NILINIS nang husto ni Zantiago ang mukha sa gripo bago pumasok sa likod ng bahay. Tahimik na inilalatag ni Kuya Gregorio ang tulugan nilang dalawa. Tahimik ang buong kabahayan, nahihimbing na ang lahat ng kanilang kasama sa bahay. Nahiga na siya sa banig. Inabot ng kuya niya ang binilot na pera. “O, panggastos mo.” Hindi iyon tinanggap ni Zantiago. “Itabi mo na sa `yo `yan. Manghihingi na naman ng pambayad ng kuryente si Tiyang.” May mga pagkakataon na inoobliga sila ng tiyahin na magbayad ng kuryente samantalang halos hindi naman sila gumagamit. Hindi sila makanood ng telebisyon dahil masama ang tingin ng mga pinsan sa kanila tuwing nasa sala sila. Nagpaparinig palagi ang kanilang tiyahin. Minsan naman ay napakarami ng inuutos ng kanilang tiyuhin at wala na silang panahong makanood. P

