Pagkauwi ni Dorothea galing sa school ay pabagsak na humiga siya sa higaan at niyakap ng mahigpit ang unan niya, hindi pa nga siya nakakapagpalit ng uniporme.
Pumikit siya at nagbuntong-hininga. Hindi niya man pinapahalata pero ang laki ng epekto sa kanya ng nangyari sa school kanina.
‘Yung ginawa ni Darien, pakiramdam niya’y nabastos ang pagiging babae niya. Wala siyang kaalam-alam na binobosohan na pala siya kahit mismo sa loob ng banyo ng school, ayon kay Amsel ay matagal na nito iyong ginagawa.
Kaya ba binu-bully ni Amsel si Darien nitong mga nakaraang linggo? Inis na kinagat niya ang kanyang labi, hindi siya makapaniwala na binalak niya pa na ipagtanggol si Darien kay Amsel noong araw na nasa room sila!
Ngayon niya lang talaga napatunayan na walang pinipiling itsura ang mga manyakol, maging pangit man o maganda. Lahat ay tatalunin.
Akala niya dati ay advantage na ang hindi niya pagiging maganda dahil malayo sa mga rap¡st at kung anu-ano pa, pero hindi pala.
Laking pasasalamat niya talaga kay Amsel.
Nagdilat siya ng mata at wala sa sarili na tumitig sa dingding ng kanyang kwarto, humigpit ang pagkakahawak niya sa unan at kinagat ang labi. Nag-init ang mga pisngi niya at parang may mga nagwawalang mga paru-paro sa kanyang tiyan.
“Sh¡t!” untad niya at pumadyak-padyak habang tumitili.
Hindi pwede, loyal siya kay Kaleb! Nalilito lang siya dahil lagi niyang nakakausap si Amsel ngayon at bihira niya makita ang crush niya dahil busy ito.
“Dorothea! Bakit ang ingay mo riyan? Anong ginagawa mo?!”
Napatigil siya sa ginagawa nang marinig niya ang sigaw ng mama niya sa baba, hindi niya napansin na maingay pala ang pagpadyak-padyak niya. Sa kahoy kasi gawa ang bahay nila.
Huminga siya ng malalim at kinuha ang phone niya. Mag-aalas kwatro na ng hapon, ganitong oras bumabalik si Gray pagkatapos niya magbasketball. Kadalasan ay kasama nito si Amsel.
Tumayo siya at mabilis na naghanap ng damit sa cabinet, pumili siya ng maganda na medyo payat siyang tingnan. Sinuklay niya rin ang buhok niya saka bumaba ng hagdan.
Binuksan niya ang TV at maayos na umupo sa sofa.
“O, himala! Nandito ka sa baba?” puna ng mama niya na naghahanda na ng lulutuin na para sa gabihan nila.
Sumimangot siya. “Masama po ba na manood ng TV?”
“Aba’y, hindi ko na maalala kung kailan ang huli mong panonood,” sabi nito. “At ganitong oras ay lagi ka lang nakakulong sa kwarto mo.”
Ngumuso siya at hindi sumagot. Totoo naman kasi, hindi rin talaga siya mahilig manood ng TV at isa pa ay hindi siya komportable sa sofa. Gusto niya ay lagi siyang nakahiga, kaya siguro hindi siya pumapayat.
“Ma, nandito na kami.”
Mabilis siyang napalingon sa pinto nang marinig niya ang boses ni Gray, pero agad siyang nag-iwas. Inayos niya ang pagkakaupo niya at tinuon ang tingin sa TV, kunwari ay hindi niya napansin ang pagdating nito.
“Magandang hapon po, tita.”
Kumabog ng malakas ang dibdib niya nang marinig niya ang boses ni Amsel. Kahit gusto niyang lingunin ito ay pinigil niya ang sarili niya.
“Umupo ka muna rito sa loob sa sofa,” sabi ni Gray.
“Ayos na ako rito, pawis ako e,” saad ni Amsel.
Hindi na niya napigilan at nilingon ito. Pawis nga ito, halatang kagagaling lang sa pagbabasketball. Nakasandal ang kaliwang balikat nito sa frame ng pinto, ang kanang kamay ay nasa bewang. Nakababa ang tingin nito sa kanya.
Ngumisi ito. “Magandang hapon, Dorothea.”
Napamura siya sa isip niya. Hindi siya nakasagot at natatarantang dinampot ang remote na nakapatong sa lamesa, itinuon niya ang atensyon niya sa screen ng TV.
“Himala, nandito ka sa baba,” sabi ni Gray sa kanya.
Sinundan niya ito ng tingin habang inaabot nito ang isang baso ng tubig kay Amsel. Pagkatapos ay bumaling ulit ito sa kanya.
“Nanonood ako, bakit?” pagtataray niya.
“Sus, hindi ka naman nanonood dito e.”
Tumatawang lumingon ang mama nila. “‘Yan nga ang sinabi ko sa kanya kanina.”
“Baka naman nagpapapansin ka lang?”
Nanlaki ang mata niya at sumimangot. “Bakit ba trip niyo ako? Tsaka kanino naman ako magpapapansin? Sa inyo?”
Hindi sumagot si Gray at pasimpleng tinuro si Amsel na tahimik na nakikinig sa kanila, hawak ang baso sa kamay. Hindi nito nakita ang pagturo ng kapatid niya.
Inis na tumayo siya at nang tumalikod ang mama niya ay tinaas niya ang gitnang daliri niya sa kapatid. Nakita niya ang pagkunot ng noo ni Amsel bago nilingon si Gray na tumatawa.
Binaba niya agad ang kamay niya at padabog na umakyat ng hagdan. Nakakainis! Bakit ba kailangan pang asarin siya ng bwisit niyang kapatid? Nakisali pa ang mama niya.
Dumapa siya sa higaan niya at tinakpan ng unan ang mukha niya at sumigaw. Nakakahiya kay Amsel!
Narinig niya ang nang-aasar na tawa ng kapatid niya mula sa baba, mukhang narinig ng mga ito ang ginawa niyang pagsigaw. Nagtiim bagang siya at tinakpan ang magkabilang tenga niya. Nagsisisi siya na hindi niya muna binatukan ang kapatid niya bago siya umakyat.
Hindi namalayan ni Dorothea na nakatulog siya kaya’t maaga siyang nagising kinabukasan. Maaga rin siyang bumangon at nakapasok.
Hindi niya alam kung bakit wala siyang gana sa school kahit nandoon naman si Elnora. Dahil ba hindi na niya nakikita si Kaleb? Balita niya ay busy ito sa preparasyon para isa sa mga event ng school nila, si Halsey rin ay bihira niyang makita.
Ang nakakainis pa na nangyayari sa kanya ngayon ay ang daming nagtatanong sa kanya kung ano ang nangyari kay Darien at kung bakit nila ito sinaktan ni Amsel. Pero hindi niya lahat sinasagot at sinusungitan niya lang.
“Tingnan mo! Speaking of the devil.” Sinundan niya ng tingin ang itinuturo ni Elnora sa harap ng gate ng school nila. Napanganga siya nang makita niya si Darien doon, naka-uniporme. Hindi pa rin gumagaling ang mga pasa nito sa mukha kaya pinagtitinginan ito.
Kumuyom ang kamao niya. Bakit nakakapasok pa rin ito? Bakit si Amsel ay suspended pero si Darien ay nasa school pa rin nila?
Bakit umaakto ito nang parang wala lang? At akala ba niya ay paparusahan ito? Bakit parang si Amsel lang ang naparusahan? Gano’n na lang ‘yon? Hindi aaksyunan ang kababuyan na ginawa nito sa kanya?
Nakaramdam siya ng matinding galit. Hindi na siya muling nagsalita dahil sa sobrang inis niya hanggang sa nagkahiwalay na sila ni Elnora.
Wala siya sa sarili niya habang nakasakay siya tricycle, tuwing kasama niya si Elnora ay naglalakad lang siya pero ngayon ay wala siyang kasama.
Nagpangalumbaba siya at nagbuntong-hininga habang nakatingin sa daan.
Mabilis na kumunot ang noo niya nang may pamilyar na taong nadaanan ang sinasakyan niya. Nalagpasan nito iyon ng tricycle kaya’t nilingo niya ito.
Hindi niya alam pero naramdaman niya ang kirot sa puso niya nang mamukhaan niya ang lalaki. Si Amsel iyon, at may kasama itong sexy at magandang babae na nakakapit sa braso nito.
Nag-uusap sila habang naglalakad, dikit na dikit sila. Hindi rin siya napansin nito dahil mabilis ang takbo ng tricycle. Sino ang babae na kasama nito? Girlfriend? Papunta ba sila ngayon sa bahay nina Amsel? Anong gagawin nila ro’n?
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mata niya at paninikip ng dibdib niya. Sh¡t, hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya.
Pinigilan niya na tumulo ang luha niya, nang makarating siya sa bahay nila ay nakasimangot siya.
“Dorothea.” Walang gana na nilingon niya ang mama niya nang tawagin siya nito pagkapasok niya pa lang sa bahay, galit ang tono nito pati ang itsura.
“Bakit na naman, ma?” Iritadong tanong niya.
“Bakit?” Nagpamewang ito, galit pa rin. “Tumawag sa’kin ang school niyo! At sinabing nanakit ka raw ng estudyante!”
Nanlaki ang mata niya. Hindi niya akalain na tatawagan nito ang mama niya! At ayon sa reaksyon nito ay halatang hindi nito sinabi ang dahilan.
Hindi niya rin alam kung paano niya sasabihin iyon.
Kumuyom ang kamao niya at pinilit na nagsalita. “Wala ‘yon, ma. Maayos na rin naman.”
“Anong wala?!” sigaw nito. “Dorothea, sobra na ‘yang ugali mo! Tinatanggap ko ‘yan kapag nandito ka sa loob ng bahay, pero dadalhin mo pa sa school? Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao? Hindi ka naman ganyan pinalaki!”
“Ma, hindi mo naman alam ‘yung nangyari kaya—”
“Sinabi na sa’kin ang lahat! Bigla mo na lang sinaktan ‘yung estudyante dahil akala mo’y kinukuhanan ka niya ng larawan!”
Napanganga siya. “Hindi akala ‘yon, ma! Totoo ‘yon! Nakita kong kinuhanan niya ako!”
“Dorothea. .” Napapikit ng mariin ang mama niya. “Hanggang ngayon ay magdadahilan ka pa? Sige nga, sabihin mo sa’kin kung bakit ka niya kukuhanan ng litrato! Ipakita mo sa’kin ang ebidensya mo!”
Hindi siya nakasagot at nanatiling nakatingin sa mama niya. Gano’n ba ang tingin nito sa kanya? Sinungaling na gumagawa—gawa lang ng kwento?
Parang may nagbara sa kanyang lalamunan, kinagat niya ang kanyang labi habang pinipigilan ang maluha.
“E-ebidensya?” aniya. “Hindi ka maniniwala sa sarili mong anak? Ako ang biktima rito, ma! Nakita ko mismo ‘yung larawan na kinuha niya! Ayaw mo lang maniwala sa’kin dahil akala mo’y walang magtatangkang gumano’n sa’kin!”
“Doroth—”
“Ano, dahil pangit ako? Dahil mataba ako?” Naramdaman niya na tumulo ang luha niya. “Dahil hindi ko kayo kamukha nina Gray? Gano’n ba? Kaya hindi ka na maniniwala sa’kin? Hindi ko lang pinapahalata pero ang laki ng epekto sa’kin no’n! Hindi ko naman ‘yon ginusto kaya bakit ako magsisinungaling?!”
Hindi nakasagot ang mama niya at napatitig lang sa kanya, nawala ang galit sa mukha nito. Nakita niya rin ang dumaan na guilt sa mata nito.
“Tanggap ko na ‘yon, ma, matagal na— na walang magkakagusto sa’kin.” Napahikbi siya nang maalala niya si Amsel na may kasamang babae. “Kasi nga pangit ako, na hindi ako maganda. K-kaya sorry, kung hindi ako kapani-paniwala!”
Nilagpasan niya ang mama niya at padabog na umakyat ng hagdan habang umiiyak. Sobrang sama ng loob niya. Si Darien ay nasa school pa rin nila na akala mo’y wala lang ang ginawa, sigurado siyang nagsinungaling ang school nila sa mama niya pero hindi niya matanggap na hindi siya pinaniwalaan nito. Tapos, si Amsel. . gusto niyang magmura. Ang kapal ng mukha niya para mag-assume na interesado ito sa kanya.
Bakit? Sino ba siya? Hindi naman siya maganda.
Umiiyak na ni-locked niya ang kwarto niya. Hapunan ay kumatok sa pinto niya ang kapatid niya para yayain siyang kumain ngunit sinigawan niya lang ito.
Narinig niya sa labas ng pinto niya na sinabi ng papa niya na hayaan muna siyang magpalamig. Ngumuso siya at tumulo na naman ng tuloy-tuloy ang luha niya.
Hindi niya namalayan ang oras pero naramdaman niya ang gutom niya bandang alas-onse ng gabi. Pinunasan niya ang mukha niya at tiningnan ang sarili sa salamin, namamaga ang mga mata niya at namumula ang mga pisngi niya.
Sigurado siya na wala nang tao sa baba nila dahil kanina pa tahimik, baka tulog na ang mga kasama niya.
Bumaba siya sa kusina at naghanap ng pagkain, nakita niya ang kare-kare sa lamesa na may kasamang kanin. Halatang tinira ito para sa kanya.
Nagbuntong-hininga siya at umupo, ngayong nakita na niya ang pagkain ay parang nawalan na siya ng gana.
Sumandal siya sa upuan at pumikit habang sinasabunutan ang sarili. Sumakit ang ulo niya dahil sa walang tigil na pag-iyak niya kanina, ngayon na lang ulit siya umiyak ng gano’n.
“Ate?”
Mabilis siyang napadilat ng mata nang marinig ang boses na iyon. Agad siyang napatayo habang namimilog ang mata nang mapansin na iba na ang mga gamit, pero sa harapan niya ay nakatayo ang kapatid niya. Gulat na gulat habang nakatingin sa kanya.
Ito na naman, nangyari na naman. Nakalimutan niya na ang kakaibang nangyayari na ito dahil ang tagal hindi nangyari.
“Ma!” Nagulat siya nang sumigaw ang kapatid niya. “S-si ate, nandito!”
Umiling siya. Hindi ito ang kapatid niya, alam niyang hindi ito ‘yon.
Napatingin siya sa may hagdan nang marinig niya ang mga yabag na pababa, halatang nagmamadali ang mga ito. Agad siyang napaatras nang bumaba ang dalawang kamukha ng mama at papa niya.
Napatakip sa bibig ang mama niya at tumakbo palapit sa kanya. “Sinasabi ko na nga ba! Hindi ako nagkakamali, ikaw nga ang nakita ko anak!”
Hindi siya nakagalaw dahil sa sobrang gulat. Nahahawakan siya nito at nahahawakan niya rin ito, nararamdaman niya ang init ng katawan nito na akala mo’y totoong tao!
“T-teka. .” Tinulak niya ang nakayakap sa kanya at umatras.
Napatakip sa bibig ang mama niya. “Bakit, anak? Galit ka pa rin ba sa’min?”
Hindi siya sumagot at nilibot ang tingin sa paligid. Hindi, hindi ito totoo! Wala pa rin siya sa bahay nila!
“Theodora,” ani papa niya.
“T-theodora?” Gulat na tanong niya.
Bakit tinatawag siyang Theodora nito? Sino ‘yon? Anong nangyayari? Bakit hindi pa rin siya nakakabalik sa normal? Ang tagal na masyado!
Umiling siya ng maraming beses habang nakapikit. Napaigtad siya nang hawakan siya ng mama niya sa kamay kaya nagdilat siya at pinagmasdan ito.
“Theo, pag-usapan natin ito,” sambit nito habang tumutulo ang luha. “Dalawang taon kang nawala, hindi mo pa ba kami napapatawad?”
Napatakip siya sa bibig niya. Dalawang taon na nawala? Ano ‘tong sitwasyon na ‘to?