Kabanata 13: Sapantaha
Sapantaha - hinala
Hindi muna ako umuwi sa condo. Bumili muna kami ng gamot ni Mama bago umuwi. Absent na 'ko sa last subject namin. At buti na lang ay Friday na, may time akong magpagaling nang walang na-mi-miss sa klase. Sobrang nakaka-stress kaya yung may sakit ka na ta's iisipin mo pa yung ibang bagay. May mga prof pa namang walang pa-special quiz.
Nakahiga lang ako sa kama. Balot ng kumot. Nakatingin lang ako sa calendar of events ko sa table sa gilid ng kama ko.
"Next week na pala."
Kinuha ko ang phone ko. Ang daming messages mula sa President namin, sa mga kaklase ko, at sa kaniya.
TJ: Nakauwi na kami.
Nag-reply siya kaagad. Nasa condo na siguro 'to. Tapos na ata ang klase. Tinignan ko ang oras sa phone ko.
Ali: Kumusta naman pakiramdam mo?
TJ: Mas ok na. Thank you kanina.
Ali: Pagaling ka lang diyan. Bisitahin kita bukas pag-uwi ko sa 'min.
TJ: Hala wag!
Ali: Bakit naman?
TJ: Ano, may virus. Oo meron baka mahawa ka.
Taranta 'kong sabi.
Baka kung ano isipin nila Mama. Napapadalas na siya ng punta rito. Mas madalas pa kay Lyca.
Ali: Ok sige
Ramdam kong para siyang naguluhan.
TJ: Sa Monday sana makapasok na 'ko. Sige tutulog na 'ko.
Ali: Good night po! Rest well ?
TJ: Sapak. Night din!
Nag-off na 'ko ng wifi at natulog. Pero biglang may mga naiisip na naman ako. Na-i-imagine ko si Mylene na pumapasok na naman nang basta-basta lang sa unit namin. Na baka hinaharot na niya si Ali. Baka mamaya iba na ginagawa nila.
"Hala ano ka ba! Ang layo na niyan ah. Itulog mo na 'yan. Hindi naman sila ganung tao."
Kinaumagahan ay dinalhan ako ni Mama ng agahan. Breakfast in bed mga kaibigan.
"Maligo ka pagkatapos ah at nang bumaba na 'yang lagnat mo. Ang gamot 'wag kakalimutan." Bilin ni Mama.
"Ok po."
Biglang nag-ring ang phone ko. Tumatawag si Ali at naka-video call.
Sinagot ko ang tawag niya.
"Kumusta na, bee?" Nakangiti lang siya sa harap ng camera.
"Ano, bubuyog? Bakit may paganiyan na?"
"Ano ba gusto mo? Mahal? Babe? Baby? Cupcake? Cheesecake? Fudge bar? Strawberry?" Hindi pa siya titigil kung hindi ako sumingit.
"Mas ok na yan bee," Napaisip ako. "gusto ko ng jabee oo grabe miss ko na. Kaya siguro ako nagkasakit. Oo bilhan mo 'ko spag. Oo, ayun."
Pinagtatawanan niya lang ako.
"Sige, bee. Ako bahala." Nakangiti pa rin siya.
"Nag-agahan ka na?" Sabay pinakita ko sa kaniya yung kakainin ko na lumalamig na.
"Nagluluto akong champorado. Sabay na tayo." Tumayo siya at pinakita ang niluluto niya.
"Mamaya ka pa uuwi?" tanong ko.
"Dito na dapat muna ako pero may gusto ng jabee kaya uuwi ako."
Pwede naman magpa-deliver na lang. Pero sige hayaan mo na.
"Tsaka baka kailangan mo lang ng ya-" Kaagad kong putol sa sasabihin niya.
"Ok na ata 'yan. Isalin mo na."
Napatingin siya sa kaldero.
"Oo nga. Sandali ah." Nilapag niya muna ang phone niya.
Ayun na nga. Magka-video call kami habang kumakain. Tamang asaran at kulitan lang. Nang biglang may bumukas ng pinto kaya napa-call end agad ako.
"Kunin ko na pinagkainan mo at ng mahugasan na." Sabay lapit ni Mama sa akin.
"Ma naman eh nakakagulat ka."
"Sige na ubusin mo na. Kokonti na lang eh."
Hinigop ko na lahat mula sa bowl at iniabot kay Mama ang lazy bed kasama ang mga pinagkainan ko.
Tumatawag ulit si Ali. Pagkalabas ni Mama ay sinagot ko.
"Bakit pinatay mo?" tanong niya.
"Nagulat kasi ako kay Mama. Bigla-biglang pumapasok. Tsaka 'wag ka na pala bumili. Nag-order na pala kapatid ko."
"Ok, sige. Sayang naman. Pwede punta pa rin ako diyan?" Pagpupumilit niya.
"Next time na lang. Babalik naman ako sa condo." Muntik ko na masabi yun bee. Buti na lang talaga at nakapagpipigil.
Pero mas na-appreciate ko siya lalo. No one ever did show care to me like that aside from my parents and him. And I vow to reciprocate it, if possible, more than what they are giving me. Sobrang thankful ko sa kaniya. I'll never find someone as artistic and smart and everything as him.
"Sige na maliligo pa ko. Baka sa edad kong 'to eh mapalo pa 'ko."
"Ayaw mo ba?"
"Gago! Sige bye na."
"Ikaw lang nag-iisip nun. Bye, bee!"
Binabaan ko na siya. Dumi-dumi ng isip nako.
Kinahapunan ay gumaganda na ang pakiramdam ko. Buti na lang tapos na ang mga quizzes. May naiisip akong gawin para sa birthday ni Ali.
Tinawagan ako nila Tito para kamustahin. Nabanggit ni Ali sa kanila na nagkasakit daw ako.
"Pagaling ka 'nak ah." Sobra akong na-move ako. Parang parte na talaga 'ko ng pamilya nila. Sobrang saya siguro na may mga magulang kang suportado ka at tanggap ka. Kaso eto, tagong-tago ako sa mismong bahay namin at mismong "nagmamahal" sa 'kin na nakasama ko mula pagkapanganak.
"Thank you po mga Tito!" Galak kong sinabi.
"Siya nga pala, may plano ka na ba para sa birthday ni Ali?" tanong ni Tito Mar.
"Kakaisip ko nga lang po eh. Tutal wala pa naman po akong gagawin, baka tapusin ko na po agad."
"Ok lang bang magpatulong?"
"Opo! Ano po ba 'yun?"
"Sa Tuesday sana ng tanghali eh ilabas mo muna sana si Ali habang naghahanda kami. Simpleng surpresa lang naman ang gagawin namin. Tapos siguro itetext na lang kita 'pag ok na."
"Ok po walang problema! Ako na po bahala."
Virgos, rise!
Nagulat ako nang marinig ko si Mama.
"Jay, nandito si Lyca. Binibisita ka."
"Pasok ka, Lyca!" Malakas kong sabi para marinig.
Binuksan niya ang pinto.
"Naks may paprutas, ah," sabi ko.
"Syempre, props."
Naupo kaming dalawa sa kama.
"Kumusta ka na?" tanong niya.
"Mas ok na."
"Mabuti naman kung ganun."
Nagpasok si Mama ng juice.
"Thank you po, Tita." Pasasalamat ni Lyca.
Lumabas na ulit si Mama.
"Ano ng ganap mo?" tanong niya sa 'kin.
"Gagawa sana ng gift."
"Para kay Ali, no?"
"Oo."
"May something na ba kayo?"
Napatingin ako sa kaniya. I know I can trust her and siya pa lang naman ang nasabihan ko ng tungkol sa sarili ko. Siya lang din ang malayang makakausap ko tungkol dito. Ang hirap na nandito pa rin lahat sa dibdib ko. Parang mas nadagdagan lang ako ng tinatago. Pero buti nandiyan si Lyca.
"Meron."
"Grabe nakabingwit din sa wakas! TJ lang malakas." Sabay tawa niya. Pero mas natawa 'ko sa tawa niya.
"Baliw ka talaga."
"Edi pa'no 'yan? Ok lang sa kaniya na 'di kayo legal sa parents mo?"
"Hindi ko nasabing hindi pa 'ko out. Tapos ang alam niya ipinaalam ko na siya kina Papa kahit na mas gusto niyang siya ang pumunta rito at kumausap."
"Tsk tsk tsk. Patay tayo diyan." Napakamot na lang si Lyca.
"Ganun na lang ang naisip ko. Ang hirap mag-navigate mag-isa. Akala ko ayos lang. Simula noon naman puro sila sabi na sa praktikal lang dapat. Walang nagsabi sa 'kin ever na sundin ko ang nasa puso ko. Gusto kong mag-teacher pero ang sabi ni Papa eh sino raw ang teacher na yumaman."
"How I wish na sana ang dami kong payong maibibigay pero take this as if nilagay ko ang sarili ko sa posisyon mo. Hindi ba mas ok na ayusin mo muna yung sa sarili mo bago ka magdagdag ng iba? Parang nagyayaya ka ng taguan pero walang labasan ganun."
"Never ko naman atang masasabi kila Papa. So ibig sabihin ba never ko ring deserve yung sumaya at mahalin? Hindi ba sobrang talunan naman nun? Hindi ba pwedeng pumili ng isa?"
"May point ka naman pero hindi naman pwedeng aasa ka sa knight in shining armor mo para protektahan ka mula sa mundo."
"At least may kasama ako. Hindi ako nag-iisa. Masaya kami sa isa't isa nang walang kahit anong input mula sa iba."
"Gusto ko lang sabihin na hindi lang kayong dalawa ang character sa mundo. Oo, pwedeng sa inyong dalawa niyo lang paiikutin ang mundo niyo pero pa'no naman yung mga taong parte ng mundo niyo? Saan sila?"
Napaisip ako. Ang gulo-gulo. Hindi ko na alam gagawin ko. Sana kahit ngayon lang ay may gumagabay sa 'kin. Yung nakita na ang mundo sa labas mula sa lente niya.
"Gusto ko rin naman syempre na masaya ka. Pero nasa sa iyo pa rin. Ikaw lang naman ang nakaaalam kung paano mag-re-react ang mga tao sa paglabas mo. Payo ko lang, 'wag kang makulong sa isang lugar na 'di mo na pipiliing lumabas. Nasa labas ang totoong buhay."
Niyakap ko siya.
"Salamat, sobra. Para na naman akong ligaw na bata."
"May time ka pa. Basta nandito lang ako ano mang mangyari. Tapangan mo lang."
"Salamat ulit."
"Oh siya mauna na 'ko. Dumaan lang ako. May lakad pa 'ko."
Inihatid ko papalabas si Lyca. Bumalik ako sa kwarto at huminga nang malalim.
Nagsimula na ako sa aking munting plano.
"So gagawan natin ng art then ilalagay sa frame. Tapos mag-p-print and gagawa ng letter."
Magdamag akong nag-hand paint sa vellum board para pang-background sa isang video na gagawin ko. Pagkatapos ay nag-lettering na 'ko. Grabe ang effort ko ah.
Medyo ang tagal ko na rin pala bago huling nakagawa ulit. Nilamon na kasi ng accounting. Wala na 'kong gustong idagdag. Simple but the text is deep. I know he'll appreciate it so much.
Kinuha ko yung stock ng photo paper namin. Nag-print ako ng mga jeje days pictures niya na naitago nila Tito. Pati na rin yung magkakasama silang tatlo. Wala kasi siyang nilalagay sa social media. Sana simulan na niya. Tapos huli kong na-print yung magkasama kami sa rooftop. My favorite. First.
Then I started writing my letter for him. I write letter for people one time only. I mean sa isang sulat na yun ay binubuhos ko na lahat. Like that's my most vulnerable moment — kapag nagsusulat. People won't hear me say those in person. Mas articulate pa 'ko kapag nagsusulat. I can arrange my thoughts easily when writing than speaking all at once. Kaya yung mga susunod, mga bati na lang and well wishes and maybe some other new surprises. Next time na lang ako bibili ng regalo para sa kaniya. 'Pag wala na 'kong mabigay.
Grabe napuyat na naman ako. Ang sakit ng kamay ko. Mag-e-edit pa 'ko mamaya. Para tapos na lahat. Mag-advance reading na lang ako for the rest of my weekend.
Hindi ko namalayan na may tumatawag sa 'kin dahil nag-silent ako ng phone. Ang dami na rin palang message ni Ali.
Have you ever felt like that? Yung may isang tao na kahit ga'no ka pa kulitin ay ayos lang sa 'yo. Like mas gusto mo pang ganun. Unlike 'pag sa ibang tao na halos i-block mo na.
Ali: Hello bee! Kumusta ka na?
Ali: You missed a call from Dao Ming Zi
Ali: Natutulog ka na ba?
Ali: Good night!
TJ: Hello! Sorry ngayon lang ako nakapagbukas ng phone. Mas ok na 'ko. Hindi na nilalagnat.
Ali: Hala gising ka pa. Matulog ka na. Mabinat ka pa.
TJ: Ikaw, bakit gising ka pa?
Ali: Hindi ako makatulog. Hindi ko alam.
TJ: Tulog na tayo.
Ali: Ok lang ba mag-video call?
Nag-on kami ng camera. Pareho kaming nakahiga na sa kama. Tinignan niya lang ako habang nakatingin din ako sa kaniya.
"Ano ba yan? Tulog na,” sabi ko.
"Ito na po." Pumikit na siya kaya pumikit na rin ako.
Nakatulog na 'ko.
Lunes ay nakapasok na 'ko. Magaling na rin ako. Hinintay ako ni Ali sa may gate at sabay kaming pumasok.
"Na-miss kita." Sabay akbay niya sa 'kin.
I didn't mind him doing that. Wala naman ang magulang ko para makita kami.
"Miss you too," sabi ko habang nakatingin sa kaniya.
Nagulat siya.
"Talaga, bee?" He is so delighted.
"Bahala ka nga diyan." I shrugged him off.
"Ano regalo mo sa 'kin bukas?" tanong niya.
"Secret. Labas tayo bukas ah. Ako bahala." Sabay kindat ko.
"Ok po." He approved.
Pagkatapos ng klase ay magkakasabay ulit kaming apat maglakad palabas ng school.
As usual, sobrang dikit na naman si Mylene kay Ali. At sino ba naman ako para pumagitna sa kanila.
Nagulat ako ng inakbayan niya 'ko at nilapit sa kaniya.
Tinanggal ko ang kamay niya mula sa pagkakaakbay sa 'kin.
Pagkauwi namin sa condo ay nagtalo kaming dalawa.
"Nahihiya ka ba sa 'kin?" tanong niya.
"Hindi."
"But why do I feel like it?"
"Hindi ako sanay, ok. Hindi ako sanay na pinagtitinginan or nasa akin ang spot light."
"Hanggang dito at sa cellphone na lang ba ang lahat?"
"Hindi ba pwede nag-a-adjust pa? Bago lang sa 'kin 'tong lahat."
"Sorry," he said sincerely.
"Sorry din. But I am hoping that one day, hindi na 'ko nahihiya. Na wala na 'kong pakialam kahit ilang milyong mata pa ang nakatingin sa 'tin."
"I am too! Wala naman tayong ginagawang masama."
"Natatakot lang ako sa pwedeng gawin ng iba sa 'tin dahil 'di tayo normal sa paningin nila. Ayokong mapahamak ka dahil sa 'kin."
He hugged me so tight.
"Ako ang poprotekta sa 'yo. Sorry again. We'll take it slow."
"Thank you." Inilapat ko ang ulo ko sa dibdib niya.
He kissed my head.
"Open ang spa ngayon, gusto niyo po ba mag-avail ng promo?" I smiled at him while looking up. Ang tangkad kasi.
"I'd love to."
"Upo ka lang diyan then taas mo damit mo and I'll just get the efficascent."
Pagkakuha ko ng efficascent ay lumabas na 'ko ng kwarto. He actually removed his shirt.
"Oy likod lang ah."
"Pati ulo please?"
Binatukan ko siya.
"Aray! Mas sumakit tuloy." Sabay nagpabebe.
"Oo na sige na."
Tumayo ako sa likod ng couch. Nagsimula na 'ko sa sintido niya.
"Grabe kung nakahiga ako, makatutulog ako. Pang spa nga talaga." He said.
"Ok po ba sir?"
"Hindi madiin pero masarap. Ang galing mo, bee."
"Nambola pa."
"Ikaw kaya may sabi na sabi ng Papa mo, ang galing mong manghilot."
"Oo na. Sa likod na tayo."
Ang tahimik lang niya. Patuloy lang ako sa ginagawa ko. May nakapa akong mga lamig sa likod niya.
"Aray, ayan masakit diyan."
"May lamig ka rito oh."
Grabe ang init. Nakapatay kasi yung fan.
Nagpatuloy lang ako sa paghihilot ng ilan pang minuto.
Biglang may kumatok (for the nth time).
"Ako na titingin." Sabi ko.
Pero bigla na lang bumukas ang pinto nang hindi pa ko nakalalapit doon.
"Surprise!" Malakas na sabi nina Mylene at Jaydee.
"Sabi sa 'yo dapat 'di na lang natin 'to ginawa eh," bulong ni Jaydee kay Mylene.
"Grabe naman." Nakatitig lang siya kay Ali.
"Ang aga naman ata,” sabi ko.
"Bakit pawis kayo?" tanong niya.
"Ah patay yung fan." Sabay turo ko.
"Ah pero may ilaw naman? Sira ba?" Pang-iinteroga ni Mylene.
"Ano. Kasi. Naghihilot kasi," nauutal kong sabi.
Hindi na niya pinansin ang sinabi ko. Lumapit kaagad siya kay Ali.
"Ito naman nagsuot agad. Mainit diba? Walang fan."
"Tara na, My." Yaya ni Jaydee sa kaniya.
"Nag-bake kami ni Jaydee for you! Para friends na tayo," wika ni Mylene.
"Thank you!"
At talagang inunahan pa 'kong bumati ng mga 'to.
Kumanta sila ng happy birthday kaya nakisabay na lang din ako.
"Happy Birthdaaaay Aliiii..." we sang in unison.
"Anong wish mo?" tanong ni Mylene.
Hinipan na niya ang kandila. Hindi niya sinabi ang wish niya.
"Sa 'kin na lang muna." Pero tinignan niya 'ko.
"Yung museum tour natin bukas ah! Buti same prof tayo kaya may kasama na 'ko." Singit ni Jaydee.
"Ah, oo. Alis tayo ng 8 am," sabi ko.
"Nagustuhan mo ba?" tanong ni Mylene kay Ali.
"Oo. Salamat. You didn't have to do this,” sagot ni Ali.
"Ano ka ba? Wala lang 'yan. Basta para sa 'yo."
Naiinis na 'ko rito ah.
"Sige good night! Maaga pa tayo bukas." Sabay diretso ko sa kwarto ko.
Pero ang totoo ay hinihintay kong mag-12 para mabati ko na siya. Halos dalawang oras na lang naman. Maglalaro muna 'ko.
...
"Hide and hide until you die."
- vin
I am just sharing this rap or poem that I made.
Alitaptap
‘Wag sumuko, ‘wag tumigil
Isa lang ang sinasabi
Hindi na kinakailangang makinig pa sa marami
Ang mundo’y ‘di tumitigil at ang oras hawak natin
Magpatuloy at lumaban, ‘yong kalaban ay sarili
Pagkat hindi ka pa tapos
Sa isang mundong kapos
‘Di mo lang naaaninag ‘yong karamay na lubos
Pagkat sa kadiliman ay ‘di ka nag-iisa
Lumingon ka lang kaibigan, kaharap mo pa’y pag-asa
Alitaptap na tulad ng iyong pangarap
Mayroong isa na magbibigay liwanag
Kahit na mundo ay puno ng paghihirap
‘Wag ka papalamon, ‘wag na ‘wag ka lang papayag
Kaya’t pakinggan mo sarili mong nakikiusap
Ang iyong puso sa pangarap tumatawag
Kahit na maingay ang tunog nitong kulisap
Tignan mo ang daan sila ngayon ang ‘yong kalayag
Ang gabi na may liwanag sa ‘yong buhay umaagap
Humihirap, mabigat, ngunit iyong kinakaya
Sa gabing nagdidilim, mayro’ng kislap na nakikita
Alitaptap, alitaptap patuloy na lumipad at lumiwanag
Kaya’t pakinggan mo sarili mong nakikiusap
Ang ‘yong landas ay lakarin, sapantaha
Kahit na maingay ang tunog nitong kulisap
Ikaw ay patungo na sa iyong hinahanap