Hindi alam ni Dorothea kung gaano katagal siyang nakatitig sa pinto, ang kamao niya na isusuntok niya ay tumigil lamang sa ere.
“May multo ba rito?” tanong ni Amsel.
“P-parang. .” naiiyak na sagot niya.
Napaigtad siya nang may narinig na naman silang yabag na parang may naglalakad mismo sa loob ng kwarto. Sabay nilang sinundan ng tingin kung saan papunta ‘yung mga yabag.
Papunta iyon sa may cabinet na malapit sa kanya! Napatili siya at mabilis na nagtago sa gilid ni Amsel na nakaupo pa rin doon sa upuan.
Hindi nagsasalita si Amsel, pareho lang silang nakikiramdam. Tumigil ‘yung yabag, ilang segundo lang silang nakatitig sa cabinet.
Iniisip ni Dorothea ay bubukas iyon ngunit hindi bumukas. Pero halos lumuwa ang mata niya nang lumitaw doon si Gray, hindi. . hindi ito ang kapatid niya dahil iba ang suot nito!
Nakatayo ito ro’n sa tapat ng cabinet na parang may hinahanap. Napakapit siya ng mahigpit sa damit ni Amsel at tinago ang mukha sa likod nito, ni hindi niya magawang sumigaw dahil sa sobrang takot na nararamdaman.
Kakaiba kasi ang nakita nila ngayon. Hindi solid ang pigura ng nakatayo sa harap nila, para itong nag-giglitch. Nawawala-wala at parang transparent, at halatang hindi rin sila nito nakikita.
Namilog ang mata niya nang tumayo bigla si Amsel, akala niya ay iiwan siya nito kaya hinigpitan niya ‘yung pagkakahawak niya sa damit nito. Pero umusog lang ito ng konti, na animo’y may iniwasan.
Sumilip siya mula sa likod nito at napasigaw siya ng malakas nang makita na sobrang lapit na sa kanila no’ng multo, nakaupo na ito ngayon sa upuan kung saan nakaupo si Amsel kanina!
Hinila niya si Amsel habang umaatras dahil sa sobrang takot, gusto niyang lumabas ng kwarto pero natatakot siyang tumakbo.
“Labas na tayo rito!” Nanginginig na sabi niya.
“‘Wag kang maingay,” sabi ni Amsel at saka nito pinulot ang gunting na nakapatong sa lamesa. Binato nito ang multo gamit iyon at napasigaw na naman siya nang lumingon ito sa gawi nila.
Naramdaman niya rin na nagulat ng konti ang kasama nang lumingon ito sa kanila. Hindi na niya napigilan, pinulupot na niya ang braso niya sa bewang ni Amsel habang sinisiksik ang sarili sa likod nito.
Nakatingin din sa kanila ‘yung multo at katulad nila ay magkahalong gulat at pagtataka ang nasa mukha nito.
“Amsel. .” sambit niya na parang paiyak na.
“Sige, labas na tayo,” sabi nito at unti-unti silang nagpunta palabas ng pinto pero sinusundan sila ng tingin no’ng multo.
Gulat na gulat pa rin ang itsura.
Gusto niyang malaman kung bakit kamukhang-kamukha ito ng kapatid niya, pati ang kilos ay pareho. At higit sa lahat, gusto niyang malaman kung bakit umaakto ‘yung multo na parang nakakita rin ito ng multo!
Malapit na sila sa pinto, konti na lang ay mahahawakan na ni Amsel ‘yung doorknob ngunit bigla itong bumukas.
Si Dorothea, si Amsel pati ‘yung multo na kamukha ni Gray ay sabay-sabay na napalingon sa bumukas na pinto.
“Oh, anong nangyayari?” Nagtatakang tanong ni Gray nang makita ang posisyon nila. “Anong ginagawa ninyo? Bakit nandito ka, ate?”
Saglit silang natahimik lahat, ‘yung multo ay nawala na rin. Ilang segundo na ang lumipas saka lang pumasok sa isip ni Dorothea na nakayakap pa rin pala siya ng mahigpit mula sa likod ni Amsel, naramdaman niya ang pag-angat ng lahat ng dugo niya sa ulo niya.
Malakas niyang tinulak si Amsel kaya’t muntik na itong masubsob kung hindi lang ito napahawak sa may pintuan.
“Anong nangyari?” tanong ni Gray nang nadaanan niya ito pero hindi siya sumagot, ni ayaw niyang lumingon dahil hiyang-hiya siya.
“Hoy, ate!” sigaw nito.
Galit niyang nilingon ito, at nang mapatingin siya kay Amsel ay nakatingin din pala ito sa kanya. Mabilis siyang tumalikod at tumakbo papasok sa kwarto niya. Doon ay nakahiga si Elnora sa higaan niya, pinapanood siya nito.
“Anong nangyari sayo? Ba’t ka namumula?”
Nanginginig na bumaling siya rito. “Nor, may multo sa bahay na ‘to.”
“Huh? Multo?” Gulat na lumingon-lingon ito sa paligid, halatang natakot. “Saan? Anong multo?”
“S-sa kwarto ni Gray,” aniya. “Hindi mo ba narinig ‘yung sigaw ko? Sumisigaw ako kanina!”
“Sigaw? Wala akong narinig, kanina pa tahimik.”
Napatakip siya sa bibig. “Sumisigaw ako kanina! May multo talaga at kamukha siya ni Gray! As in, sobrang kamukha!”
Nagtatakang pinagmasdan siya ng kaibigan, ilang segundo siyang pinagmasdan nito bago ito tumawa.
“Baka pinagtitripan ka lang ng kapatid mo?” natatawa na sabi nito.
“Hindi! Nakita ko talaga! Itanong mo pa kay—”
Bigla na lang bumukas ang pinto ng kwarto niya at pumasok ang kapatid niya. “Ate, ano bang nangyari? Bakit nakayakap ka kay Amsel kanina?”
Hindi makapaniwala na napanganga siya at mabilis na lumingon kay Elnora na nanlaki ang mata. Bwisit na Gray! Bakit kailangan nitong sabihin iyon sa harap ng kaibigan niya? Baka kung ano ang isipin nito!
Pinilit niyang pakalmahin ang boses niya at itinaas ang kilay. Ayaw niyang ipahalata na apektado siya ro’n.
“Hindi mo ba tinanong si Amsel? May multo nga ro’n sa kwarto mo. Inaamin ko, natakot ako kaya napunta kami sa gano’ng posisyon. Tsaka. . basta tanungin mo na lang siya!”
Napabuntong-hininga si Gray. “Wala na, umuwi na. Tinanong ko siya pero sabi niya ay sayo ko na lang daw itanong.”
“Hay naku, hindi ka rin naman naniniwala sa’kin!” Pagtataray niya para hindi mahalata ng mga ito na hiyang-hiya siya.
Bakit ba kasi kailangan silang makita ni Gray na gano’n ang posisyon? Ang masaklap pa ro’n ay siya pa ang nakayakap kay Amsel!
“Bahala ka nga,” inis na sabi nito at lumabas ng kwarto niya.
Agad naman na lumapit sa kanya si Elnora. “Dorea, anong nangyari? Nakayakap ka raw kay Amsel kanina?”
“Sinabi ko kasi sayo may multo nga,” frustrated na sabi niya. “At kamukhang-kamukha siya ni Gray. Natakot lang ako ng sobra talaga, si Amsel lang ang nandoon kaya hindi ko namalayan na nayakap ko siya.”
Hindi sumagot ang kaibigan, pero maya-maya ay natawa. Umismid siya at tinalikuran ito. Naiinis siya dahil baka asarin siya lalo ni Amsel dahil doon!
Kinabukasan pagkapasok niya ng school ay hindi siya mapakali. Malayo pa lang ay tinitingnan na niya ang mga makakasalubong niya.
“Ayan na si baboy,” bungad ni Jonas sa kanya.
Tinaas niya ang gitna niyang daliri. “Ang kapal ng mukha mong mang-asar, pagkatapos mong lumamon sa’min kahapon?”
“Oh sige, dahil diyan mabait ako sayo ngayon,” sabi nito. “Sarap magluto ng mama mo, kaya pala ganyan katawan mo e.”
Pumikit siya ng mariin dahil sa inis. Punyeta, sa susunod talaga ay hindi na siya papayag na makapunta ulit ang mga ito. Sakto na malapit na pala ang birthday niya, hindi niya iimbitahan ang lahat ng mga tumawa ngayon.
“May away sa kabilang room!” sigaw ng isang estudyante sa labas kaya’t napatayo ang ilan sa kanila.
Ang iba ay lumabas agad para makiusyoso, sumunod din siya agad. Tinulak-tulak niya ang mga nasa unahan, binangga patagilid ang iba para makasingit siya.
“‘Wag manulak!” bulyaw sa kanya ng isa.
Binelatan niya iyon at tinulak pa ang nasa unahan niya, muntik na iyon sumubsob sa harap nila. Nang lumingon ito ay nagpanggap siya na wala siyang alam sa panunulak na nangyari.
“Ano kayang nangyari?”
“No’ng nakaraan ay ganyan din.”
Ngayon niya lang naalala ang sinasabing nag-aaway daw dahil sa bulungan ng mga estudyante. Sa gitna ay nandoon si Darien, ang tahimik niyang kaklase sa ibang subject.
Lagi itong mag-isa, mukhang wala rin itong kaibigan. Pero minsan ay kinakausap siya nito, naalala niya dati na pinakopya siya nito dati ng assignment. Minsan ay binibigyan din siya ng papel.
Nakaluhod ito sa unahan na bahagi ng room habang nakayuko, nanginginig.
Nag-init ang ulo niya at nilapitan ito, hinawakan niya ito sa braso at sinilip ang mukha.
“Darien, anong ginagawa mo?” tanong niya at hinila ito patayo pero ayaw nito.
“H-huwag,” sabi nito at tinabig ang kamay niya. “Lumayo ka sa’kin.”
“Bakit? Ano bang ginagawa mo rito? Pinagtitinginan ka lang.”
Hindi ito sumagot at nag-angat ng tingin. Itinuon nito ang tingin sa likod na bahagi ng room, sinundan niya ang tinitingnan nito at agad na nanlaki ang mata niya nang makita si Amsel doon.
Nakaupo ito sa armchair at may hawak na maliit na bola, nakatingin sa kanya. Ito bang kumag na ito ang nangbu-bully kay Darien?
Sisigawan niya na sana ito ngunit biglang pumasok sa isip niya ang nangyari kagabi sa kwarto ni Gray, sinara niya ang kanyang bibig at nagmamadaling tumalikod.
Siniko-siko niya ang mga nakaharang sa pintuan para makalabas agad siya.
“Sh¡t, nakakahiya talaga!” asik niya at sinabunutan ang sarili habang umuupo sa upuan niya. “Aasarin lang ako lagi no’n!”
“May nangyari ba sa inyo ni Amsel kagabi?”
Napasigaw siya dahil sa gulat nang biglang may nagsalita sa gilid niya. Si Nadia pala iyon.
Sumimangot siya. “Anong pinagsasabi mo riyan?”
“Naiwan kasi si Amsel kagabi sa inyo,” naningkit ang mata nito at ngumiti. “Tapos nahiya ka no’ng nakita mo siya ngayon. Parang kagabi lang noong nandoon kami ay nagbabangayan pa kayo e.”
“Tanga, wala,” giit niya. “Issue ka riyan? Anong mangyayari sa’min dalawa?”
“E, bakit ka namumula? Kay Kaleb ka lang ganyan dati a.”
Nag-iwas siya agad ng tingin. Pumikit siya ng mariin dahil sa inis, parang gusto niyang manabunot bigla. Sino ang babaeng ito para ikumpara ang nararamdaman niya kay Kaleb kay Amsel?
“May nakita kaming multo sa bahay nila kagabi.” Napaangat siya ng tingin nang marinig ang boses ni Elnora.
“Huh? Anong multo?” tanong ni Nadia.
“Nakita namin,” pagsisinungaling nito. “Nandoon din si Amsel no’ng nakita namin ‘yon, naalala lang ni Dorea ‘yung nangyari kaya siya ganyan.”
Napangiti si Dorothea, hulog talaga ng langit ang maganda niyang kaibigan. Ano na lang mangyayari sa kanya kung wala ito?
“Weh? Parang hindi nama—”
Tinulak niya na paalis si Nadia sa upuan para makaupo si Elnora. “Umalis ka na, tsismis talaga lakad mo e.”
Umirap ito at bago umalis ay nagsalita pa. “Makatulak ‘tong baboy na ‘to.”
Inambahan niya iyon habang nakatalikod dahil sa inis niya. Natatawang umupo si Elnora sa tabi niya kaya’t ngumuso siya.
“Nag-away daw si Amsel at Darien?” tanong nito.
Tumaas ang kilay niya. “Hindi nag-away, binubully kamo ng kumag na ‘yon si Darien.”
“Bakit daw? Hindi naman gano’n si Amsel a.”
“Hindi ka riyan, hindi mo kasi nakita. Takot na takot si Darien, at ‘yung isa ay may hawak na bola. Ano sa tingin mo ‘yon?”
“Duda ako riyan—”
“Nor,” pagputol niya sa sasabihin nito. Hinawakan niya ito sa balikat at madramang umiling-iling. “Alam kong love is blind, pero ‘wag naman sanang literal na bulag! Sabihin na nating gwapo siya, pero hindi mo ba nakikita ang ugali no’n? May bisyo pa! Kadiri!”
“Hay naku, Dorea. Puro ka lang kasi Kaleb, e may girlfriend na nga ‘yung tao.”
“Oh, ano naman?” inis na tanong niya. “Maghihiwalay din ‘yon.”
Tumawa si Elnora at umiling-iling. “Bahala ka ikaw din.”
“Rold, akin na.”
Mabilis na napalingon si Dorothea nang marinig niya ang boses ni Amsel, nakatayo ito sa may pinto at nakalahad ang kamay. Nakatingin ito kay Roldan na nakaupo malapit sa kanila ni Elnora.
“Oh, catch,” sabi ni Roldan at binato ang kulay green na notebook sa gawi ni Amsel na agad naman nitong sinalo.
Bago pa ito tumalikod ay nanlaki ang mata niya nang sumulyap ito sa kanya, nakita niya ang pagpigil nito ng tawa bago pa ito tumalikod at umalis.
Nanggagalaiti na na kinuyom niya ang kamao niya dahil sa inis. Tama nga ang hinala niya, aasarin nga siya ng bwisit na ‘yon!