“Anong oras uuwi ang mga ‘yan?” tanong ng kapatid niyang si Gray habang kumakain ang mga kaklase niya sa salas ngayon.
“Tita, ang sarap niyo talaga magluto,” ani Elnora habang nginunguya ang spaghetti.
Tumawa ang mama ni Dorothea. “Kumain kayo ng marami, marami pa rito. ‘Wag kayong mahiya!”
Nag-ngitian naman ang lahat. Sumimangot si Dorothea at isa-isang pinagmasdan ang kanyang mga kaklase, ang ilan sa mga ito ay lagi siyang inaasar na baboy at kung anu-ano pa. Bakit nandito ang mga ito ngayon sa kanila at kumakain?
Hindi siya makapaniwala na pumayag siya na makikain ang mga ito sa bahay nila! Pati si Halsey ay nandito rin! Kung alam niya lang na isasama ito ni Kaleb ay hindi na sana siya pumayag!
Lumingon siya sa kapatid niya. “Paaalisin ko na sila pagkatapos nila kumain, ayos na ba?”
“Buti naman,” ani Gray at umalis na sa tabi niya nang makita nito na palapit sa gawi nila si Elnora.
Magsasalita pa sana ito ngunit bigla na lang tumunog ang phone niya na nakapatong sa lamesa kung saan kumakain ang mga kaklase.
Nakita niya na napatingin si Kaleb doon dahil ito ang pinakamalapit, nilagay niya lang naman ang phone niya ro’n para may dahilan siya para lumapit dito.
“Tumatawag sayo si Amsel,” sabi ni Kaleb.
“Uy, bakit tumatawag sayo si Amsel?” pang-aasar agad ng isa sa mga kaklase nila.
Nanlaki ang mata niya at agad na dinampot ang phone, bumaling muna siya siya saglit kay Elnora na parang kinabahan ang itsura bago niya iyon sinagot.
“Kanina pa ako nagchachat,” bungad ni Amsel sa kabilang linya. “Iimbitahan mo ako tapos hindi ka sasagot?”
Sumimangot agad siya. “Nasaan ka na ba?
“Nasa’min pa.”
“Nasa inyo ka pa pala, tapos ang dami mong sinabi!”
“Hindi ko naman alam ang papunta riyan, gusto mo pa yata akong paghanapin ng bahay niyo.” Halatang iritado na ang boses nito kaya’t balak niya sanang taasan ang boses niya para hindi siya matalo, pero nakita niya si Elnora na pinapanood siya.
Kinagat niya ang kanyang labi saglit at huminga ng malalim. Para kay Elnora, kakalma siya. Para sa bestfriend niya.
Ngumiti siya at ginawang mahinahon ang boses. “Diba, nasa tindahan ka kung saan tayo nagkita kanina? Tawid ka lang sa kaliwa tapos dumiretso ka, may makikita kang kulay blue na gate.”
Marahan itong tumawa kaya sumabog na naman siya dahil sa inis, mukhang tinatawanan nito ang pagiging mabait niya.
“Ano bang tinatawa mo?! Pumunta ka na lang! Hihintayin kita sa labas ng gate kaya bilisan mo! Bye!”
Bago pa ito makasagot ay tinapos na niya ang tawag, hindi pa man siya nakakalingon ay narinig na niya ang boses ni Elnora.
“Ano sabi? Makakapunta ba siya?” bulong nito.
“Papunta na siya, lalabas ako maya-maya para sunduin siya sa gate,” aniya.
Ngumiti ito. “Ako na lang ang magpupunta sa labas.”
Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang maganda niyang bestfriend. “Sayang ang ganda mo, Elnora. Gano’n pala ang mga tipo mo.”
“‘Wag kang ganyan, puro ka lang kasi Kaleb kaya hindi mo napapansin si Amsel,” sabi nito at inayos ang sarili. “Lalabas na ako.”
Napailing na lang siya habang pinapanood itong lumalabas ng gate.
“Hindi ko alam na closed pala kayo ni Amsel.” Mabilis siyang napalingon sa gilid niya nang marinig niya ang boses na iyon, nakatingala si Kaleb sa kanya ngayon habang nakaupo pa rin ito sa sofa. Siya naman ay nakatayo.
Wala si Halsey, hindi niya alam kung nasa banyo ba ito o nasa kusina. Pero ayaw na niyang tanungin.
“Uh, ano, hindi ah,” sagot niya. “Naging kagrupo ko na siya dati kaya naka-chat ko na siya noon.”
Tumango ito at ngumiti. Napakagwapo talaga, naisip niya. Napansin niya na nakakausap lang niya ng ganito si Kaleb kapag wala si Halsey.
Sumimangot siya. Sigurado ay pinipigilan ito ni Halsey na kausapin siya dahil alam ng lahat na may gusto siya kay Kaleb.
“Gano’n ba? Nagulat kasi ako na inimbitahan mo siya kahit lagi kayong nag-aaway.”
Nag-init ang pisngi niya bigla. Hindi kaya’t nagseselos ito? Napatitig siya sa binata at napatakip sa bibig, hindi kaya’t nagkakagusto na sa kanya ito?
“Baliw, wala ‘yon,” mahinhin na sabi niya. “Promise, walang namamagitan sa’min—”
Nawala ang ngiti niya nang biglang umupo si Halsey sa tabi nito, mukhang nanggaling nga ito sa banyo. Nag-angat ito ng tingin sa kanya at walang sinabi.
Nakakainis talaga! Kahit sobra ang inis niya sa babaeng iyon ay hindi niya talaga maipagkakaila na maganda ito, walang wala ang katabaan niya at pango niyang ilong.
“Dorea!”
Napalingon siya sa labas ng pinto nang marinig niya ang boses ni Elnora, nasa likod nito si Amsel na mukhang bagong ligo dahil nag-iba ang suot na damit. Nakasuot na ito ngayon ng kulay itim na band shirt. Hindi niya alam kung bakit ito nakasimangot, naisip niya tuloy na baka tinotoyo na naman ito.
Pinandilatan siya ng mata ni Elnora kaya agad niyang pinilit ngumiti at kumaway. “Amsel, nandito ka na pala! Pasok ka, ‘wag ka mahiya.”
Pumasok na rin si Elnora kaya sumunod si Amsel pero wala pa rin itong sinasabi, nang magkatapat na sila ay nagbaba ito ng tingin sa kanya.
“Akala ko ikaw ang susundo sa’kin sa gate?” mahinang tanong nito.
Ngayong malapit na ito sa kanya ay napatunayan niya na talaga na bagong ligo ito, amoy shampoo pa at sabon. Pero hindi na basa ang buhok nito.
Kumunot ang noo niya. “Ano naman kung hindi ako, ha?”
“Oh, sino naman itong gwapong bata na ito?”
Nanlaki ang mata ni Dorothea dahil sa gulat dahil sa sinabi ng mama niya. Hindi siya makapaniwala na hindi nito tinawag na gwapo si Kaleb kanina, pero si Amsel!
“Magandang gabi po,” bati nito sa mama niya.
Napangiwi si Dorothea at umismid. “Kaklase rin namin, ma. Si Amsel, ang laging nambubully sa’kin sa—”
Hindi niya na naituloy ang sasabihin niya nang tinakpan ni Amsel ang bunganga niya gamit ang palad nito. Pumapalag-palag siya pero ayaw siyang bitawan nito kaya nagtawanan lang ang lahat ng nandoon, kasama na ang mama niya.
Nakaka-badtrip! Napapahiya siya kay Kaleb!
Siniko ni Dorothea si Amsel sa tiyan kaya’t nabitawan siya nito, nagpupuyos sa galit na nag-angat siya ng tingin. Tumingkayad siya para batukan ito pero pasimple siyang pinigilan ni Elnora, lumingon siya sa kaibigan at pinanlakihan na naman siya nito ng mata.
Huminga siya ng malalim at umismid kay Amsel, ngayon niya lang napansin na nakatayo pa rin pala ito sa may pintuan.
“Dorothea, gabi na pala,” ani Kaleb at tumayo.
“Huh? Ang aga pa. .”
Ngumiti ito. “Kailangan ko na ihatid si Halsey sa kanila. Salamat sa pag-imbita, Dorothea.”
Pinilit niyang ngumiti kahit na nakaramdam siya ng lungkot. Wala na, uuwi na ang dahilan kung bakit pumayag siya na magpunta ang mga ito!
Nilingon niya sina Dion na nakaupo pa rin. “Ano, ‘di pa rin kayo uuwi?”
“Sasabay na kami kay Amsel,” sagot ni Nadia.
Ang kakapal ng mukha, naisip niya. Pagkatapos siyang asar-asarin ng mga ito sa school ay may gana pa talagang magtagal!
Masama ang loob na hinatid niya sa labas sina Kaleb at Halsey. Hindi niya matanggap na si Halsey ang dahilan kung bakit ito uuwi agad.
“Pasensya na, Dorothea. Susubukan kong bumalik kung hindi traffic,” mahinahon na sabi ni Kaleb.
Nagliwanag ang mukha niya. “Talaga? Babalik ka?”
“Susubukan ko.”
Nakita niya ang pagsimangot ni Halsey kaya hindi na siya sumagot. Kahit anong sabihin niya ay wala pa rin naman siyang magagawa dahil girlfriend pa rin ito ni Kaleb.
Ngumiti na lang siya. “Sige, ingat. . kayo.”
Bago pa tumalikod ang mga ito ay nagsalita pa muna si Halsey. “Thank you, Dorothea.”
Ngumuso lang siya at hindi na sumagot. Nang tuluyang makaalis ang dalawa ay walang ganang bumalik siya sa loob, papasok pa lang siya ay nakita na niyang nakatayo pa rin si Amsel sa may pintuan. Nandoon din si Gray.
“Ang tangkad mo, naglalaro ka ng basketball?” tanong ni Gray.
“Hindi na masyado,” sagot ni Amsel.
“Laro tayo minsan,” sabi pa ni Gray.
Lumapit agad si Dorothea sa dalawa. “Bakit hindi si Kaleb ang yayain mo?”
Kasing-tangkad ni Kaleb si Gray, pero ngayon niya lang napansin na mas matangkad pala si Amsel sa dalawa.
“Sinong Kaleb? ‘Yung lalaki rito kanina?” tanong ni Gray sa kanya. “Mukha naman lampa ‘yon e.”
Agad na na nag-init ang ulo ni Dorothea at binatukan ang kapatid. “Anong lampa sinasabi mo? Mukha bang lampa ‘yon, ha? Doon ka nga sa taas! ‘Wag kang mang gulo rito!”
“Ang tindi mo, birthday ko tapos ako ang paaakyatin mo?” Hindi makapaniwalang napanganga ang kapatid.
May point naman. Hindi niya rin alam kung bakit ang kapal ng mukha niya, pero dahil wala na si Kaleb ay gusto niya na talagang pauwiin ang mga nandoon. Hindi rin naman kasi siya umaasa na makakabalik pa ito, sigurado siyang hindi iyon papayagan ni Halsey.
Nagbuntong-hininga siya. “Oo na, uuwi na sila maya-maya.”
Bumaling siya kay Amsel na nakatayo pa rin sa gilid niya, tinulak niya ito para tuluyan na makapasok sa loob. Masama ang tingin siya nitong nilingon pero tinaasan niya lang ito ng kilay.
Ngumiti siya. “Anong gusto mong kainin?”
“Kahit anong meron.”
Tinalikuran niya na ito para kumuha ng pagkain nito pero tumayo bigla si Elnora.
“A-ako na kukuha,” sabi nito at agad na tumalikod para magpunta sa kusina.
Nakita niya na sinundan ni Amsel ng tingin ang kaibigan kaya hinawakan niya ang panga nito para ilipat sa iba ang tingin nito.
Mukhang nagulat ito pero hindi ito pumalag, hinayaan lang nito ang kamay niya sa panga nito.
“Ano na namang kalokohan ‘to?” tanong nito.
Pinasingkit niya ang mata niya. “Tandaan mo ‘to, hindi ako papayag na pormahan mo si Elnora.”
Nakita niya ang inis na dumaan sa mukha nito, tinabig nito ang kamay niya na nakahawak sa mukha nito kaya’t hindi makapaniwalang napanganga siya.
Magsasalita pa sana siya pero dumating na si Elnora na may dalang pagkain. Maraming pagkain! Nakangiti na pinatong nito ang plato sa harap ni Amsel.
Pinagmasdan niya muna ang binata, tinitigan niya ito para pagbantaan na ‘wag nitong subukan na gumawa ng kung ano kay Elnora habang wala siya.
Balak niyang magpalit ng damit dahil wala na rin naman si Kaleb, komportableng damit na ang susuotin niya. Naiinis pa rin siya na nasayang ang porma niya.
Pagkaakyat niya sa taas ay agad siyang kinilabutan dahil sa lamig na naramdaman, tiningnan niya kung nakabukas ang pinto sa kwarto ng magulang niya dahil doon lang ang kwarto na may aircon.
“Bakit ang lamig?” tanong niya sa sarili niya. Wala rin namang nakabukas na bintana, at sa baba ay hindi naman ganoon kalamig.
Hindi na niya pinansin iyon at pumasok na lang sa kwarto niya, pagkatapos niya magpalit ay humiga muna siya sa kama. Mamaya na lang siya bababa ‘pag uuwi na ang mga bisita niya.
Sa lahat naman kasi ng nandoon ay si Elnora lang ang kaibigan niya, ang iba ay puro mga naninira lang ng araw niya.
Binuksan niya ang phone niya. Nabasa niya nga ang mga chat ni Amsel, kaya pala tinawagan na siya nito kanina kasi marami na itong chat.
Hoy. Iyon ang unang chat nito. Sumimangot siya at hindi na nag-abalang mag-reply pa dahil nando’n na rin naman ito sa baba.
Hindi niya namalayan na lumipas ang oras, basta ay pumasok na lang si Elnora sa kwarto niya.
“Kaya pala, nakahiga ka na!” sabi nito.
Humikab siya. “Nakauwi na sila?”
“Oo, ngayon lang.” Sumimangot ito. “Si Amsel ay nasa kwarto ng kapatid mo.”
Bigla siyang napaupo dahil sa gulat. “Ano? Bakit hindi pa siya umuuwi?”
“Siya na lang ang natira,” sambit nito at nagbuntong-hininga. “Dorea, mukhang hindi interesado sa’kin si Amsel.”
“Bakit?” tanong niya. “At bakit siya nasa kwarto ng kapatid ko?”
“Noong wala ka, sila lang ng kapatid mo ang nag-uusap ng tungkol sa basketball at video games.”
Napanganga siya. “Ngayon lang sila nagkita, paano sila naging close ng gano’n kabilis?”
“Mukhang pareho sila ng mga gusto e.” Tumawa si Elnora at pabagsak na humiga sa kama. “Hindi siya interesado sa’kin. .”
Hindi nakasagot si Dorothea. Kanina nang binalaan niya si Amsel na ‘wag lalapitan si Elnora ay sumimangot ito, ibig sabihin ay may gusto rin ito sa kaibigan niya. Pero hindi niya iyon sasabihin! Mas maigi nang hindi nito alam!
Tumayo siya. “Dito ka lang, sisilipin ko kung ano ang ginagawa ng dalawa na ‘yon.”
Hindi siya papayag na maging close ang dalawa, dahil kapag nangyari ‘yon ay lagi na niyang makikita si Amsel at mabubiwist lang siya lagi.
“Anong ginagawa—” Pagkabukas niya ng pinto ng kwarto ni Gray ay nagulat siya na si Amsel lang ang nandoon, nakaupo sa upuan habang tinitingnan ang mga cd games.
Napatigil ito sa ginagawa at bumaling sa kanya.
Sumimangot siya. “Anong ginagawa mo rito, ha?”
“Pahihiramin daw ako ng kapatid mo ng laro,” sagot nito.
Pinasingkit niya ang mata niya, hindi siya nagsalita at nanatiling pinagmasdan ito.
“Anong ginawa mo sa kapatid ko? Hindi naman gano’n ‘yon, paano kayo naging close agad? Pinayagan ka pa niya mag-isa rito sa loob ng kwarto niya?” sunod-sunod na tanong niya.
“Siya ‘yung kumakausap sa’kin kanina pa, kinakausap ko lang din siya pabalik.”
“Bakit? Pwede mo naman hindi pansinin ah?”
“Gusto kong pansinin e, anong magagawa mo?”
Napanganga siya at nagpamewang, pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. “Ginagawa mo lang ‘yan para makapunta ka lagi rito dahil alam mong nakakapunta lagi rito si Elnora!”
Ilang segundo muna siyang pinagmasdan nito bago nagsalita. “Wala akong gusto kay Elnora.”
“Oh, diba? Sinasabi ko na nga ba—” Napatahimik siya nang ma-realized ang sinabi nito. “Huh? Wala kang gusto kay Elnora?”
“Wala nga,” inis na sabi nito. “Dahil ikaw ang gusto ko.”
Nanigas siya sa kinatatayuan niya dahil sa sobrang gulat. Ano raw? Siya ang gusto nito at hindi ang maganda niyang kaibigan?
Hindi siya nakapagsalita at pinagmasdan ito, wala itong emosyon sa mukha at nakatingin lang din sa kanya. Hindi siya makapaniwala, bakit. . bakit nag-iinit ang mga pisngi niya?
Ito ang unang beses na may nagsabi sa kanya na gusto siya ng isang lalaki.
Pakiramdam niya’y namumula siya.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang bigla itong tumawa. Marahan na tawa lang at hindi malakas, pero halatang nang-aasar na tawa iyon.
Hindi makapaniwalang pinanood niya lang ito. Kumuyom ang kamao niya at naramdaman niya na kumulo ang dugo niya dahil sa galit na bumalot sa kanya, mabigat ang paa na humakbang siya palapit. Handa nang suntukin ito.
Pero sabay silang napalingon sa may pintuan nang marinig nila na bumukas iyon. Ngunit sabay din na kumunot ang noo nila nang makita na nakasara pa rin naman ‘yung pinto.
Narinig nilang pareho na bumukas iyon pero nakasara pa rin? Anong nangyari?