Nakasimangot na nakatayo ngayon si Dorothea sa harapan ng gate ng bahay nila. Sa likod niya ay nakatayo ang mga kaklase niya, naghihintay na buksan niya ang gate.
“Bakit, Dorea?” tanong ng matalik na kaibigan niya na si Elnora.
Lumingon siya at pekeng ngumiti sa mga kaklase nila, sinadya niyang ipahalata na peke iyon. “Umuwi na kaya kayo?”
“Bakit?” tanong ni Nadia.
“Ba’t mo kami pauuwiin? Nandito na kami e,” ani Dion.
“E, hindi naman kasi kayo invited!” asik niya. “Si Elnora lang ang inimbitahan ko!”
Nanlaki ang butas ng ilong niya dahil sa inis. Paano ba naman, kanina habang nasa school sila ay inimbitahan niya si Elnora na magpunta sa bahay nila dahil kaarawan ng kapatid niya na si Gray.
Narinig ‘yon ng iba nilang kaklase kaya inimbitahan na nila ang sarili nila, balak pa nga mag-inuman ng mga ito.
“Ayaw mo pa?” ani Axel. “Ka-chat ko pa naman si Kaleb, sabi niya ay susunod daw siya.”
Nagliwanag ang mukha ni Dorothea, pupunta ang crush niyang si Kaleb?
Pinigil niya ang pag-ngiti habang naniningkit ang mata. “Sigurado ka? Pupunta raw siya?”
“Oo nga, pabasa ko pa sayo ‘yung chat?”
Umismid siya at binuksan ang gate. “Sige, pumasok na kayo. Paalala ko lang sa inyo, bawal magmura sa bahay namin.”
Nagtanguan ang mga ito kaya’t tuluyan na niyang binuksan ang gate. Medyo maaga silang nakauwi ngayon kaya kahit isang bisita ay wala pang dumadating, ni hindi pa nga yata tapos magluto ang mama niya. Ang papa niya naman ay inaayos pa ang mga lamesa sa labas.
“Pa, mga kaklase ko,” aniya at ngumiti naman ang tatay niya.
“O, pasok kayo,” sabi nito. “Pasensya na kayo sa bahay namin a?”
“Tito, ang ganda nga po!” bati ni Elnora habang nililibot ang tingin sa labas ng bahay nila.
Tumawa ang papa niya dahil doon. Close ang mama at papa niya kay Elnora dahil lagi niyang dinadala ito sa dati nilang bahay, may mga oras pa nga na sa kanila ito natutulog.
Pinaupo ni Dorothea ang mga kaklase sa loob ng bahay. Mabuti na lang ay hindi maliit ang bagong bahay nila, hindi rin naman gaanong kalakihan pero kahit nasa lagpas sampu ang pumunta na kaklase niya ay nagkasya ang mga ito.
“Hello, tita!” agad na binati ni Elnora ang mama ni Dorothea at niyakap.
Malapad itong ngumiti. “O, kamusta? Ang tagal mong hindi nagpunta. .”
Hindi na pinansin ni Dorothea ang pag-uusap ng dalawa, nilingon niya si Axel na isa sa nakaupo sa salas.
“Anong oras daw darating si Kaleb?” tanong niya.
“Sus! ‘Wag mong ipahalata na si Kaleb lang ang gusto mong papuntahin dito,” sabat ni Jonas.
“O, sinong Kaleb ‘yan?” tanong ng mama niya na katabi ni Elnora sa kusina, hawak pa ang sandok na gamit nito sa pagluluto ng spaghetti.
“Crush niya po,” sagot ni Melanie. “Patay na patay po siya ro’n.”
Nag-init ang mukha ni Dorothea at pinandilatan ng mata ang kaklase, ang mama niya naman ay tumawa lang.
“Wala kayong pake!” Inis na sabi niya at padabog na umakyat ng hagdan. Naiinis siya! Nakakahiya kasi na malaman ng mama niya iyon.
Dapat talaga ay hindi na niya pinayagan na magpunta ang mga ito. Pero mabuti na lamang ay pupunta si Kaleb.
Napangiti siya ng malawak, parang gusto niyang tumalon. Kailangan niyang gandahan ang suot niya dahil makikita siya nito.
“Ngiting-ngiti a? Ayos mukha, uy.”
Agad na napawi ang ngiti niya nang marinig niya ang boses ng kapatid, napaangat siya ng tingin dahil doon. Pababa ito ng hagdan at nandidiring pinagmamasdan siya.
“Pwede ba, Gray? ‘Wag ka nang dumagdag,” pag-irap niya.
“Parang ikaw ang may birthday, no? Dami mong bisita e,” sabi pa nito kaya’t inangat niya ang kamay niya at binatukan ito.
“Ano ba? Ba’t ikaw pa galit?” Inis na sabi nito. “Pupunta ang mga kaklase ko, hindi na kami magkakasya.”
Nilagpasan niya na lang iyon at pumasok sa kwarto niya. Totoo naman na ang dami niyang dinala, at hindi rin naman niya ginusto iyon. Pero, sorry na lang. Madagdagan pa ang mga ito ng isa dahil darating si Kaleb.
Pagkatapos niyang magpalit ng damit ay naglagay pa si Dorothea ng liptint, pinagmasdan niya ang sarili at nag-spray ng maraming pabango. Sinuot niya talaga ang isa sa mga maganda niyang damit kahit nasa bahay lang naman siya.
Nang satisfied na siya ay napangiti siya at lumabas ng kwarto. Pagkalabas niya ay bigla na lang siyang napatigil nang pababa na siya ng hagdan, napatitig siya sa baba ng hagdan nang mapatapat siya roon.
Para kasing may naririnig siyang mga yabag, paakyat iyon. Napakapit siya ng mahigpit sa hawakan ng hagdan, hindi siya gumalaw at nagmasid. Tapos ay parang bigla na lang may dumaan sa kanya, animo’y pwersa ng hangin.
Katulad iyon ng naramdaman niya noong nakaraan. Napasinghap siya at sumunod ang tingin sa daan patungo sa kwarto ng kapatid niya, para kasing papunta ro’n ang mga naririnig niya na yabag.
Hindi na niya pinansin iyon dahil iniisip niya na baka galing sa baba ang mga yabag at napagkakamalan niya lang na nandoon sa taas. Nagkabikit-balikat na lang siya at bumaba ng hagdan, pero bigla siyang napalingon muli sa taas dahil parang may pigura ng tao ang nahagip ng mata niya.
Walang tao! Siya lang ang nasa taas! Hindi kaya habang nagbibihis siya kanina ay umakyat muli ang kapatid niyang si Gray? Pero nakasara ang pinto ng kwarto nito at sigurado siyang may nakita siya kanina!
Kumalabog ng malakas ang dibdib niya dahil sa takot, tuluyan na siyang bumaba ng hagdan at saktong pagbaba niya ay siya namang paglitaw ni Kaleb sa pintuan nila.
Agad niyang inayos ang sarili niya at nakangiting kumaway. “Kaleb! Nandito ka na pala!”
“O, ayan na ba si Kaleb?” sabi ng mama niya. “Ikaw pala ang—”
“Ma!” pinandilatan niya ito ng mata.
“Magandang hapon po, tita,” magalang na bati nito sa mama niya.
Pinigilan ni Dorothea ang mapangiti, hindi niya alam kung bakit siya kinikilig. Napakagwapo talaga nito sa suot nitong uniporme.
“Pre, pasok,” sabi ni Axel pero hindi pa rin ito pumasok at nanatili sa pintuan.
“Dorothea,” pagtawag sa kanya ni Kaleb. “May kasama kasi ako, ayos lang ba?”
“Sino?”
Nawala ang ngiti niya nang sumilip mula sa likuran nito si Halsey, nakatingin sa kanya at walang reaksyon.
“Ang kapal ng mukha!” bulong niya sa sarili niya.
Nag-iinit ang ulo niya. Gusto niyang manakit! Gusto niyang pilasin ang mala-anghel na mukha nito dahil nakatingin lang ito sa kanya na parang nang-aasar.
“Ayos lang ba? Sinama ko siya kasi may lakad sana kami ngayon,” sabi pa ni Kaleb. “Kung hindi, aalis na lang—”
“Hindi!” agap niya at pinakalma ang sarili. “Pasok kayo, pasok.”
Mas maigi nang ganito kaysa umalis si Kaleb, sayang naman ang porma niya.
“Ay, ka-gandang bata!” puri ng mama niya kay Halsey.
“Salamat po,” mahinhin na sabi ni Halsey.
Umirap si Dorothea. “Mas maganda pa rin si Elnora.”
Nahihiyang tumawa ang kaibigan at siniko siya kaya sumimangot siya, nilingon niya si Halsey na pinagmamasdan niya kaya pinandilatan niya ito ng mata. Mabuti na lang ay hindi nakatingin si Kaleb, kausap nito si Axel.
Nawala siya sa mood dahil kay Halsey. Kaya naman nang inutusan siya ng mama niya na bumili ng toyo sa labas ay nagdadabog na naglalakad siya, tinatawanan lang siya ni Elnora dahil doon.
“Ikaw naman. . girlfriend ni Kaleb si Halsey, hindi ka pa sanay na lagi silang magkasama?” sabi nito.
“Sanay na ko, ang ayoko lang ay pupunta ang babaeng iyon sa bahay namin!” Pumikit siya ng mariin at kinuyom ang kamao sa hangin. “Gusto kong manuntok!”
Tawa nang tawa si Elnora kaya lalo lang siyang naaasar. Wala naman siya magagawa. Noon pa naman ay ayaw na niya kay Halsey dahil mabait ito sa kanya kahit iniirap-irapan niya, halatang peke ang pagiging mabait nito sa lahat. Inuutusan pa nito ang mga lalaki nilang kaklase na bully-hin siya. Tapos idagdag pa na naging girlfriend ito ng crush niya.
Si Kaleb iyon, crush na crush iyon ng halos lahat ng babae sa school nila!
“Uy, si Amsel ba ‘yon?”
Mabilis siyang napalinga-linga sa paligid dahil sa sinabi ni Elnora. Naningkit ang mata niya nang makita niya iyon, palapit sa tindahan kung saan sila bumibili ngayon.
Nang makita sila nito ay kumunot ang noo nito. Nakasuot lang ito ng puting plain t-shirt at shorts na parang boxer lang, nakapang-bahay lang ito.
Nagtiim-bagang si Dorothea dahil sa inis, lalong nasira ang araw niya. Hindi niya pa rin nakakalimutan na pinagtawanan siya nito sa klase nang sinabihan siya ni Kaleb ng maganda.
“Amsel! Taga-rito ka pala?” bati ni Elnora nang makalapit ito.
“Tagal na,” balewalang sagot nito at sinilip ang tindera sa loob.
Taga-rito pala ito sa lugar na ‘to? Kung minamalas nga naman, doon pa sila napalipat sa kung saan ito nakatira!
Tumaas ang kilay ni Dorothea nang sinulyapan siya nito, bigla itong napangiti na parang natatawa at hindi niya alam kung bakit.
“Anong tinatawa mo?” Galit na tanong niya.
“Wala,” sagot nito at nilingon ang bagong balik na tindera. Dala ang toyo na binili nila. “Marlboro red nga, miss.”
“Yuck! Nagyoyosi ka?” asik ni Dorothea kaya lumingon muli ito sa kanya. “Mabuti na lang si Kaleb ay walang bisyo.”
Kumunot ang noo ni Amsel at nagbayad sa tindera. “Pakialam ko kung may bisyo man siya o wala?”
“Gwapo na nga, wala pang bisyo,” sabi niya at hinawakan ang magkabilang pisngi habang nakapikit, nakangiti ng malawak. “Matalino pa, ano pang hahanapin mo sa kanya?”
Agad siyang napadilat ng mata dahil sa pinagtatawanan na naman siya nito, pinapanood siya nito habang sinisindihan ang sigarilyo na binili. Gamit ang lighter na nasa tindahan.
“Para kang tanga,” saad nito at tinalikuran sila para tumawid.
Napakagat siya sa labi dahil sa inis. Siya? Mukhang tanga? Lagi na lang siyang bina-badtrip ng lalaking ‘yon!
“Dorea. .” Hinigpitan ni Elnora ang pagkakahawak sa kanya, lumingon siya rito at nakita niyang pinapanood nito si Amsel na tumatawid palayo sa kanila.
“Bakit?”
“Yayain natin siya sa inyo, pwede ba?” saad nito kaya napanganga siya.
“Bakit? Anong gagawin niya ro’n?” tanong niya.
Hindi sumagot ang kaibigan at nakita niya ang pamumula ng pisngi nito, hindi makapaniwalang napatakip siya sa bibig habang pinagmamasdan si Elnora.
“May crush ka sa kumag na ‘yon?” Medyo napalakas ang boses niya kaya tinakpan nito ang bibig niya.
“Hindi naman sa ganon,” sabi nito at nag-iwas ng tingin. “Wala, ewan ko. Basta. .”
“Elnora, bakit siya pa?”
“Bakit? Gwapo naman siya a? Oo, hindi siya katulad ni Kaleb na maputi at artistahin ang mukha. Pero si Amsel, ang lakas ng appeal niya. Lalaking-lalaki kaya siya!” Nagpapaawa siya nitong pinagmasdan. “Yayain mo siya, please!”
Napasampal sa noo si Dorothea, sinundan niya ng tingin si Amsel na malayo na ang narating. Papasok na ito sa isang eskinita.
Hinanda niya ang sarili niya bago malakas na sumigaw. “Amsel!”
Napatigil ito sa paglalakad at lumingon sa gawi nila, ang sigarilyo ay nasa daliri nito. Ilang segundo itong tumayo lang doon at nakatingin sa kanya bago ito naglakad pabalik.
“‘Wag mo sasabihin na ako nagsabi a,” saad ni Elnora nang palapit na ito.
“Ang lakas ng boses mo, para kang kinakatay,” sabi agad ni Amsel paglapit nito. Hindi man lang tinanong kung bakit niya ito tinawag.
Ngumiti lang siya kahit naba-badtrip siya. “Gusto mong pumunta sa bahay?”
“Bakit? Anong gagawin ko ro’n?”
“Nandoon ‘yung iba nating kaklase.”
Kumunot ang noo nito at mas inilayo ang yosi sa kanila. “Bakit? Hindi mo naman birthday.”
“Kapatid ko ang may birthday, bakit? Masama mag-imbita?”
“Galit ka yata e,” sagot nito at pinagmasdan ang sarili. “Sigurado ka ba na iniimbitahan mo ko? Baka napipilitan ka lang?”
Naramdaman ni Dorothea ang pagpisil sa kanya ni Elnora kaya pinilit niya ulit na ngumiti.
“Gusto kitang imbitahan,” labas sa ilong na sabi niya. “Ano, tara na? Itapon mo na ‘yang kadiring yosi na ‘yan!”
Pinagmasdan siya nito na parang nag-iisip. “Susunod na lang ako.”
“Wow, special ka ba?” tanong niya kaya pinisil na naman siya ni Elnora. “Joke lang, sige, sunod ka na lang. Alam mo ba bahay namin?”
“Hindi.”
“Doon lang sa—”
Hindi na siya pinatapos nito magsalita at tinalikuran na sila. “Chat na lang kita kapag papunta na ‘ko.”
Sinundan na lang nila iyon ng tingin habang naglalakad palayo, mas mabilis ang lakad nito ngayon kaysa kanina.
Lumingon si Dorothea kay Elnora. “Ano? Masaya ka na?”
“Thank you,” nakangiting sagot nito.
Napapailing na lang siya habang pabalik sila sa bahay. Ang ganda ganda ng kaibigan niya pero sa damuhong Amsel pa na iyon nagkagusto!
Oo, aaminin niya. Hindi naman talaga pangit si Amsel at marami rin sa kaklase nila ang nagkakagusto rito, pero lagi kasi niya itong nakakaaway kaya nabibwisit siya kapag nakikita niya ito.
Sisiguraduhin niya na lang na hindi magkakalapitan ng loob ang dalawa!