Nagising si Dorothea sa isang ospital. May nakabalot na gasa sa kanyang ulo, nilingon niya ang nurse na nakatayo sa gilid niya at may inaasikaso sa papel.
“Anong nangyari sa’kin?” tanong niya.
Lumingon ito sa kanya at ngumiti. “Gising ka na pala. Pwede ko bang malaman kung ano ang pangalan mo?”
“Doro— Theodora Costanza,” sagot niya.
Tumango ito at nilabas ang parang isang flashlight at tinapat sa mata niya.
“May masakit ba sayo?” tanong pa nito habang ginagawa iyon, umiling lang siya. “Natatandaan mo ba ang nangyari bago ka dinala rito?”
Naalala niya bigla ang nangyari, kung ano ang ginawa sa kanya ni Mr. John. Muntik na siyang mapagsamantalahan nito, ngunit mabuti na lang ay dumating si Amsel at tinulungan siya.
Si Amsel!
Agad siyang napaupo. “Nasaan ang nagdala sa’kin dito? Anong itsura niya? Ano ang pangalan niya?”
Hindi agad nakasagot ‘yung nurse. Hindi siya nagkakamali na si Amsel ang nakita niya! Magkamukha si Salem at Amsel ngunit alam niya ang pagkakaiba ng dalawa, at ang boses nito at pagsasalita. . posible kaya na nandito rin si Amsel sa Htrae?
“Nasaan siya? ‘Yung nagdala sa’kin dito?” tanong niya ulit.
“Sorry, pero hindi ko nakita kung sino ang nagdala sa‘yo. Hindi ako ang naka-duty rito kagabi. .” saad nito.
“Kagabi?” tanong niya. “Anong oras na?”
“Seven o’clock,” sagot nito. “Pero may lalaking nagpunta rito kani-kanina lang, hindi ko alam kung nasaan siya ngayon.”
Nanlaki ang mata niya. “Anong itsura niya?”
“Gwapong lalaki, ang pangalan niya raw ay Blake.”
Si Kaleb na ba iyon? Bakit ngayon lang ito nagpakita at dumating? Bakit hindi ito sumasagot sa mga text niya kahapon?
O, ito ba ang dumating kagabi? Namalikmata lang ba siya?
Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang bumukas ang pintuan, humahangos na pumasok ang mama niya at kapatid na si Gary.
“Anak!” pag-iyak nito at niyakap siya. “Anong nangyari sayo?”
Nag-init ang mata niya. “S-si Mr. John. .”
“Anong ginawa niya sayo, anak? Anong ginawa niya sa anak ko?”
“Ma. .” Tumulo nang tumulo ang luha niya. Hindi dahil sa sinapit niya kagabi, ngunit dahil sa pinagdaanan ni Theodora. Ito ang mga tanong na hinihintay nitong marinig noon, ngunit pinili nito na sarilinin ang lahat.
“A-ano, anak? Sabihin mo sa’kin! Ipakukulong ko siya!”
Tama ba na aminin niya ang mga ginawa ni Mr. John, two years na ang nakararaan kahit na hindi siya si Theodora? Ngunit patay na ito! Dapat mabigyan ito ng hustisya!
Theodora, sorry kung nakikialam ako. Pero dapat nilang malaman ang kahayupan na ginawa sayo ng Mr. John na iyon.
Pumikit siya ng mariin. “S-sinubukan ulit akong g****a¡n ni Mr. John. .”
Naramdaman niya na natigilan ang mama niya habang nakayakap sa kanya, nakita niya ang gulat na mukha ni Gary na nakatayo sa gilid.
Kumalas sa pagkakayap ang mama niya, gulat na gulat ang itsura. “U-ulit? A-anong ibig sabihin nito, anak? Anong ginawa sayo ni Mr. John dati?”
“M-ma,” pumiyok siya. Para kasing nararamdaman niya rin ang naramdaman ni Theodora. Dahil ba magkamukha sila?
Hanggang ngayon, habang naiisip niya ang diary na isinulat ni Theodora. . hindi niya maiwasan na maging emosyonal.
Napatakip siya sa bibig dahil sobra na ang pag-iyak niya. Gano’n din ang mama niya, nanginginig na niyakap siya nito. At si Gary ay kumuyom ang kamao habang nakatingin sa kanya.
“S-sorry, anak! S-sorry! Hindi namin alam!” hagulgol ng mama niya. “H-hayaan mo, ipakukulong natin siya! Magbabayad siya sa ginawa niya sa anak ko!”
Tulo nang tulo ang luha niya. Ito ang yakap at mga salita na dapat ay nakuha ni Theodora noon, hindi niya ma-imagine ang gagawin niya kung nangyari talaga sa kanya ang nangyari rito. Hindi niya alam kung kakayanin niya.
Dahil kahit si Theodora ay hindi kinaya ang lahat.
“Nasaan ngayon ang gago na ‘yon, ate?” tanong ni Gary na nagtatangis ang bagang dahil sa galit.
Agad na kumalas sa yakap ang mama niya at hinawakan sa braso si Gary. “A-anak, please. Kumalma ka, ayokong makulong ka rin!”
“Pero. .” Napayuko si Gary at nag-angat ulit ito ng tingin sa kanya, bigla na lang pumatak ang luha nito. Tapos ay nagulat siya nang lumapit ito sa kanya at niyakap siya.
“A-ate. .” Iyon lang ang sinabi nito at pigil na umiyak sa balikat niya habang yakap siya ng mahigpit, halatang-halata sa boses nito ang galit.
Sobrang bigat ng dibdib niya. Kung si Theodora lang ang nandito, siguradong sobra na ang pag-iyak niyon.
Maya-maya ay bumukas ang pintuan. Alam ni Dorothea na si Kaleb iyon, may dala itong mga pagkain. Nagdalawang-isip pa ito na pumasok pero tinanguan niya ito habang pinupunasan ang sipon niya.
“Ma, Gray, mag-uusap lang kami ni Blake. .” sabi niya sa dalawa kaya mabagal na tumango ang mga ito bago lumabas.
Nang maiwan silang dalawa ni Kaleb ay umupo ito sa tabi niya. Nagbuntong-hininga ito habang pinagmamasdan siya.
“Ayos ka na ba?” tanong nito.
Tumango siya. “Dahil sa nangyari ay mapakukulong natin si Mr. John.”
“Dorothea,” saad nito. “Sorry, hindi kita nailigtas kagabi dahil hindi kami nagpalit ni Blake.”
“Kaleb. .” Nagbuntong-hininga siya. “Hindi ko alam kung posible ito, pero si Amsel ang nakita kong nagligtas sa’kin kagabi.”
Nanlaki ang mata nito. “Anong ibig mong sabihin? Si Amsel mismo? O si Salem?”
“Si Amsel talaga ‘yon!” agap niya. “Sigurado ako, magmukha sila ngunit ibang-iba sila sa paningin ko. Si Amsel iyon at tinawag niya rin akong Dorothea!”
“Ibig sabihin. .” Nakakunot pa rin ang noo nito. “Nakapunta rin siya rito? Sigurado ka ba? Kakausapin ko si Salem mamaya.”
Umiling siya at kinagat ang labi. “Si Amsel iyon, maniwala ka sa’kin. ‘Yung boses niya, ‘yung mukha niya. Kilala ko siya, siya iyon.”
Hindi ito sumagot, halatang hindi ito sigurado.
“Nandito pa kaya siya? Hanapin natin siya, Kaleb!”
“Dorothea, kung siya man iyon. . posibleng nakabalik na siya sa earth. Alas sais ng umaga kami nagpapalit ni Blake.”
Hindi niya maiwasan malungkot, parang may bumara sa kanyang lalamunan. Hindi siya pwedeng magkamali, kilalang-kilala niya si Amsel.
Napayuko siya habang pinaglalaruan ang kanyang mga daliri. Hanggang dito ba naman sa Htrae ay si Amsel pa rin ang tagapagligtas niya?
Tumulo ang luha niya. “G-gusto ko siyang yakapin, Kaleb. Hindi ko alam kung bakit.”
“Hay, Dorothea. .” Tumawa ito at tinapik ang ulo niya. “Posible rin naman na nandito pa rin siya ngayon, tulad ng nangyari sa’min ni Blake kahapon. Hindi kami nagpalit. .”
Nag-angat siya ng tingin. “H-hanapin natin siya!”
“Sige, akong bahala,” saad nito at suminghap. “Gusto ko muna mag-sorry, Dorothea. Plano natin ‘yon pero wala ako rito kahapon para tulungan ka, akala ko talaga ay magpapalit kami ni Blake.”
Ngumiti siya. “Hindi mo kasalanan iyon, hindi mo naman alam e. At saka tinulungan naman ako ni Amsel, ang mahalaga ay mabibigyan na ng hustisya ang nangyari kay Theodora. Siguradong tinawagan na ni Mama si Papa ngayon, aaksyunan na nila iyon. Ilalabas ko rin ang ebidensya.”
“Nai-record mo ba?”
“Oo, lahat ng pag-uusap namin. Lumabas ang lahat mismo sa bibig ni Mr. John.”
“Good job,” saad nito at ngumiti. “Tara na, aalamin pa natin kung sino ang nandito ngayon sa Htrae. Kung si Salem ba o si Amsel.”
Excited na tumayo siya. Masaya siya na hindi malala ang nangyari sa kanya, mabuti nga at nagdugo ang ulo niya nang mauntog siya dahil hindi namuo ang dugo sa loob.
Bukod doon, maayos ang pakiramdam niya.
Pagkalabas nila ng kwarto ay nasa labas si Salem, kasama si Gray. Nanlaki ang mata niya at bumaling naman sa kanya ng tingin si Kaleb.
Si Salem iyon, at hindi si Amsel. Nakabalik na sa earth si Amsel, biglang sumama ang loob niya.
Nakatingin ito sa kanya, at nang nilagpasan nila ito ay hinawakan siya nito sa braso. Gulat na napalingon siya.
Alam niyang hindi ito si Amsel. Pero kitang-kita ang pag-alala sa itsura nito, nag-aalala ito kay Theodora at hindi sa kanya. Ngunit hindi niya mapigilan na makaramdam ng tuwa.
Ayon sa diary ni Theodora, si Salem ang gusto niya at hindi si Blake. Ngunit hindi alam ni Salem iyon.
Theodora, kung nandito ka lang. . malalaman mo na sobrang daming nagmamahal sayo.
“Ayos ka na ba?” Nagdadalawang isip na tanong nito sa kanya. Halatang nahihiya na i-express ang nararamdaman na pag-aalala.
Ngumiti siya at tumango. “Nag-alala ka ba sa’kin?”
“Tinatanong pa ba ‘yan?” Nag-iwas ito ng tingin kaya’t napangiti siya lalo. “Sinong hindi mag-aalala?”
“Tumakbo agad ‘yan dito nang sinabi ko sa kanya sa tawag.”
Nanlaki ang mata niya at pinagmasdan ang kabuuan nito, nakapangtulog lang. “Tinakbo mo lang? Malayo ito a!”
“Nag-bike ako,” sagot nito at huminga ng malalim.
Natawa siya tapos ay niyakap niya ito, halatang natigilan ito saglit pero agad siyang niyakap pabalik.
“Salem,” aniya. Inaalala ang mga nakasulat sa diary ni Theodora. “Sorry sa mga nakagawa ko sayo dati, sana maintindihan mo. Nilayo ko ang loob ko sayo dahil lalaki ka, dahil—”
“Ayos lang,” agap nito at humigpit ang pagkakayap sa kanya. “Ayos lang, Theo. Naiintindihan ko. .”
Kinagat niya ang kanyang labi. Nakokonsensya siya dahil hindi alam ng mga ito na hindi siya ang kilala nilang Theodora, parang biglang gusto niyang aminin ang lahat.
Pagkaalis nila sa ospital ay pinapahinga siya saglit sa bahay nila. Ang papa niya ay dumating din agad, niyakap siya nito ng mahigpit. Hindi ito umiyak ngunit halatang galit na galit ito.
Ang huling dumating ay si Lorena, nanggaling pa ito sa school. Iyak nang iyak. Tinatanong kung bakit hindi sinabi ang lahat.
Nasa salas ang lahat, pwera sa papa niya na kausap ang mga pulis sa labas, kasama ang kaibigan nito. Kinausap na siya kanina, tinanong sa kanya ang lahat ng nangyari at sinabi niya na lang na hindi niya alam kung sino ang tumulong sa kanya.
Hindi niya naman pwede na sabihin niya na si Amsel iyon.
In-assume ng lahat ng baka isa iyon sa mga tauhan ni Mr. John, ayaw nitong magpakilala dahil ayaw mawalan ng trabaho.
“Gusto ko nang sabihin sa kanila,” sabi niya kay Kaleb nang tawagin niya ito sa kwarto niya.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Aaminin ko sa kanila na hindi ako si Theodora.”
Nanlaki ang mata nito. “Bakit? Sa tingin mo ba ay maniniwala sila sayo?”
“Hindi ko alam.” Huminga siya ng malalim. “Pero hindi ko na kaya, Kaleb. Lahat ng nandoon sa baba, lahat ‘yon ay nagmamahal kay Theodora. Paano kapag bumalik ako sa earth? Paano sila? Maiiwan sila rito at magtataka kung bakit naglaho na naman ng parang bula si Theodora.”
Hindi nagsalita ito. Halatang nag-iisip, alam ni Dorothea na naiintindihan nito ang sinasabi niya. Ayaw niyang umasa ang pamilya ni Theodora, at may karapatan siyang malaman kung ano ang nangyari.
Ang totoo na wala na talaga si Theodora.
“Sige,” sabi ni Kaleb matapos ng ilang sandali. “Pero hindi ako aamin muna, gusto ko munang tanungin ito kay Blake.”
Tumango siya at biglang kinabahan, pinulot niya ang diary ni Theodora.
Pagkababa nila ay nandoon pa rin ang lahat. Ang mga magulang ni Theodora, ang kapatid nitong si Gary, si Salem, si Lorena. Napaangat ng tingin ang mga ito sa kanya.
Huminga siya ng malalim, kumakabog ng malakas ang dibdib niya. “May sasabihin ako sa inyo na mahalaga.”
“Ano iyon, anak?” tanong ng mama niya.
Tumayo siya sa harapan ng mga ito, humigpit ang pagkakahawak niya sa diary. “Bago ang lahat, may babasahin muna ako sa inyo.
Kumunot ang noo ng mga ito, halatang curious sa babasahin at sasabihin niya. Bumaling muna siya kay Kaleb kaya tinanguan siya nito.
Huminga siya ng malalim at binuklat ang diary at tumikhim muna bago nagsimulang magbasa.“Mayo 15, birthday ngayon ni Papa. Kumain lang kami sa labas kasi ayaw talaga ni papa na naghahanda siya kahit dati pa, inasar pa nga siya ni mama na baka nagsasawa lang siya sa luto ni mama. Tawa lang kami nang tawa ni Gary.”
“D-diary mo ‘yan?” Gulat na tanong ni Lorena. “Bakit mo—”
“Mayo 16, hindi ako nakapasok dahil masama ang pakiramdam ko. Dinalaw agad ako ni Lorena at Salem, gusto pa nga na dito matulog para bantayan daw ako. Ayoko nga, kasi baka mahawa pa sila sa’kin.”
Napangiti siya sa nabasa niya at nilingon si Salem na parang nahiya, ito ‘yung mga panahon na hindi pa nilalayuan ni Theodora ang mga lalaki. No’ng panahon na ayos pa siya.
“Anak, bakit mo binabasa sa’min ‘yan?”
“Basta, ma,” sabi niya at binalik ang tingin sa diary para magbasa ulit.“Mayo 18, si Lorena naman ang hindi pumasok ngayon dahil may pinuntahan sila ng family niya. Kaming dalawa lang ni Salem ang sabay na umuwi, hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako kanina! Ay, ewan! Malungkot ako na wala si Lorena pero masaya rin ako na kaming dalawa lang ni Salem ang magkasama kahit hindi kami nag-uusap.”
Napatingin silang lahat kay Salem na namula ang mukha, tapos ay nilipat kay Kaleb na ang akala nila ay si Blake.
“May gusto ka kay Salem, ate?” tanong ni Gary.
“Sshh,” biro niya at binalik ang tingin sa diary. Nagtawanan ang mga ito habang inaasar si Salem, narinig niya ang pagtawa ni Kaleb.
“Mayo 19, nakakainis talaga. Ang hilig mambully ni Randie! Porket gwapo siya ay gaganunin niya sina Blake? Sino ba siya sa tingin niya? Hindi nga ako nakapagpigil at sinapak ko siya!”
Nanlaki ang mata ni Lorena. “Naalala ko ‘yon a!”
“Ang galing ng anak ko a,” sabi ng papa niya at nagtawanan silang lahat.
Binasa niya nang binasa ang lahat ng nakasulat doon, lahat ay nagtatawanan kapag may nakakatawa na nakasulat. Minsan naman ay naiinis kapag may nakakainis, at minsan ay inaasar nila si Salem dahil halatang may gusto talaga si Theodora sa kanya ayon na rin sa mga nakasulat.
Pero napatahamik ang lahat nang umabot ang binabasa niya sa Agosto. Ang unang beses na nakita ni Theodora si Mr. John at nangyari ang lahat, ‘yung mga panahon na bigla na lang nagbago si Theodora sa lahat. Naging mailap at hindi na ngumingiti.
Nag-iiyakan ang lahat, pati si Dorothea habang binabasa ang lahat ng iyon.
Tatlong buwan na puro malungkot lamang ang nakasulat. Hanggang sa umabot sa pinakahuling sulat.
Tumutulo ang luha na binasa niya iyon.“N-ngayong araw, nakapagdesisyon na ako. Wawakasan ko na ang buhay ko, ginawa ko ang lahat ng ginawa ko kahapon para makapagpaalam sa kanila nang hindi nila namamalayan.”
Nanlaki ang mga mata ng nandoon.
“Ilang buwan nang nasa isip ko ‘to, gusto ko nang mawala at maglaho. S-sawang-sawa na akong mag-isip at umiyak mag-isa.” Napatakip siya sa bibig at napahikbi.“At dahil ikaw, diary, ang nakakaalam ng lahat ng sikreto ko. . sasabihin ko sayo ang plano ko.”
Pinunasan niya ang luha niya.“M-maglalaslas ako ng pulso, pero hindi rito sa bahay, ayokong makita ako nina mama rito. Nakakaawa naman sila at ayokong mabahiran ng dugo ang bahay na ‘to, dito na ako lumaki. Kaya sa ibang lugar ko na lang gagawin, kung saan walang makakakita sa’kin.”
“A-anak!” Napahagulgol ng iyak ang mama ni Theodora.
Tiningnan niya isa-isa ang lahat ng nandoon. “M-mama, papa, Gary, Lorena, Salem. Mahal na mahal ko kayong lahat. Sorry. . hindi ko na kasi kaya. Sorry.”
Nagtangis ang bagang niya habang sinasara ang diary. Walang nagsalita, lahat ay nakatingin sa kanya. Halatang nasasaktan ngunit naguguluhan, nagtataka sila kung sino ang nasa harapan nila kung nagpakamatay talaga si Theodora?
“H-hindi namin naiintindihan. .”
Suminghap siya at ngumiti. “Ako si Dorothea Costanza. .”
“Dorothea?”
Tumango siya. “Hindi ako ang Theodora na kilala ninyo. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano ako napunta rito—”
“T-teka! Hindi namin maintindihan, ate,” ani Gray. “Anong ibig mong sabihin?”
“Nanggaling ako sa mundo na tinatawag namin na earth,” paliwanag niya. “S-sorry, dahil nagpanggap ako. Pero ang kilala niyong si Theodora ay. . patay na.”
Napasinghap silang lahat at hindi makapaniwala na pinagmasdan siya.
Mula sa umpisa ay kinuwento niya, mula sa earth kung saan akala niya ay panaginip lang lahat. Lahat ay sinabi niya, noong una ay hindi naniniwala ang mga ito ngunit habang tumatagal ay napagdudugtong-dugtong nila ang lahat.
Na kesyo kaya pala biglang nag-iba ang ugali ni Theodora, lahat lahat.
“S-sorry. .” sambit niya. “Matagal nang wala si Theodora Costanza, dalawang taon na.”
Napuno ng iyakan ang buong bahay. Pagkatapos ay nagpasalamat sa kanya ang lahat at niyakap siya, dahil kung hindi dahil sa kanya ay hindi nila malalaman ang totoong nangyari kay Theodora.
Hindi niya alam kung paano natapos ang gabi na iyon, basta ay nakatulog na lang siya.
At pagkagising niya ay nasa earth na siya, sa totoong mundo kung saan talaga siya nakatira.