“Mama! Papa! Gray!”
Tumitiling bumaba ng hagdan si Dorothea dahil sa sobrang tuwa nang magising siya sa earth kinabukasan.
Nakabalik na siya! Nasa totoong bahay na nila siya!
“Nandito na ako!” hiyaw niya.
Nawala ang ngiti niya nang pagbaba niya ay walang tao, magulo ang mga gamit na akala mo’y hinalughog ng mga magnanakaw.
Kumabog ng malakas ang dibdib niya, umakyat muli siya at binuksan ang lahat ng mga kwarto ngunit walang tao.
“A-anong nangyari?”
Napakuyom siya ng kamao at tumatakbo ulit na bumaba, lumabas siya ng bahay at nakitang sira-sira rin ang lamesa na ginagawa ng papa niya tapos ay magugulo ang mga tools nito.
Napatakip siya sa bibig niya. Anong nangyari? Bakit ganito ang naabutan niya? Excited siyang makabalik! Akala niya ay magiging ayos ang lahat pagbalik niya ngunit bakit ganito?
Parang nagkaroon ng digmaan sa lugar nila.
“Ma! Pa!” sigaw niya sa labas habang tumutulo ang luha. “Gray! Nasaan kayo?”
Mag-isa lang siya. Naglakad siya nang naglakad sa lugar nila ngunit walang ni isang tao, habang tumatagal ay lumalakas ang pag-iyak niya. Hindi niya alam kung anong nangyari! Para bang naglaho na lang ang lahat ng tao!
“Dorothea?!”
Mabilis siyang napalingon nang marinig ang boses ng mama niya. Hindi kalayuan sa kanya ay nandoon ang mama niya, nakatingin sa kanya.
“Mama!” hagulgol niya at tumakbo palapit.
Akala niya ay yayakapin siya nito ngunit hinawakan lang siya nito sa magkabilang balikat, tapos inalog-alog siya.
“M-ma!”
Kumunot ang noo nito. “Anak! Gumising ka!”
“Ha?”
Tinapik-tapik nito ang pisngi niya. “Gumising ka! Nandito kami!”
Maya-maya ay naramdaman niyang parang umikot ang kanyang tiyan. Sumikip ang kanyang dibdib at napapikit, napasinghap siya at napadilat ng mabilis.
Hinihingal na napatingin siya sa paligid, nasa kwarto niya siya ulit! At ang mama niya ay nasa harapan niya ngayon, nakatayo sa likod nito si Gray.
“M-mama?!” bulalas niya.
“Dorea!” Mahigpit siya nitong niyakap kaya naguguluhan na nilibot niya ang tingin sa kabuuan ng kwarto niya.
Panaginip lang ‘yung kanina?
“Anak, saan ka nanggaling? Kailan ka bumalik? Kailan ka pumasok dito sa bahay? A-ang tagal ka namin hinanap!” Umiiyak na hinawakan ng mama niya ang mukha niya.
Hindi siya makasagot. Natulala siya, hindi niya alam ang sasabihin. Nanggaling sa Htrae, ang tagal niya ro’n pero hindi naman pwede na sabihin niya na nanggaling lang siya sa ibang mundo.
“S-sabihin mo sa’kin kung saan ka nanggaling!” pumiyok ang mama niya at hinagkan muli siya. “Dalawang linggo kang nawala, anak! Bakit mo kami nilayasan?”
“S-sorry, ma,” sambit niya at niyakap ito pabalik. “Gusto ko lang mapag-isa ng matagal, sorry kung pinag-alala ko kayo.”
Nagkatinginan sila ng kapatid niya. Nakatingin lang ito sa kanya, naguguluhan ang itsura nito pero wala itong sinabi. Hindi niya alam ngunit nakita niyang parang nainis ang itsura nito, kumuyom ang kamao nito at walang sabi na lumabas ng kwarto niya.
“Anong ibig sabihin mo na gusto mong mapag-isa, anak?” tanong ng mama niya. Pinagmasdan niya ito, hindi niya ito napansin kanina ngunit nagulat siya na sobrang laki ng pinayat nito at halatang hindi rin nakakatulog ng maayos.
Dahil ba ang tagal niyang nawala? Kaya rin ba parang nagalit sa kanya ang kapatid niya? Ang papa niya, siguradong nangayayat din ito dahil sa sobrang pag-aalala.
Pero hindi niya naman ginusto iyon. Hindi niya ginustong hindi bumalik sa tunay niyang pamilya!
Tumulo ang luha niya. “S-sorry, hindi na ako aalis ulit, promise.”
“A-ayos lang! Ang mahalaga ay bumalik ka na at maayos ka! Pero sana ay sabihin mo sa’min ang dahilan, gusto kong malaman kung bakit pinili mong mapalayo sa’min. .”
Napakagat siya sa kanyang labi. Hindi niya alam kung anong gagawin niyang dahilan, hindi siya magaling sa mga ganito. Anong sasabihin niya?
Si Kaleb! Magtatanong siya kay Kaleb, ito ang pag-iisipin niya ng pwedeng dahilan. Matalino ito.
Nang araw na iyon ay nagluto ulit ng marami ang mama niya. Hindi niya alam pero sobrang masaya siya, kakaiba pa rin ang tunay na pamilya!
Dumating ang papa niya. Tulad ng inaasahan ay malaki nga ang pinayat nito, ngunit tuwang-tuwa ito nang makita siya.
“Lahat ay ginawa namin para mahanap ka, anak!” sambit nito. “Akala ko ay nakipagtanan ka na!”
Nanlaki ang mata niya. “Wala nga akong jowa, pa!”
Tinawagan niya rin si Elnora at sinabing nakabalik na siya kaya pagdating ng uwian galing school ay dumating ito.
“Dorea!” paghikbi nito habang mahigpit siyang niyayakap. “Saan ka nanggaling? Anong ginawa mo?!”
Pilit siyang tumawa. “Hindi ko rin alam, baliw na yata ako.”
Dumating ang hapon nang hindi siya kinakausap ng kapatid niya, ngunit hindi rin ito pumasok sa school. Nagkulong lang ito sa kwarto kaya pinuntahan niya.
“Gray?” saad niya habang nakasilip doon sa pinto, naglalaro ito ng playstation. Napatigil ito nang makita siya pero binalik ang tingin sa TV.
Ngumiti siya at pumasok ng tuluyan, tapos ay tinabihan niya ito sa kama.
“Bakit?” tanong nito.
Nagbuntong-hininga siya. “Galit ka ba sa’kin?”
Hindi agad ito kumibo, inis na huminga ito at binitawan ang joystick. Napansin niya rin na medyo pumayat ito, hindi niya maiwasan na sisihin ang sarili.
“Bakit ngayon ka lang bumalik?” tanong nito. “Hindi mo ba alam kung gaano nabaliw sina Mama at Papa para hanapin ka? Halos hindi sila natulog at kumain, si Papa halos hindi na umuuwi dahil sumasama siya sa paghahanap sayo. Si mama, naririnig kong umiiyak tuwing gabi. Halos hindi na kami nagsasabay kuma—”
“Sorry,” iyon lang ang nasabi niya at tumulo ang luha.
Kumuyom ang kamao nito. “Tapos ngayon ay babalik ka nang parang wala lang, tuwang-tuwa ako no’ng nakita kitang mahimbing na natutulog sa kwarto mo. Pero ang hindi ko maintindihan ay ‘yung dahilan mo, ate!”
“G-gray. .”
“Umalis ka ng walang sabi dahil lang sa gusto mong mapag-isa? Halos mabaliw kaming lahat dito sa kaiisip kung nasaan ka tapos ‘yan lang ang dahilan mo?” Galit na tumayo ito at narinig niyang suminghot ito. “A-ayaw ko lang sabihin kina mama, pero akala ko ay patay ka na namin makikita.”
Nanlaki ang mata niya. Tumayo rin siya at niyakap ang kapatid. Hindi sila sanay ng ganito, bata pa sila nang huli niyang yakapin si Gray pero hindi niya mapigilan.
Nakokonsensya siya na may mga araw na hindi niya naiisip ang pamilya niya habang nasa htrae siya, nakakakonsensya rin na pumasok din sa isip niya na mas masaya sa mundong iyon. Dahil lang sa maganda siya ro’n at kinahahangaan.
Masyado siyang naging makasarili.
“S-sorry,” paghikbi niya. “N-namiss ko kayo ng sobra! Kung alam niyo lang!”
Hindi sumagot si Gray, pinunasan lang nito ang luha at tiningnan siya ng masama. “Kapag umalis ka ulit, hindi ka na namin tatanggapin.”
“Edi ‘wag!” bulyaw niya pero natawa rin.
“Alam na ba ni Amsel na nakauwi ka na?” tanong nito.
Nanlaki ang mata niya. Sa totoo lang ay kanina pa niya iniisip si Amsel pero hindi kasi siya sigurado kung anong magiging reaksyon nito. Nag-alala ba ito sa kanya? Hinanap din ba siya nito? Na-miss ba siya?
Hindi naman kasi siya sigurado sa nararamdaman nito sa kanya. At isa pa ay napapunta rin ito sa Htrae!
“Hindi mo ba sinabi sa kanya?” tanong niya pabalik.
“Hindi pa,” sabi nito. “Kung sinabi ko lang, sigurado ay tumakbo na iyon dito kanina pa.”
Nag-init ang mukha niya. “Hinanap niya rin ba ako?”
“Anong sa tingin mo?” tanong nito. “Halos ma-praning nga ‘yung tao.”
Namilog ang mga mata niya at napanganga. Ano raw? Halos ma-praning si Amsel?
“A-anong ibig mong sabihin?”
Tumaas ang kilay nito. “E, simula kahapon, sinasabi niya na napanaginipan ka raw niya—”
“Pupuntahan ko na siya!” sigaw niya, hindi niya napansin iyon. “Nasa bahay ba niya siya ngayon?”
“Siguro? Hindi naman iyon mahilig lumabas e.”
Lumabas agad siya sa kwarto ng kapatid niya, kaya’t naramdaman niya na sinundan siya nito. Bahala na, gusto niya itong makita matagal na.
“Alam mo ba bahay no’n?” tanong ni Gray.
Napatigil siya at hinila ito palabas ng bahay, tinanong pa ng mama niya kung saan sila pupunta ngunit hindi na nila pinansin.
“Samahan mo ako!” sabi niya.
Hindi niya alam kung bakit siya nagmamadali. Basta kinakabahan siya, na na-eexcite, na nahihiya. Hindi na ito nawala sa isip niya mula nang iligtas siya nito kay Mr. John sa htrae.
“Dito ang bahay nila, dumiretso ka lang diyan sa eskinita tapos kumanan ka. Doon na—”
Hindi niya na ulit pinatapos ang sinasabi ni Gray. Mabilis siyang pumasok doon sa eskinita, medyo mahaba-haba iyon at pagliko niya sa kanan ay may nakita siyang malaki na bahay. Hindi masyadong malaki ngunit mas malaki iyon kesa sa bahay nila.
Nasa ibang bansa nga pala ang mga magulang ni Amsel.
Hindi niya alam kung anong gagawin niya, nilibot niya ang tingin sa paligid sa loob ng gate. Pagkaangat niya ng tingin sa may rooftop ay nanlaki ang mata niya nang makita niya si Amsel na nakaupo roon.
Nakatingin ito sa malayo. Pinasingkit niya ang mata niya, parang yosi pa ‘yung nasa daliri nito.
Halatang ang lungkot-lungkot nito.
“Amsel!” sigaw niya.
Mabilis na bumaba ang tingin nito sa kanya. Nang makita siya nito ay mabagal na nanlaki ang mata nito at hindi agad nakagalaw, kinakabahan na ngumiti siya at kumaway.
“Bumaba ka rito!” sigaw niya.
Napanganga ito at biglang umalis doon sa bato na inuupuan nito. Kahit nasa labas siya ay narinig niya ang mga yabag nitong nagmamadali pababa, napatalon siya dahil sa biglaang pagbukas ng gate sa harapan niya.
Para siyang naestatwa nang yakapin agad siya nito, napapikit siya at niyakap ito pabalik. Pakiramdam niya’y para siyang kinikiliti at alam niyang namumula ang magkabilang niyang pisngi.
“Panaginip na naman ba ‘to?” mahinang sambit nito at mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.
Kinagat niya ang kanyang labi. “H-hindi ito panaginip.”
Kumalas ito sa pagkakayakap at hinawakan ang magkabila niyang pisngi, pinagmamasdan siya. Nalilito ang mga mata nito.
“No’ng napanaginipan kita, parang ganito rin kaya akala ko ay totoo. .”
Napangiti siya kahit parang hihimatayin na siya. Akala nito ay panaginip lang ang nangyari sa Htrae, tulad niya noong una. Walang kaalam-alam ito na niligtas siya nito kay Mr. John.
Iba talaga si Amsel, ibang-iba kay Salem. Sa itsura, katawan, galaw, boses. At sa pakiramdam na binibigay nito sa kanya.
Ilang araw niyang nakasama si Kaleb sa Htrae, pero hindi niya naramdaman ang ganito. Dati ay pinipilit niya sa sarili niya na si Kaleb talaga ang gusto niya, na nalilito lang siya dahil naging malapit siya kay Amsel.
Pero hindi, sigurado na siya ngayon. Gusto na niya talaga ito.
Nag-init ang mukha niya at niyakap ito sa bewang, at niyakap siya nito sa ulo. Ang mukha niya ay nasa dibdib nito.
“N-namiss kita,” pag-amin niya at kinagat ang labi.
Naramdaman niyang nanigas ang katawan nito dahil sa gulat, kakalas na sana ito sa pagkakayakap ngunit pinigilan niya dahil alam niyang para siyang kamatis ngayon dahil sa sobrang pula.
Tinutulak siya nito para makita ang mukha niya pero sinusubsob niya pa lalo ang mukha niya sa dibdib nito.
Amoy sabon ng damit. Walang pabango, walang pawis, manipis ang suot nitong damit kaya parang naaamoy niya na rin ang balat nito.
Sumuko ito sa pagtulak sa kanya at naramdaman niya ang hininga nito sa kanyang ulo. Tapos ay namilog ang mata niya nang halikan nito ang buhok niya, kumuyom ang kamao niya sa damit nito sa likod. Natatakot siya na marinig nito ang malakas na kabog ng puso niya.
Sa kabila ng hiya na nararamdaman niya, para siyang natutunaw sa saya.
Hindi niya akalain na may gaganito sa kanya bilang Dorothea. Hindi bilang Theodora na maganda ang tingin ng lahat.
Parang gusto niyang sumigaw.
Kumalas siya sa pagkakayakap at agad na tumalikod. Tinapik niya ang pisngi niya at huminga ng malalim, hinawakan nito ang pulso niya at yumuko para silipin ang mukha niya.
Napaigtad siya at tinakpan ang mukha. “H-hoy! Bakit?!”
“Si Dorothea ka ba talaga?” tanong nito.
Agad siyang napaharap. “B-bakit?! Ano na naman?”
“Nahihiya ka, ‘yung kilala ko na Dorothea walang hiya e.”
Tiningnan niya ito ng masama at inambahan, pero hindi niya naituloy ang pagsapok dahil unti-unti itong napangiti. ‘Yung mga mata nito ay parang kumikinang habang nakatingin sa kanya.
“Sh¡t,” sambit niya habang pinagmamasdan ang nakangiting mukha nito. Hindi siya makapaniwala na hindi niya napapansin dati kung gaano ka-gwapo si Amsel!
“Ikaw nga ‘yan,” sabi nito at tiningnan siya mula ulo hanggang paa tapos ay marahan na natawa. “Bakit ganyan ang tsinelas mo?”
Bumaba ang tingin niya at nagulat nang makita na magkaibang tsinelas ang suot niya, ‘yung isa ay kanya at ‘yung isa ay sa papa niya. Tapos nakapambahay lang din talaga siya, bakit maiksi ang shorts niya?! Kitang-kita ang malaki niyang hita!
Agad siyang nagtungo ro’n sa eskinita, uuwi siya! Nakakahiya ang itsura niya.
Hinawakan siya nito sa damit kaya napaatras siya ulit dito pero hindi siya lumingon. “Saan ka pupunta?”
“U-uuwi lang,” sagot niya. “Hindi pa pala ako naliligo, tsaka hindi ko napansin na ganito ‘yung suot ko kasi nagmamadali ako pumunta rit—”
“Ba’t ka nagmamadali?”
Nagtiim-bagang siya at galit na nilingon ito. “Bakit ba? E, gusto kitang makita agad e! Sabi kasi ni Gray ay halos mapraning ka raw no’ng wala ako, tsaka nabalitaan ko na binugbog mo raw ulit si Darien kaya suspended ka ulit. Ang dami kong gustong itanong sayo!”
Huminga siya ng malalim. “Tsaka, bago ako mawala. . nakita kita na may— wala, nevermind. Sige, uwi muna ako. Punta ka na lang doon kung gusto mo.”
“Nakita mo na ano?” tanong nito at hinarang siya. “Anong nakita mo, Dorothea?”
Nag-iwas siya ng tingin. “Naka-tricycle ako no’n, nakita ko na may kasama kang babae. Nakahawak sa braso mo tapos. . naglalakad kayo.”
Kumunot ang noo nito. Halatang inaalala ‘yung sinasabi niya, maya-maya ay naningkit ang mata nito na para bang naalala na iyon.
“Ah, si Melissa,” saad nito.
“O, sino ‘yon?” tanong niya. “Jowa mo? Maganda at sexy e, nakita ko.”
“Kaibigan ni ate ‘yon,” katwiran nito. “May pinakuha kasi sa kanya si ate rito noong araw na ‘yon, hinatid ko lang siya—”
“O, bakit magkasama kayo?” tanong niya. “Ano mo siya?”
“Wala.” Kumunot ang noo ni Amsel. “Kaibigan lang siya ng ate ko, Dorothea. Bata pa ako ay nakikita ko na siya—”
“E, bakit nakakapit sa braso mo? Gano’n ba sayo ang mga kaibigan ng ate mo?”
Tumaas ang gilid ng labi nito. “Siya lang ang gano’n, malabo kasi ang mata niya kaya—”
“E, bakit hindi siya magsalamin?!” inis na tanong niya. “Baka naman ginagawa niya lang dahilan ‘yon?”
Humalakhak si Amsel. “Nawala ka lang ng matagal, natuto ka nang magselos.”
Nanlaki ang mata niya at napatakip sa bibig. Hindi niya namalayan na kung ano-ano na ang lumalabas sa bibig niya.
Hindi niya rin naman pwedeng itanggi pa iyon dahil halata naman na pagseselos iyon! At parang inamin niya na rin na may gusto siya sa Amsel na ito!
“M-may ate ka pala?” pag-iiba niya ng usapan at tumawa. “Ilan ba kapatid mo?”
Halatang natatawa pa rin ito. Hinawakan siya nito sa kamay, nagulat siya nang buksan nito ang gate at hinila siya sa loob.
“H-hoy! Teka!” sigaw niya ngunit napatahimik agad dahil halos lumuwa ang mata niya nang makita na nandoon si Melissa at ang isang babae na sa tingin niya’y ate ni Amsel.
“Dito tayo mag-usap sa kwarto ko,” sabi nito at hinila siya paakyat ng hagdan.
Nagtataka na pinagmasdan sila no’ng dalawa na nasa salas, narinig niya pa na nagsalita ang ate ni Amsel pero hindi niya naintindihan.
Sh¡t! Nakakahiya!