RAMDAM na ni Abbey ang pag-init ng mga mata habang nakatitig sa martini na hawak. Muli ay nasa Lobby bar siya at tuluyang hinayaan ang sariling uminom. Natalo siya ng wedding shower kanina. Ang inakala niyang ‘maayos’ na pakiramdam ay tuluyan nang magbago nang makita kung gaano ka-supportive ang mga tao sa pag-iisang dibdib nina Monique at Jock.
Tama na rin naman sigurong pagbigyan niya ang sarili. Bukas na ang kasal ng dalawa. Ngayon pa lang ay tuluyan na niyang ubusin ang luha na naipon simula pa noong nalaman niyang may nararamdaman siya para kay Jock.
Ah, grabe… nakakalungkot ang mag-isa.
Gusto niya sanang tawagan si Georgie kaso ay alam niyang nasa trabaho ito nang mga ganoong oras. Ayaw naman niyang makaistorbo. Hindi naman siya mandadamay pa porke’t masama ang pakiramdam niya.
She better go somewhere else. Mahirap na’t may magawa pa siyang pagsisihan sa huli.
Kukunin na sana niya ang atensyon ng bartender upang ipalagay sa tab ng hotel room niya ang bill pero bigla niyang naalala na sina Monique nga pala ang magbabayad ng accommodation niya roon. Paano kung malaman nitong nag-iiinom siya?
Tsk! Ayaw pa naman niya ng mga tanong. Kaya naman binuksan nalang niya ang bag at hinanap ang pitaka. Pero imbes na ang pitaka ang nakita ay una niyang nasilayan ang calling card na bigay ni Niccolo.
Nasaan na kaya ang lalaking iyon?
Pagkabayad ay agad siyang nagtungo sa rent a car station ng hotel. Siguro ay mas magiging magaan ang pakiramdam niya kung makikita niya ang ganda ng city lights ng Las Vegas habang nagmamaneho.
Wala pang sampung minuto ay nasa kalsada na siya. Sulit na sulit ang inarkila niyang kotse dahil maganda iyon at mukhang bago pa.
Mabilis din kaya ito?
Sinubukan niyang tapakan ang sinilyador ng kotse. Woooh! Mabilis nga. Pero mas maganda kung may music na background. Binuksan niya ang music app ng kanyang cellphone at kinonekta iyon sa bluetooth ng sasakyan. Nang mahagilap ang playlist ni Britney Spears ay nilakasan niya ang volume ng tugtog. Hindi man niya naabutan ang kapanahunan ng artist ay paborito paborito pa rin niya iyon. She grew up listening to her songs.
Ooops, I did it again...
Nagsisimula na siyang mag-enjoy sa kanyang joyride. At least gumagaan na ang kanyang pakiramdam. Pero nang tumugtog na ang sumunod na awit ay natigilan siya. Napakalungkot kasi ng kanta. Kanta ng mga may unrequited love.
Pucha! Naalala na naman niya si Jock. Nararamdaman na naman niya ang pag-init ng kanyang mga mata. Hanggang sa tuluyan na ngang umagos ang kanyang mga luha.
Para kang timang, Abbey! Paalala niya sa sarili. Kinuha niya ang kanyang cellphone para patayin sana ang tugtog nang maramdamang ang pagkabangga ng bumper ng kanyang kotse sa naunang sasakyan.
Holy crap!
Isang black American ang lumabas mula sa iitim na AUV. Nakahawak sa batok ito na tila minamasahe iyon. Tiningnan nito ang puwetan ng kotse nito at saka inilipat ang tingin sa kotse niya. Bakas na bakas ang pagkainis sa mukha ng lalaki.
What the f**k have I done?
NAKAUPO si Abbey sa harap ng isang police officer habang kinukunan siya ng statement. It’s her first time to get arrested for drunk driving. Kahit ano pang rason niya na hindi siya lasing ay ‘di iyon binibili ng mga pulis. Oh no! She’s going to jail just because of her stupid heartbreak.
Napahawak siya ng mahigpit sa kanyang cellphone. Gusto niyang tawagan ang kaibigang si Georgie para tulungan siya pero kahit pa makontak niya ito ay hindi naman siya agad matutulungan dahil ilang milya ang layo ng New Jersey sa Las Vegas. Wala talaga siyang ibang choice kung hindi tawagan si Monique. Pero kaya ba niyang sirain ang gabi ng kaibigan. Nagbu-beauty rest ito dahil kasal na nito bukas! How could she call her?
Si Jock kaya?
Of course, no! Ang lalaking iyon ang dahilan ng kanyang pagdadrama tapos ito ang hihingan niya ng tulong? If only there’s someone who’s willing to help her. Someone capable. Someone like…
Mabilis niyang binuksan ang bag at hinanap roon ang calling card ng kaisa-isang taong matinong nakausap niya sa weekend na iyon. Lulunukin na lang niya ang lahat ng hiya sa katawan. And besides, he promised to help her with ANYTHING. Anything!
Nang makita niya ang card ay agad niya iyong tinawagan.
“Hello… Niccolo?”
WHEN you say rich… it’s Niccolo. When you say influential, it’s still Niccolo. When you say hottie… it’s still definitely Niccolo. And when you say reliable… no one can compare to Niccolo.
Niccolo Moretti just saved her ass tonight. Isang tawag lang niya rito ay bigla na lang nagbago ang lahat. Pati ang pakikitungo sa kanya ng umaresto sa kanya. At kahit ang may-ari ng sasakyan na nabangga niya ay agad na inatras ang reklamo!
What the hell? Ganoon ba ka maimpluwensya ang isang Niccolo Moretti?
Palabas na siya ng presinto nang biglang may humintong sasakyan sa kanyang harap. It was an Audi. Bumukas ang bintana ng kotse at nakita niya ang isang mukha ng driver.
Luigi?
“Hello, Miss Abbey. My boss… I mean Niccolo asked me to fetch you. He’s at Caesar’s Palace,” anas ng lalaki.
At may free ride pa? Hindi na siya nagdalawang isip at sumakay na ng kotse. Umupo siya tabi ni Luigi.
“Had a rough night, huh?” bakas ang Italianong accent sa boses nito.
Napangiti siya bago tumango. “Yeah… I was a bit distracted while driving. Thank God, Niccolo helped me out. I can’t believe there’s someone as kind as him.”
Ngumiti lang si Luigi at hindi na nagsalita. Hindi niya tuloy alam kung sumasang-ayon ito sa sinabi niya.
“Ah, your arm. Is it better now?” tanong niya nang maalala ang sugat nito kahapon.
Luigi raised his arm and flexed it. “I think it’s fine. Thanks for helping me yesterday.”
Natutuwa siyang maayos na ang pakiramdam ng lalaki. Nccolo must have taken good care of him.
Ilang minuto pa ay narating nila ang hotel. Iginiya siya ni Luigi papasok sa suite room ni Niccolo. Nais kasi niyang magpasalamat rito. Pagpasok pa lang niya ay nahigit na niya ang hininga. Ang laki ng kwarto nito! At napakaganda pa ng view mula sa glass wall roon.
“You’re here.”