Kanina pa tulala si Dorothea habang kinakausap siya ng pamilya niya.
Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Hindi na normal ito, ilang beses na nangyari ito pero isang halos oras na itong nangyayari.
Napabaling siya sa katabi niya nang hawakan siya nito. Ang mama niya. Kanina pa ito umiiyak habang niyayakap siya ng mahigpit, ang papa niya ay nakangiting nakaupo sa harapan nila at katabi nito ang kapatid niya.
Naguguluhan siya, tinatawag siyang Theodora ng mga ito at ang kapatid niya ay Gary.
Napaigtad siya nang haplusin siya ng mama niya sa mukha. “Napakaganda mo pa rin, anak. .”
Natigilan siya dahil doon. Napakaganda? Hindi niya malaman kung inaasar ba siya nito o hindi.
Simula bata pa lang siya ay naririnig na niya sa mga tao na baka raw hindi siya tunay na anak. Dahil maganda ang mama niya, at gwapo ang papa at kapatid niya. Tapos siya, matabang pangit.
Hindi niya makakalimutan dati ang narinig niya sa kapatid ng papa niya, na baka raw anak siya sa ibang lalaki. Naalala pa niya kung gaano siya umiyak ng mga oras na ‘yon.
Tapos ngayon ay sasabihan siya na napakaganda niya?
Nanlaki ang mata niya. Paano kung panaginip lang pala ito? Paano kung hindi pala totoo ito? Paano kung nakatulog pala siya kanina dahil sa pag-iyak niya?
Parang gusto niyang tawanan ang sarili niya, para kasing naging desperado siyang maging maganda sa paningin ng iba kaya’t umabot na sa panaginip niya.
“Ate,” sambit ng kapatid niya kaya nilingon niya ito. “Alam mo bang hanggang ngayon ay hinahanap ka pa rin ng manliligaw mo?”
Naningkit ang mata niya. “Manliligaw?”
“Si Blake,” sagot nito.
Blake?
Teka. . parang naiintindihan na niya. Sa kanya ang tawag ay imbis na Dorothea ay Theodora, sa kapatid niya ay imbis na Gray ay Gary. Ibig sabihin ay ‘yung Blake ay si Kaleb?
“Blake? ‘Yung gwapo?” tanong niya.
Napangiwi ito. “Anong gwapo? Kaya nga ayaw mong patulan ‘yon dahil pangit.”
Mali yata siya. Ang gwapo ni Kaleb kaya imposibleng hindi niya iyon magustuhan.
“Anong itsura niya?” tanong niya.
“Uh. . matangkad, maputi tapos matalino—”
“Si Kaleb nga!” untad niya. Gano’n na gano’n ang itsura ng crush niya!
“Ha? Sinong Kaleb?”
Natigilan siya. “Ang ibig sabihin ko ay Blake. .”
“Siya nga,” sabi nito. “Alam ko na hindi siya gwapo katulad ko, pero sa loob ng dalawang taon ay nakita namin kung gaano siya kaseryoso sayo.”
Hindi gwapo katulad niya? Nagloloko ba ‘to? Anong klaseng panaginip ito?
“Hayaan mo ang ate mo,” ani papa niya. “Sa dinami-dami ng nagkakagusto sa kanya, hayaan mo siyang pumili kung sino ang gusto niya.”
Halos mabilaukan siya sa sariling laway. Marami raw nagkakagusto sa kanya at pipili pa siya?
Nilibot niya ang tingin sa buong paligid. May camera ba tapos prank ‘to? Dahil sa totoong buhay niya ay kakatapos lang nila mag-away ng mama niya dahil sa ayaw nitong maniwala sa kanya.
“Anak, magpahinga ka muna,” sabi ng mama niya. “Mag-usap na lang tayong lahat pagkagising natin, mag-celebrate din tayo dahil bumalik ka na sa’min.”
Tumango na lang siya. Tama nga siya, panaginip lang ito kaya makikisakay na lang siya. Hahayaan niya na lang na matapos ito, susulitin na niya dahil sa mundong ito ay maganda siya.
Pagpasok niya sa kwarto niya ay kakaiba rin ang mga gamit, pero hindi katulad ng kwarto niya ay maayos ito at walang kalat.
Humiga siya. Panaginip lang ‘to, pagkagising niya ay balik na sa normal ang lahat. Pumikit siya at hindi niya namalayan na nakatulog siya.
Maliwanag na sa kanyang kwarto nang makarinig siya ng katok sa kanyang pinto.
Hindi pa rin siya nagdilat ng mata. Sigurado ay mama niya iyon at ginigising siya para pumasok, pero galit pa rin siya dahil sa pag-aaway nila kaya ayaw niya pa itong pansinin.
“Anak? Theo? Gising ka na ba?”
Mabilis siyang napadilat ng mata nang marinig niya ang sinabi nito. Theo ang tinawag sa kanya nito!
Nanlalaki ang mata niya na napatakip sa bibig nang makita na hindi pa rin siya bumabalik sa kwarto niya. Nasa ibang lugar pa rin siya!
Sinampal niya ang magkabilang pisngi niya para magising. Bakit ang tagal ng panaginip niya? Kinapa niya ang sarili niya, sinabunutan ang buhok at naramdaman niya na masakit.
Bakit parang totoo ito at hindi panaginip lang?
“Anak?” Napatingin ulit siya sa pintuan. Tuwing umaga kapag hindi siya nagigising ay magbubunganga na agad ang mama niya, pero ngayon ay ang hinahon ng boses nito.
Huminga siya ng malalim. “Panaginip ‘to. .”
Ito ba ang tinatawag nila na lucid dream? ‘Yung aware ka na nananaginip ka? Dahil ito ang nararanasan niya ngayon.
Kung gano’n, eenjoyin na niya. Tumayo siya at inayos ang sarili, hinanda niya muna ang sarili niya at binuksan ang pinto.
“Anak!” Nakangiting sabi ng mama niya. “Gising ka na pala, halika na’t kumain na tayo.”
Ngumiti lang siya at sumunod sa baba. Pagkababa ay may pagkain na, nakita niya ang kapatid niya ro’n na naka-uniporme na. Nakatingin ito sa kanya.
“Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito ka na ulit, ate,” sambit nito.
Hindi niya alam kung bakit siya napangiti. Pakiramdam niya’y mahal na mahal siya ng mga ito. Ganito ba talaga ang panaginip?
“Pagkatapos mong kumain ay magpunta tayo ng mall para bumili ng mga damit mo,” ani mama niya.
Kumunot ang noo niya. “Bakit?”
“Luma na masyado ang mga damit mo, kailangan mo na ng bago.”
Oo nga pala, sa panaginip na ito ay dalawang taon siyang nawala.
Tumango lamang siya at nag-angat ng tingin sa kapatid niya na tumayo na.
“Papasok na ko, ma, pa, ate. .”
Kumunot ang noo niya. “Ako ba walang pasok?”
Natigilan ang mga ito bago nagsalita ang papa niya. “Natanggal ka sa school dati dahil nakipag-away ka, hindi mo ba naaalala?”
Hindi siya kumibo. Pati ba naman sa panaginip ay palaaway siya? Natawa siya bigla kaya napatitig sa kanya ang mga ito.
Hindi niya tuloy maiwasang isipin kung ano kayang itsura ng mga kaklase niya sa panaginip niya na ito? Natatandaan niya na sinabi ng kapatid niya na manliligaw niya rito si Kaleb, na Blake ang pangalan dito.
Si Elnora kaya? O, si. . Amsel?
“Bakit, anak? Anong nakakatawa?”
Umiling siya. “Gusto ko ulit mag-aral, gusto kong makita ang mga kaklase ko.”
Napatakip sa bibig ang mama niya at nakita niyang nag-tubig ang mata nito, niyakap siya nito ng mahigpit.
“Natutuwa ako na nagbago ka, anak,” saad nito. “Hindi ko alam kung ano ang nangyari sayo sa loob ng dalawang taon, pero ang mahalaga ay nandito ka na sa’min ulit.”
Ngumiti ang papa niya. “Sige, i-eenroll ka ulit namin kung ayan ang gusto mo.”
“Sasabay na tayo ngayon kay Gary, ngayon na natin gawin iyan. At pagkatapos ay pupunta tayo sa mall!” Excited na sabi ng mama niya at tumayo.
Napanganga siya. “T-teka, mag-aayos muna ako.”
“Theo, hindi mo na kailangan mag-ayos! Natural nang maganda ang anak ko.”
Pilit na napangiti siya. Grabe ang panaginip na ito, bakit siya pinapaasa ng ganito kalala?
Sige, tutal hindi naman ito totoo. Wala na siyang magiging pakialam sa itsura niya.
Pagkarating nila sa school ay hindi niya inaasahan ang reaksyon ng mga estudyante. Ang lahat ay gulat na gulat nang makita siya, ang iba ay tinatawag ang pangalan na Theodora at kapag nginingitian niya ang mga ito ay sobra silang nagugulat.
“Grabe, sikat na sikat talaga ang anak ko,” bulong ng mama niya.
Ngumiti siya ng malapad. Pakiramdam niya tuloy ay ang ganda-ganda niya! Ito na yata ang pinakamagandang panaginip niya sa buong buhay niya.
Kinausap ng magulang niya ang principal, dahil sa pribilehiyo niya bilang maganda at model ng school nila ay pinayagan siyang mag-take na lang ng exam para mag-skip na siya sa ibang year levels na hindi niya napasukan.
“Good luck, anak,” sabi ng mama niya bago siya pumasok sa isang kwarto mag-isa para mag-exam.
Mabuti na lang kahit papaano ay may alam siya sa mga exam kaya’t hindi siya nahirapan. Nagulat siya pagkalabas niya ay nandoon na ang bestfriend niya, hinihintay siya.
“Theo!” Umiiyak na sambit nito at niyakap siya ng mahigpit. “Namiss kita ng sobra! Hindi ko akalain na nandito ka na!”
Kahit sa panaginip na ito ay napakaganda pa rin ng kaibigan niya, at ramdam niya rin kung gaano kabait ito.
“Elnora, teka lang,” sambit niya dahil hindi ito bumibitaw sa pagkakayakap.
Gulat na tiningnan siya nito. “Elnora? Sino ‘yon?
Nanlaki ang mata niya at hindi nakasagot. Teka, Elnora ang pangalan nito sa totoong buhay. Ano ba ang ibang pangalan na mabubuo sa pangalan na ito?
Lenora? Leonora? Renola?
Napasinghap siya. “Lorena?”
Namilog ang mata nito at maya-maya ay ngumiti ng malapad. “Akala ko ay nakalimutan mo na ko!”
Tumawa siya sa isip niya. Nakatsamba siya ro’n.
“Syempre, bakit naman kita makakalimutan?”
Ngumiti ito at muli na naman siyang niyakap ng mahigpit, nakangiti na nanonood lang ang mama at papa niya sa kanila.
“Theodora?”
Kumunot ang noo niya nang marinig niya ang gulat na gulat na boses na iyon, kumalas siya sa pagkakayakap kay Lorena at nilingon ang nagsalita.
Napatakip siya sa bibig niya. “Kaleb. . ay este, Blake!”
Malawak itong ngumiti at nagdadalawang-isip na lumapit sa kanya, siya na mismo ang lumapit at niyakap ito.
Halatang natigilan ito kaya’t pasimpleng ngumiti siya. Aabusuhin niya na ang pagkakataon dahil sa totoong buhay ay hindi niya mayayakap ito.
Sasamantalahin na niya kaya’t nagsalita siya habang magkayakap pa rin sila. “Namiss mo ba ako?”
“Oo, sobra,” mabilis na sagot nito. “Ang tagal ka namin hinanap.”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha niya, kumalas siya sa pagkakayakap at pinagmasdan ang napakagwapong mukha nito. Nakita niya kung gaano ito namula.
Sinabi ng kapatid niya na nanliligaw daw sa kanya ito. At baka bigla na lang siyang magising kaya’t hindi na siya magpapakipot pa. Kahit sa panaginip man lang ay gusto niya itong maging jowa.
“Sinasagot na kita,” sabi niya kaya kumunot ang noo nito.
Maya-maya ay nanlaki ang mata nito, pati na rin sina Lorena at magulang niya.
“T-totoo ba?” tanong nito na parang hindi makapaniwala.
Tumango siya. “Matagal na kitang gusto.”
“A-ako rin, matagal na kitang gusto,” sambit nito. “Wala nang bawian ‘yan a? Sigurado na ‘yan!”
Tumango siya. Kinagat niya ang kanyang labi, pinipigilan niya ang sarili niya na mapatili. Sana ay hindi na lang siya magising! Hindi siya makapaniwala na magiging patay na patay sa kanya ang matagal na niyang crush, kahit na panaginip lang ito ay kinikilig pa rin siya ng sobra.
“O’sya, mamaya na iyan. May klase pa sila, anak,” awat ng mama niya kaya nilingon niya ito. “Sumunod ka na sa labas, ha?”
“Sige po, tita. Sasamahan ko siya na lumabas,” sabi ni Lorena.
Tumango siya habang sinusundan ng tingin ang mga ito, nang nakalayo na ay nilingon niya ang kaharap niya.
Hindi niya maiwasan na magbuntong-hininga habang umiiling. Sobrang gwapo talaga!
Ngumuso siya. “Aalis na ako, hindi mo ba ako hahalikan?”
“H-ha?” Namilog ang mata nito at nilingon si Lorena. “M-may tao. .”
“Tatalikod na lang ako!” agap nito at tumalikod na nga.
Ngumiti siya at ngumuso na ulit. Nagmamadali siya dahil baka magising na siya at hindi pa matuloy!
“T-teka. .” Napakamot ito sa ulo. “Hindi ko kasi inaasahan ‘to, sigurado ka ba? Totoo ba ‘to na girlfriend na kita?”
Inip na tumango siya. “Oo nga! Bilis! Baka magising na ako!”
“Baka magising?” Kumunot ang noo nito.
Napapikit siya ng mariin dahil sa inis. Hinawakan niya ito sa magkabilang pisngi at hinila ang mukha nito, mabilis niya itong hinalikan sa labi.
Nag-init ang mukha niya nang makita kung gaano kagulat ang itsura nito.
“T-theo,” sambit nito. “Hindi ko akalain na magugustuhan mo ako. .”
Sumimangot siya. Ayos na sana pero tinawag pa siyang Theo! Dorothea ang pangalan niya! Pero wala naman siyang magagawa dahil panaginip lang ito.
“Aalis na ako, magkita ulit tayo bukas,” sabi niya kaya’t wala sa sarili na tumango ito.
“I-ingat!”
Hinawakan na niya sa braso ang kanina pang naghihintay na si Lorena, hinila na niya ito at habang naglalakad sila ay pinagtitinginan siya. Nakikita niya ang mga gulat at paghanga sa mukha ng mga ito.
Hindi siya makapaniwala na mararanasan niya ang ganitong pakiramdam, ang pakiramdam na hinahangaan dahil sa itsura.
Napangiti siya. “Sana ay hindi na ako magising.”
“Ano?” Nagtatakang tanong ni Lorena.
“Wala,” sagot niya at mas lumapit dito. “Salamat dahil kahit dito ay mabait ka sa’kin.”
Unti-unti itong ngumiti na parang naiiyak. “Syempre naman, naging mabait ka sa’kin kahit hindi ako maganda. Pinagtatanggol mo rin ako sa mga nangbu-bully sa’kin, pero simula nang mawala ka. .”
Namamangha na napailing-iling siya. Hindi siya makapaniwala na kabaliktaran ang kahulugan ng maganda sa panaginip niya na ito.
“Hayaan mo, wala nang mangbu-bully sayo ulit.”
Maligayang tumango ito. “Buti na lang talaga ay bumalik ka na!”
Pagkaalis nila ng school ng magulang niya ay nagpunta nga talaga sila sa mall. Doon ay pinagtitinginan siya dahil sa kagandahan niya.
Bumili lang sila ng mga damit niya at kumain, pagkatapos ay umuwi na rin sila.
Napagod siya. Hindi niya maintindihan kung bakit pati sa panaginip ay nakakaramdam siya ng pagod.
Nakangiting humiga siya sa higaan niya. Sobrang tagal ng panaginip niya na ito, pero masaya siya dahil kahit hindi totoo ay naranasan niyang maging maganda.
Bukod doon ay naging kasintahan at nahalikan pa niya si Kaleb.
Ayaw niya pa sanang matulog dahil pakiramdam niya’y matatapos na ang panaginip na ito, pero inaantok na talaga siya. Nasulit naman na niya.
Nakatulog siya nang may ngiti sa labi.
At tama nga siya, pagkagising niya kinabukasan ay nasa bahay na nila siya.
Pero ang pinagtataka niya, bakit sira ang pinto ng kwarto niya? Sino ang sumira nito?