Capitulo Cuatro

3551 Words
"Peace be with you." "Peace be with you." Napuno ng ugong ang simbahan nang magbatian ang mga tao. Isa-isang lumapit ang mga kasamahan ko sa ampunan kina Ate Minda, Ate Josefa at kay Mother Superior. Alas-seis ng umaga ang misang dinaluhan namin. Noon pa man daw ay ganitong oras na sila nagsisimba dahil mainam dawng simulan ang araw kasama ang Diyos. Noong buhay pa si ate at kasama pa namin si nanay ay minsan lang lami kung magsimba. Iyon ay kung may nagdidiwang lang ng kaarawan ng isa sa aming tatlo. Hindi namin kasama si tatay, dahil nang minsang inaya siya ni nanay magsimba ay bugbog lang ang naabot ng ina ko. "Tara na, Ysa. Magmano tayo kay Mother Superior," yaya ni Garutay sa akin. "Sige." Nasa tabi ni Mother Superior si Max na walang emosyon na nakatingin lang sa altar. Mabilis lang itong nagmano kay Mother Superior kanina at ibinalik muli ang tingin sa harap at namulsa. Hindi din lumampas ang tingin ko kay Tiffany na binati si Max pero tinanguan lang siya ng huli. Nang kakaunti na lang ang nagmano sa Madre ay lumapit na ako dito. "Mano po." Nakangiting ibinigay ni Mother Superior ang kaniyang kamay at nagmano ako. "Kaawan ka nawa ng Diyos." Nang makabalik kami sa ampunan ay kumain kami ng agahan. "Mga bata, pagkatapos niyong kumain ay magpahinga muna saglit bago maglaro, ha? Ysa, maiwan ka muna. Ililibot ka ni Ate Josefa mo ngayong araw sa lugar. May importante akong kakausapin ngayon kaya hindi muna kita maaasikaso, hija. Pasensiya na," ani Mother Superior. "Ayos lang po." "Ilang daan ektarya din 'tong ampunan at ipinatayo ito ni Mayor Del Marcial," wika ni Ate Josefa. Nandito kami sa labas ni Ate Josefa at nililibot ang labas ng ampunan. Malawak ang lugar pati na ang dalawang estruktura kahit na isang palapag lang ito. Ngayon ko lang napansin ang isa dahil ngayon lang din naman ako nakalibot. "Ate Josefa, para saan po 'yan?" Turo ko sa nakatayong malawak na bahay sa 'di kalayuan. "Entertainment House. Sa loob niyan ay may mga kwarto na makakatulong sa inyong mahasa ang inyong mga talento. Tara puntahan natin." Isang hallway, mga pintuan at makukulay na dinding ang sumalubong sa amin pagpasok. "Itong limang kuwarto ay ang: Awit, Sayaw, Ukit/Pinta, Pagbuburda at Isports." Una naming pinasok ay ang pintuan na may nakasulat na Isports. May disenyo itong mga bola at mga gamit sa sports na nakapalibot sa pintuan. Nang pumasok kami ay malawak ito. Nahati sa dalawa ang kuwarto na pinagigitnaan ng isang see-through glass wall. Sa kalahating bahagi ng kuwarto ay may isang tabble tennis sa gilid, mga mga darts, isang billiard at ang kahating bahagi naman ay buong sakop ng archery. May mga iba't-ibang disenyo pa ng pana na nakasabit sa dingding. "Limitado lang ang sports na nalalaro dito, pero may basketball court naman sa labas," sabi ni ate Josefa. Sunod naming pinuntahan ay ang kuwarto ng Pagbuburda. Puno ng mga makukulay na tela at mga gamit pangburda ang lugar. May poster ng iba't-ibang klase ng stitches sa pader, may mga magagandang burda ding nakasabit na mas lalong nagpaganda ng lugar. May malalaki at may maliliit pero pawang magaganda at pulido ang pagkakagawa. Sumunod kami sa kuwarto na Ukit/Pinta. May mga blank canvas at upuan na properly designated sa lugar, may maliit na stage din sa unahan. Sa isang sulok na bahagi ay may lamesa na puno ng mga lapis, bolpen, pangkulay, paint brush at mga gamit pangpinta at ukit. May mga isinabit din sa dingding na mga magagandang obra ng mga inukit. May nakita pa akong katulad noong kilalang simbahan sa Barcelona, Spain na napag-aralan namin sa eskwelahan. Napakaganda at detalyado ng estruktura sa pagkakaukit na tila ba isang propesyunal ang may gawa! Nang dumako naman ang tingin ko sa mga makukulay na pinta ay namangha ako sa ganda ng mga ito, napakamakulay ng mga ito... maliban sa isa. Nilapitan ko ito upang matignan ng maigi. Madidilim na kulay ang ginamit, ang subject nito'y isang itim na paru-paro na may sirang pakpak. May kung anong nakasulat sa pakpak gamit ang mas madilim na kulay ng itim sa may kulay madilim na abong balagi ng pakpak malapit sa katawan nito ngunit hindi ko maintindihan iyon dahil hindi iyon nakasulat sa English Alphabet. Marahil ay ibang lengguahe ang ginamit nito. Nakapatong ito sa isang lantang bulaklak na tatlo na lang ang petals ang iba dito'y nahuhulog pa lang at may ibang nahulog na. Mapusyaw at madilim na abo ang background nito. Hindi ko man lubos maintindihan ang ibig sabihin ng obra pero may nararamdaman akong lungkot dito, isang matinding kalungkutan. Hinawakan ko ang ibaba ng painting na may initials na 'M.D.A'. Hindi ko na nasundan ang pinagsasasabi ni Ate Josefa dahil nahulog ang atensiyon ko sa painting. Parang sinasabi ng obra ang naramdaman ko nang mawala si ate. Kung sino man ang gumawa nito ay napakagaling niya. Siguro ay matindi din itong pinaghuhugutan. "Ysa, tara na. Puntahan na natin ang Dance Room," niyaya ako ni ate Josefa. Napapalibutan ng salamin ang kuwarto na Sayaw. May malalaking speakers na nakadikit sa mga ibabaw sulok ng kuwarto. May cabinet sa gilid na puno ng costumes. Hindi kami masyadong nagtagal doon at pumunta na sa huling kuwarto. Ang pintuan ng Awit ay may mga disenyong nota na nakapalibot sa pangalan nito. Pagpasok pa lang ay parang gusto ko nang dambahan ang gitarang nakita. Matagal ko nang nais matuto nito dahil may miminsang narinig akong tumugtog ng gitara sa paaralan dati, sa likod ng punong accacia. Napakasarap pakinggan ng pagtugtog ng instrumento ng kung sino man iyon. Hindi ko lang ito nakita kung sino 'yung tumutugtog dahil tinawag ako ng sekyu noon at bakit daw wala ako sa classroom. Eh, galing naman akong C.R. no'n. Maliban sa gitara ay may violin, keyboard, drum at bass din. Meron ding mic na nasa mic stand at mga malalaking speaker. May maliit din na recording studio sa loob. Maglalagi ako dito panigurado. "Sa loob naman tayo ng ampunan maglibot," napakamot ng ulo si Ate Josefa. "Dapat nga'y iyon ang inuna natin. Tara na," dagdag pa nito. Matapos naming libutin ang loob ng ampunan ay nakarinig kami ng ingay, parang nagsisigawan. Napadpad kami ni Ate Josefa sa basketball court at nakitang may naglalaro roong mga kalalakihan, na sa tingin ko'y nasa mga edad trese hanggang kinse ang mga ito. May nakita akong pamilyar ang bulto at nang liitan ko ang mga mata ay nakita kong isa si Max sa mga naglalaro. "Gusto mong manood doon, Ysa?" tanong sa akin ni ate Josefa. Nakangiti akong bumaling kay ate. "Pwede po ba?" "Oo naman. Tapos na din naman kitang ilibot. Sige doon muna ako kay Mother Superior at baka kailanganin niya ang tulong ko. Mag-enjoy ka sa panonood. Bye." Kumaway si ate sa akin at naglakad na papalayo. Open lang ang court at walang bubong, pero natatabunan naman ang court sa anino ng malaking puno ng lumboy. Puno ng pawis ang mga manlalaro pero walang nagtanggal ng damit dahil bawal maghubad sa publiko dito. Maliban nalang kung naliligo sila. Inilibot ko ang tingin sa mga nanonood at nakita ko sina Butchoy at Garutay na nanonood din. Nakatutok ang paningin ni Garutay sa laro, pero si Butchoy ay hindi sa mga naglalaro nakatingin, kundi sa kending pinapapak ng kasamahan namin sa kabilang banda. Tahimik ko silang nilapitan. Pumwesto ako sa tabi ni Garutay at tumingin sa mga naglalaro. May maliit na board roon sa gilid at may score ng dalawang kupunan. Ang taga-iskor ay may hawak na chalk at sa tabi nito ay naroon si Tiffany at ang kaniyang mga kaibigan. Humihiyaw ang mga ito at chini-cheer si Max. "MELON! MELON! MELON! GO MELONNN!" sigaw nila. "Garutay, anong MELON?" "Ay, kabayong bakla!" Napatalon ito sa gulat at natulak pa si Butchoy na nasa tabi niya. "Uy, Ysa ikaw pala," aniya. "Ano 'yung MELON?" nagtataka kong tanong. "Ha?" Nakatanga itong nakatingin sa akin at parang lutang. "Ah... ano, MELON ang tawag sa grupo ni Max sa basketball. Ang M ay para sa Max ang E ay Eljohn ang L ay Luis ang O ay Oli ang N naman ay Noel. Initials ng mga manlalarong grupo nila Max ang MELON." Tumango ako at ibinaling muli ang tingin sa mga ito. Na kay Max ang bola at dini-dribble niya ito, swabe niyang nalampasan ang kalaban at dinunk ang bola. Naghiyawan ang mga nanonood at sumigaw ng MELON. "Go MELON!" nakihiyaw na din si Garutay. "Tumahimik ka nga, Garutay, nagugutom na ako dahil sa kakasigaw niyo ng MELON. Ang sarap tuloy kumain ng melon na malamig," reklamo naman ni Butchoy. Tumingin si Butchoy sa bilogan niyang tiyan at hinimas ito gamit ang dalawang kamay. "Heh! Eh, lagi ka namang gutom Butchoy, sinisisi mo pa sa amin ang pagkapatay gutom mo!" napipikon na wika ni Garutay sa kaibigan. Nang tingnan ko ang score board ay lamang ang grupong MELON kaysa sa BLUE. "Garutay--" Hindi na natuloy ang dapat na tanong ko nang magsalita din ito. "Teka, naiiihi ako. Pakihawakan muna ito, Ysa. Babalik din ako." Mabilis nitong inilapit sa akin ang dalang tumbler na may tubig at tumakbo. Wala akong nagawa kundi bitbitin na lang din ito. Lumapit si Butchoy sa'kin at kumapit sa laylayan ng t-shirt ko. "Gutom na gutom na ako, Ysa." Para tuloy akong nanay na may anak na ginugutom. "Sumunod ka kay Garutay," sabi ko sa kaniya. Lumabi ito. "Nasa C.R siya." "Malapit ang C.R. sa kusina, pumunta kang kusina at kumain." Lalo itong lumabi at pinaawa ang mukha. Naglakad ito paalis na nakayuko at nakalaylay ang mga balikat at kamay. "Huwag kang maglakad ng ganiyan, Butchoy. Nagmumukha kang zombie," pahabol ko. Lumingon ito at pinaliit ang mga mata. "Wala namang zombie na mataba. Payat kaya sila," nakalabi nitong sabi saka umalis na. Pinanood kong muli ang mga naglalaro nang may buzzer na tumunog. Nahinto na rin ang paglalaro at nagpunta ang mga ito sa isang bahagi. "Ang nanalo sa larong basketball ngayong araw ay ang... Team MELON!" Tinanghal na MVP si Max at nagkamayan ang grupo nila at ang kabilang kupunan. Agad namang dinumog ng mga manonood ang nanalong grupo, o mas tamang sabihin na dinumog sila ng mga kababaihan. Nanatili lang akong nakatayo sa puwesto ko at hinihintay si Garutay. Ang tagal naman umihi ng babaeng 'yon. Nilinga ko ang paningin para tignan kung paparating na ba ito mula sa C.R nang biglang may humablot sa hawak kong tumbler. Pag tingin koy iniinuman na ito ni... Max? Teka— "Hoy, bakit mo 'yan kinuha? hindi 'yan sa'yo!" ani ko. Pero parang bingi lang ito at patuloy na umiinom sa tumbler. Hindi na ako nakaangal ng pagmasdan ang ginagawa nito. Nakataas ang mukha nito at parang gripong umaagos ang tubig mula sa tumbler na hinahawakan nito pataas. Parang 'yong sa telenobela kong napapanood na bigla nalang bumabagal ang paningin ko dito. Bigla nitong inilihis ang tubig mula sa bibig papunta sa ulo at iniling-iling niya ang mukha habang tumatalsik ang tubig nito sa kanyang kabuuan. Tapos ay ibinaba na nito ang tumbler tapos ay ginulo at pinasadhan ng kamay ang kaniyang buhok. "Here, thanks." Inilahad nito ang tumbler pero para lang akong tanga na nakanganga dito. Nang mapansin nitong wala akong balak kunin ang tumbler ay kinuha niya ang kamay ko at nilagay ang tumbler doon, tapos ay nilapit niya ang kaniyang kamay sa aking mukha at...sinara niya ang bibig kong nakanganga. "Isarado mo, baka mapasukan ng langaw," sabi niya. Maangas itong naglakad paalis na parang wala lang, na parang hindi niya ininuman ang tubig ko—tubig pala ni Garutay! Walang hiya! Hindi pa ito nakakalayo kaya sinigawan ko ito. "Hoy, ang angas mo ha! Parang sa'yo 'tong tubig kung ubusin mo! Hoy!" Walang hiya talaga. Patuloy lang ito sa paglalakad at kinaway lang ang kamay patalikod na parang namamaalam. "Hoy, bagong salta." Nawala ang paningin ko sa damuho nang may nagsalita sa likod ko. Tiffany and friends. Kasalukuyang may apat na mga matatangkad pa sa'king mga babae ang nakatayo sa harap ko. Nakakrus ang mga kamay nito at nakataas ang mga kilay na parang may kaaway. Tumingin ako sa kaliwang banda ko, wala namang tao. Sa kanan, wala din. Sa likod, wala. Kaya tinuro ko ang sarili at nagtanong. "Ako ba?" "Sino pa ba ang bagong salta dito?" wika ng isang kaibigan niya. "Ah, bakit?" naguguluhan kong tanong. "Nilalandi mo ba si Dane?" tanong din ng isa na nakausli ang kilay. "Si..." Nagtatanong ang mukha ko at tinuro ang daan tinahak kanina ni Max. "Bingi ka ba o boba? Bakit paulit-ulit ka? Makinig ka ngang mabuti para magkaderitsahan tayo rito--" Hindi na nito natatapos ang sana'y sasabihin nang tumawa ako ng pagkalas-lakas na parang lalabas na ang ngala-ngala ko. Napahawak pa ako sa aking tiyan ng sumakit ito dulot ng matinding pagtawa. Tama nga si Garutay, binabakuran nito si Max, pero 'di ko alam na delusiyonal din pala ito. Parang bobo ako kung tingnan ng mga ito at 'di maipinta ang kanilang mga mukha. Nang mahimasmasan na ako sa pagtawa pinahiran ko ang imaginary luha sa gilid ng mga mata ko. "Hindi," sagot ko sa tanong niyang hindi natapos mausal. "Huh?" sabay na tanong nilang lahat. "Hindi ko nilalandi si Max," pagkaklaro ko pa. Pagkatapos kong mausal ang huli kong salita ay tinalikuran ko na din ang mga ito. Wala akong panahon para makipagtsismisan sa kanila. Mabuti pang kamustahin ko si Butchoy at baka nabilaukan na naman 'yon sa sobrang dami ng kinakain. Dumiretso ako sa kusina at nakita roon si Garutay na nakapamewang na tinatalakan si Butchoy. "Garutay." "—baka tumaba ka ng sobra—" natigil si Garutay sa pangangaral kay Butchoy nang mabaling ang ginhin sa akin. "Ysa! Ay, pasensiya na hindi kita nabalikan kaagad. Ito kasing si Butchoy eh, kumuha na naman ng pagkain sa ref. Papagalitan na naman 'yan ni Mother Superior mamaya. Hay ewan, naiistress ako sa matabang 'yan. Bahala siya kung mapagalitan." "Heto," sabay bigay ko sa hawak na tumbler na wala nang laman. "Salam-- bakit wala ng laman?" itinaas nito ang bote. "Ininom ni Max," kibit-balikat kong sagot. "Ha?" "Ininom ni Dane, 'ika ko. Inubos niya." Nanlaki ang mga mata nito. "S-s-si Kuya Dane? T-talaga?" Tumango ako. "Wahhhhh!!!" Napatakip ako sa tenga sa sobrang lakas at tinis ng tili nito. mahabaging Diyos! Masisira ang ear drums ko sa babaeng ito. "O to the M to the G! Oh my gulay! Ininuman ni Kuya ang Dane ang tumbler ko... Hindi ko na 'to huhugasan kailan man," kinikilig niyang wika habang niyayakap ang tumbler. "Crush niyang si Garutay si Kuya Dane, Ysa. Pero wala naman siyang pag-asa dun. Hahaha!" sabat ni Butchoy. "Tseh! Tumahimik ka diyan. Halos lahat naman ng babae dito may gusto kay Kuya. Crush lang naman, 'tsaka bata pa ako 'no. Wala naman sa isip ko na maging nobyo siya. Nagaguwapuhan lang ako sa kanya. Yieeee," depensa ni Garutay sa sarili. "Oo na, dami mong satsat," pagdismisa ni Butchoy sa kausap bago bumalik sa pagkain. Parang naghugis puso ang mga mata ni Garutay habang niyayakap ang tumbler at nakatingin sa kisame. "Hindi naman niya dinampian ang inuman niyan. Itinaas niya lang at parang ginawang gripo 'yang tumbler," ani ko kay Garutay na lumalawak na 'ata ang imahinasyon. "Pero hinawakan niya pa rin 'to. Hay..." Natigilan ito sa pagdi-daydream at parang pumutok ang kaniyang bula ng ligaya base sa ekspresiyon ng kaniyang mukha nang may napagtanto na kung ano. "Teka, eh si Tiffany... nakita niya ba 'yon? Baka, baka kunin niya ang panty ko!" nahihintakutan niyang asik. Umiling-iling lang ako habang naglalakad papalapit sa stool sa tabi ni Butchoy. "Nakipagchikahan lang siya sa'kin sandali kasama ang mga alipores niya. 'Tsaka 'di niya naman siguro alam na sa'yo 'yan." Nagkibit-balikat ako. Nanlalaki ang mukha ni Garutay nang lumapit sa amin ni Butchoy. "P-pero..." "Huwag kang mag-alala hindi niya magagalaw ang mga panty mo," putol ko dito. Napahinga naman ito ng maluwag at binalingang muli ang tumbler. Hinihimas niya ang tumbler na para itong isang bagay na mahal na mahal niya. Tapos ay niyayakap. Hay nako. Tinignan ko nalang si Butchoy na biglang nilahad sa'kin ang pagkain niya. Binibigyan niya ba ako ng pagkain? Ang sweet naman. "Salamat." "Pakihawakan muna, kukuha lang ako ng tubig. Huwag mong kakainan 'yan, Ysa ha? Huwag mo ding tignan baka kagatan mo 'yan bigla. Malalaman ko 'pag may kahit kaunting bubog mawala diyan," pagbabanta niya pa. Akala ko pa naman bibigay niya 'to. Matapos maghabilin ay tumalon ito mula sa mataas na stool at pumunta sa ref at nagsalin ng tubig. Naglalakad kaming tatlo ni Garutay at Butchoy sa hardin at natigil kami sa upuan na natatabunan ng anino ng puno. "Gaano na kayo katagal dito?" tanong ko sa dalawa. "Limang taong-gulang ako ng dalhin ako dito ni Tiya. Namatay ang Mama ko sa cancer, si Papa naman namatay bago pa man ako pinanganak kaya ulilang lubos ako," ani Garutay. "Anong buong pangalan mo, Garutay?" "Garutilda Mila Salbahe." Tumango ako at tumingin kay Butchoy. "Ako naman si Bruno Marsen. Baby pa daw ako nang makita ako ni Mother Superior sa gilid ng basurahan. Nireport daw niya ako sa pulis at baka may naghahanap, pero nang wala ay dinala niya ako dito sa ampunan kaya dito na ako lumaki," pagkukwento ni Butchoy. "Paano kayo nagkakilala?" dagdag na tanong ko pa. "Hmm..." Tumingin ito sa taas na aparang nag-iisip. "Ah! Noong dumating ako dito umiiyak ako dahil nga ayokong iwan ako ni tiya, pero biglang dumating si Butchoy at binigyan ako ng kendi. Tumahan ako noon tapos sumasayaw siya sa harap ko noon ng spaghetting pababa. Pinatawa niya ako at doon nagsimula ang pagkakaibigan namin. 'Yon din ang una't huling bigay niya sa'kin ng pagkain, patay gutom 'to eh." Nalukot ang mukha nito sa huling sinabi. "Hindi kaya, lagi lang nanghihingi ng pagkain ang mga baby worms ko sa tiyan. Syempre naaawa ako kaya pinapakain ko sila. Pareho kaming onse ni Garutay, Ysa. Ikaw ilang taon ka na?" si Butchoym Tumingin ako sa kanila. "Onse din, magdo-dose pa lang ako sa susunod na linggo." Nagkatinginan ang dalawa at sabay tumingin sa'kin. "Sa susunod na linggo na ang birthday mo?" si Garutay. "Oo." "Ibig sabihin lang no'n... Maraming pagkain. May handa, may tsibog! Yes! Yes! Yes!" Tumayo si Butchoy at pinagsususuntok ang ere ng nakapikit. Parang nanalo lang sa lotto kung maka-react 'tong si Butchoy 'no? Sabagay, para sa kaniya ang kayamanan ay pagkain. "Ikaw, Ysa...anong kuwento mo?" Hindi ako nakasagot sa tanong sa akin ni Butchoy. "Oo nga, Ysa. Magkuwento ka naman," segunda ni Garutay. Pinakiramdaman ko ang sarili, bumuntong-hininga ako at ngumiti na lang sa dalawa. Hindi pa ako handang ilahad ang kuwento ko sa iba, at kung maaari ay nais ko sanang sarilinin na lamang ito. "Paalala: Magpunta ang lahat sa Entertainment House ngayon din, again, Magpunta ang lahat sa Entertainment House ngayon din. Salamat." pag-a-announce ng kung sino sa speaker. "Wahhh! Magbuburda na naman ako!" excited pa na sabi ni Garutay. "Ugh! Tinatamad akong magpinta ngayon." Inilaylay ni Butchoy ang mga kamay na tila nanamlay. Mahinang tinampal ni Garutay ang tiyan nito. "Dapat sa Isports ka, para naman pumayat ka. Ang laki na ng bilbil mo, oh!" "Inaano ka ba ng bilbil ko, Garutay? Palagi mo nalang 'tong pinagdidiskitahan ah?!" Parang siopao ang nga pisngi ni Butchoy dahil sa galit. Inikutan lang siya ng mata ni Garutay. Nagpunta ang lahat sa Entertainment room. May schedule pala ang pagpasok sa bawat kuwarto. Siniguradong mapapasukan ng lahat ang bawat kuwarto, para daw lumawak ang kaalam namin sa bawat aspeto na maari naming mahasa. Namamangha ako sa ginagawang ito ng ampunan. Hindi lang nila kami pinapakain, binibihisan, pinag-aaral at binibigyan ng matutuluyan at pamilya. Kundi tinutulungan din kami nitong matuto na malaking tulong at maaari naming magamit at ikaunlad sa mga bukas na darating. Mabuti ang Diyos, dahil kahit parang naging malagim ang buhay ko dati ay bumawi naman ito ngayon. Hindi man kami madalas magsimba, pero tinuturuan kami ni nanay na huwag sisisihin ang Diyos sa mga masasamang nangyari at mangyayari sa buhay namin. Dahil ito'y mga pagsubok lamang. Bagkus, ay dapat pasalamatan daw namin Siya at araw-araw magdasal sa Kaniya. Ngayong araw ay sa kuwartong Awit ako nadestino. Magagamit ko na din ang gitara! Nasa Awit din si Tiffany at Max. Sina Butchoy at Garutay naman ay hindi ko alam kung saang kuwarto nailagay. Matiwasay na natapos ang dalawang oras na pag-aaral namin ng mga instrumento at mga kaalaman tungkol sa musika, kasama si Ate Lea na kasamahan nina Ate Josefa at Ate Minda. "Pasukan na naman bukas," naiiyak na usal ni Judy. Inayos ko ang kumot at tinabon sa sarili. "Hmm...kaya matulog na tayo at maaga pa tayo bukas," sabi ko. "Goodnight, Ysa, Carmel at Judy," si Garutay. "Goodnight Garutay," sagot ng dalawa naming kasamahan dito sa kuwarto. "Goodnight," bulong ko sa hangin. Masaya ako dito sa ampunan at sandali kong nakalimutan ang sakit na dulot ng pagkawala ni ate at ng gulo ng buhay ko. Pero hindi ko maipagkakaila ang lungkot na nakabaon sa aking puso. Minsan ay may oras na natutulala ako lalo na 'pag mag-isa, iniisip kung kamusta na kaya ang nanay, kapatid at pamangkin ko kung nasaan man sila ngayon. Na sana masaya na sila at payapa. Dahil iyon lang ang tanging hiling ko para sa kanila. "Miss na miss na kita, Ate Roan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD