“Talaga ba? Ibibili mo talaga sa’kin kung ano ang gusto ko?”
Proud na ngumiti si Dorothea habang tumatango bilang sagot sa tanong ni Lorena.
Nakuha niya na kasi ang unang sahod niya sa pictorial na ginawa niya noong nakaraan. Nagulat siya na ang laki ng sahod, kaya naman naisip niyang ilibre sina Lorena at Blake. Dinala niya ang mga ito sa mall.
“Pumili ka lang,” sabi niya kay Lorena at nilingon si Blake. “Ikaw din, diba malapit na ang birthday mo?”
Nanlaki ang mata nito. “Hindi ko inaasahan na alam mo ang birthday ko. .”
Ngumiti lamang siya. Paanong hindi niya malalaman ay ang tagal niya nang crush si Kaleb, e pareho lang naman ng birthday ang lahat ng nasa earth at nandito sa htrea.
Nawala ang ngiti niya bigla. Malapit na rin kasi ang birthday niya, natatakot siya na baka dito sa mundong ito siya magdiriwang ng birthday. Ayaw niyang mangyari iyon, isang linggo na rin siyang nasa mundong ito.
Kailangan na niyang bumalik, gagawa siya ng paraan. Pero bago iyon ay ililibre niya muna ang mga malalapit na tao sa kanya na nandito.
Hinawakan niya ang kulay puting halter dress na nakasabit, naalala niya si Elnora dahil ganito ang mga hilig niyon suotin. Samantalang si Lorena ay mahilig sa pantalon.
“Lorena, ito na lang ang sayo gusto mo?” sabi niya habang pinapakita ‘yung dress. “Babagay sayo ito.”
Nanlaki ang mga mata nito. “Sigurado ka? Hindi kasi ako mahilig sa mga ganyan.”
“‘Wag kang mag-alala,” sabi niya kaya’t tumango ito.
“Sige, ayan na ang sa’kin!”
Nilingon niya si Blake. Sa lahat ng mga nandito sa htrae na kilala niya, ito ang halos talagang kapareho ng kilala niyang Kaleb sa earth. As in, halos walang pagkakaiba ang mga ito sa itsura at pananamit.
Ang kaibahan lang ay confident si Kaleb sa sarili niya, at palakaibigan ito. Hindi tulad ni Blake na tahimik.
Pero kung sa itsura lang, pareho silang gwapo.
“Ikaw, anong gusto mong regalo?” tanong niya rito. “Damit din gusto mo, o relo?”
Napakamot ito sa ulo. “Masyadong mahal ang relo.”
“‘Wag kang mag-alala, malaki ang sinahod ko sa photoshoot ko no’ng nakaraan.” Ngumiti siya at kininditan ito, kitang-kita ang pamumula nito.
Napailing-iling siya. Power of beauty nga naman. Kahit mukhang tanga kang kumindat ay may kikiligin pa rin.
Pagkatapos nilang bumili ay naggala muna sila sa mall, nagkuwentuhan, nagtawanan. Pagkatapos ay niyaya niya ang mga ito na kumain.
“Ako na ang manlilibre sa inyo nito,” sabi agad ni Blake pagkapasok nila sa fastfood restaurant.
Tumango siya at ngumiti habang sinusundan ito ng tingin papunta sa counter. Si Lorena ay katabi niya, nakangiti ito at kanina pa sinisilip ang dress na binigay na nasa loob ng paper bag.
“Nagustuhan mo ba?” tanong niya.
Hindi ito sumagot pero maya-maya ay nag-angat ito ng tingin, nagulat siya nang makitang naluluha ito.
Nanlaki ang mata niya. “Bakit?”
“Hindi ko alam kung magiging masaya ako,” sambit nito. “K-kasi ginawa mo rin ito noong bago ka mawala two years ago, nilibre mo rin ako. Binili mo ako ng gusto ko, tapos iyon na ang huling beses na nakita kita. .”
“Ginawa ko ‘yon?” Nagtatakang tanong niya.
Ibig sabihin ba ay lumayas talaga si Theodora? Minsan kasi ay iniisip niya na baka may nangyaring masama rito kaya ito nawala, pero kung ginawa nito iyon bago ito nawala, mukhang naglayas nga talaga ito!
“Nakalimutan ko na,” mahina niyang sambit. “Ano ‘yung mga sinabi ko sayo ng mga araw na iyon?”
Nag-isip ito saglit at nagbuntong-hininga saka pinunasan ang luha. “Wala naman masyado, pero lagi mong sinasabi sa’kin noon na minsan ay gusto mo na lang mawala. .”
Hindi siya kumibo. Bakit pakiramdam niya ay may pinagdaanan si Theodora dati at walang nakakaalam no’n?
“Teka lang, pupunta lang ako ng banyo,” sabi ni Lorena kaya tinanguan niya ito.
Nagpangalumbaba siya habang nag-iisip. Habang tumatagal ay lalo lang siyang naguguluhan sa kung ano talaga ang naging buhay ni Theodora.
“Hello, miss.”
Napaangat siya ng tingin nang may bigla na lang nagsalita sa tabi niya. Isang lalaki na pangit! Well, pangit sa earth. Pero sa mundong ito ay itinuturing na gwapo.
Ngumiwi siya. “Bakit?”
“Sobrang ganda mo kasi, pwede ko bang makuha ang number mo?” tanong nito habang malawak na nakangiti.
So, ganito pala ang pakiramdam. Sa earth ay madalas na may nanghihingi ng number ni Elnora habang magkasama sila. Hindi niya alam na nakakabwisit pala.
“Sorry, may boyfriend ako,” sabi niya.
“Ayos lang ‘yan, wala naman dito e.”
Tinaasan niya iyon ng kilay at tinuro si Blake sa counter. “Nandito siya, nakikita mo ‘yung gwapong lalaki sa counter na naka-itim? Iyan ang boyfriend ko, kaya umalis ka na.”
“Sigurado ka ba?” natatawang tanong nito. “Sa ganda mong ‘yan, ganyan ang itsura ng boyfriend mo?”
“Hoy! Hindi mo alam kung gaano pagkaguluhan ‘yan sa earth!” asik niya. “At ‘yang mukha mo, patapon ‘yan doon.”
Kumunot ang noo nito. “Earth?”
“Hindi mo alam ‘yon, basta umalis ka n—”
“Anong meron?” Gulat na napatingin siya sa likod niya nang marinig niya ang boses ni Blake.
Hindi niya alam na nakalapit na pala ito. Pinatong nito ang pagkain sa lamesa nila habang nakatingin doon sa lalaki.
“Anong kailangan mo sa kanya?” tanong ni Blake doon sa lalaki. Pinandilatan niya pa iyon ng mata para umalis na, ilang segundo pa siyang tinitigan nito bago umalis.
Maya-maya ay dumating si Lorena galing sa banyo. Pero napansin niya na habang kumakain sila ay pinapanood ni Blake ang bawat galaw niya.
“Bakit? May sasabihin ka ba?” tanong niya.
Umiling ito at ngumiti nang hindi abot sa mata. “Wala naman. .”
Bago sila umuwi ay naisipan bigla ni Dorothea na bumili ng regalo para sa pamilya niya, dinamay niya na rin si Salem.
Balak niya rin na ilibre ang mga ito, dahil tulad nga ng sinabi niya. . baka makabalik na lang siya ng biglaan sa earth.
“Iba talaga kapag model,” pang-aasar ni Gary.
Inirapan niya ito. “Kumain na kayo.”
Nag-order siya ng kung anu-anong pagkain, talagang dinamihan niya. Balak niya na nga na ubusin ‘yung pera niya dahil hindi niya naman iyon madadala lahat sa earth.
Habang ngumunguya ay sinulyapan niya si Salem, tahimik lang itong kumakain ng pizza. Bakit kaya pareho sila ng ugali ni Amsel, pero at the same time ay hindi rin?
Pareho silang pasmado ang bibig minsan, pero si Amsel ay mahinahon sa kanya lagi. Malakas lang itong mang-asar.
Napanguso siya. Habang matagal niyang tinititigan si Salem ay lalong gusto niyang makita ulit si Amsel.
“Salamat sa pagkain.”
Napakurap siya nang tumingin sa kanya si Salem at nagpasalamat.
“Ha?”
“Mukhang hinihintay mo na magpasalamat ako kaya ka nakatitig e.”
Umikot ang mata niya dahil sa inis. “‘Wag ka nang magpasalamat kung hindi sincere!”
“Edi ‘wag.”
Umismid siya. “Swerte mo na ikaw ang kamukha ni Amsel, kung hindi. . kung ano na ang nagawa ko sayo—”
Natahimik siya nang ma-realised niya ang sinasabi niya. Naningkit ang mata nito sa kanya, halatang hindi naintindihan ang sinabi niya.
Tumayo siya. “Wala ‘yon.”
Kinuha niya ang mga regalo na binili niya. Sa mama niya ay sapatos, sa papa niya ay magandang sinturon, kay Gray ay cd games. Tuwang-tuwa ang mga ito.
Bumaling siya ng tingin kay Salem na halatang hindi nag-eexpect ng regalo galing sa kanya.
“O, sayo ‘to,” sabi niya at binato sa tabi nito ang regalo niyang damit.
Napatitig si Salem doon, maya-maya ay nag-angat ito ng tingin sa kanya.
Tumaas ang kilay niya. “Regalo ko ‘yan sayo, ang bait ko no?”
Hindi ito nagsalita, nanatiling nakatitig ito sa kanya.
Nag-iwas ito ng tingin. “Bakit ang bait mo? May kailangan ka ba?”
“Pwede bang tanggapin mo na lang at magpasalamat ka?”
“Edi salamat,” mahinang sabi nito.
Napangiti siya. Kahit magkamukha si Amsel at Salem ay ibang-iba ang nararamdaman niya sa dalawa. Ang tingin niya kay Salem ay parang kapatid lang na lagi niyang nakakaaway, para kasi itong batang nagtatampo kay Theodora.
Pero si Amsel, ibang usapan na iyon.
Anong oras na ay hindi pa rin natutulog si Dorothea. Pinipilit niya pa rin kasing maghanap ng clue para mabuksan ‘yung laptop ni Theodora.
Gusto niya kasi na kahit bago man lang siya na makabalik sa earth ay mahanap niya man lang ang totoong Theodora, at kung may problema man ito ay pilit niyang tutulungan ito.
Dahil habang tumatagal ay parang naiintindihan niya na kung ano ang pinaghuhugutan nito. Sa totoo lang, hindi niya maiwasang maawa rito.
Sigurado kasi siyang may pinagdaanan ito mag-isa at hindi nito iyon masabi sa ibang tao. Pero sa ngayon ay hindi niya pa alam kung ano iyon.
Nagbuntong-hininga siya at natulog na lang muna. Tuwing ganitong oras ay hindi niya alam kung anong mundo ang aasahan niya pagkagising niya.
Pero ngayon nang magising siya, nasa Htrae pa rin siya.
“Lorena, natatandaan mo pa ba kung kailan tayo unang nagkita?” tanong niya sa katabi niya habang nakaupo sila sa waiting shed.
Kumunot ang noo nito. “Noong araw na niligtas mo ako?”
Tumango siya. “Ano ang eksaktong date no’n?”
Sinulat niya sa papel ang date na sinabi nito. Ngayong araw, ang goal niya ay alamin kung ano ang password ng laptop ni Theodora.
Mangongolekta siya ngayon ng date na maaaring espesyal kay Theodora. Sigurado kasi na kapag nabuksan niya ang laptop na iyon, magiging malaki ang tsansa na malaman niya kung nasaan ito.
“Ma, kailan ako unang nakapunta sa concert?” tanong niya mama niya na nagluluto ngayon sa kusina.
Nag-isip ito. “Kasama mo ako noon, natandaan ko pa ang date no’n ay. .”
Nilista niya rin ang date na sinabi nito. Sa mga notebook ni Theodora ay binasa niya bawat pages, baka kasi may date doon o kaya ay may pangalan ng isang lalaki.
Pasimple niya rin na inalam kay Lorena ang mga paboritong mga pagkain ni Theodora, pero syempre hindi niya iyon pinahalata dahil magtataka iyon kung bakit hindi niya alam.
Nalaman niya lang naman na paborito ni Theodora na pagkain ay isaw ng manok, sa dessert naman ay tiramisu, sa inumin ay buko shake.
Lahat ng iyon ay sinubukan niya lahat sa laptop niya pero incorrect ang lahat ng iyon.
Sumusukong pinabagsak niya ang sarili niya sa higaan, pumikit siya at humikab.
“Theodora, nasaan ka na ba?” tanong niya sa hangin.
Napapalapit na siya sa mga tao rito sa htrae, pero mas pipiliin niya pa rin sa earth kung saan siya nabuhay. Gusto niya lang naman na maging maayos ang lahat bago siya bumalik doon.
Gusto niyang maging maayos ang lahat para kay Theodora, gusto niyang maging masaya ito kahit hindi niya ito kilala.
Sa lagpas isang linggo niya kasi na pagpapanggap bilang Theodora, napatunayan niya napapalibutan naman ito ng mga taong nagmamahal sa kanya.
Huminga siya ng malalim. Malapit na rin ang birthday nila, dalawang linggo na lang. Bago ‘yon ay gusto niya nang makabalik sa earth.
Hindi niya namalayan na tumulo ang luha niya. Hindi kasi niya ma-imagine kung ano ang nararamdaman ng pamilya niya ngayon, ang tagal niya na kasing nawawala sa earth.
Gusto niya man lang malaman kung maayos ba ang mga ito.
Niyakap niya ang unan niya ng mahigpit. Noong una ay naiinggit siya kay Theodora dahil nasa mundo ito na ang beauty standard ay kabaliktaran ng mundo na kinagisnan niya.
Pero ngayon, alam na niyang mas naging masaya pa rin ang buhay niya bilang Dorothea.
Sumikip ang dibdib niya. Bakit ba siya naa-attach ng sobra kay Theodora kahit hindi niya pa man ito nakikita ng harapan?
Siguro ay naaawa lang siya.
Nakatulog na lang siya na gano’n ang iniisip. Umaga nang marinig niya na may tumatawag ng pangalan niya.
“Dorothea!” sigaw niyon.
Dorothea?
Mabilis siyang napadilat ng mata at bumangon. Hindi makapaniwalang napatayo siya nang makita na nasa kwarto na niya siya.
Nasa earth na siya!
Halos tumalon siya pababa ng hagdan dahil sa tuwa. Pero nawala ang ngiti niya nang makita kung gaano kagulo ang bahay nila.
Sira-sira ang mga gamit, ang pinto ay nakabukas at walang tao kahit isa.
“A-anong nangyari?” tanong niya sa sarili niya at sumigaw. “Mama! Papa! Gray!”
Tumakbo siya sa labas, napatakip siya sa bibig nang makita niya kung gaano rin kagulo ang labas. Ang mga bahay ay sira-sira, ang ibang sasakyan ay wasak-wasak. Sa hindi kalayuan ay may sunog.
Napaatras siya habang nanlalaki ang mata. Ano ito? Anong nangyari? Lagpas isang linggo lang naman siyang nawala! Bakit parang nagkaroon ng giyera? Nasaan ang pamilya niya?
Nanginginig na tumakbo siya pabalik siya sa loob ng bahay nila nang makita niya ang tumatakbong mga tao na palapit sa kanya.
“Bilisan niyo! Habulin ninyo!” sigaw ng isa.
Bago pa siya makapasok sa bahay ay naabutan na siya ng isa at hinila siya sa buhok kaya napahiga siya.
“Kasalanan mo ‘to! Kasalanan mo ‘to!” paulit-ulit na sigaw ng mga ito.
Umiiyak na pinagmasdan niya ang mga iyon, pero nagulat siya nang makita na walang mukha ang mga ito.
Pumikit siya ng mariin. “‘Wag, please! Wala akong kasalanan!”
Hinila siya paangat no’ng isa gamit ang buhok niya, kaya umiiyak na dumaing siya.
“Kailangan mong mamatay!” sigaw ng mga ito at saka siya binaril sa ulo.
Hinihingal na napadilat ng mata si Dorothea, napahawak siya sa kanyang dibdib habang naghahabol ng hininga.
Naluluha na nilibot niya ang tingin sa paligid, nasa htrae pa rin siya.
Napahawak siya ng mahigpit sa kanyang buhok habang nakayuko.
Masamang panaginip. Bakit siya nanaginip ng gano’n kasama? Paano kung may nangyari na palang masama sa pamilya niya?
“Sh¡t,” untad niya. Gusto niya na talagang bumalik sa earth, ngunit hindi niya alam kung paano.