si Akane naman ay may ibang pakay kaya nais niyang sa Preston din mag-aral.
“Ano na nga ang kukunin mong course?” tanong ko kay Akane na busy sa pagdutdot sa cellphone niya.
“Mass Comm, para magkasama tayo,” maiksi niyang sagot habang tutok pa rin siya sa pag-scroll sa cellphone niya. Nakangisi pa ito at sandaling tumingin sa akin.
Napailing ako habang nakangiti dahil alam kong kaya niya lang gustong kunin ang kursong Mass Communication dahil gusto niyang makita ang campus crush noong high school na si Devin.
Classmate namin noong high school si Devin at kaming tatlo ay nasa first section. Sikat ito dahil sa pagiging varsity player at the same time, school journalist tulad ko. May pagkamailap ito at madalas ay mag-isa kaya naman ginawang misyon ni Akane na kunin ang atensyon nito ngunit palagi lang siyang bigo dahil mukhang walang balak na makipaglapit sa babae si Devin. Madalang din itong ngumiti at mas gustong magsulat sa notebook niya kesa makipag-usap kahit kanino. Very mysterious ang dating kumabaga.
“Same major tayo ah! ‘Wag kang magpapalit!” biglang turan nito habang hawak ang braso ko.
“Wala akong balak magpalit ano, noon pa man gusto ko na magtrabaho sa print media. Baka ikaw pa ang magpalit kapag hindi ka pa rin pinansin ni Devin,” nakataas ang kilay kong sagot dito.
Muli ay marahan niyang hinampas ang balikat ko habang nakanguso, “Hoy grabe ka! Hindi naman siya ang dahilan kung bakit ako mag Mass Comm ah!”
“Ano’ng hindi? Eh hindi naman ‘yun ang forte mo. Noon ang sabi mo gusto mo maging Psychologist. Tapos nung nalaman mong Mass Comm ang kukunin ni Devin sa Preston biglang nagbago ang isip mo? Tsk tsk… infatuation is clouding you judgment girl,” pang-aasar ko rito.
Hindi na ito muli pang sumagot at pinagsawalang bahala ang sinabi ko. Nang makarating sa Preston ay chineck lang ng guard ang mga ID namin bago kami pinapasok ng campus. Alas-otso pa lang kaya naman hindi pa ganoon karami ang tao sa school. Alas- nueve naman magsisimula ang enrollment ng college kaya may oras pa kaming maglibot.
Malaki ang campus ng Preston at napanganga kaming dalawa ni Akane dahil para kaming nasa ibang bansa sa itsura ng school. Sa gitna ay may malawak na field habang may mga benches na maraming estudyante. May mahabang walkway patungo sa main building at may iilang puno kang madadaanan.
Para akong napunta sa Harvard University sa lawak at ganda ng lugar, ang kaibahan lang ay gawa sa salamin ang mga building. Halata mong ginawa ito para sa mayayamang estudyante.
Nagkatinginan kami ni Akane at palingon-lingon habang naglalakad. Sa sobrang pagkamangha ay hindi ko napansin na ang nilalakaran ko na pala ay mismong daanan ng mga sasakyan. Nagulat na lamang ako nang may biglang malakas na bumusina mula sa likod namin.
“Watch out!” narinig kong sigaw mula sa aming likuran.
“Elara!” malakas na sigaw ni Akane upang kunin ang atensyon ko.
Paglingon ko ay malapit na sa akin ang isang motor na medyo mabilis ang takbo. Ngunit bago pa makalapit ito nang tuluyan sa akin ay may naramdaman akong mahigpit na humawak sa braso ko at mabilis akong hinatak palayo sa motor na paparating.
“Aaah!” malakas akong napasigaw sa gulat.
Tumama ang noo ko sa tingin ko ay dibdib ng humatak sa akin. Malakas ang kabog ng dibdib ko at lalo ko pang idiniin ang mukha ko rito dahil sa nerbyos. Ang amoy ng pabango nito ang nagpakalma sa ninenerbyos kong puso.
‘That was a close call Elara. Focus kasi!’ singhal ko sa sarili.
“Are you okay miss?” ani ng malamyos na tinig ng lalaki malapit sa tenga ko.
‘Ang ganda naman ng speaking voice niya…’
“Miss?” ulit nito ngunit lumilipad ang isip ko dahil sa boses niya. Parang ipinaparamdam ng boses niya na sa mga yakap niya ay safe ako…
‘Teka, yakap?’
Para akong binuhusan ng malakig na tubig nang mapansing nakayakap pala ako ng mahigpit sa lalaki. Napalunok ako nang maramdaman na mahigpit din ang pagkakayakap niya sa’kin.
‘Ang bango bango niya naman…’
“Miss baka-“ turan nito ngunit agad na naputol dahil sa malakas na sugaw ni Akane.
“Aahh! Elara oh my gosh!” tili ni Akane nang makalapit sa akin. Agad niya akong hinatak palayo sa lalaki at niyakap.
‘Huy teka ‘wag mo muna akong ilayo Akane,’ bulong muli ng isip ko.
Hinawakan ni Akane ang mukha ko at pinatitig ako sa kaniya, “Elara okay ka lang ha? Naku ikaw kasi kung saan-saan ka nakatingin!” marahan niya akong pinalo sa braso at halos mangilid ang luha niya sa magkahalong inis at pag-aalala niya sa akin.
“O-okay lang ako a-ano ka ba,” malakas pa rin ang kabog ng dibdib kong sagot dito. Nilingon ko ang lalaking nagligtas sa akin at pakiramdam ko ay mauubusan ako ng hininga nang magtagpo ang mga mata namin.
Brown eyes, pointed nose, heart-shaped plump lips, thick eyebrows, and oh that brow piercing! Napakalalim ng mga mata niyang sobrang expressive. Pakiramdam ko kakainin ako nang buo ng mga mata niyang iyon. And his lips… oh I could ki-
“Are you okay?” tanong nitong muli sa akin ngunit hindi ko magawang sumagot dahil busy pa ang utak ko sa pag-aaral sa kaniyang mukha.
‘Lord, tao pa po ba ito?’ tanong ko sa sarili.
Kumakaway ito sa akin na para bang tinitingnan kung nakikita ko siya at bumubuka ang bibig ngunit hindi ko siya naririnig, para akong may sariling mundo dahil ngayon lang ako natameme ng ganito dahil sa lalaki. At mukhang hindi maproseso iyon ng utak ko.
Malakas na tapik sa balikat ang nagpabalik ng ulirat ko.
“Elara nakakahiya ka tinatanong niya kung gusto mo bang dalhin ka niya sa clinic!” mariing bulong sa akin ni Akane.
Hinamig ko ang sarili at muling tumitig sa mga mata nito.
‘Grabe ang guwapo niya talaga…’
“Ahm… t-thank you s-so much for helping me, if not for you baka kuwento na lang ako…”turan ko at nahihiyang ngumiti. Ramdam ko ang pag-iinit ng magkabilang pisngi ko sa kahihiyan.
Nang ngumiti ito ng malapad sa akin ay parang gustong sumama ng bait ko sa hangin.
“No worries, I hope next time maging aware ka na sa lalakaran mo. I’m Stryker by the way,” nakangiti niyang inabot ang kamay niya sa akin. Napatitig ako sa mga kamay niyang may kahabaan ang mga daliri na tila kayang hawakan ng buo ang kamay ko.
“I-I’m Elara…” nahihiya kong tugon.
“Nice to meet you Elara, see you around gorgeous,” he clicked his tongue and went on his way while whistling.