2002
“AND THE winner is...” Pumailanlang ang tunog ng drumroll sa mga speaker sa plaza. “And the winner is contestant number six! Zantiago “Ziggy” Balaknoy, our Miss Teen Gay 2002!”
Nagtitili at nagtatalon si Khloe nang marinig niya ang pangalan ng panalo. Masayang-masaya siya. Mas nilakasan niya ang pagtili nang ipatong sa ulo ni Zantiago ang korona.
“Hoy, nakakahiya ka, tumahimik ka nga,” nakangiting saway ni Grace sa kanya. Si Grace ang pinakamatalik niyang kaibigang babae sa eskuwelahan.
“Nanalo siya! Nanalo siya,” tili niya habang mahigpit na hawak ang braso ng kaibigan.
“Aray naman, nasasaktan na `ko.”
Inalis ni Khloe ang kamay sa braso ni Grace at pinisil ang matambok nitong pisngi. “Siya ang reyna!”
“Pinagdudahan mo pa talaga si Zantiago? `Yang ganda niyang `yan? `Yang gandang dumaig sa ganda ng lahat ng babae dito sa Salem?”
Tumalon-talon siya. “Panalo siya.” Hindi talaga masukat ang kaligayahan ni Khloe habang nakatingin kay Zantiago sa itaas ng stage at kumakaway-kaway sa audience na naghihiyawan at pumipito. Kumikinang ang kagandahan nito.
Napailing na lang si Grace. “Nababaliw ka talaga sa magandang lalaking `yan, ano?”
“Alam mong hindi naman siya talaga binabae. Kailangan lang niyang gawin ito para kumita ng kahit kaunting pera.”
“Hindi lahat ay naniniwala na hindi siya binabae, Khloe. Ang totoo, ikaw lang ang katangi-tanging naniniwala na hindi siya binabae.”
“Wala akong pakialam. Basta alam ko ang totoo.”
Binabae ang tingin ng lahat kay Zantiago dahil masyadong maganda ang mukha para sa isang lalaki. Mestiso ito at halatang may lahing banyaga. Maganda ang pagkakakulot ng buhok na natural sa pagiging kulay-tanso. Payat din kahit na batak ang katawan sa trabaho. Hindi lang iyon, binabae ang kuya ni Zantiago na si Gregorio. Hindi katulad si Gregorio ng ibang bakla na malamya ang kilos, ngunit alam pa rin ng lahat na hindi ito tunay na lalaki.
Tampulan ng tukso sa eskuwelahan si Zantiago dahil doon. Pati ang pagkaka-spell ng pangalan nito ay pinagtatawanan. Ayon kay Zantiago, naisipan daw ng ina ng lalaki na gawing unique ang pangalan kaya imbes na “S” ay ginawa iyong “Z.” “Tiago” ang tawag kay Zantiago ng karamihan ngunit simula noong sumali-sali na sa mga gay beauty pageant, naging “Ziggy” na ang palayaw. Mas soft at sosyal pakinggan ngunit hindi talaga maituturing na feminine. “Ziggy” na rin ang itinawag niya kay Zantiago dahil masyadong common ang “Tiago.” Mabantot pa.
Ayon sa tiyahin ng magkapatid na kumupkop sa dalawa at mahilig makipagtsismisan, nagbebenta ng aliw ang hipag nito sa Maynila. Magkaiba ang ama nina Gregorio at Zantiago ngunit parehong banyaga. Itim ang ama ni Gregorio kaya maitim din ito. “Nognog” at “baluga” ang iilang pangalang itinatawag dito ng mga bata bukod sa “bakla.” Hindi naman iyon gaanong alintana ni Gregorio. Puti naman ang ama ni Zantiago. Matingkad na asul daw ang mga mata ni Zantiago noong ipinanganak ngunit habang lumalaki ay unti-unting naging light brown.
Nang mamatay ang ina nina Gregorio at Zantiago sa isang malagim na aksidente sa daan, kinuha ng lola ang magkapatid. Pumanaw ang matanda pagkalipas lang ng dalawang taon. Napunta sina Zantiago at Gregorio sa nag-iisang kapatid ng ina.
Alam ni Khloe na hindi maganda ang pagtrato sa magkapatid ng mga kamag-anak. Inalila ang magkapatid. Ang sabi pa nga ng ilan, ginawang kalabaw si Gregorio. Napakabait ng kuya ni Zantiago. Madalas si Gregorio sa kanila dahil ito ang tinatawag ng kanyang ina tuwing kailangan ng makakatulong sa bukid na sinasaka nila. Matiyaga si Gregorio at walang karekla-reklamo sa trabaho. Masigasig kaya gustong-gusto ng kanyang ina.
Naging magkaklase sila ni Zantiago mula nang lumipat siya sa public school sa bayan. Nang makita niya si Zantiago sa unang araw sa bagong eskuwelahan, natulala siya sa gandang lalaki nito. Hindi sila gaanong nagkikita dahil iba ang mga kaibigan niya dati. Mas madalas siya sa kabilang bayan kung saan naroon ang isang magandang private school. Kapag nasa bahay naman ay madalas siyang nakakulong sa silid. Medyo may-kalayuan ang bukirin sa bahay nila kaya kung tumutulong man si Zantiago sa nanay niya, hindi pa rin niya ito madalas nakikita.
Magandang lalaki si Zantiago—masyadong maganda para sa pamantayan ng iba. Napakakinis ng mukha at balat. Kung ang mga kaklase nila—kasama na siya—ay pinoproblema ang pagtubo ng pimples, si Zantiago ay walang kaproble-problema. Kahit nagtatrabaho sa bukid, mabilis pa ring pumuti ang kutis ng lalaki. Kaunting ayos nga lang ay nagmumukha nang babae. Hindi kailangan ni Zantiago ng masusing pagme-make up upang magmukha itong babae hindi katulad ng ibang mga baklang sumasali sa mga pageant.
Mas tumindi ang paniniwala ng lahat na binabae si Zantiago dahil sa pagsali-sali sa mga beauty pageant. Hanggang sa ibang bayan ay sumasali ang lalaki. At palaging nananalo.
Naging kaibigan ni Gregorio ang manikurista na umiikot-ikot sa baryo nila, si Manang Emma. Marunong din itong manggupit at mag-make up. Dahil likas yatang curious ang mga binabae sa mga ganoong gawain, nagpaturo si Gregorio. Tuwing hindi abala sa bukid, umiikot ang lalaki sa baryo upang maglinis ng mga kuko o manggupit. Hindi nagtagal, ang manikuristang mentor ni Gregorio ay nagkaroon ng maliit na puwesto sa bayan. Hindi man full-time dahil kailangan pa rin sa bukid, nagagawa pa rin nitong tumulong doon. Hindi niya sigurado kung kanino nanggaling ang ideyang sumali si Zantiago sa mga patimpalak katulad ngayong gabi. Hindi magandang bakla si Gregorio. Maskulado ang katawan ni Gregorio at masyadong maitim kaya siguro naisip na mas mainam na si Zantiago ang sumali.
Nang matapos ang pagbibigay ng mga parangal sa entablado ay hinila ni Khloe si Grace patungo sa backstage. Hinanap nila si Zantiago. Natagpuan nila itong nakaupo sa isang monobloc chair at nakaupo tulad ng isang lalaki—walang hinhin at arte. Hindi niya napigilan ang matawa sa hitsura nito.
Lumapit sila rito. “Congrats, Kuya Goryo, Ziggy! `Sabi ko naman sa `yo, mananalo ka, eh. Ikaw kaya ang pinakamaganda sa lahat. Kinabog mo pa ang question and answer portion.”
Matalino si Zantiago. Isa ang lalaki sa mga nangunguna sa klase nila. Mahilig ding magbasa ng kahit na ano. Pampubliko man ang eskuwelahan nila, isa iyon sa iilang eskuwelahan na hindi pinababayaan ng gobyerno at maganda ang kalidad ng edukasyon. May malaki silang library na napuno dahil sa tulong ng maraming tao. Madalas niyang matagpuan si Zantiago doon tuwing recess at vacant period.
Nginitian siya ni Zantiago. “Salamat, Khloe.”
“May kasabay ka ba pauwi, Khloe?” tanong ni Gregorio sa kanya. “Sumabay ka na sa tricycle namin. Baka hinahanap ka na ng nanay mo. Malamang na hindi pa `yon nakakatulog sa paghihintay sa `yo.”
Tumango si Khloe. “Salamat, Kuya.” Palaging mabait sa kanya si Gregorio at sa mga kapatid niya. Sa palagay niya ay dahil iyon sa kanyang ina.
Pinisil niya ang pisngi ni Zantiago. “Ang ganda mo talaga.”
“Salamat.” Mukhang bahagya pang nahiya si Zantiago. Palaging ganoon ang lalaki.
Ang totoo ay si Khloe ang lumapit dito at nakipagkaibigan. Tila nangingilag kasi si Zantiago sa kanya. Napansin niya na kakaunti lang din ang mga kaibigan ng lalaki sa eskuwelahan. Madalas nga itong pinagtatawanan ng marami.
Minsan ay hindi siya kinakausap ni Zantiago kung hindi siya ang lalapit at magsisimula ng usapan. Marami ang nagtatanong kung bakit natutuwa siya sa lalaki.
Simple lang naman ang sagot doon, si Zantiago ang kanyang first love.
Pinagtawanan si Khloe ni Grace nang sabihin niya iyon. Hindi raw siya maaaring maging seryoso. Paano raw siya mai-in love sa isang lalaki na lalaki rin ang gusto. Iginigiit niya sa tuwina na hindi naman binabae si Zantiago. Lalaking-lalaki ito. Bakit ba hindi iyon makita ng lahat?
“Kinabahan ka ba kanina? Paano mo natutuhan `yong mga ganoong lakad mo? Ang taray ng kembot mo, ha. Saka ang ganda ng pagkaka-makeup sa `yo ni Kuya Goryo. Kuya, ang husay-husay mo na talaga. Sa JS, gawin mo rin sa `kin `to, ha?” Hindi na hinintay ni Khloe na sagutin siya ni Kuya Gregorio, ibinalik niya ang atensiyon kay Zantiago. “`Yong talent mo, panalo! Ang ganda, ganda, ganda talaga ng boses mo. Dapat kumakanta ka rin sa mga program sa school.”
Lumuwang ang ngiti ni Zantiago ngunit hindi nagsalita. Nakatitig ito sa kanyang mukha at tila labis na naaaliw sa kanya. Nagniningning ang mga mata na lalong nagpatingkad sa kagandahan ng lalaki.
Hindi karaniwang ganoon ka-hyper si Khloe. Masyado lang siyang masaya para kay Zantiago. Masaya siya sa pagkapanalo ni Zantiago dahil alam niyang malaki ang maitutulong niyon sa magkapatid. Kahit hindi nagsasabi si Zantiago, alam niya na hindi madali ang buhay nito.
“Nakakakaba ba sa stage kanina?” tanong uli ni Khloe dahil tila walang balak sumagot si Zantiago.
Tumango si Zantiago. “Medyo.”
“Parang hindi ka nga kinakabahan. Serene na serene ang hitsura mo. Ang ganda-ganda. Hindi pa nawala ang ngiti mo. Ang sabi ng katabi kong lalaki kanina, mukha ka raw totoong babae.”
Hindi na naman siya sinagot ng lalaki ngunit nanatili ang titig sa kanyang mukha. Nagsimula na siyang ma-conscious ngunit pinagtakpan iyon sa pamamagitan ng kadaldalan niya. “Kinakabahan din ako habang pinapanood kita kanina. Hindi sa wala akong tiwala sa `yo, ha? May tiwala ako. Siksik, liglig, at umaapaw. Saka ang chaka ng mga kalaban mo. Sa tindig pa lang, ikaw na ikaw na ang panalo, ang prinsesa ng gabi. Pero siyempre, hindi ko mapigilan, `di ba? Malay ko ba kung nasusuhulan pala `yong mga judges. Hindi mapagkakatiwalaan ang bangas ng mukha ng ilan, eh. Pero ang galing-galing mo. Rampa kung rampa. Sing kung sing. Ang kaway, panalo—elegante at may grace. Awra kung awra...”
Sa palagay ni Khloe ay nagpipigil lang na matawa si Zantiago ngunit nagpatuloy lang siya sa pagdaldal hanggang sa magyaya na si Gregorio na umuwi. Bumukas ang ilaw sa kanilang sala nang tumigil ang sinasakyang tricycle sa tapat ng bahay nila.
“Pakibigay ito sa nanay mo, Khloe,” ani Gregorio bago pa man niya mabuksan ang kawayan na gate. May inilagay itong isang bungkos ng pera sa kamay niya. “Pakisabi na rin, maraming salamat at pasensiya na kung natagalan.”
“Sigurado ka ba na wala ka nang paggagamitan nito, Kuya? Hindi ka pa naman yata sinisingil ni Nanay. Kung may paggagamitan pa kayo, gamitin n’yo muna.”
Umiling si Gregorio. “Sige na. Matagal ko nang nahiram `yan, eh. Nakakahiya na.”
“Sige. Salamat din. Congrats uli. Ziggy, congrats! `Kita tayo sa school sa Lunes. Ingat.” Kinawayan ni Khloe si Zantiago bago pumasok sa loob ng bakuran.
Ang Kuya Kolin niya ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Ito ang pinakabatang kuya niya. Pagpasok sa loob ng bahay ay nadatnan niyang gising pa pati ang dalawang nakatatandang kapatid. May ginagawang drawing si Kuya Konrad samantalang nanonood naman ng pelikula sina Kuya Klaus at Kolin. Nang tanungin niya kung nasaan ang nanay nila, ang sabi ng mga kapatid ay nahihimbing na sa kuwarto.
“Panalo si Ziggy!” masayang anunsiyo ni Khloe.
Naitirik ng mga kapatid ang mga mata. “May duda ka pa ba? Si Ziggy ang pinakamaganda sa buong Salem,” natatawang sabi ni Kuya Klaus. Natawa rin ang dalawa pa niyang kapatid.
Hindi pinansin ni Khloe ang panunukso ng mga ito. Ikinuwento niya ang lahat. Detalyadong-detalyado. Namemorya niya pati ang isinagot ni Zantiago sa question and answer portion, kinanta ang kinanta ni Zantiago sa talent portion. Amused na pinakinggan siya ng kanyang mga kuya. Dapat daw ay siya ang maging manager ni Zantiago.
Kahit na nanunukso, alam ni Khloe na masaya rin ang mga kapatid niya sa tagumpay ni Zantiago. Mabait ang kanyang mga kapatid kina Kuya Gregorio at Zantiago. Alam niyang hindi tututol ang mga kapatid niya kapag naging boyfriend na niya si Zantiago.