kabanata 13

2133 Words
Nagmamadaling bumaba si Dorothea dahil sa pagtataka kung bakit sira ang pinto ng kwarto niya. Dahil ba magdamag siyang hindi lumabas at kumain? Sumama lang naman ang loob niya sa mama niya dahil sa pag-aaway nila. Pagbaba niya ay walang tao, pero nagtataka siya dahil medyo magulo ang bahay. Wala rin pagkain, araw-araw naman ay nagluluto ang mama niya. Hindi rin siya ginising nito, hindi tuloy nakapasok. Anong nangyari? Umupo siya sa sofa habang nakapikit, nag-iisip. Naalala niya bigla ang panaginip niya, sobrang haba nito at ngayon ay nararamdaman niya pa rin na parang totoong nangyari iyon. Hindi niya maiwasan na manghinayang, para sa kanya ay napakaganda ng panaginip na iyon. Dahil doon ay maganda siya, walang nanlalait sa kanya, lahat ay gustong makipagkaibigan sa kanya at sweet sa kanya ang pamilya niya. Kabaliktaran sa totoong buhay. Kung pwede lang, gusto niyang balikan ang panaginip na iyon. Napadilat siya ng mata nang marinig niya ang pagbubukas ng gate nila, ibig sabihin ay dumating na ang mga ito. Hindi siya gumalaw at hinintay na pumasok ang mga ito sa pinto. Unang pumasok ang kapatid niya, hindi agad siya napansin nito pero halatang malungkot ang itsura nito. Hinubad nito ang suot na sapatos at nagbuntong-hininga tapos ay bigla itong lumingon sa kanya. Napanganga ito at tumigil ang kamay sa paghuhubad ng sapatos. Tapos ay sunod na pumasok ang mama niya na agad na dumapo ang mata sa kanya. Namilog ng husto ang mata nito at napatakip ng bibig, mahigpit siyang niyakap kaya’t nagulat siya. Teka, ano na naman ‘tong sitwasyon na ‘to? Panaginip na naman ba ito? “S-saan ka nanggaling, Dorothea?” Umiiyak na tanong nito. Kumunot ang noo niya. “Ha?” Pinagmasdan siya nito. “Saan ka nanggaling? Hinahanap ka namin kahapon pa!” “Ha?” Nagtatakang tiningnan niya ang kapatid niya na nanonood lang, hindi niya mawari ang emosyon nito. “Anong hinahanap? Anong ibig ninyong sabihin?” “Nawawala ka kahapon pa! Syempre hahanapin ka namin!” untad ng mama niya. “Saan ka nanggaling, anak? Akala ko no’ng una ay nasa bahay ka lang nina Elnora, pero wala ka pala ro’n.” “Teka.” Napahawak siya sa noo niya at huminga ng malalim. “Anong ibig ninyong sabihin? Nasa kwarto ko lang ako magdamag, natulog lang ako. .” “Kahapon ka pa namin kinakatok, ate,” sabi ni Gray. “Pero hindi ka sumasagot kaya nag-alala si mama, pinasira niya sa’min ni papa ‘yung pinto mo pero wala ka pala sa loob.” Nanlaki ang mata niya at naguguluhang tumayo. “Hindi ko maintindihan! Kakagising ko lang! Tsaka kahapon lang ay nag-away tayo, ma. .” “Kahapon?” tanong ng mama niya. “Noong nakaraang araw pa tayo nag-away, anak. Kaya nga’t nag-alala ako ng sobra dahil akala ko’y kung ano na ang ginawa mo sa sarili mo.” Hindi siya nakasagot. Bakit gano’n? Bakit parang may na-skip na isang araw sa buhay niya? Bakit siya nawawala kahapon at bakit wala siyang maalala? Hindi niya maintindihan. Napatitig siya sa mama niya. “Panaginip lang ‘to.” Nagkatinginan ang mga ito habang nakakunot ang noo, kung pagmasdan sila nito ay para siyang nababaliw. “Anong nangyayari sa’yo, ate?” tanong ni Gray. “Kagagaling lang namin sa police station para ipahanap ka, si papa ay nandoon ngayon sa kumpare niya para manghingi ng tulong.” Pumikit siya ng mariin. “Panaginip lang ‘to.” “Anak. .” Hinawakan siya sa magkabilang balikat ng mama niya. “Hindi ito panaginip, ano bang sinasabi mo?” “Nababaliw ka na yata,” ani Gray. Hindi pa rin siya nakakibo. Hindi niya alam ang sasabihin. Hinawakan niya ang kamay ng mama niya at pinisil ito, sunod ay hinawakan niya ang sofa at pinakiramdaman kung totoo. Lahat ay mukhang totoo naman, ngunit ganito rin naman ‘yung panaginip niya kagabi. Nagtiim-bagang siya. “Sampalin mo ako, ma.” “Ayokong gawin ‘yan!” agap ng mama niya at halatang maiiyak na naman ito. “Dorothea, galit ka pa rin ba sa’kin? Hindi ko sinasadya ang mga sinabi ko sayo, sana ay huwag mong isipin na hindi kita pinaniniwalaan. Hindi ko alam na may sarili ka pa lang pinagdadaanan, hindi na iyon mauulit. Kaya sana ay hindi na maulit ‘to, ‘wag ka na ulit maglalayas— anak, bakit ka umiiyak?!” Hindi namalayan ni Dorothea na tumulo na pala ang luha niya. No’ng nag-away sila ng mama niya ay sobrang masama ang loob niya, naramdaman niya na wala siyang kakampi. Si Elnora ay busy sa ibang bagay, si Gray at papa niya ay hindi naman siya nasanay na kausapin tungkol sa mga gano’n, ang mama niya ay hindi naniwala sa kanya. Tapos idagdag pa na nakita niya si Amsel. . na may kasamang iba. Hindi niya maintindihan ang sarili niya, sigurado siyang wala siyang gusto rito. Si Kaleb ang matagal na niyang gusto! Siguro ay napalapit lang siya kay Amsel dahil ito ang nakakaalam ng lahat ng mga bagay na gumugulo sa kanya nitong mga nakaraang araw. ‘Yung mga weird na nangyayari sa bahay nila, ‘yung tungkol kay Darien. Lahat iyon ay alam ni Amsel at tinutulungan siya nito lagi. At pakiramdam niya’y napaasa siya mga ginagawa nito sa kanya. Sobrang masama ang loob niya sa lahat na hiniling niya na lang na sana ay hindi na siya magising sa magandang panaginip niya. Ngunit ngayon na naririnig niya ang paghingi ng sorry sa kanya ng mama niya ay hindi niya mapigilan na maging emosyonal. “Sorry rin, ma. .” Yumuko siya at pinunasan ang luha niya. “Alam kong marami ka na rin iniisip kaya—” Hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil niyakap na ulit siya nito. Bumaling siya ng tingin sa kapatid niyang nanonood sa kanila, wala itong sinabi ngunit nakita niya na nakahinga ito ng maluwang. Matapos ng naging iyakan nila ay tinawagan ng mama niya ang papa niya para ipaalam na bumalik na siya. Umuwi ito agad at mahigpit siyang niyakap. Pagtapos ay nagluto ang mama niya ng mga paborito niyang pagkain, maya-maya ay dumating si Elnora at tulad ng magulang niya ay niyakap din siya. Masaya siya sa atensyon na natatanggap niya sa mga ito. Pero paanong nangyari na nawala siya pero wala siyang maalala? Nagising din naman siya sa mismong higaan niya. Nang i-check niya rin ang date ay napatunayan niyang totoo nga. Lunes nang mag-away sila ng mama niya, ngunit Miyerkules na ngayon. Ibig sabihin ay totoong nawala siya at hindi ito panaginip. Kung iisipin, isang buong araw ang nilagi niya sa panaginip niya. O panaginip lamang ba talaga iyon? “O, Amsel!” Mabilis na napalingon siya sa pintuan nang marinig ang sinabi ng mama niya. Doon ay nakatayo si Amsel sa may pintuan, medyo pawisan. Hinanap agad siya nito ng tingin bago sila nagkatitigan. “Kanina pa kita chinat a,” ani Gray. Hindi ito sumagot at nakatingin lang sa kanya. Akala niya ay papasok ito at lalapit sa kanya pero halatang pinigilan nito ang sarili, kumuyom ang kamao nito at nag-iwas ng tingin. Nagpanggap si Dorothea na hindi siya apektado. Hindi niya maiwasang magtaka, bakit nagpunta ito? Bakit umaakto ito ngayon na akala mo’y nag-alala ito sa kanya? Bakit parang gusto siya nitong lapitan at yakapin? Natawa siya sa sarili niya at nakita ng lahat ng kasama niya iyon kaya’t nagtaka ang mga ito. Niloloko niya lang ang sarili niya. Nagpatuloy siya sa kinakain niya at hindi ito pinansin. “Pumasok ka rito, marami akong niluto. .” Maligayang sabi ng mama niya. Hindi ito kumibo pero naramdaman niyang nakatingin pa rin ito sa kanya. Napansin ba nito na galit siya rito? Alam ba nito na nakita niya itong may kasamang babae? Siniko siya ni Elnora at bumulong. “Sumama siya kay Gray para maghanap sayo kahapon hanggang madaling araw.” Natigilan siya sa pagsubo ngunit nanatili ang tingin niya sa pagkain niya. Hindi niya alam kung bakit may kumirot sa dibdib niya. Nag-angat siya ng tingin, nakatingin pa rin ito sa kanya na para bang naghihintay ito ng reaksyon sa kanya. Siguro nga ay tinuturing siyang kaibigan nito, siguro nga ay sincere naman ang mga ginawa nito para sa kanya. Pero hindi ibig sabihin na gusto siya nito. Siya lang ang nag-assume ng lahat kaya wala itong kasalanan. Suminghap siya at pagtapos ay tinaas ang kilay. “Tutunganga ka lang diyan? Pumasok ka kaya.” Para itong napatigil saglit sa paghinga, pinagmasdan muna siya nito bago unti-unting nagliwanag ang mukha nito. “Pasok na,” ani Gray. Lumingon muna ito sa gawi ng mama at papa niya. “Magandang hapon po, tito at tita.” “O, sige, pasok!” ani papa niya at lumingon sa kanya. “Yayain mo kaya ang ibang kaklase ninyo?” Nanlaki ang mata niya. “‘Wag na, pa!” “Bakit? Hindi ba’t mas maganda kapag marami?” Sumimangot siya. “Wala akong pakialam sa mga ‘yon.” Tumawa si Elnora. Hindi na siya nagsalita ulit at inis na tinuloy ang pagkain, nakita niya na binigyan ng mama niya ng pagkain si Amsel na umupo sa tapat niya. Hindi niya alam kung paano lumipas ang oras. Sa totoo lang ay okupado kasi ang utak niya, para kasi talagang may mali. Ngayon ay sigurado na siyang hindi siya nananaginip, at mukhang hindi rin siya nananaginip sa akala niya’y panaginip lang. Ibang mundo ba ‘yon? Ibang dimensyon? Iyon ba ‘yung mga nasa movie na alternative universe? Pero bakit parehong-pareho ang mga tao? Bakit nando’n ang pamilya niya at mga kakilala niya? At bakit siya napapunta ro’n? Paano? “Dorothea.” Napaangat siya ng tingin nang marinig ang boses ni Amsel. Nagulat siya nang mapansin na wala na pala si Elnora sa tabi niya, nando’n na sa kusina at nililigpit ang mga hugasin. Si Gray ay nasa banyo. Kinabahan siya bigla, silang dalawa lang ni Amsel ang nasa salas. Hindi niya napansin na umalis ang mga kasama nila. “Saan ka nagpunta?” tanong nito. Ilang segundo niya na pinagmasdan ito at umismid. “Wala ka na ro’n.” Hindi ito nakasagot agad, halatang natigilan ito at nagtataka sa kinikilos niya. Itinuon niya ang tingin sa pagkain niya pero alam niyang pinapanood siya nito. “Galit ka ba sa’kin?” Halata niyang nalilito ang boses nito. “May nagawa ba kong mali?” Wala, gusto niyang sabihin iyon pero hindi siya sumagot. Nagulat siya nang hawakan nito ang plato niya at inilayo sa kanya, galit na tiningnan niya ito. “Bakit ba? Kumakain ako!” bulyaw niya. Naningkit ang mata nito sa kanya, nagkakatitigan sila saglit bago ito nagbuntong-hininga at parang sumusuko na tumango. Halatang may gusto itong sabihin pero hindi na ito kumibo, inusog ulit nito ang plato sa harap niya at nag-iwas ng tingin. “Nang-aaway ka na naman, ate? Naririnig ko ang bunganga mo sa banyo,” sabi ng kararating lang na si Gray galing sa banyo. Gustuhin niya man na magtaray ay hindi niya magawa. Ang bigat ng dibdib niya, parang naiinis siyang makita si Amsel. Tumayo siya. “Akyat na ako, gusto ko na magpahinga.” Nakita niya sa gilid ng mata niya na sinundan lang siya ng tingin si Amsel, si Gray naman ay walang sinabi. Naiinis siya, hindi niya alam kung bakit ganito ang inaakto niya. Bakit ba siya nag-iinarte? Nagtalukbong siya ng kumot at hindi na ulit bumaba hanggang gabi. Nakapikit lamang siya at pinag-iisipan ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw. Napadilat siya ng mata nang mag-vibrate ang phone niya, tinatamad na dinampot niya iyon para basahin kung sino ang nag-chat. Alas-onse na rin pala ng gabi. Napaupo siya sa gulat dahil si Amsel ang nag-chat. Dorothea. Iyon lang ang chat nito. Hindi niya alam kung ilang minuto niyang tinitigan iyon bago nagtipa ng reply. Napakagat siya sa kanyang labi habang niyayakap ng mahigpit ang unan niya, bakit kaya ito nag-chat? Ang huling chat nito ay noong inimbita niya ito sa birthday ni Gray. Matapos mag-isip ng matagal ay nagreply siya ng bakit. Nakita niya na kakasend niya pa lang ay nag-seen agad ito, kumabog ng malakas ang dibdib niya nang makita na nagtitipa rin ito ng reply. Pero ilang minuto ang lumipas ay wala siyang na-receive. Hindi na ito nag-reply! Nakanguso na pinagmasdan niya ang chat nito, naku-curious siya kung bakit ito nag-chat! Dahil kanina pa lang ay halatang may gusto na itong sabihin. Nagbago na ba ang isip nito? Sa paghihintay niya ng matagal ay hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya habang hawak ang phone niya. Halos malaglag ang panga niya nang pagkagising niya kinabukasan ay Theodora na naman ang tawag sa kanya ng lahat. Napamura siya sa isip niya. Bakit ba nangyayari sa kanya ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD