KINABUKASAN nagising siyang masakit ang ulo. Sapagkat hindi siya nakatulog nang maayos. Iniisip niya ang kalagayan ng kanyang Ate Ericka. Kagabi naririnig niya itong umiiyak, kaya kinausap niya ito. Nagimbal siya nang sabihin nito na ipapalaglag ang bata. Muntikan na niyang masampal ang ate niya pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Niyakap na lamang niya ito ng mahigpit.
Kaya magdamag siyang nag-isip kung sasabihin na ba sa kanilang magulang ang kalagayan ng ate niya. Bago siya natulog ay nakapagpasya siya ng tama. Kailangan nang malaman ng kanilang magulang ang totoo. Ayaw niyang ituloy ang binabalak ng ate niya.
Tumayo na siya at lumabas na ng kuwarto. Naabotan niya ang kanyang mga magulang na nasa sala at ang kanyang ate. Sabay-sabay pa ang mga ito na tumingin sa kanya. Kaya takang lumapit siya.
“Ivy, umupo ka mo na. May pag-uusapan tayo.” wika ng kanyang ama.
Kaya umupo siya sa tabi ng kanyang Ate. Tumingin siya sa kanyang Ate at ngayon lang niya napansin na umiiyak pala ito. Bumaling siya ng tingin sa kanyang Inay at Itay. Umiiyak rin ang kanyang Inay Medina ang kanyang Itay na naman ay seryoso ang mukha.
Kaya naman kinabahan na siya. “Inay, Itay, bakit po.” kunwari na tanong niya.
“Hanggang kailan ninyo ililihim sa amin ang lahat? Alam mo na pala Ivy bakit hindi mo sinabi sa amin ang kalagayan ng Ate Ericka mo.” galit na wika ng kanyang Itay.
Yumuko siya, “Sasabihin naman namin sa inyo. Kaso lang po natatakot po kami baka po kayo magalit.” malumanay niyang sagot sa kaniyang Itay.
“Ericka!” galit na tawag ng kanyang Itay. “Saan kami nagkulang ng Inay mo?”
Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ng ate niya. Ramdam niya na nanginginig na ito sa takot.
“Itay, sorry po. Hindi ko po sinasadya.” umiiyak na wika ng ate niya.
“Hindi sinasadya!” mataas ang boses nito na wika. “Lahat binigay namin ng Inay ninyo sa inyo para lamang mabigyan kayo ng magandang buhay. Pinag-aral kita para matulungan mo kami ng Inay mo. Pero ano itong ginawa mo, nagpabuntis ka.” galit na wika ng kanyang Itay kay Ate Ericka.
Umiiyak na rin siya hindi niya inaasahan na ganito ang mangyayari. Ang gusto niyang mangyari ay siya ang kakausap sa kanila.
“Itay, wala na po tayong magagawa kundi tanggapin ang lahat. Nandito na po ito,” nakayukong wika ni Ivy. Narinig niyang nagmura ang kanyang Itay kaya napapikit siya ng kaniyang mga mata. Hinigpitan pa niya ang kapit sa kamay ng ate niya.
Umangat ang kanyang ulo nang marinig niya ang hagulhol na iyak ng kanilang Inay.
Tumayo siya at lumapit dito. “Inay, okay, lang kayo?” tanong niya sa kanyang Inay. Natatakot siya baka atakihin na naman ito. Tumayo siya at nagtungo sa kusina. Kumuha siya ng tubig. Pagdating niya ng sala nakita niya ang kaniyang Ate Ericka na nakaluhod sa paanan ng kanyang Itay habang patuloy na umiiyak ito.
Pinainom niya ang kanyang Inay ng tubig. Nang matapos itong makainom ay tumayo ito at lumapit kay Ericka. Itinayo nito si Ericka at niyakap.
“Anak, mahal na mahal kita.” wika ng kanyang Inay Medina kay Ericka.
“Mahal ko din po kayo. Sorry po kung nangyari ito sa akin. Sorry kung nabuntis agad ako. Pangako po, pagkatapos ko pong manganak. Tutuparin ko ang mga pangarap ninyo sa akin.” umiiyak pa rin na wika nito. Habang yakap ang inay nila.
Lumapit naman siya sa kaniyang Itay. “Itay, sorry po kung hindi namin agad nasabi ang totoo sa inyo. Patawarin po ninyo kami ni Ate Ericka.”
“Ano pa ba ang magagawa namin kundi tanggapin ang nangyari.” may hinanakit na tugon nito.
“Ikaw, Ivy, baka malaman ko din na buntis ka, ha. Ngayon pa lang ay sabihin mo na.” wika ng kanyang ama sa kanya kaya naman ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat.
“Si Itay patawa, wala po akong boyfriend. At saka wala pa sa isip ko iyan. Dahil gusto kong makatapos ng pag-aaral.” tugon niya dito.
Tumingin ito sa kanya. “Aasahan ko iyan.”
Tumango siya at umupo sa tabi ng kaniyang ate. Niyakap niya ito.
“Ericka, anong plano mo ngayon. Alam ba iyan ng boyfriend mo?” may himig na galit pa rin na tanong ng kanilang Itay.
Tumingin ito sa kanya kaya naman tumango siya rito. “Itay, hindi pa po alam ni Greg na buntis ako.” nakayukong wika ng kanyang ate.
“Ano?!” galit na tanong ng kanilang Itay.
Napapikit ng mga mata si Ivy, ramdam niya ang galit ng kanilang Itay. Naramdaman niya na humawak sa kamay ang Ate niya. Kaya nagmulat siya ng mata at tumingin dito. Nakikita niya rito ang takot. Sa kanilang dalawa, ang Ate niya ang mabait. Hindi ito marunong sumagot sa magulang. Hindi tulad niya na hindi mawalan ng katuwiran. Hindi din siya nagpapatalo.
“Marsing, huminahon ka mo na. Hayaan muna natin na magpaliwanag iyang anak mo.” pag-alo ng kanilang Inay sa kanilang Itay.
“Tumayo ka diyan at pupunta tayo ngayon din kina Greg. Kailangan ka niyang panagutan.”
“Itay, hayaan po muna natin na si Ate ang magsabi kay Greg. Huwag po mo na tayong makialam sa kanila.” wika niya sa kanilang Itay.
“Marsing, tama si Ivy. Hayaan natin na si Ericka ang magsabi kay Greg.”
Umiling-iling ang kaniyang Itay. “Hindi ko hahayaan na madungisan ang iniingatan kong pangalan at dignidad dahil dito. Kaya Ericka kausapin mo si Greg dahil kung hindi, ipapadala kita sa isla ng Simara. Doon kina Tita Evelyn mo.” matigas na pagkakasabi nito sabay tumayo at lumabas ng kanilang bahay.
Lumapit sa kanila ang kanilang Inay at muling niyakap si Ericka. Patuloy sa pag-iyak ito. Naaawa siya sa kaniyang ate. Kung may magagawa lamang siya para dito, nagawa na niya. Gustuhin man niyang kausapin si Greg pero wala siyang karapatan na sabihin dito ang kalagayan ng ate niya.
“Ate, tama na. Makakasama iyan sa iyo.” pag-alo niya dito. “Mawawala din ang galit ni Itay.”
“Hindi ko alam kung paano sasabihin kay Greg.” wika ng kaniyang Ate.
“Ericka, anak, karapatan niyang malaman ang totoo dahil siya ang ama niyan.” malumanay na wika ng kanilang Inay.
Mabuti na lang at hindi inatake ang kanilang Inay. Natakot siya kanina dahil baka atakihin ito. Pasalamat sila at mabait ang kanilang magulang lalo na ang kanilang Inay. Nauunawaan nito ang kalagayan ng kanyang Ate.
“Ate, gusto mo samahan kita kapag kinausap mo si Greg.” wika niya sa ate niya.
Umiling-iling ito saka tumingin sa kanya. “Huwag na, Ivy. Kaya ko siyang kausapin ng ako lang. Handa akong tanggapin ang maging pasya niya. Handa akong tanggapin kung sakaling hindi niya ako panagutan.” malungkot na wika nito.
“Okay, nandito lang kami. Hindi ka namin pababayaan. ” wika niya sabay yakap dito.