Capitulo Dos

3724 Words
"Ysa! Ysa!" Mabilis akong napabalikwas ng bangon dahil sa kung sinong kumakalampag sa pintuan namin. Masakit pa ang likod ko dahil magdamag akong natulog sa malamig na sahig. Sana hindi ako kabagin. Nang buksan ko ang pinto ay bumungad sa akin ang mukha ni Brandon na parang hindi pinakain ng isang taon dahil sa payat. "Bakit?" humihikab kong tanong. "A-ang ate mo." Nakuha nito ang atensiyon ko nang mabanggit si ate na kahapon ko pa hinahanap. Hinawakan ko ang magkabilang buto't balat na balikat ni Brandon at niyugyog ito. "Nasaan ang ate ko, Brandon?! Nasaan?!" "Tara!" Pansin ko na pawisan ito. Dinala ako nito sa may tabing ilog na may maraming tao na nagkukumpulan. "Hoy, Brandon. Hindi naman tsismosa ang ate ko kaya imposibleng kasama siya diyan sa mga taong nagkukumpulan." "Y-yon na nga, Ysa, eh... Wala ang ate mo diyan sa mga taong 'yan-" Napahinto ako sa narinig. "Ano?! Pinaglololoko mo ba ako? Nasaan si ate? Sa kaniya mo ako dalhin! Bakit ba tayo nandito? Makikiusyoso ka rin ba diyan?!" turo ko sa pinagkakaguluhan ng madla. Nang tingnan ko ulit ang kasama ko ay kita ang pagkatuliro sa kaniyang mga mata at galaw. Kanina pa nito pinapapak ang mga kuko at parang hindi mapakali. "Brandon, sumagot ka--" "Ang ate mo ang pinagkakaguluhan, Ysabelle! Ang bangkay niya mismo!" A-a-ano...? Bangkay? B-bangkay ni ate? "Wala na si Roan, Ysa. Natagpuan kanina ang bangkay niya dito sa may tabing-ilog. maraming sugat siyang natamo at hubo't-hubad din siya na parang gin*hasa. P-patay na ang ate m-mo." Wala akong ibang naririnig maliban sa napakatinis na tunog, ang ulo ko nama'y parang bumigat at tila umiikot ang paningin ko. Parang hindi kayang maproseso ng utak ko ang mga nalaman. Ayaw kong tanggapin ang mga sinasabi ni Brandon. Hindi! Mali siya, hindi pa patay si ate! "Hindi! Sinungaling ka, Brandon! Hindi pa patay ang ate ko!" Sa galit ay nagmarcha ako sa pinagroroonan ng mga tao at sumiksik sa kanila para ipakita kay Brandon na hindi si ate ang pinagkakaguluhan nila. Wala na akong pake kung sino ang mga nababangga ko. Winawaksi ang kung sino mang humaharang at nagrereklamo ang mga ito. Gusto kong makita mismo na hindi patay si ate. Gusto kong pabulaanan ang mga kasinungalingang sinasabi ni Brandon! Pero ang makita ang katawan ng kapatid ko na wala nang buhay, na nakadilat pa ang mga matang nakatingin sa direksiyon ko ay isang bangungot... Nagpaulit-ulit sa isip ko ang mga sinabi ni Brandon kanina. Ang ate mo ang pinagkakaguluhan, Ysabelle! Ang bangkay niya mismo! Wala na si Roan, Ysa Patay na ang ate mo... Patay na ang ate mo... Patay na ang ate mo... Naglakad ako papalapit sa katawan nito. Dahan-dahan kong inalsa ang ulo nito at ipinatong sa aking hita. Pinagmasdan ko ang maganda nitong mukha na wala nang kulay, at sinlamig na ng yelo ang katawan. May saksak ito bandang tiyan, leeg at paa. May ilang parte din ng katawan nito na kulay lila na, at may natuyong dugo sa kaniyang hita na tila naglandas mula sa kaniyang p*gkababae. Halatang binugbog, binaboy at pinagsamantalahan ang kapatid ko. Mabilis kong hinubad ang suot kong t-shirt, habang naiwan naman sa katawan ko ang sandong suot. Itinabon ko ang damit ko sa hubad na katawan ni Ate Roan. Ang dating napakaganda nitong kutis, ngayon ay kay putla na. Itinaas ko ang aking palad at isinara ko ang mga mata nitong nakadilat. Hinalikan ko ang noo nito at hinayaan ang mga luha kong umagos na parang tubig sa talon. M-mga walang hiya ang gumawa nito sayo, ate. Mga walang hiya!!! "AHHHHHHH!!!!" Halos mamaos na ang boses ko kakasigaw at dumugo na ang kamay ko sa sobrang pagkumo ko ng kamao. "SINO ANG GUMAWA NITO?! SINOOO?!" Mahigpit kong niyakap ang malamig na katawan ni Ate Roan. Ate ko... May dumating na mga pulis at pinaikutan ang crime scene. "Nakikiramay kami, Ysabelle." "Ako din, Ysa." "Condolence, Ysa." Wala sa sarili lang akong tumango sa mga ito. Ika-limang araw na ngayon ng burol ni ate pero hindi dumating si tatay. Akala ko ay uuwi si nanay pero wala din. Ako lang ang natatanging kapamilya ni ate na narito at nagluluksa. Tinulungan ako ni Brandon at ng iba pa naming kapitbahay para sa burol ni ate. Nag-ambagan ang mga ito maski na si Aling Kepay. Humingi din ng tulong si Brandon sa PCSO at sa aming baranggay, pati na sa ibang ahensiya ng pamahalaan para mabigyan ng pamburol at panglibing ang aking kapatid. Malaki ang pasasalamat ko dito dahil wala ako sa sarili nitong mga nakaraang araw, at halos 'di ko pa lubos ang pagkamatay ng nag-iisa ko nalang na kapamilya. At ano ba naman ang magagawa ng isang onse-anyos na bata? "Ysa, kumain ka muna... Ilang araw ka ng walang maayos na kain. Kung nandito ang ate mo siguradong hindi niyon magugustuhan na nagpapagutom ka." Hindi ko ito binalingan ng tingin sa halip ay nanatili akong nakatutok sa kabaong ni ate. Tanging pangalan ko lang ang nakalagay na kapamilya sa maliit na ribbon na nakadikit sa kabaong, ayon na rin sa gusto ko dahil matagal na kaming walang kinikilalang mga magulang. "Mahal na mahal mo si ate 'no?" Natigil ang pangungulit ni Brandon sa aking kumain nang magsalita ako. Sa gilid ng paningin ko ay umayos ito ng upo at tumingin din sa kabaong. "Puro at tunay ang pagmamahal ko sa kapatid mo, Ysa. Hindi dahil maganda at marikit siya. Kundi dahil sa kabutihan ng puso niya. Si Mary Roan ang pinakapurong babae na nakilala ko." "Kahit na may tsismis na ginamit na siya ni Mang Toni?" tanong ko at kinumo ang kamay. "Oo. Totoo man o hindi ang mga sabi-sabi tungkol sa kaniya, isa lang ang alam ko... Na mahal na mahal ka niya at gagawin niya ang lahat para sa'yo. Humahanga ako sa pagpupursige niya. Kung nalaman ko lang na ganito siya kaaga kukunin sana mas nagpursige pa ako sa panliligaw. Sana mas nagsikap ako. S-sana mas ipinakita ko pa ang pagmamahal ko sa kaniya," nabadag ang boses nito sa huling sinabi. "Mahal ka din ni ate," ani ko at tumingin sa kanya. "T-talaga?" Nanlaki ang mga mata nito. Tumango ako. "Kapag tinatanong ko siya ay laging sinasabi niya na ang pamilya namin ang prayoridad niya. Pero nakikita ko ang ningning sa kaniyang mga mata kapag sumusulyap siya sa bintana. Nang dungawin ko ay nakita kong ikaw ang tinitingnan niya. Lagi kang nasa tindahan nila Aling Kepay at nakikipagtawanan sa iyong mga kaibigan." "B-bakit hindi niya sinabi sa'kin?" nanlulumo nitong tanong. "Dahil takot siya. Takot siyang mahusgahan ka rin ng mga tao. Para akong isang batang musmos na parang walang alam sa mga nangyayari kapag kasama ko si ate, pero ino-obserbahan ko ang paligid." Pinigil ko ang panunubig sa aking mga mata, at tagumpay ako na hindi ito mapatulo. Ayoko nang umiyak, ayoko nang maging mahina. May ideya ako sa mga nangyayari pero pilit kong binabalewala. Ngunit gustuhin ko man ay hindi ko matatakasan ang buhay na meron ako. Magulo ang buhay ko ngayon. Baka sa mga darating na bukas ay magulo pa rin. Nawala ang pag-asa ko. Nawala na ang paniniwala ko sa buhay... Siguro ay hindi na magiging maayos pa ang mundo ko. Hindi na...hindi na ngayong wala na si nanay at ate. Dumating ang araw ng libing ni ate. Nandito kami ngayon sa Las Cosas Public Cemetery. Nakatutok ang aking paningin sa kabaong nito na pinapasok sa nitso. Hinalikan ko ang hawak na puting rosas at initsa sa loob ng nitso. Paalam mahal kong kapatid... Nagsialisan na ang mga tao ngunit nanatili akong nakatayo sa harap ng lapida ni ate. "Ysa, bukas na pala darating ang orphanage na ki-nontact ko. Ang Happy Pit Orphanage. Hindi mahagilap ang mga magulang mo-- " "Patay na sila. Patay na din sila, kaya 'wag mo nang banggitin, Brandon," malamig kong saad. Tumango ito bilang tugon. "Aalis na din ako, Ysa. May emergency din sa bahay, eh. Pasensiya kana hindi na kita masasamahan." Si Brandon ang huling nagpaalam dahil sinamahan pa ako nito dito sa sementeryo ng ilang oras, pero may mga gagawin din pala ito naabala ko pa siya. Tumango ako dito at tinutok muli ang paningin sa lapida. "Salamat, Kuya Brandon. Maraming salamat sa lahat," wika ko dito nang hindi ito nililingon. Nang mawala si nanay ay nakayanan ko dahil nandiyan si ate, at wala akong pakialam kay tatay kahit maglaho pa siya. Pero si ate... Simula nang mawala siya ay para ding may namatay sa loob ko. Tila hindi ako makaramdam ng kahit ano, maski gutom man yan o pagod. Ni hindi ako umiyak sa burol nito at ngayong libing niya. Para akong namanhid. Tila isa akong patay na naglalakad at walang emosyon na maramdaman. Kanina pa kumukulog ang langit at may nagbabantang ulan, hanggang sa bumuhos na nga ang ulan na kanina pa pilit pinipigilan ng mga ulap. "Sana isinama mo nalang ako, ate... Sana kasama pa kita hanggang ngayon..." Hindi ko batid ang ulan na unti-unti akong binabasa, at hindi rin ako giniginaw kaya nanatili akong nakatayo doon ng ilang oras. Mag-ga-gabi na nang mag-desisyon akong umuwi. Kasalukuyan akong nag-aayos ng mga gamit na dadalhin para sa paglipat ko bukas sa Happy Pit Orphanage. Inilagay ko sa karton ang lahat ng mga damit ko. Hindi naman ito karamihan dahil kapos kami sa pera mula pa noon kaya malimit lang kaming nabibilhan ng damit. Nakuha ko na lahat ng damit ko nang maisipan kong tingnan ang mga naiwang gamit ni ate. Hindi ko alam kung iiwan ko lang ba 'to dito o susunugin ko. Pero ito lang ang mga alaalang maiiwan ni ate sa akin, kaya pinili kong isama sa karton ang iba niyang damit. May supot akong nakita sa pinakailalim ng mga damit niya. Nakaipit ito roon at parang sadyang tinago. Nang buksan ko ang supot ay nakita kong isang magandang bistida ang naroon. Mapusyaw na lila ang kulay nito at kay ganda ng pagkakaburda ng disenyo. Tumayo ako isinukat ang damit ng hindi ito sinusuot. Nang tingnan ko sa salamin ay parang bagay ito sa'kin. Umikot pa ako at dinamdam ang lambot ng tela. Akmang ibabalik ko na sa supot ang bistida nang may nakita akong papel sa sahig. Nagtatakang kinuha ko ito at binuksan. Mahal kong bunso, Nagustuhan mo ba ang bistida? Maligayang Kaarawan! Dose ka na at malapit ng magdalaga. Pasensiya na at hindi magarbo ang regalo ni ate sa'yo, ah? Alam mo bang dati pinagdarasal ko na sana magkaroon ako ng kapatid na babae? At nagkatotoo nga! Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagkaroon ako ng isang maganda, mabait, at sobrang kulit na kapatid. Hindi man maganda ang mga naging karanasan natin sa buhay, pero nalampasan natin 'yon dahil kasama natin ang isa't-isa. May isang sekreto din sana akong nais ilahad sa'yo, Ysa pero hindi ko kayang mausal sa iyo iyon ng harapan kaya isinulat ko na lang. Nasa ilalim ng damitan ko iyon nakatago, sa kaliwang bahagi. Sana hindi mo ako kamuhian pagkatapos ng mga malalaman mo, Ysa. Alam kong may hinatsa ka na sa mga nangyayari dahil matalino ka pero nanatili kang tahimik at hinintay akong magsalita. Ngunit hindi ako kailanman nagkalakas ng loob. Lagi mong tatandaan bunso na mahal na mahal ka ni ate, at maligayang kaarawan. Nagmamahal, Ate Roan. Mabilis pa sa alas-kuwatro kong kinalkal lahat ng damit ni ate sa kanang bahagi ng ilalim na damit ko nakita ang supot at sa kanan naman ang notebook. Sekreto... Kailangan kong malaman iyon. Maaaring iyon na ang sagot sa mga katanungan ko pati na sa pagkamatay ni ate. Isang talaarawan ang nakita ko. Binitbit ko ito at pumunta sa sulok saka binuksan at binasa. Talaarawan, Nag-away na naman sina nanay at tatay at umiiyak si bunso. Ayokong nakikitang umiiyak ang kapatid ko kaya hahanap ako ng paraan para mabaling ang atensiyon niya kapag nag-aaway ang mga magulang namin. Talaarawan, Paborito namin ni Ysa ang rapper na si Andrew E. at ang Salbakuta. "Stupid Love" ang kinanta ko kay bunso noong nagwawala si tatay at epektibo nga! Alam pa nga niya ang kanta. Talaarawan, May gusto daw sa akin si Brandon, yung payatot naming kapitbahay. Masugid siya at... Gusto ko din siya. Sa unang mga pahina ay simple lang ang mga sinusulat ni ate sa kaniyang talaarawan. Pero nang naglaon ay nagsimula na itong magbunyag ng mga sikreto. Talaarawan, Wala na kaming makain. Si nanay ay halos baldado na sa pambubugbog ni tatay. Nagmakaawa ako kay Mang Toni na bigyan ako ng trabaho, pero may kapalit. Iyon ay ang katawan ko. Oo, ibinigay ko sa matanda ang pinakaiingatan kong p*gkababae pero kailangang-kailangan na namin ng pera at nagugutom na ang kapatid ko. Patawarin nawa ako ng Diyos Maykapal sa kasalanang nagawa ko. Nanginginig ang kamay kong inilipat ang pahina. Talaarawan, Umalis na si nanay, iniwan na niya kami at galit na galit ako sa kaniya dahil tinalikuran niya kaming mga anak niya! Alam kong naghihirap na siya pero bakit hindi niya kami isinama?! Bakit iniwan niya kami dito sa impiyernong bahay namin?! Talaarawan, Kalat na sa buong baranggay ang pagiging madumi kong babae, at nahihiya ako kay Brandon dahil isang maduming babae ang nililigawan niya. Pilit ko man siyang patigilin sa panliligaw ay ayaw daw niya. Paulit-ulit din akong ginagamit ng matanda kong amo. Nandidiri man ay wala akong magawa dahil ayokong mawalan ng trabaho. Iniisip ko na lamang na para sa kapatid ko itong ginagawa ko, para makapag-aral at malamanan ang kaniyang tiyan at hindi magutom. Talaarawan, Naaasiwa ako kay tatay dahil sa malalaswang tingin na iginagawad nito sa akin. May miminsan din na hinahawakan ako nito sa maseselang parte ng aking katawan kapag hindi nakatingin ang kapatid ko. Talaarawan, Sobrang dumi ko na! Nais ko nang magpakamatay dahil hindi ko na kaya ang mga nagyayari. G*nahasa ako ng aking ama at hindi ako maaaring magsumbong dahil papatayin daw niya si Ysa. At 'yon ang hindi ko mapapayagan! Ano bang nagawa ko bakit pinaparusahan ako ng ganito?! Talaarawan, Kapag wala si Ysa sa bahay at nasa eskwelahan ay pumupunta sa bahay ang mga kaibigan ni tatay. Hindi ako nito pinapapasok sa trabaho at tinututukan niya ako ng kutsilyo. Pinapagamit ako ng ama ko ng ipinagbabawal na gamot! Pinagpasa-pasahan din ako ni tatay at ng kaniyang mga kaibigan. Binababoy nila ako. Wala man lang akong magawa. Wala akong mahingihan ng tulong dahil hawak nila ako sa leeg at binabantaan akong papatayin si Ysa. Patayin na lang sana ako at pagod na pagod na ako! Talaarawan, Buntis ako, at hindi ko alam kung sino ang ama. Naaawa ako sa magiging anak ko at ang dumi ng ina niya. Nais ko mang kamuhian ang bunga ng pangbababoy ng mga lalaki sa akin ay hindi ko magawa. P-paanong buntis si ate?! Talaarawan, Nalaman kong nagtatrabaho si tatay sa isang sindikato. Lihim kong kinausap si Renan, isang kapitbahay naming pulis. Isiniwalat ko ang mga kabalahuraan ng aking ama, pupuntahan ko sa paaralan nila si Ysa ngayon at aalis na kami. Iyan ang huling sulat ni Ate Roan sa kaniyang talaarawan. Tila nanghina ako sa mga nalaman. Buntis si ate at hindi namin alam kung sino ang ama... Kaya pala hindi nagpakita ang demonyo naming ama sa libing ni ate. Pinilit pa nitong gumamit ng ipinagbabawal na gamot si ate! B-binaboy at kinawawa ang kapatid ko at lahat ng iyon ay ginawa niya para sa akin. N-naging miserable at parang impiyerno ang buhay niya dahil sa akin. Ang ate ko... Kasalanan ko ang lahat ng ito. Kasalanan ko kaya siya namatay. Ako ang dahilan ng pagkamatay ni ate at ng pamangkin ko. Ako! Ano bang kasalanan ko sa buhay at bakit pinaparusahan ako at ang mga mahal ko ng ganito?! Gaano ka kagalit sa akin, buhay at dinudurog mo ako ng ganito?! Ramdam ko ang pamumula ng buo kong mukha at pang-iinit ng ilong at tenga ko. Parang kokombulsiyonin ang katawan ko dahil sa sobrang pangingig dulot matinding galit. Wala nang kwenta ang bahay na'to! At kahit na gibain ko ito ngayon din ay wala akong dapat ikabahala. Nawala ako sa sarili at pinagtutumba ang cabinet, lamesa at mga upuan. Kinuha ko ang radyo at hinagis sa kung saan. Pati mga baso at plato mapa-plastic o babasagin man ay pinagtatatapon ko. "Walang hiya! Mga halang ang kaluluwa, mga demonyo kayo!!!" Pumunta ako sa kwarto at kinuha ang karton na naglalaman ng nga gamit ko at iilan mula kaya ate. Kinuha ko mula sa sahig ang talaarawan at mahigpit itong hinawakan. Matalim akong tumitig dito. "Ipinapangako ko, ate...magbabayad sila. Pagbabayarin ko sila," mariin kong usal. Inilagay ko ang hawak sa karton at binitbit ito saka lumabas ng bahay. Hindi ako nabahala na baka nabulabog ko ang mg kapitbahay namin, dahil sanay na sila sa ingay na nanggagaling sa bahay namin. Immune na sila sa ingay ni tatay kapag nagwawala, kaya wala lang sa kanila ang nagawa kong ingay kanina. Baka nga akala ng mga 'yan na si tatay pa ang nagwawala kanina at hindi ako. Inilagay ko muna sa gilid ng bahay ang karton para puntahan si Brandon. May mga kailangan akong malaman at kumpirmasyon sa kaniya. Bakit hindi niya sinabing buntis si ate? Siya ang nakausap ng doktor at sigurado akong sinabihan siya nito sa kalagayan ng ate ko. "Tao po? Tao po?" "Ysa?" Lumingon ako nang may tumawag sa akin. Si Aling Medring. Lumapit ako rito at nagmano. "Si Edna ba ang hanap mo?" "Hindi po, si Brandon po." "Wala sila riyan, hija. Nasa ospital at isinugod kahapon si Edna dahil inatake sa puso." "Ganoon po ba?" Tumango ito. "Sige po, mauuna na ako." "Sige. Nakikiramay nga pala sa pagkawala ng ate mo." "S-salamat po." Tumakbo ako papuntang bahay. Nakonsensiya ako sa sinabi ni Aling Medring. Iyon ba ang emergency na sinasabi ni Brandon kahapon? Sana maaga akong umuwi, e'di sana hindi na ako hinintay ni Brandon at nasamahan sana nito ang ina. Umupo ako sa may pintuan namin habang hinihintay ang mga taga Happy Pit nang lumapit sa akin si Tina, kalaro at kapitbahay namin, kaedad ko lang din ito dose-anyos. "Y-ysa..." "Tina." "M-may sasabihin sana ako." Nakasiklop ang mga kamay nito at pinaglalaruan ang daliri. Bahagya din itong nakayuko na parang nahihiya o natatakot? "Ano 'yon?" "N-nakita ko ang p-pagkamatay ng ate mo." Parang may mga langgam na nangangagat akong naapakan dahil sa marahas kong pagtayo mula sa pagkakaupo. Tumingin ako sa paligid at baka may nakarinig. Nang makitang wala ay hinila ko ito papunta sa gilid ng aming bahay na medyo tago. Dito din ako hinila ni Ate Roan ng araw na inaabuso ni tatay si nanay. "Anong nalalaman mo, Tina?" Kita ang takot sa mga mata nito na nagsisimula na ding manubig. "N-naduwag akong ipaalam ito sa'yo, Ysa dahil na-trauma ako sa nasaksihan ko." Hindi ako nagsalita at nanatili lamang tahimik na nakikinig dito. "Noong araw bago siya namatay ay pumunta siya sa paaralan natin. Dumudungaw siya sa gate siguro hinihintay ka. Wala ang guard sa kaniyang poste ng oras na 'yon at walang mga guro o studyante na naglalakad dahil oras ng klase, p-pero naroon ako sa may fountain malapit sa gate nang panahong 'yon dahil pinalabas ako ni teacher. Pumunta akong canteen at bumili ng pagkain at doon sa may fountain kumain. Lalapitan ko sana si Ate Roan para batiin, pero nakita kong may mga lalaki na lumapit sa kaniya kaya nagtago ako. Nakita kong kinaladkad siya papunta sa van na nasa likod nila. Dahil wala ang guard lumabas ako at nakita kong tinahak ng van ang kanang kalye." Tumigil itong sandali at huminga, nanginginig ang boses nito habang nagsasalaysay. "D-dahil wala ang guard ay naisipan kong pumunta sa paradahan ng may tricycle at magsumbong. Nakita ko doon si papa at sinabi ang nangyari, sa kaniya ko lang sinabi, Ysa pramis." Itinaas pa nito ang kamay para ipakitang nagsasabi siya ng totoo. "Tinahak namin ang kalyeng dinaan noong mga lalakeng kumuha kay Ate Roan. Natigil kami nang makitang nakaparada ito sa kalye na malapit sa ilog. Tahimik na binaybay namin ni papa ang daan papunta roon a-at nakita kung p-paano nila minolestiya si Ate Roan," sandali itong natigil at huminga ng malalim. "I-isa ang t-tatay mo sa kanila, Ysa. Nandoon si Mang Ramon. Nasuka ako sa ginawa niyang pangmomolestiya sa sarili niyang anak." Nagsimula na itong umiyak habang inilalahad ang kahayupang ginawa noong mga lalaki sa ate ko. Sobra ang pagpipigil na ginawa ko para hindi sumabog. Pero hindi ko nagawa dahil lumapat na ang kamao ko sa kahoy na dingding ng aming bahay. Paulit-ulit ko itong sinuntok hanggang sa nabutas ito. Napuruhan ang kamay ko sa ginawa pero hindi ko na ito inintindi dahil sa sobrang galit. "Magpatuloy ka, Tina." Nandidilim na ang mga mata ko galit. Hindi ko man ito lingunin ay alam kong natatakot na din ito. Pinanatili kong kalmado maski ang boses ko manlang pero nakalingkis sa boses ko ang galit. "P-pinagsamantalahan nila ang ate mo at pinagsasaksak at bugbog. W-wala kaming magawa ni papa dahil armado sila. S-sabi ni papa na huwag ko raw sabihin sa'yo d-dahil baka magsumbong ka sa mga pulis at madamay kami. B-baka daw malaman nung mga lalake at ipapatay din kami katulad ng ginawa nila sa ate mo, pero hindi kaya ng konsensiya ko, Ysa. Patawad." Lumapit ako sa humihikbing si Tina, nangingig pa ang katawan nito. "Salamat, Tina. Huwag kang mag-alala walang mangyayari sa inyo." Natigil kami ng marinig ang papalapit na ugong ng kotse. Pinahid ko ang basang mukha nito. "Doon ka dumaan, Tina, baka may makakita sa'yo na nanggaling ka dito sa amin at magsumbong sa tatay mo. Tahakin mo 'yan, papunta 'yan sa may likod bahay nila Aling Kepay. Mag-iingat ka, Tina at...salamat." Tumango siya. "Mag-iingat ka din, Ysa." Nang hindi ko na makita ang bulto ni Tina ay pumunta na ako sa may pintuan namin para kuhanin ang karton. Nakita kong may nakaparadang multi-cab sa kalyeng malapit dito, at may nakasulat doong "Happy Pit Orphanage". "Maria Ysabelle Bianson?" May babaeng sa tingin ko'y nasa edad bente-cinco pataas ang lumapit sa akin at may maliwanag na ngiti. "Magandang araw. Taga Happy Pit Orphanage kami, narito kami para--" "Tara na po," putol ko sa sana'y pagpapakilala niya. Nilagpasan ko ito at nauna na sa sasakyan. Alam kong kawalan ng respeto ang ginawa ko. Pero maski ako ay hindi na maintindihan ang sarili. At hindi hindi ko alam kung kailan ako magiging maayos ulit o magiging maayos pa nga ba...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD