kabanata 15

2339 Words
Pagkagising ni Dorothea kinabukasan ay nagulat siya nang hindi pa rin siya bumabalik sa tunay niyang mundo. Inaasahan niya na pagkagising niya ay maingay na bunganga ng mama niya ang maririnig niya. Ngunit hindi, nagising siya sa alarm clock. At ang lahat ay tinatawag pa rin siyang Theodora. Hindi mapakali na nakaupo siya ngayon sa loob ng room nila, kasama niya si Lorena na kanina pa siya pinapanood. Nagtataka ito sa kinikilos niya. “May problema ba, Theo?” tanong nito. Mabagal siyang umiling. Hindi niya naman pwedeng sabihin na kaya natataranta siya ay dahil hindi pa siya bumabalik sa earth. Pero, teka. . anong tawag nila sa earth sa mundong ito? “Lorena,” aniya. “Anong tawag sa mundo natin?” “Ha?” Nilingon niya ito. “Sa mundo natin, anong tawag?” “Htrae?” Hindi siguradong sagot nito. “Bakit? Hindi ko maintindihan ang tanong mo.” “Htrae. .” sambit niya. Literal na kabaliktaran lang iyon ng Earth. “Bakit mo natanong? May bumabagabag ba sayo?” tanong nito. Ngumiti siya at umiling, tapos ay tumayo siya kaya napatayo rin ito. Isa sa napansin niya kay Lorena ay sobra ito kung makadikit sa kanya, siguro ay dahil nabubully ito kapag wala siya. Pero nasa room naman sila ngayon, breaktime din naman at saglit lang siyang mawawala. “Pupunta lang ako sa banyo,” aniya. “Dito ka lang, saglit lang ako.” Nag-aalangan na tumango na lamang ito. As usual, habang naglalakad siya ay maraming bumabati sa kanya. Ang lahat ng iyon ay nginingitian niya na ikinagugulat ng lahat, mamaya nga ay tatanungin niya si Lorena kung ano ba ang ugali niya dati. Pagkatapos niya umihi ay naghilamos siya ng mukha, sa mundong ito ay hindi na siya nag-aabala na magpaganda pa dahil kahit anong gawin niya ay maganda na ang tingin sa kanya ng lahat. Ito yata ang tinatawag nilang effortless beauty. Siguro ay ganito ang nararamdaman nina Halsey at Elnora araw-araw. Inaamin niya naman na parehong maganda ang mga ito, mas mahinhin lang kung gumalaw si Halsey kaya’t mas ma-appeal ito sa mga tao. Pero para sa kanya ay wala pa rin tatalo sa bestfriend niya. Pero sorry na lang sila, sa mundong ito ay siya ang pinakamaganda. Tahimik na tumawa siya habang pinagmamasdan ang itsura niya sa salamin. Hinawakan niya ang mataba niyang pisngi, ang maliit niyang ilong, ang bilugan niyang mata. Tapos ay ang katawan niyang malapad magmula bata pa lamang siya. Nagbuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang sarili, kahit kailan ay hindi siya nagandahan sa sarili niya dahil na rin sa mga naririnig niya sa mga tao. Pero sa mundong ito. . sa Htrae, hindi maiwasan na sumaya ng puso niya. Hindi niya itatanggi na nag-eenjoy siya sa mundong ito. Pero pangalawang araw na magkasunod niya nang nandito, paano kung hindi na siya bigla makabalik sa earth? Wala sa sarili na napatitig siya sa salamin. Hindi pwede, nandoon ang totoong mga mahal niya sa buhay. Kapag lumipas ang isang linggo na hindi pa siya nakakabalik ay kailangan na niyang gumawa ng paraan, hindi pwede na habambuhay siyang nandito. Nang makalabas siya ng banyo ay napatigil siya sa paglalakad dahil parang may naririnig siyang mga boses sa hindi kalayuan. Kumunot ang noo niya at umikot sa kabilang bahagi ng building kung saan nanggagaling ang ingay. Namilog ang mata niya nang makita niya ang apat na lalaki ro’n, ang tatlo ay sinasaktan ang isang lalaki na nakahiga sa sahig. Isa sa mga nandon ay ang hayop na kamukha ni Darien, si Randie! Ayaw niya sanang makialam pero nang makita niya ang mukha ni Amsel. . este ni Salem, agad na nag-init ang ulo niya. Mabilis siyang lumapit sa mga ito. “Hoy! Anong ginagawa ninyo?” Napatigil ang mga bully sa ginagawa, nakakunot pa ang noo ng mga ito nang humarap ngunit nang makita siya ay nanlaki ang mga mata nito. “T-theo, ikaw pala,” sabi ng isa. Tinuon niya lang ang atensyon kay Salem na nakahiga pa rin sa sahig. Kinuyom niya ang kamao niya dahil sa inis, hindi niya matanggap na sinasaktan lang ang kamukha ni Amsel! “Anong ginagawa ninyo sa kanya? Bakit niyo siya sinasaktan?” tanong niya. “Uh. .” Napakamot sa ulo si Randie. “May nagawa kasing kasalanan sa’min ito kaya—” “Anong nagawa niya?” pagputol niya sa sinasabi nito at nagpamewang. “Gusto niyo ba na isumbong ko kayo sa mga ginagawa niyo?” “‘Wag!” agap ni Randie. “Hindi na mauulit ito, Theo. Pasensya na. . hindi na namin siya guguluhin.” “Kung gano’n,” saad niya. “Mag-sorry kayo sa kanya.” “Ha? Bakit kami magso-sorry? Binawian lang naman namin siya!” Napapikit siya ng mariin dahil sa inis. Kung ganito lang din naman ang sitwasyon, gagamitin na niya ang pretty privilege niya. “Kung ayaw ninyo. .” sambit niya. “‘Wag kayong aasa na papansinin ko pa kayo, ang ayoko sa lahat ay ang mga taong nananakit ng mahihina.” Napakurap ang mga ito dahil sa gulat. May sasabihin na sana ‘yung isa sa tatlo ngunit pinigilan ito ni Randie. Huminga ito ng malalim bago nagbaba ng tingin kay Salem. “Pasensya na, hindi ka na namin guguluhin.” Napangiti siya. Iba talaga ‘pag maganda. “Ran—” “Hayaan mo na,” sabi pa ni Randie at lumingon sa kanya. “Hindi na namin siya guguluhin ulit, Theo.” Tumaas ang kilay niya. Hanggang ngayon ay bwisit na bwisit pa rin siya sa pagmumukha nito. “Sige na, umalis na kayo,” sabi niya kaya napapakamot sa ulo na umalis ang mga ito. Nang makaalis ang mga ito ay lumapit agad siya kay Salem, hinawakan niya ito sa balikat para alalayan pero agad na tinabig nito. Nag-init ang ulo niya. “Hoy! Tinulungan na nga kita tapos ganyan ka pa?” “Sino ba ang nagsabing makialam ka?” tanong nito nang hindi lumilingon sa kanya. “Wow! Hindi mo man lang magawa na mag-thank you?” “Thank you,” walang ganang sabi nito at tiningnan siya. “Ayos na ba? Sa susunod, siguraduhin mo na hindi ka na makikialam.” Napanganga siya. Hindi siya makapaniwala sa narinig niya, mapa-Salem man o Amsel, parehong pinapainit ang ulo niya! “Saan ka pupunta?” tanong niya nang naglakad na ito palayo. Tiningnan siya ng masama nito. “Ugali mo ba talaga ang makialam?” “Nagmamagandang-loob lang ako!” asik niya. “Talaga?” Lumapit ito sa kanya at pinagmasdan siya ng maigi, natigilan siya dahil doon. “Theodora, bakit ang laki ng pinagbago mo?” Nanlaki ang mata niya dahil sa gulat. Hindi ba ganito si Theodora? Hindi ba siya nagmamagandang-loob? Anong klaseng tao ba ang babaeng iyon? At ang pinakaimportante sa lahat, nasaan ang totoong Theodora? Bakit parang galit si Salem sa kanya? Hindi na siya nakapagsalita pa hanggang sa makaalis na si Salem. Lalo tuloy siyang na-curious sa pagkatao ni Theodora, bukod kasi sa naglayas ito dalawang taon na ang nakakaraan ay wala na siyang alam tungkol dito. Pagkauwi niya ay sisiguraduhin niyang maghahalungkat siya ng mga gamit nito. “Theo!” Mula sa malayo ay narinig niya ang boses ni Blake, nilingon niya iyon at nakitang tumatakbo ito palapit sa kanya. Ngumiti ito. “Saan ka nanggaling?” “Uh, sa banyo.” “Grabe, hindi ako makapaniwala hanggang ngayon!” “Binasted niya sila Randie para sa pangit na ‘yan?” Hindi maiwasan na umikot ng mata niya habang pinakikinggan ang bulungan ng mga nasa paligid nila. Tuwing kasama niya si Blake ay kung anu-ano ang naririnig niya. Kung sa earth lang, siguradong kabaliktaran ang mangyayari kung magiging magkasintahan sila ni Kaleb. Siguradong siya lalaitin at pagtatawanan ng lahat. Pinagmasdan niya si Blake na halatang naapektuhan sa mga narinig. Naiinis talaga siya! Dahil naiintindihan niya ang nararamdaman nito! “‘Wag mong pansinin ang mga sinasabi nila,” sabi niya kaya nagliwanag ang mukha nito. “Salamat, Theo,” sambit nito. “Hindi ko akalain na tatratuhin mo ako ng ganito.” Kumunot ang noo niya. “Bakit? Ano ba ang trato ko sayo dati?” Napangiwi ito kaya’t lalo siyang na-curious. Gaano ba kasama ang ugali ni Theodora at parang lahat yata ay ginawan nito ng kasamaan?! “Tinataboy mo ako lagi dati,” mahinang sabi nito. “Kapag nakikita mo ako ay para kang nandidiri, kapag napapadikit ka sa’kin ay nagagalit ka. Minsan kapag nginingitian kita ay iniirapan mo ako—” “Wow,” saad niya at pilit na tumawa. Parang gusto niya biglang manampal ng kamukha niya. Bakit gano’n kasama ang ugali no’n? Porket maganda siya sa mundong ito? “Pero dati ‘yon,” sabi nito at ngumiti. “Masaya ako na nagbago ka.” Pilit na ngumiti siya. Talagang magbabago dahil hinding-hindi siya magiging gano’n! Dahil alam niya ang pakiramdam ng pinandidirihan. Nang mag-uwian ay dumiretso siya sa kwarto ni Theodora. Naghalungkat siya sa mga cabinet nito, kinukuha niya ang mga notebook o mga papel dahil baka may nakasulat doon. Ang mga libro ay tinitignan niya kung may nakaipit na mga notes. Nagulat siya nang may makita siyang laptop sa pinaka-ilalim ng mga damit kaya kinuha niya rin iyon. “Anak, anong ginagawa mo?” tanong ng mama niya mula sa pinto. Nilingon niya ito. “N-naglilinis lang ako, ma.” “O, ‘yung laptop mo,” sabi nito at tumawa. “Sinusubukan namin ‘yang buksan noong wala ka, ngunit hindi namin mahulaan ang password.” Tumawa siya. Kahit siya ay hindi niya rin alam e. “Hindi ko na rin po maalala ang password kaya iisipin ko pa,” sabi niya. Tumawa ito. “Umakyat nga pala ako rito para tanungin ka kung anong gusto mong merienda, magluluto ako.” Ngumiti siya. “Kahit ano po.” Tumango na lang ito at umalis, binuksan niya agad ang laptop at may password nga. Sinubukan niyang hulaan iyon, ‘yung birthdate niya at kung anu-ano pa pero wala. Sumuko muna siya at tiningnan isa-isa ang mga notebook. Wala naman espesyal sa mga ‘yon, ang napansin niya lang ay mas maganda itong magsulat sa kanya at magaling pang mag-drawing. Bakit siya ay walang talent sa gano’n? At ang pinaka-interesting sa kanya ay ang mga random na sulat nito sa mga likod ng notebook nito. I hate people. I hate people. Tinitigan niya lang iyon. Sa mga ugali pa lang nito na binanggit ni Salem, halatang ayaw nga nito sa tao. Pero ano kayang dahilan niya? Hindi niya namalayan ang oras. Natigil lang siya sa pagtingin ng mga iyon nang tawagin siya ng mama niya para kumain ng merienda. At pagbaba niya ay gulat na gulat siya nang makita si Salem na nakaupo sa upuan doon, katabi ni Gary, kumakain ng banana cue. “Anong ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya. Kumunot ang noo ni Gary. “Bakit? Dati pa naman siyang nagpupunta rito a.” Hindi siya nakapagsalita. Ibig sabihin ay mas matagal nang magkaibigan ang mga ito kaysa sa totoong kapatid niya at totoong Amsel? Umupo lang siya sa tapat ng mga ito. Pinagmasdan niya si Salem, habang tumatagal ay napapansin niya na kahit papaano ay magpapagkaiba pa rin ang mga tao rito sa hthrae at tao sa earth. Halimbawa na lang nitong si Salem, mas maputi ito ng konti kay Amsel. Tapos ay mas maliit din ng konting-konti, tsaka wala itong maliit na nunal sa tungki ng ilong. Si Amsel ay mayroon. Si Gary naman ay gano’n din, mas maputi kay Gray. Pareho lamang ng tangkad, pero mas tahimik itong gumalaw. Tsaka mas muscled ang katawan nina Gray at Amsel kesa sa mga lalaking nasa harapan niya. Sumandal siya sa sofa at nagsalita. “Hindi ba kayo nagbabasketball?” Nag-angat ng tingin si Salem sa kanya pero wala itong sinabi. “Hindi, bakit?” tanong ni Gray. “Naglalaro lang kami ng playstation lagi.” Tumango-tango siya. Kaya pala mas maputi ang mga ito kaysa kina Gray at Amsel, mas payat din sila. Tumayo na siya at tinalikuran ang mga ito, nagpunta siya sa kusina para humingi ng banana cue sa mama niya. Pagkalingon niya sa salas ay nagulat siya na nakatingin pala sa kanya si Salem kanina pa. Akala niya ay iiwas ito ng tingin pero nanatili ang titig nito. Hindi niya alam pero nakaramdam siya bigla ng kaba. Siya ang nag-iwas ng tingin, nagpanggap siya na wala lang iyon sa kanya at kumagat sa banana cue. Maling desisyon iyon dahil sobrang mainit pa pala kaya napaso ang bibig at labi niya, nailuwa niya ang saging sa lamesa. Tumawa si Gary habang pinapanood siya. “Ano ba ‘yan?” Inirapan niya ito at nang tumingin siya kay Salem ay pinapanood pa rin siya nito. Pero ngayon ay nag-iwas na ito ng tingin, tinuon ang atensyon sa TV. Bakit pakiramdam niya ay pinapanood nito ang mga bawat galaw niya? “Theo, anak. .” Bumaling siya ng tingin sa mama niya, hawak na naman ang phone. “Sabi ni Mr. John ay sa huwebes daw ang una mong shoot, isa iyong pictorial ng cologne. May gagawi ka ba sa huwebes?” Excited siyang ngumiti. “Talaga? Wala akong gagawin sa huwebes, gawin na natin ‘yan.” “O, sige. Sasabihin ko,” excited din na sabi ng mama niya. “Sabi sayo ang laki ng pinagbago ni ate e.” Mabilis siyang napalingon kay Gary dahil sa sinabi nito, kay Salem ito nakatingin. “Bakit?” tanong niya. Kumunot ang noo ni Gary. “Wala, dati ayaw na ayaw mong pumayag sa mga ganyan e. Isang beses mo lang ginawa, tapos kahit anong pilit ni mama sayo ay ayaw mo na talaga.” Napapakamot sa ulo na tumawa siya. Mukhang masyado siyang na-excite, dapat ay hindi siya masyadong magpahalata. Sumulyap siya kay Salem na tinitingnan siya sa gilid ng mata. Napalunok siya. Kailangan niya talagang mag-ingat, lalo na kapag nandito ang weird na taong ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD