kabanata 16

2325 Words
Ngayon ang unang araw ng pictorial ni Dorothea. Kanina pa siya nilalagyan ng makeup sa mukha, tapos ang isa ay inaayos ang buhok niya. “Sobrang ganda mo talaga,” sabi ng makeup artist. Matamis siyang ngumiti. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasanay na tinatawag siyang maganda, tuwing may nagsasabi sa kanya no’n ay pakiramdam niya’y inaasar lamang siya. Pero, ano nga ba ang magagawa niya? Kahit anong gawin niya ay isa siya sa mga pinakamagandang tao sa Htrae. Natawa siya kaya gulat na pinagmasdan siya ng nag-aayos sa kanya. Tumikhim siya at hindi na nagsalita, baka isipin ay baliw pa siya. “Tapos na,” nakangiting sabi no’ng babae at inilahad ang kamay. “Magpapalit ka na ng damit mo para sa first layout.” Excited na nagpunta siya ro’n sa kwarto. Lahat ng mga damit na nandoon ay sakto lang ang sukat sa katawan niya. Well, bukod kasi sa maganda siya rito ay sexy rin ang tingin sa kanya ng mga ito. Bale ang tinuturing na body goal sa mundong ito ay ang katawan niyang puro bilbil. “Wow, napakaganda mo, anak!” sabi ng mama niya pagkalabas niya ng dressing room. Sa totoo lang, kahit siya ay nagandahan kahit papaano sa itsura niya. Medyo lumiit ang mukha niya dahil sa ayos ng buhok niya, tapos tumangos ang ilong niya ng konti dahil sa makeup na nilagay sa kanya. Iniisip niya tuloy, kahit papaano kaya ay gaganda siya kapag nagpapayat siya? Naalala niya tuloy dati na sinasabi lang ng mama niya sa kanya dati na kapag pumayat siya ay magiging magkamukha na sila, pero hindi siya naniniwala ro’n. Tsaka, sobrang hirap magpapayat dahil malakas siyang kumain. Hindi niya rin kinakaya ang gutom. “Okay, ready na ba ang model?” Napatingin silang lahat sa isang lalaki na dumating. Pormal ang suot nito at maayos din ang buhok, hindi ito gaanong katangkaran at sobrang maputi ang balat nito. “Mr. John,” bati ng mama niya. “Mrs. Costanza, hello!” bati nito pabalik at bumaling sa kanya, ngumiti ito. “Theodora, long time no see. Akala ko ay hindi ka na babalik!” Tumawa ang mama niya. “Akala ko rin ay hindi na siya babalik, hindi ko siya mapilit noon.” “Bakit?” Hinawakan siya ni Mr. John sa balikat at pinisil iyon. “Hindi ka ba nag-enjoy two years ago?” Kumunot ang noo niya. Hindi gusto ni Dorothea ang tono ng pananalita nito, bakit pakiramdam niya ay may laman iyon? Hindi siya sumagot at nanatiling nakakunot ang noo. Tinapik siya ng mama niya kaya’t pilit siyang ngumiti. “Nag-enjoy ako,” tipid na sagot niya. Ngumiti ito at pinisil muli ang balikat niya. “Mas mag-eenjoy ka ngayon.” Nagtiim-bagang siya, pasimple siyang lumayo sa kamay nito at lumapit sa mama niya. Nawala ang ngiti ni Mr. John pero maya-maya ay binalik din. “Okay, magsimula na tayo! Ready na ang model!” Walang ideya si Dorothea buong photoshoot. Basta ay ginagawa niya lang na posing ay ang mga nakikita niya sa internet, buti na lang ay medyo bubbly ang theme kaya’t hindi siya nahirapan na mag-fierce. Ginawa niya na lang ang mga pabebe na posing niya kapag nag-seselfie siya sa bahay nila. Hindi niya rin akalain na aabutin ng buong araw ang photoshoot. Gano’n pala iyon katagal! Bawat layou kasi ay pinagpapalit siya ng damit at iniiba ang buhok. “Great work, as usual, Theodora,” sabi ni Mr. John sa kanya pagtapos. Ngumiti ito ng matamis sa kanya pagkatapos ay sa mama niya. Ngumiti siya. “Salamat po.” Nag-usap pa ang mama niya pati si Mr. John, siya naman ay hindi na nagsalita. Hindi siya komportable sa lalaking iyon, buong photoshoot din kasi ay pinapanood siya nito. “Ang galing mo! Natuwa sayo si Mr. John,” natutuwang sabi ng mama niya habang nasa taxi sila pauwi. “Sa susunod ba ay papayag ka ulit?” Ngumuso siya. “Sasama ka ba sa’kin lagi, ma?” “Oo naman,” sabi nito. “Kung ano ang gusto mo. .” “Kung gano’n, papayag ulit ako, ma.” Nag-iwas siya ng tingin. “Basta ayoko lang ng mag-isa ako.” Natahimik ang mama niya kaya nilingon niya ito. Hindi niya mawari ang itsura nito, para bang nalulungkot ito na nagi-guilty habang pinagmamasdan siya. “Bakit, ma?” tanong niya. Nagbuntong-hininga ito. “Kaya ba ayaw mo nang umulit noon dahil hindi kita nasamahan?” Napanganga siya. Noong nagkaroon si Theodora ng photoshoot kay Mr. John ay mag-isa lang ito na nagpunta? Hindi niya maiwasan na mapaisip, may dahilan kaya kung bakit ayaw na bumalik ni Theodora sa modelling dahil may nangyaring masama? Napatingin siya sa labas ng bintana ng taxi. Pakiramdam niya ay may mali, hindi niya alam ngunit naramdaman niya rin ang bigat sa dibdib niya— na para bang nararamdaman niya rin ang pakiramdam ng totoong Theodora. Kinabukasan ay pumasok sa muli sa school si Dorothea. Nababahala na siya dahil hanggang ngayon ay nasa Htrae pa rin siya, biyernes na ngayon! Ang tagal niya na masyadong wala sa kanila. Sigurado siya na nag-aalala na sa kanya ang pamilya niya, noong isang araw nga lang siyang nawala ay natataranta na ang mga ito. Nagbuntong-hininga siya. Masaya sa mundong ito dahil nagagawa niya ang mga bagay na hindi niya nagagawa dati, pero gusto niya pa rin naman makita ang tunay niyang pamilya. “Gusto ko nang umuwi,” ungot niya at umub-ob sa lamesa. Tumawa si Lorena. “Wala pa tayong thirty-minutes dito sa school, pero gusto mo agad umuwi?” “Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin. .” “E, ano?” Hindi siya sumagot. Nami-miss niya na rin si Elnora, tinitigan niya si Lorena na nakaupo sa tabi niya. Pinagmamasdan lamang siya nito. Ngumuso siya habang iniisip ang tunay niyang bestfriend na si Elnora. Masyado na yata siyang komportable sa taong iyon kaya hindi niya napapansin kung paano siya nito pagmasdan at ngitian. Kasi itong si Lorena, kitang-kita niya ang sinceridad sa mata nito kapag nakangiti sa kanya. Ang tingin nito na parang sobrang in-admire siya nito, lagi niya iyon napapansin. Dahil ba sa maganda siya sa paningin nito? “Lorena,” sambit niya. “Love mo ba ako? Tumawa ito. “Bakit mo naman natanong ‘yan?” “Love mo lang ba ako dahil maganda ako?” tanong niya pa. “Kasi, diba masama ang ugali ko? Galit ako sa mga tao—” “Hindi totoo ‘yan,” agap nito at nag-iwas ng tingin. “Kilala kita, mas kilala pa nga kita kaysa sa family mo. Sinabi mo ‘yan sa’kin noon. .” Naningkit ang mata niya. “Talaga?” “Oo,” ngumiti ito ng maluwang. “Tsaka sobrang laki ng pinagbago ng buhay ko simula no’ng ginawa mo akong kaibigan. Alam mo ba ang naramdaman ko no’ng mga oras na ‘yon? Feeling ko ang special ko dahil ako lang ang naging kaibigan mo, lahat sila na nandito ay lagi mong nilalayuan.” Napanganga siya. “Tapos sina Blake, sina Randie— lahat ‘yan ay tinataboy mo. Nagulat nga ako na bigla mo na lang sinagot si Blake e, kasi dati halos pandirihan mo siya. Pero sa’kin ay hindi ka gano’n. Niyayakap mo ako, tinatawanan mo ako, hinahawakan mo ako sa braso, kinukwentuhan mo ako. Lahat ng iyon ay hindi mo ginagawa sa ibang tao.” “Gano’n ba talaga ako dati? Lahat sila ay tinataboy ko?” tanong niya. “Hmm. .” Ngumiwi ito. “Baka magalit ka kapag sinabi ko ito, pero diba dati ay kinakausap mo rin si Salem?” Nanlaki ang mata niya at napaayos ng upo. “Talaga? Kinakausap ko siya dati? E, bakit galit na siya sa’kin ngayon?” “Siguro nagalit siya sayo dahil bigla mo siyang tinaboy palayo,” sabi nito. “Nakita natin siyang sinasaktan nina Randie dati, pero sabi mo ay hayaan lang natin siya.” Napatakip siya sa bibig niya dahil sa gulat. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit galit si Salem kay Theodora! “Hindi ko rin alam kung anong dahilan mo,” sabi ni Lorena at pinagmasdan siya. “Theo, ano ba talagang dahilan mo bakit naging gano’n ka bigla sa kanya? Dahil ba nagkagusto ako sa kanya?” “Hindi gano’n iyon!” sabi niya agad. Pero posible iyon. Paano kung tomboy pala si Theodora at may gusto pala ito kay Lorena? Tapos nagselos ito kay Salem kaya tinaboy ito palayo. Lalong nanlaki ang mata niya, posible iyon! Dahil sa kwento na rin ni Lorena, halatang may special treatment ito kay Theodora. Buong araw inisip ni Dorothea ang mga sinabi ni Lorena. Lalo tuloy siyang nahihiwagaan sa totoong pagkatao ni Theodora, gusto niyang malaman kung nasaan ito ngayon. Gusto niyang makausap ito! Pero ang pinaka-kinababahala niya. Paano siya babalik sa earth? Kanina pa siya nakatitig sa kisame ng kwarto niya. Tulala, nag-iisip ng posibleng paraan para makabalik. Pinipilit niyang matulog dahil baka sakaling pagkagising niya ay nasa totoong kwarto na niya siya. Tuwing nasa school siya ay nalilibang siya, pero kapag mag-isa na siya sa kwarto niya ay bigla siyang nakakaramdam ng lungkot. Nami-miss niya na sa kanila. Sina mama niya, papa niya, si Gray, si Elnora. . si Amsel. Sumimangot siya dahil si Amsel ang naisip niya imbis na si Kaleb. Gusto niyang burahin iyon sa isip niya, ayaw niyang paglaanan ng oras ang taong paasa! Pero, teka. . nagbigay ba ito ng motibo para matawag niyang paasa? Naging mabait lang naman ito sa kanya. Pero dahil pangit siya na walang nagkakagusto ay mabilis siyang na-attached, lalo na’t tall, dark and handsome pa! Napangiwi siya. Dati ay ayaw na ayaw niyang aminin na gwapo ito, ngayon ay gano’n na ang naiisip niya? Si Kaleb ang crush niya! Hindi si Amsel! Pero ano bang masama na magpalit ng crush? Wala naman masama ro’n, pero ang masama ay may nobya si Amsel. Pero si Kaleb ay may nobya rin naman, pero bakit iba ‘yung galit niya noong si Amsel ang nakita niyang may kasamang babae? Parang hindi nga galit ang naramdaman niya, parang mas lamang ‘yung nasaktan siya. Napahawak siya sa dibdib niya nang kumabog iyon. Ito na ba ang sinasabi nilang love?! Sa ilang taon na naging crush niya sa Kaleb ay hindi niya iyon naramdaman, naiinis lang siya kay Halsey pero hanggang doon lang. Inis na tinaas niya ang gitnang daliri niya sa hangin, ini-imagine niya na nandoon si Amsel. Nababanas siya dahil binigyan niya pa ito ng dalawang balot ng barquillos tapos gano’n lang ang makikita niya? Suminghap siya at tumayo. Kung magkukulong siya sa kwarto ni Theodora ay lalo siyang mag-iisip kaya bumaba siya. At ang gandang timing, kasi mukha na naman ni Amsel ang nakita niya. Si Salem iyon, pero kamukha kasi ni Amsel e. Nagpanggap siya na hindi siya apektado sa presensya nito. Well, apektado lang naman siya dahil kamukha ito ni Amsel. Pero kung seks appeal lang din naman ang pag-uusapan, walang-wala ito si Salem. Teka, bakit niya ba pinagkukumpara ‘yung dalawa? “Bakit?” tanong ni Salem. Napakurap siya. “Ha?” “Kanina ka pa nakatitig sa’kin,” sambit nito. “Nag-iisip ka ba ng paraan para mapaalis ako rito?” Napanganga siya. “Desisyon ka masyado?” “Kilala lang kita,” sabi nito at nag-iwas ng tingin. “Bakit ganyan ka sa’kin pero sa iba ay hinahayaan mong saktan ka?” Bumalik ang tingin nito sa kanya. “Diba, iyon naman ang gusto mo? Kaya mo nga ako tinaboy.” “Hoy, hindi a!” depensa niya. “Hindi gano’n ‘yon!” “O, anong dahilan?” Hindi siya nakasagot. Hindi niya rin naman kasi alam kung ano talaga ang dahilan ni Theodora, paano kung may sapak pala sa utak ang babaeng iyon? “Wala kang maisip na dahilan? Totoo kasi ang sinabi ko,” sabi nito. “Porket maganda ka, ang tingin mo sa iba ay parang gamit lang na kapag ayaw mo na ay itatapon mo na lang. Sigurado ay gano’n din ang gagawin mo kay Lorena kapag nagsawa ka.” Nagtiim-bagang siya. Kahit hindi para sa kanya ang sinasabi nito ay nasasaktan pa rin siya. Pero wala siyang magagawa, dahil kung gano’n naman talaga ang ugali ni Theodora ay wala na siyang magiging lusot doon. Tatanggapin niya na lang ang galit si Salem. Pero kung sakali man na magtatagal siya sa mundong ito na tinatawag nilang Htrae, sisiguraduhin niya na magbabago ang tingin ng lahat kay Theodora. Determinado siyang tumango. Iyon ang gagawin niyang misyon ngayon, kung may mga nagawa man na mali si Theodora dati. Babaguhin niya lahat iyon. At sisimulan niya rito kay Salem na nakaupo sa harapan niya ngayon. Nagbuntong-hininga siya. “Sorry sa nagawa ko. .” Mula sa TV ay gulat na napalingon muli sa kanya ito, kumunot ang noo nito at pinagmasdan siya ng matagal. Matagal na matagal na parang binabasa ang isip niya. Maya-maya ay umiling ito at nag-iwas ng tingin. “Iyan ba ang trip mo ngayon? Ang magpanggap na may simpatya sa iba?” Nagngingitngit na ngumiti siya. Kinuyom niya ang kamao niya dahil sa badtrip. ‘Yung mukha ba na mayroon sina Amsel at Salem ay ang mga mukha ng taong magaling mambadtrip? Kasi mukhang oo. Pinilit niyang kumalma. “Salem, seryoso ako. Sorry talaga sa nagawa ko—” “Hindi bagay sayo,” saad nito. “Kung si Lorena ay nauuto mo, pwes ay ako ay hindi.” Napapikit siya ng mariin. Kinuyom niya ang kamao niya, hindi niya kayang magpakabait kung ganito lang din. Ngumiti siya at tinaas ang gitna niyang daliri, at tinapat sa mukha ni Salem. Tumaas ang kilay niya nang kumunot ang noo nito. “Ano ‘yan?” Inis ang tono nito. “Ano pa? Edi fuçk you,” sabi niya at tumayo saka umakyat ng hagdan para bumalik sa kwarto niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD