Hindi pumasok sa school si Dorothea ngayon, nagkulong lang siya sa kwarto niya buong araw. Hindi siya mapakali dahil sa panaginip niya, alam niyang hindi totoo iyon pero paano pala kung tungkol iyon sa nangyayari sa earth?
Paano pala kung may nangyari na palang masama sa pamilya at mga kaibigan niya, tapos siya ay nandito sa htrae at ine-enjoy ang atensyon ng lahat dahil sa kagandahan niya?
Kinagat niya ang kanyang labi habang tulala na nakatitig sa sahig, nakaupo siya sa higaan niya.
Maya-maya ay bumukas ang pintuan, hindi niya naman iyon ni-locked. Pumasok pa nga ang mama niya kanina pero hinayaan lang siya nito nang sinabi niya na wala siyang ganang lumabas ng kwarto ngayon.
Hinayaan lang siya nito.
Kung ang mama niya ito na nasa earth, siguradong binungangaan siya nito. Pero masyadong maluwag ang magulang niya rito, o ang magulang ni Theodora.
Nag-angat siya ng tingin sa sumilip mula sa labas ng pinto. Si Lorena iyon, nagbuntong-hininga siya at sinenyasan ito na pumasok.
Naka-uniform pa ito at dala pa rin ang bag. “Theodora. . Sorry, kung nagpunta ako rito. Nag-chat kasi ako sayo pero hindi ka—”
“Ayos lang,” matipid na sagot niya at tinapik ang tabi niya kaya’t umupo ito. “Wala lang akong gana na lumabas ngayon kaya hindi ako pumasok.”
“Gano’n ba?” tanong nito at nag-iwas ng tingin. “Nag-alala lang ako, akala ko kasi ay nawala ka na naman bigla kaya. .” Hindi nito tinuloy ang sasabihin saka tumingin muli sa kanya. “Theo, sabihin mo lang sa’kin kung may problema ka. Dati, alam kong may kinikimkim ka noon pero hindi kita kinausap kahit na napapansin ko. Natatakot lang naman ako na—”
“Lorena.” Hinawakan niya ito sa kamay at ngumiti. “Promise, ayos lang talaga ako. Hindi lang maganda ang naging panaginip ko kaya hindi muna ako pumasok.”
Mabagal na ngumiti ito. “Mabuti naman. .”
Hindi siya kumibo. Pinagmasdan niya lang ito, hindi niya alam kung bakit gusto niyang maiyak habang pinagmamasdan ang mukha ni Lorena. Namimiss niya rin kasi ang mga panahon na nagpupunta si Elnora sa bahay nila.
Namimiss na niya ang lahat sa earth.
“Oo nga pala,” sabi nito at nilabas ang isang notebook. “Pinaggawa kita ng notes para wala kang ma-missed sa klase natin.”
Napanguso siya at nagdadalawang-isip na tinanggap iyon. Nagi-guilty siya. Masyadong mabait si Lorena, mas mabait pa nga sa tunay niyang bestfriend.
May nagtutulak sa kanya na aminin dito na hindi siya ang tunay na Theodora, ngunit paano naman ito maniniwala sa kanya? Sinong maniniwala ro’n?
Tinanggap niya ang notebook. “Thank you, Lorena.”
Mas lalong lumawak ang ngiti nito pagkatapos ay tumayo. “Kasama ko nga pala si Blake, nasa baba siya ngayon. Nag-aalala rin kasi siya sayo.”
Nanlaki ang mata niya. Tumayo na rin siya at lumabas, pagkababa niya ay tatlo ang nakaupo sa sofa.
Si Gary, si Blake, at si Salem. Sabay-sabay na tumingin ang tatlo sa kanya.
“Ate, kayo na pala ni Blake?” tanong agad ni Gary.
Hindi agad siya nakasagot, dumapo ang tingin niya kay Salem. Hindi na ito nakatingin sa kanya pero mukhang nakikinig ito.
Tumango siya. “Oo, bakit?”
Napanganga si Gary, si Salem ay tumigil sa pagpindot ng remote pero hindi pa rin ito lumingon.
Hindi niya tuloy maiwasan na isipin, may gusto kaya ito kay Theodora? Sabagay, maganda naman kasi siya sa mundong ito.
Pero kung sa earth lang ang pag-uusapan, malabong magkagusto sa kanya si Amsel.
“Blake,” bati niya sa binata. Tumayo ito pero hindi lumapit sa kanya, pinapanood lang siya. “Bakit sumama ka rito?”
Pinagmasdan siya nito. “Nag-alala lang kami ni Lorena.”
“Masyado kayong nag-alala, isang araw lang naman akong um-absent.”
Sinenyasan niya na umupo ito, tapos ay umupo siya sa tabi nito. Ngayon ay napaggigitnaan na siya nina Salem at Blake.
Lumingon sa kanya si Salem kaya nagkatitigan saglit bago ito umusog ng konti palayo.
“Bakit hindi ka pumasok?” tanong ni Blake. “May sakit ka ba?”
Umiling siya. “Tinamad lang talaga akong pumasok.”
Mabagal na ngumiti ito. “Mabuti naman. .”
Hindi niya alam kung gaano katagal sina Blake sa bahay nila. Basta pag-alis nito ay tumayo agad siya para umakyat ngunit nagulat siya nang hinawakan siya ni Salem sa damit para pigilan.
Nagbaba siya ng tingin. “Bakit?”
“Theodora,” sambit nito at mataman siyang tinitigan. “Hindi, mali. Si Theodora ka ba talaga?”
Agad na nanlaki ang mata niya. Alam na ba nito na hindi siya ang tunay na Theodora? Paano nito nalaman? Masyado ba siyang halata?
Pinilit niya kumalma. “Anong ibig mong sabihin?”
“Iba ang pagkakakilala ko kay Theodora,” sabi nito at pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. “At parang may kakaiba sayo, sa itsura, sa katawan, hindi ko lang alam kung saan.”
Nagpawis ang mga palad at paa niya. Sh¡t, anong sasabihin niya rito? Aamin ba siya? Bakit ba kasi kilalang-kilala nito si Theodora? Samantalang sina Gary ay walang napapansin!
Kumunot ang noo niya at tinabig ang kamay nito. “Hindi ko alam ang sinasabi mo, nababaliw ka na yata.”
“Huh,” saad nito kaya’t napalunok siya. “Kilala kita, ayaw na ayaw mo kay Blake. At ‘yung mga ginagawa mo ngayon, hindi mo ‘yan ginagawa dati.”
Nagtiim-bagang siya. “Bakit? Sa loob ng dalawang taon na nawala ako, umaasa ka na walang magbabago sa’kin?”
“Hindi. .” Nag-iwas ito ng tingin. “Ang sinasabi ko lang ay parang ibang tao ka na.”
“Tama ka, ibang tao na ko,” sabi niya. “Hindi na ako katulad ng dati, sa dami ng pinagdaanan ko. Sa tingin mo ay hindi ako magbabago?”
Lumingon muli ito sa kanya. “Sabihin mo sa’kin kung ano ang pinagdaanan mo.”
Natigilan siya at hindi nakasagot. Gumagawa lang naman siya ng dahilan, hindi niya alam kung ano ang mga pinagdaanan ng totoong Theodora. Ni hindi niya alam kung nasaan ito o kung ano ang mga pinagdaanan nito.
“Anong meron?”
Napabalik siya sa ulirat nang marinig niya ang boses ni Gary. Nag-iwas siya ng tingin kay Salem at walang kibo na umakyat ng hagdan.
Pabagsak na humiga siya sa higaan. Pumikit siya ng mariin dahil sa inis.
Kahit gaano niya kagusto na bumalik sa earth, gustong-gusto niya pa rin malaman kung ano ang nangyari kay Theodora. Gusto niyang makabalik ito dahil masyadong maraming nagmamahal dito, at walang ideya ang mga iyon na hindi ang totoong Theodora ang nakakasama nila ngayon.
“Nasaan ka na ba?” bulong niya sa sarili habang sinasabunutan ang sarili. “Ah! Nakaka-stress!”
Ilang araw pa ang lumipas at hindi pa rin nakakabalik sa earth si Dorothea. Tapos ay paulit-ulit lang ang nangyayari sa kanya sa htrae.
Akala niya na kapag kinahuhumalingan ka ng lahat ay gaganahan ka na sa buhay lagi. Pero hindi pala gano’n.
Nakakasawang mapuri, nakakasawang ngumiti sa mga tao, nakakasawang makipag-usap sa mga tao.
“Bakit nakasimangot ka, anak? Kinakabahan ka ba?” tanong ng mama niya bigla kaya wala sa sarili na napalingon siya rito.
Ngayon ang pangalawang pictorial niya kay Mr. John. Noong nakaraan ay sa cologne, ngayon naman ay clothing.
“Medyo, ma,” pagsisinungaling niya.
Hinawakan siya nito sa likod. “Sigurado ka ba na gusto mong magpunta mag-isa?”
Tumango siya.
Noong nakita niya si Mr. John, ramdam niya na agad na may kakaiba sa taong iyon. Pakiramdam niya ay may ginawa ito kay Theodora noon, pwedeng may kinalaman ito sa naging pagkawala ng kamukha niya.
Sakto na nagkaroon ulit ng photoshoot kaya gagamitan niya ang pagkakataon, gusto niyang siya mag-isa ang magpunta para malaman niya kung ano ang gagawin nito kung hindi niya kasama ang mama niya.
Mabuti ay hindi siya tinanong nito kung ano ang dahilan niya. Habang nasa byahe siya ay iniisip niya ang mga gagawin niya kung sakali na may gawin sa kanya si Mr. John. Dinala niya pa ang taser na nakita niya sa mga gamit ni Theodora.
“Ito na ang pinakamaganda natin na talent!” bati agad ng isa sa mga staff.
Ngumiti siya. “Hello.”
Hinila agad siya ng mga ito sa mataas na upuan sa tapat ng salamin. “Kumain ka na ba?”
“Katatapos lang.”
“Mabuti, kasi matagal-tagal ang shoot natin ngayon. Meron tayong six layouts.”
Nagbuntong-hininga siya. Noong una ay limang layouts lang pero sobrang tagal, aasahan niya nang mas matagal ngayon.
Pagkatapos siyang maayusan ay pinasuot na sa kanya ang unang damit na imo-model niya. Maya-maya ay nagsimula ang photoshoot.
“Beautiful, Theodora!”
Napatigil siya sa pag-posing nang marinig ang boses ni Mr. John. Kanina ay wala ito kaya akala niya ay hindi ito darating, pero ngayong halos matatapos na sila sa lahat ng layouts ay bigla itong dumating.
“Don’t be nervous! Magaling ka!” sambit nito at malapad na ngumiti.
Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan. Pinilit niyang ‘wag pansinin ang presensya nito, ngunit ramdam niya ang malagkit na tingin nito.
Nang matapos ang shoot ay nagpalit agad siya ng damit at kinapa ang taser sa bag niya. Hindi siya nagkamali, lumapit agad sa kanya si Mr. John.
“Theodora, as usual, ang galing mo pa rin,” sabi nito.
Nilibot niya ang tingin sa paligid, busy ang lahat sa pag-aayos ng mga gamit, walang nakatingin sa kanila. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa taser na nasa loob ng bag niya, sinundan nito iyon ng tingin.
Ngumiti ito. “Paano ‘yan? Sino ang kasama mong umuwi?”
“S-susunduin ako,” pagsisinungaling niya.
“Sino ang sundo mo?”
“Boyfriend ko.”
“Boyfriend?” Kumunot ang noo nito, maya-maya ay tumango. “Okay, ipapasabay sana kita kay Grace dahil malapit lang din ang lugar niya sa inyo. Pero may susunod na pala sayo.”
“Okay lang,” matipid na sagot niya.
Pinagmasdan muna siya, tapos ay may kinapa ito sa bulsa nito. Nilabas ang isang puting envelope at inabot sa kanya.
“Hindi kita nabigyan ng tip last time,” sabi nito at nilapit sa kanya ang sobre. “Kunin mo na, hindi pa ‘yan ang sahod mo. Ipapadala ko na lang tomorrow.”
Nagdadalawang-isip na tinanggap niya ang sobre, pagkatapos ay tumalikod na ito at umalis. Sinundan niya ito ng tingin, at nang hindi niya na ito nakikita ay napahinga siya ng maluwang.
“Theo!”
Napaangat siya ng tingin dahil sa tumawag sa kanya. Si Grace iyon.
“Bakit?”
“Pinapasabi ni Mr. John na isabay kita dahil wala kang kasama at delikado na sa labas,” sabi nito at tumawa. “Nagsinungaling ka pa raw na may boyfriend ka na susunduin ka.”
Nanlaki ang mata niya. Nagkamali ba siya? Masyado lang ba siyang naghihinala pero wala talaga itong ginawa kay Theodora?
Tamang hinala lang ba talaga siya?
Tahimik lang siya buong biyahe, may sariling kotse si Grace kaya komportable siya. Nang makauwi siya ay hinihintay siya ng mama niya sa salas.
Nakangiti siyang sinalubong nito kaya’t pagod na nagkuwento siya tungkol sa nangyari.
Nang hinayaan na siya nitong magpahinga ay walang ganang humiga siya sa higaan.
Mukhang nagkamali siya. Siguro ay hindi lang siya komportable kay Mr. John, pero wala itong ginagawang masama. Parang nabibigyan niya lang ng malisya ang mga ginagawa nito.
Kahit pagod ay bumangon siya. Binuksan niya ang ilaw at nilibot ang tingin sa buong kwarto ni Theodora.
Naghanap ulit siya ng mga gamit na makakatulong sa kanya para may malaman siya tungkol sa totoong Theodora.
Sa ilalim ng kama ay may mga kahon pero walang masyadong nakatulong doon, mga lumang gamit lang ang nandoon. Ang iba ay lumang libro.
Nagbuntong-hininga siya habang nakadapa sa sahig, pinagmamasdan ang huling kahon na nandoon. Kahit hindi niya pa nakikita ay alam niya nang mga walang kwentang gamit lang din iyon.
“Ano bang ginagawa ko?” Sumusukong sambit niya.
Humiga siya kahit nakalusot pa sa ilalim ng higaan ang ulo niya. Pero nanlaki ang mata niya nang makita ang nakadikit na notebook mismong ilalim ng higaan, hindi iyon nasa ilalim. Nakadikit mismo! Halatang itinago ito!
Kinuha niya iyon, napunit pa ang nakadikit na parte pero hindi na mahalaga iyon.
Pagbuklat niya ay napatakip siya sa bibig dahil hindi siya makapaniwala na ang daming nakasulat.
“Diary. .” hindi makapaniwala na sambit niya.
Diary ng totoong Theodora!