"P*t*ngina! Akin na 'yang pera! Ibigay mo!"
"R-ramon...pambili ko 'to ng pagkain para sa mga bata. B-binigyan na kita noong n-nakaraan diba?"
"Aba! Sumasagot ka pang p*ta ka ha?!"
Isang malakas na sampal ang umugong sa pandinig ko.
Nakabaluktot ako kasama ang kapatid ko sa kwarto namin. Nakatakip kaniyang kamay sa tenga ko at pilit itong ngumingiti sa akin upang mapagaan ang loob ko. Pero takpan man ni ate ang tenga ko ay hindi nakalampas sa ang pandinig ang tunog ng paghampas ni tatay ng latigo kay nanay. Pati na ang pagsampal nito. Lalo na't isang manipis lang na kurtina ang nagsisilbing pinto ang harang namin mula sa kanila.
Dating isang tagapangalaga ng kabayo ang aking ama. Nagtatrabaho ito sa rancho ng mga Turizo dito sa Brgy. Dospordos Las Cosas, pero natanggal nang malulong sa ipinagbabawal na gamot at napabayaan ang trabaho. Sa musmos naming edad ay ganitong eksena araw-araw ang nasasaksihan namin. Pinapapasok sa kanang tenga at ipinapalabas sa kaliwa ang mga salita at karahasang naririnig hindi naaayon sa aming edad.
Ang kapatid ko ang tangi kong sandalan kapag umuuwi si tatay at nagwawala. Ang ina ko naman ay tinatanggap lang ang mga masasakit na salita at pambubugbog ni tatay para maproktektahan kami.
"A-ate, si n-nanay," nanginginig kong sabi kay ate.
"Tahan na bunso, kakantahan ka nalang ni ate ha?"
Ginawa nitong bandana sa ulo ang pulang panyo na hawak at tumayo. Kinuha niya ang suklay at sumbrero saka isinuot ito ng pabaliktad. Tumayo ito sa harap ko at nag rock-sign at nagsimulang kumanta.
Ito ang lagi niyang ginagawa kapag nag-aaway ang mga magulang namin. Nagcoconcert kami.
Tumayo na ako at break dance. Parang timang man, pero ito lang ang magagawa namin para kalimutan ng panandalian ang problema.
Pumalakpak ako pagkatapos. "Ang galing galing mo, ate!"
"Hihi. Thank you, bunso. Ikaw din, ang galing mo na." Tumawa kami at nag-apir.
"Ramon! R-ramon ang pera. P-para 'yan sa mga anak ko!" Natigil kami ni ate nang marinig na naman namin ang sigaw ni nanay.
"P*ta, hetong sa'yo."
Umalingawngaw ang sigaw ni nanay habang pinagsususuntok ni tatay. Lalabas na sana ako ng kuwarto pero hinigit ako ni ate at niyakap.
"Huwag, Ysabelle. Sasaktan ka lang din ni tatay. Dito lang tayo."
"P-pero si nanay, ate..."
Hindi ko na napigilan ang hikbing kanina ko pa kinikimkim. Ayokong maging iyakin pero hindi ko ito maawat ngayon.
"T-tama na, Ramon!"
"Pwe! mga p*ste kayo sa buhay ko, kayo ng mga walang silbi mong anak!"
"Ramon!"
Halos yumanig ang pinagtagpi-tagpi sa yero at plywood naming bahay nang padabog na isinarado ni tatay ang pintuan.
Mabilis kaming lumabas ni ate sa kwarto upang daluhan ang aming inang umiiyak.
"Nanay ko..." Ipinulupot ko aking braso sa binti ni nanay habang nakahawak naman si ate sa kamay nito habang nakatingala.
Umupo si nanay sa sahig kasama ko at niyakap kami ni ate.
"May kaunting bigas pa akong naitago. Magsosopas nalang muna tayo ngayon..." humihikbi nitong wika.
Itinaas ko ang aking kamay upang pahirin ang mga luhang naglandas sa maganda mukha ng aking nanay.
Pitong taong gulang ako sa pangyayaring iyon at nagpatuloy ang ganoong kalakaran sa aming bahay hanggang sa ako'y nag onse-anyos.
"Class, alam niyo bang ang mga babae noong sinaunang panahon ay mahina sa paningin ng lipunan?" sabi ng aking guro na nagdidiskusyon sa harap.
"Eh, mahina naman po talaga ang mga babae, ma'am!" sabat ng klasmeyt kong si Ronron. Umapir pa ito sa mga kaibigan niya. Mga bully sila dito.
Dahil sa matinding disgusto sa sinabi nito ay itinaas ko ang isang kamay ko upang magbigay ng opinyon sa aking guro.
Tumingin sa akin si ma'am at nilahad ang palad. "Yes, Ysabelle."
"Ma'am, sa tingin ko po mali si Ronron. Hindi mahina ang mga babae, sa katunayan ay mas malakas pa ang mga babae kaysa sa mga lalaki."
Nagtawanan ang mga kaklase kong lalaki sa sinabi ko.
"Hoy, Ysabelle payatot nagpapatawa ka ba?" sabat ni Ronron.
"Sa pagkakaalala ko, estudyante ako at hindi isang clown para magpatawa, Ronron," bawi ko sa kanya.
Ito naman ang kinantyaw ng mga kaibigan dahil natahimik sa sagot ko.
"Magpatuloy ka, Ysabelle," ani ma'am.
"Hindi mahina ang mga babae, ma'am at mga kaklase, dahil kung tutuusin ay napakalaki ng isinasakripisyo ng isang babae para sa kaniyang pamilya. Narito ang pag-aalaga sa kaniyang asawa at mga anak, pagbabadyet para sa mga kakailanganin ng pamilya, pagmimintina na maayos ang inyong tahanan, at higit sa lahat pagbibigay ng pagmamahal sa kaniyang pamilya.
Hindi pa kasama riyan ang pagdala nila sa atin sa kanilang sinapupunan ng siyam na buwan. Pati na ang sakit na kanilang iniinda sa pagpapanganak. May buwanang dalaw din at sakit sa puson na tinitiis ang mga babae." Sandali akong huminga bago nagpatuloy.
"Sabi ng aking nanay, ang pinakamabigat na responsable ng isang babae ay ang pagiging isang ina, dahil wala itong pahinga o day-off. Kahit lumaki na ang iyong anak at magkaroon din ng sarili niyang pamilya ay patuloy pa din ang pag-gabay mo dito pati na sa iyong magiging apo mo. Ani pa nga nila, 'Bigyan mo ng kahit na ano ang isang babae at higit pa rito ang ibabalik niya sa iyo.'
Bigyan mo siya ng isang bahay at bibigyan ka niya ng tahanan, bigyan mo siya ng mga kasangkapan at bibigyan ka niya ng ulam, bigyan mo siya ng s*milya at bibigyan ka niya ng pamilya. Kaya huwag mong sabihing mahina ang mga babae, Ronron dahil ang nanay ko ilang taon ng sinasaktan ng ama ko, mapisikal man, mental o emosyonal. Pero ininda niya 'yon. Kaya Ronron bago mo sabihang mahina kaming mga babae magpatuli ka muna, kayo ding mga lalaki na tinawanan ako kanina. Heh!"
Natahimik ang buong klase pero nagimbal kami ng humagulhol ang aming guro. Muntik pa akong mapatawag sa guidance office dahil pinaiyak ko daw ang guro namin, buti nalang at naging maayos ito at sinabi ang dahilan ng kaniyang pag-iyak.
"Nahabag lang ako sa istorya ng bata kanina sa klase," wika pa nito habang pinupunasan ang luha.
Pinatid ko ang bato sa daan habang naglalakad pauwi ng bahay namin. Malapit na ako dito ng marinig kong may kumalabog na naman sa loob. Ilang taon na, pero si tatay hindi pa rin nagbabago. Sa ilang taon kong pagsaksi kung paano nitong saktan ang aking ina, ay halos maisaulo ko na ang iba't-ibang klase ng karahasan na maaaring ipataw sa isang tao.
Hindi ko lubos maisip kung papaano kinaya ni mama ang mga bagay na'yon. Tiniis niya ang lahat ng iyon at hindi kami iniwan. Ganiyan kalaki ang pagmamahal niya sa amin. Ngunit may hangganan ang lahat...
Imbes na dumiretso sa bahay ay pumunta muna ako sa tindahan ni Aling Kepay.
"Tao po! Tao po!" sigaw ko habang sumisilip sa maliit na parisukat na bintana ng tindahan.
"Bakit?"
Biglang may sumilip na mukhang kay itim at mata lang yata ang maputi.
"Ay, palaka!"
"Anong palaka, Ysabelle?!"
Pinandilatan ako ng mata ni Aling Kepay. Mataba itong babae at nasa edad singkwenta na, may curlers pa sa buhok nito at malaki ang kamay at tiyan niya kaya napagkamalan kong palaka. May facial mask pala ito, iyong itim na nakalagay sa kanyang mukha. Siya lang din ang may tindahan dito sa maliit na baranggay namin.
"A-ah sabi ko po palaka-ganda niyo pong babae, Aling Keps, hihi."
Inirapan ako nito at pinagkrus ang mga braso nitong halos pumutok na sa taba. 'Naku, baka tumirik mata nito sa kakairap at matuluyan,' wika ko sa isip dahil hindi ko ito maaaring isa-boses at baka hindi ako pabilihin nito.
"Hindi ako magpapautang sa inyo kung 'yan ang ipinunta mo rito, Ysabelle. Aba! Napakahaba na ng listahan niyo. Abo't hanggang dulo ng Las Cosas!"
Napakamot ako sa ulo at kinuha ang sampung piso sa bulsa saka inabot dito.
"May pambayad po ako. Pabili pong noodles."
Tiningnan nito ang tigpipiso kong bayad na nakataas ang kilay bago kinuha.
"Oh, heto."
"Ah, iyong chicken flavor po sana ang nais ko, Aling Keps." Inikot ulit nito ng bongga ang mga mata.
"Ang arte, Oh 'yan! Umalis ka na!"
Mabilis ko itong kinuha at ipinasok sa bag.
"Salamat po!"
Inirapan lang ako nito at tinalikuran habang pinapaypayan ang sarili.
Bumuntong hininga ako bago nagpatuloy sa paglalakad. Akmang bubuksan ko na sana ang pinto ng aming barong-barong na bahay nang may humila sa akin sa may gilid. Nagpumiglas ako upang makawala rito.
"Ysabelle, kumalma ka, si ate 'to."
Kumalma naman ako at pinakawalan ako nito.
"Ate Roan? Ate, si nanay..."
"H-huwag kang pumasok," mahina niyang bulong.
Nangunot ang noo ko. "Bakit, ate?"
"Ramon, t-tama na, masakit..."
"Masakit ba? Ha, p*ta?"
"T-tama na pakiusap!" narinig kong nabasag ang boses ni nanay habang nakikiusap.
"Tanggapin mo 'to! Ayaw mong pumayag ng pinakiusapan kita ng maayos na makipag- ugh!- siping sa'kin. Pwes! Hetong sa'yo!"
Kasunod niyon ay isang malakas na ungol.
Sumiksik kami ni ate sa gilid ng makitang lumabas si tatay sa bahay habang sinusuot ang kaniyang pantaas at buhaghag pa ang buhok at hindi nakazipper ng maayos ang luma at gusgusing pantalon.
Nang mawala ito sa paningin namin ay mabilis kaming pumasok sa aming bahay. Isinara ko ito bago nilapitan si nanay na hubo't-hubad habang humihikbi. Sobrang sakit pagmasdan ng aking ina na walang ibang ginawa kundi ang alagaan kami at mahalin, upang babuyin ng ganito.
Kumuha ako ng kumot sa kwarto at ipinalibot sa katawan ni nanay. Inayos naman ni ate ang buhok nito at tinalian.
Kinuha ko ang noodles na chicken flavor sa bag ko na binili ko sa tindahan nila Aling Kepay kanina. Mula ito sa baon kong tigpipiso araw-araw na inipon ko.
Pumatong ako sa isang silya at tahimik akong nagpakulo ng tubig at inilunod ang noodles sa kalan. Nang maluto ay nagsalin ako sa maliit na mangkok para ibigay kay nanay na nakabihis na ngayon ngunit tulala. Tingin ko ay si ate ang nagbihis rito.
"Humigop ka muna ng sabaw, nay," wika ko.
Lumabas naman ng kuwarto namin si ate na nakapambahay na. Nagtatrabaho ito sa isang bakery malapit dito sa amin. Pero isang-daang piso lang kada-araw ang sweldo nito dahil nagmakaawa lang itong bigyan ng trabaho kahit hindi na nangangailan ng empleyado ang bakery. Nililinis lang niya ang mahabang lamesa na pinagkakainan ng mga customer at kinukuha ang mga bote ng softdrinks para malinis ito 'pag kakainan ng bagong customers.
Miminsan din itong tumutulong sa kusina at nililinis ito pagkatapos magbake ng mga panadero. Buti nalang at naawa si Mang Toni sa kaniya-ang may-ari ng panaderya-at binigyan si ate ng trabaho.
Dise-siete anyos na ngayon ang kapatid ko at dalaga na. Kamukha niya din si nanay at napakaganda niya kaya marami ding manliligaw, pero walang pinansin ni isa. Sabi niya kailangan daw niyang kumayod para sa amin at hindi daw paghahanap ng nobyo ang prayoridad niya ngayon.
"Saan ka ng perang pambili niyan, Ysa?" tanong ni ate habang pinupusod ang mahabang buhok.
"Hindi ko 'yan inutang, mula iyan sa baon ko, Ate Roan."
Lumapit ito sa akin. "Pasensiya na bunso ha? pilit ko ding pinagkakasya ang kakarampot na sweldo ko para sa pangaraw-araw natin."
"Ikaw ang kumakayod sa atin at nagpapagod magtrabaho, ate kaya 'wag kang magpaumanhin sa'kin. Ako dapat ang nagsasabi niyon dahil mas pinili kong mag-aral kaysa magtrabaho."
"Alam mo namang hindi din kita papayagang magtrabaho, Ysa. Ako ang panganay kaya responsibilidad kong unahin ka. Hmm?"
Ginulo nito ang buhok ko saka ngumiti.
"Kaya mag-aral kang mabuti, ha?"
"Opo, ate," sagot nang nakangiti.
"May dala pala akong sardinas, bukas nalang natin ulamin 'yon dahil may noodles tayo ngayon. Ang galing dumiskarte ng bunso ni ate."
"Mana sa'yo."
Tumawa kami saka binalingan si nanay na naluluhang nakatingin sa amin.
"Ang swerte ko sa mga anak ko."
Sabay kaming lumapit dito at yumakap.
"Nanay, tingnan mo may niluto akong noodles iyong chicken na chicken!"
Hinalikan ako nito sa noo pati na din si ate. "Roan, alagaan mong mabuti ang kapatid mo, ha? Magdamayan kayo lagi at huwag mag-aaway. M-mahal na mahal kayo ni nanay."
"I love you din po, nay," sagot ate roan.
"I lab you too, nanay, ng wantawsan tayms po!"
"Loko ka talaga, Ysa," natatawang sabi ni ate
Masaya kaming naghapunan ng gabing iyon. Pero ang hindi ko inakala ay 'yon na din pala ang simula ng mas malaking delubyo na mas magpapagulo pa ng buhay ko...
"Good morning, ate!"
Niyakap ko si Ate Roan na nakatayo sa kusina. Pero naglaho ang ngiti ko ng maramdamang yumuyugyog ang balikat nito. At nang sinilip ko ay nakita kong umiiyak si ate!
"Ate bakit k-ka umiiyak?"
"S-si nanay..." humihikbing wika nito.
"Nasa kwarto siya nila tatay, ate," sagot ko.
Umiling ito at tumingin sa akin. Kinakabahan ako at parang ayaw ko nalang marinig ang sasabihin ni ate.
"W-wala na siya, Ysa...wala na si nanay..."
Napahagulhol ito ng malakas at naupo sa sahig. Ako nama'y parang nanlambot ang mga tuhod, pero parang ayaw tanggapin ng utak ko ang sinabi ni ate. Hindi...hindi pa patay si nanay!
"Nanay!"
Tumakbo ako at pinuntahan ang kwarto nitong limang hakbang lang mula sa kinatatayuan ko kanina. Nang hawiin ko ang kurtina ay wala ngang tao roon! Nasaan ang bangkay ni nanay? May nakita akong gamit ni nanay na nasa sahig kaya pinulot ko at lumapit ulit sa kapatid ko.
"Ate, asan ang bangkay ni nanay? S-saan dinala? B-bakit siya namatay? Hindi..."
Sinamahan ko ang kapatid ko sa sahig at humagulhol doon. Pero naalibadbaran ako sa sama ng tingin na iginawad nito sa akin, hindi na din ito umiiyak pero sinisinok sinok pa.
"Shunga shunga ka ding bata ka at pinatay mo pa si nanay! Hindi patay ang ina natin, loka!"
Napatayo ako at nabuhayan ng loob sa sinabi nito?
"Talaga? Ba't kase sinabi mo wala na si nanay kaya akala ko na deado na siya, ate. Nasaan ba siya?"
Ngunit iyak lang ang isinagot sa akin ng kapatid ko.
"U-umalis na siya..."
Pinunasan ko ang uhog ko na kanina pa tumutulo.
"Saan siya pumunta nagshopping ba? Ay, wala tayong pera para pang-shopping ni nanay."
"Umalis siya at pumunta sa malayong lugar..."
"Nagtravel si nanay, ate? Saan sa Japan, Spain, France?"
Lalong lumakas ang iyak ni ate. Ano bang nasabi ko? May tuliling ba sa ulo ang kapatid ko? Grabe siyang maka-react eh umalis lang naman si nanay. Malay ko bang baka nagcha-chinese garter lang 'yon sa labas.
"Konti nalang at masasakal na kita, Maria Ysabelle!"
"Ate! Bakit ka ba sumisigaw, nasaan ba kasi talaga si nanay? Baka nakipaglaro lang 'yon ng jackstone sa labas--"
"Iniwan na niya tayo, Ysa! Wala na ang mga gamit niya a-at meron siyang iniwang sulat sa atin. Lumayas na siya, Ysa...napagod na siya at i-iniwan niya tayo sa impiyernong 'to."
Para akong pinagbagsakan ng langit sa bombang binitawan ni ate. Bakas ang poot at galit sa mukha ng kapatid ko.
"Maligo ka na ihahatid kita mamaya sa paaralan, at simula ngayong araw na'to huwag mo nang babanggitin ang pangalan ng taong nang-iwan sa'tin."
Napatingin naman ako sa hawak kong gamit ni nanay. Si ate naman ay binubuksan ang sardinas sa lamesa.
"Ate Roan, may naiwan si nanay."
"Itapon mo na 'yan sa labas at sinabi ko kanina na huwag mo nang babanggitin ang pangalan niya."
"S-sa labas? Pero baka makita ng mga kapitbahay? At hindi naman pangalan ang binabanggit ko, ah."
"Itapon mo na, Ysa," mariing utos niya.
"Kawawa naman si nana-- si mader rainbow. Baka wala siyang suot na panty ngayon dahil naiwan niya 'to, tapos itatapon pa natin sa lab-"
"Ano?!"
Napatalon ako sa pagsigaw ni ate.
"Ate, kanina ka pa sumisigaw. Hindi naman ako bingi eh! Pero papunta na doon dahil sa pagsisisigaw mo."
"Nasaan na a-ang ano..."
"Ang panty ni mader rainbow? Heto, oh." Itinaas ko ang kamay at pinakita ang panty ni nanay. Naiwan ni nanay ang panty niya, iyon ang kanina ko pa gustong sabihin. Inagaw naman ni ate ang hawak koat pumasok sa kwarto namin. Si ate na siguro ang susuot no'n.
--
"Hi, Roan."
"Witwew~ sexy talaga ni Roan, pare."
"Uy, Roan pakiss naman diyan."
"Roan, pa-score naman ako."
Patuloy lang kami sa paglalakad ni Ate Roan papunta sa paaralan ko. Ni hindi nilingon o pinansin ni ate ang mga tambay na tinatawag siya.
Nagtatawanan at nag-iinuman ang mga ito sa tindahan ni Aling Kepay. Mga poncio pilatong walang magawa sa buhay.
"Hoy, mga batugan! Huwag niyong pinagtri-tripan ang ate ko!"
Si ate nalang ang meron ako at simula ng umalis si nanay ay namanata ako na ipagtatanggol ko si ate, walang mananakit sa kaniya. Pinigilan ako ni ate na huwag nang patulan ang mga 'to. Swerte sila at nandito si ate kundi ay pinagbabasag ko na sa ulo nila ang mga bote na iniinuman nila.
"Hoy bata, hindi namin pinagtri-tripan ang ate mo! Si Tandang Toni ang may trip sa kaniya!" Humalakhak ito. "Baka nga laspag na 'yang ate mo sa matandang 'yon, eh."
Si Mang Toni? Iyong amo ni ate? Eh, matanda na 'yon, eh. At hindi papatulan ni ate 'yon 'no. 'Tsaka bakit kaya hindi nalang si Aling Kepay ang kausapin nila, tutal naman nakapamewang na nagbubunga ito ngayon sa kanila.
"Hoy mga anak ng kabayo kayo! Bayaran niyo 'yan 'tsaka ang utang niyo kahapon na kalahating case ng beer, ha?! Baka mag-unahan na naman kayo ng takbo mamaya, aba! Ipapa-baranggay ko na talaga kayo." Dinuro niya ang mga ito.
Ayan, dapat makinig sila kay Aling Kepay. Hindi 'yong kapatid ko ang pagdiskitahan.
"Hoy, kayo, mga anak ni Ramon!"
Natigil kami sa paglalakad ni ate nang tawagin kami. "Bakit po, Aling Keps?" tanong ko.
Namewang ito dinuro-duro din kami. "Magbayad na din kayo! Ilang buwan na 'yang utang niyo pero ni piso wala kayong binayad! Hindi charity 'tong tindahan ko para ipamigay lang at hindi niyo bayaran!"
"Ako na ang magbabayad sa utang nila Roan, Aling Kepay," sabat pa ni Brandon. Isa ito sa mga nag-iinuman sa tindahan ni Aling Keps, pero ito lang ang natatanging hindi tambay sa kanila. Isa itong construction worker, payatot at matagal na ding may gusto kay ate. Halatang nagpapa-good shot ngayon.
"Talaga ba, Brandon? Babayaran mo ang utang ng mga anak ni Ramon?" nakataas-kilay na tanong ni Aling Kepay.
"Opo, sa akin niyo nalang po ilista ang mga utang nila," pangisi-ngisi pa nitong sagot.
"Ay, walang hiya ka! Hindi mo naman pala babayaran, papagudin mo pa akong isulat ulit ang nga utang nila kasama ng sa'yo! Ipakain ko sa'yo ang listahan ng utang, eh!"
"Ay naku, Brandon, huwag na," sabat ni ate. "Aling Kepay, sasahod na po ako sa makalawa at nag-ipon po ako ng pambayad sa inyo, kukompletuhin ko po ng bayad ang utang namin sa makalawa po."
Mahinhin na tugon ni ate kay Aling Kepay. Pinaningkitan kami ng mata ni Aling Keps na parang tinatantiya kung nagsasabi ba ng totoo ang kapatid ko.
"Siguraduhin mo lang, Roan ha? Siguraduhin mo lang," tila may pagbabanta pa sa tinig nito.
"Opo."
Nasa gate na kami sa school nang maisipan kong tanungin si ate.
"Ate, may pambayad na ba talaga tayo sa utang natin kina Aling Keps?"
Umuklo si ate upang mapantayan ako. Hinaplos nito ang mukha ko at hinalikan ako sa noo.
"Hahanap ng paraan si ate ha? Ako na ang bahala diyan. O, sige na, pumasok ka na. Mag-aral ng mabuti ha?"
"Opo, ate."
Nabayaran nga ang utang namin kay Aling Kepay. Ilang araw din akong naghintay kay nanay. Tumatambay pa ako sa pintuan ng aming barong-barong at nagbabakasakali na biglang dumating ito. Pero dumaan ang mga buwan at walang nanay na dumating. Hanggang sa nakasanayan ko na at tinanggap na si Ate Roan nalang ang meron ako.
Galit si ate kay nanay dahil inabanduna niya kami, pero wala akong makapa ni katiting nito sa puso ko. Mahal ko si nanay at hindi ko man matanggap ang pang-iiwan niya sa amin, sa puso ko, siya pa rin ang nanay ko na mahal na mahal ko.
Minsanan din kung umuwi si tatay at hindi na tulad ng dati na nagdadabog siya, hindi niya na rin kami sinasaktan. Sa katunayan ay may dala pa itong pagkain sa amin minsan at ngumingiti na rin ito, lalo na kay Ate Roan.
"O, mga anak, uuwi ang tatay mamaya ha? May ulam sa lamesa, magpakabusog kayo."
Lumapit ito kay Ate Roan at hinaplos ang balikat nito. Medyo naiilang pa si ate na lumayo rito.
"Salamat, tatay," pasalamat ko.
Tumango lang ito sa akin at umalis.
Kinagabihan ay maaga akong natulog. Natapos na akong mahugas ng plato at naglinis. Ako ang nag-aasikaso ng gawaing bahay dahil alam kong pagod si ate sa pagtatrabaho.
"Ate, matulog na tayo."
Tulala itong nakatingin sa sahig.
"Ate?" Mahina ko itong niyugyog at natauhan naman.
"O-o, bunso. Bakit?"
Humikab ako at tumingin dito na may malamlam na mata. "Tulog na tayo."
"Sige, tara."
Mahina niya akong tinatapik sa pwet upang makatulog hanggang sa magapi ako ng antok.
Kinusot ko ang mga mata habang papungas-pungas na bumangon. Naalimpungutangan ako ng makarinig ng hikbi at normal naman na ito, pero sa pagkakataong 'to ibang tao ang umiiyak at alam kong hindi si nanay dahil matagal na siyang wala rito.
"Ate Roan?"
Mahigpit ang hawak nito sa kumot habang humihikbi ngunit tumigil nang marinig na nagising ako.
"Ate, okay ka lang?" Lumapit ako sa kanya at pinahid ko ang luha sa mukha ni ate.
Bakit ba laging pinapaiyak ang mga babaeng mahal ko? Kaya ayokong umiyak dahil kota na sa iyak ang bahay namin kay nanay noon, ngayon naman si ate.
"Bakit ka umiiyak, ate? Sinong umaway sa'yo?" nag-aalala kong tanong.
"Wala, ayos lang si ate. Tulog ka na ulit," ani ate habang nakabaluktot pilit tinatago ang luhaang mukha.
Ayaw ni ate ang kinukulit siya ng mga tanong kaya tumahimik na lang ako.
"Ate..."
"Hmm?"
"H-huwag mo 'kong iwan ha?"
Sandali itong napipi bago ngumiti sa akin. Ngiti ng kasiguraduhan. "Oo, hindi ka iiwan ni ate, bunso." Hinalikan niya ang ulo ko. "Tulog na."
Nahiga na akong muli at tumalikod dito. Kahit nakapikit ay rinig ko pa rin ang mga mahihinang salita ni ate.
"Mahal na mahal ka ni ate, bunso. Huwag mong kalilimutan 'yan."
'Yan din ang huling salita na narinig ko kay nanay. At pilit mang pigilan ay may isang luhang nakatakas sa aking mata dahil sa takot na sumibol sa loob ko.
Ilang araw ang nagdaan at patuloy akong nagigising ng madaling-araw, naririnig ang mga hikbi ni ate. At sa oras na magising ako ay tahimik ko siyang sinasamahan at pinipigil ang aking iyak. Kapag natapos na siya at naramdaman kong natutulog na ay doon lamang ako natutulog ulit.
Hindi ko alam kung bakit laging ganito si ate. Ayaw niya ding magsalita kung bakit.
Palagi nalang akong puyat dahil sa ganoong senaryo araw-araw. Pero isang araw ay may balita aking narinig na sobrang nakapagpagimbal sa akin.
Nang makauwi ako ay nagkalat ang damit namin ni ate sa sahig, may iba pang nasuksok sa karton. Anong nangyari dito? Nasaan si ate?
Nag-overtime siguro sa trabaho si Ate Roan. Pero nang mag-alas siyete na ng gabi ay hindi pa rin ito umuuwi. Pupuntahan ko na sana si ate sa bakery nang may nakita akong mga tanod na nag-roronda.
"Ysabelle, ano pang ginagawa mo dito? Umuwi ka na, bawal nang lumabas sa ganitong oras ang nga paslit," sita ni Mang Sidro sa akin.
May dala itong batuta pati na ang mga kasamahan at natakot akong baka ihampas iyon sa akin 'pag hindi ako sumunod kaya umatras ako. Pero dahil sa kagustuhang makita si ate ay mabilis akong nagtago sa gilid ng basurahan. Nang makitang umalis na ang mga ito ay tumakbo ako sa kabilang direksiyon papuntang bakery.
Pero laking dismaya ko nang makitang sarado na ito. Gamit ang maliit na boses ay tinawag ko si ate. Baka na-lock siya sa loob. Pero walang sumasagot.
Bagsak ang balikat kong naglakad pabalik sa bahay. Baka nagkasalisi lang kami ni ate, baka nasa bahay na siya ngayon! Dahil sa naisip ay tumakbo na ako para mabilis na makarating sa bahay. Pero walang Ate Roan akong nakita doon. Hinalughog ko ang bahay pero wala. Nanlulumo akong napasandal sa dingding.
"Iniwan mo na din ba ako, ate tulad ng ginawa ni nanay?"
Alas dose na ng madaling araw pero mag-isa akong nakahilata sa sahig ng bahay dahil sa panghihina na baka iniwan na ako ni ate. Parang nawalan ng lakas ang buo kong katawan.
"Baka iniwan nila ako dahil napagod na silang katatanggol sa akin," humihikbi kong kausap sa sarili.
Tama. Siguro napagod na si nanay at ate sa akin dahil pabigat lang ako sa kanila. Kaya dapat maging malakas na ako.
Pero sa kabila ng pagpapalakas ko ng loob ay naroon pa rin ang malaking katanungan sa puso at isip ko.
"Nasaan na kay, Ate Roan at Nanay? Nasaan na kayo?"