Kabanata 2

2834 Words
Ang mga malalaking paru-paro ang nakakuha sa atensyon ng prinsesa. Lumilipad ito sa ibabaw ng mga magagandang bulaklak ng azalea. Tumakbo ang batang prinsesa at pilit niyang hinahabol ang magagandang paru-paro. Malawak ang kaniyang pagkakangiti habang pilit inaabot ang makukulay nitong mga pakpak, ngunit kahit na anong talon niya ay hindi niya ito mahawakan. “Prinsesa Azalea!” malakas na tawag sa kaniya ng isang matinis na boses. Malayo pa ito ngunit rinig niya na ang pagtawag nito sa kaniya. Lubhang matalas nga talaga ang pandinig ng mga bampira. Napatigil siya sa pagtalon at tangkang paghuli sa mga paru-paro. Sumilay ang pilyang ngiti sa kaniyang mukha at itinaas niya ang mahabang saya. Ang kaniyang suot na kulay krema na saya ay sumasayad sa lupa. Humagikhik ang prinsesa habang tumatakbo papunta sa likod ng malaking balon. “Hanapin mo ako, Catalina!” malakas na sigaw niya at mas isiniksik niya ang sarili sa haligi ng balon. Tumatawang nakatingin siya sa timba na nakabitin sa kahoy na sumusuporta sa bubong ng balon. Ang balon na iyon ang pinagkukunan ng tubig na pandilig sa kanilang malawak na hardinan. “Gabi na po, Prinsesa Azalea. Bukas na lang po tayo maglaro,” rinig niyang sagot ng kaniyang tagapag-alaga. Mas lalo siyang humiga sa damuhan at isiniksik niya pa lalo ang sarili sa haligi ng balon. Hinawakan niya ang kaniyang bibig upang pigilan ang paghagikhik. Hindi siya dapat marinig ni Catalina para hindi siya mahanap nito. “Nand’yan ka pala, Mahal na prinsesa.” Napatayo siya nang marinig niya ang boses ni Catalina. Nakatayo ang babae sa unahan niya, at hindi niya agad ito nakita. Humaba ang kaniyang nguso nang maalala na mabilis nga pala itong kumilos. “Kailan mo nang pumasok sa loob,” magalang na sabi nito sa kaniya. Noong ibinaba niya ang tingin sa kamay nito ay nakita niya agad ang hawak nitong kahon. Alam niya na ang laman noon—may bagong bigay na naman na sabon ang kaniyang ina. Nanlaki ang kaniyang mga mata at pagkatapos ay umatras siya. Tinititigan lang siya ni Catalina habang nakangiti ito sa kaniya. Napanguso siya dahil sa pagkadismaya. Ayaw niyang maligo dahil malamig na. At higit sa lahat, Gusto niya pang makipaglaro kay Catalina. Yumuko ang babae bilang paggalang sa kaniya. Inilahad nito ang kamay na may hawak na kahon na wari ay ibinigay ito sa kaniya. Humalukipkip siya. “Ngunit nais ko pang makipaglaro sa’yo,” sabi niya at pagkatapos ay muling humaba ang labi niya. Ngumiti si Catalina sa kaniya. Akala niya ay papayag ito ngunit umiling din sa huli. “Hindi po ito ang tamang oras, at higit sa lahat ay hinahanap ka na po ng iyong amang hari,” pagbibigay alam nito sa kaniya kaya napaawang ang labi niya. “Sa anong dahilan?” tanong niya. Himala yata at tinawag siya ng amang hari. May nais kaya itong ipagawa sa kaniya? Isang Linggo na mula noong huli silang nagkita. Mas naging abala kasi ito sa mga tungkulin nito bilang hari ng kanilang kaharian. Ang kaniyang ina naman ay abala rin sa pagdinig sa mga hinaing ng kanilang nasasakupan. “Inyo po bang nakalimutan na kakain na kayo ng hapunan?” tanong nito sa kaniya kaya namilog ang kaniyang mga mata. Sa sobrang paglalaro ay nakalimutan na niya ang pagkain ng hapunan. Sunod niyang naramdaman ang pagtunog ng kaniyang tiyan, sanhi ng gutom. Napahawak siya rito habang nagkakamot ng ulo. Lumapit siya at pagkatapos ay hinigit niya ang may kalumaan na saya ni Catalina. “Kumpleto ba ang buong pamilya?” Tumango sa kaniya ang tagapag-alaga niya. Yumuko ito upang magbigay galang sa kaniya. Hindi ito tumitingin sa kaniyang mga mata at nanatili lang itong nakayuko. Nasa tamang edad na ang babae upang makapag-asawa ngunit mas pinili nitong alagaan siya. “Opo, Mahal na prinsesa. Nakauwi na po ang inyong ama at ina. Dumating na rin po sina Prinsipe Franser, Prinsipe Klaix, at Prinsipe Hemox galing sa Kaharian ng Noris,” magalang na sagot ni Catalina sa kaniya. Ang kaniyang mga kapatid ay nag-aaral sa paaralan ng Noris. Kada-buwan ay isang beses lang umuwi ang mga kapatid niya. Limang araw ang inaabot ng paglalakbay dahil sa mabagal na takbo ng karwahe. “Ako’y natutuwa at kumpleto ang aking mga kapatid,” sambit niya. Tumalon siya dahil sa sobrang saya. Hinawakan niyang muli ang saya ng kaniyang tagapag-alaga. Tuwang-tuwa niyang hinila si Catalina papunta sa pintuan ng palasyo. Nabagalan siya sa paglalakad ng kaniyang tagapag-alaga kaya naman tumakbo na siya nang sobrang bilis. Kahit na mahaba ang laylayan ng kaniyang saya ay hindi pa rin ito naging sagabal sa pagtakbo niya. “Huwag ka pong tumakbo, Mahal na prinsesa,” suway sa kaniya ni Catalina. Tumawa lang siya at mas binilisan niya pa ang kaniyang takbo. Ngunit may naramdaman siyang kakaiba. Ang kaniyang masayang mukha ay unting-unti na nawala. Naramdaman niya ang sakit na tila ba tumutusok sa kaniyang sintido. Bumagal ang pagtakbo niya, at nanlabo ang kaniyang mga mata. Sa kaniyang pagtigil ay napaluhod siya habang dinadama ang pagkirot ng kaniyang ulo. Napahawak siya rito at napasinghap nang malakas. Isang eksena ang nakita niya noong siya ay pumikit nang dahil sa sakit na nararamdaman. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagpatakan ang mga luha sa kaniyang mga mata noong siya ay nagmulat. “Prinsesa!” rinig niyang sigaw ni Catalina. Tulalang lumuluha siya habang naaalala ang nakita sa kaniyang isip. Hindi niya napansin ang paglapit sa kaniya ni Haring Cimon. Yumuko na lang si Catalina at nagbigay galang sa hari. Lumuhod ang kaniyang ama sa kaniyang harapan. Pinunasan nito ang kaniyang mga luha. “Mahal kong prinsesa, bakit ka umiiyak? Masakit ba ang pagkakabagsak mo sa sahig?” nag-aalala nitong tanong. Hindi maampat ang luha sa mga mata niya. Tumingala siya at sinalubong ang tingin ng ama. “Digmaan,” lumuluha niyang sabi, at pansin niya ang pagkakatigil ng kaniyang ama. * Ang mahabang hapag-kainan ay punong puno ng masarap na mga pagkain. Mula sa iba’t-ibang putahe ng mga ulam hanggang sa mga prutas at panghimagas. May mga desenyo rin na nakalagay sa mahabang lamesa. Hinding hindi nawawala ang kandilang nakalagay sa gitna ng lamesa. Ang reyna ay nakaupo sa kaliwang dulo habang ang hari naman ay nasa kanang dulo. Sa kanang bahagi ay magkatabi si Prinsipe Klaix at Prinsipe Hemox. Habang katabi naman ni Prinsipe Franser si Prinsesa Azalea. Ang hapag kainan ay napuno ng tawanan nang magbiro si Prinsipe Klaix. Tapos nang kumain ang kanilang pamilya ngunit napagpasyahan nilang manatili muna sa hapag-kainan upang magkwentuhan. Sa kabila ng kasiyahan ng bawat isa, bukod tanging tahimik si Prinsesa Azalea dahil sa bumabagabag sa kaniyang isipan. “Ano ang inyong natutunan, Mahal kong mga prinsipe?” tanong ni Reyna Alea sa kaniyang mga anak na lalaki. Ibinaba ni Prinsipe Klaix ang kaniyang baso. “Sa asignatura namin sa pakikipaglaban ay mas paborito ako ng aming maestro,” sagot nito sa kaniyang ina. Binato ni Prinsipe Hemox ng ubas ang kaniyang kapatid. “Kung sa patalinuhan naman ay mas lamang ako kaysa sa inyo,” sagot ni Hemox. “Kasinungalingan ang inyong mga sinasabi sapagkat mas lamang ako at matalino kaysa sa inyong dalawa. Mas magaling ako sa parehas na asignatura,” hindi nagpapatalo na sabi ni Prinsipe Franser. Sa kanilang pagtatalo ay napatawa sa kanila ang Reyna. Habang si Haring Cimon ay napangiti na lang nang tipid. Isang bagay ang bumabagabag sa kaniyang isipan. “Ang aking mga prinsipe ay sadyang manang mana sa kaniyang ama. Hindi nagpapatalo at sobrang mayabang,” may pang-aasar sa boses na sambit ng Reyna. Umiling ang Hari ngunit kalaunan ay tumawa na rin. Uminom muna siya sa kaniyang kopita bago siya nagsalita. “Ngunit sa gan’yang paraan lang naman, sa simpleng mga bagay lang at hindi sa aspetong pamumuno, Mahal kong reyna.” Kumindat ang Hari sa kaniyang Reyna kaya napaiwas nang tingin ang dalawang Prinsipe habang si Prinsipe Franser naman ay napailing na lang sa nakita. Mga binata na sila ngunit hindi pa rin sila nasasanay sa matatamis na salitaan at ginagawa ng kanilang magulang. “May isa pa silang namana sa iyo,” natatawang sabi ni Reyna Alea. “At ano iyon, Mahal ko?” natatawang tanong ni Haring Cimon. “Kagwapuhan,” sagot ng Reyna habang tumatawa. “Sadyang magaganda kaming lalaki,” nagmamalaking sabi ni Prinsipe Klaix. “Hilig niyo talagang magbuhat ng sariling bangko,” nakangiti na sabi ng Reyna, “Katulad ng iyong mga anak,” dugtong niya habang tumitingin sa Hari. “Anak natin, mahal ko,” pagtatama ni Haring Cimon sa kaniyang kabiyak. “Amang hari, may katanungan lamang ako,” biglang paniningit ni Prinsipe Hemox. Napatingin si Haring Cimon sa Prinsipe. Pati si Reyna Azea ay napatingin din sa anak. “Ano ang iyong nais itanong sa akin?” Kumunot ang noo ng Hari dahil sa kuryosidad. “Bakit po ipinalipat niyo ang lahat ng mag-aaral sa paaralan ng Noris?” tanong ni Prinsipe Hemox sa kaniyang ama. Ang lumang paaralan ay maliit at hindi kayang magpapasok ng maraming mag-aaral na bampira. Maliit na ngiti ang sumilay sa mukha ng hari. Isa lang ang dahilan kung bakit niya panandalian na pinalipat ang lahat sa kabilang paaralan. “Nagpagawa ako ng bagong paaralan sa katimugang bahagi sa kaharian natin. Mas malaki ito at mas maganda. Sa susunod na buwan lang ay tapos na ito,” sagot ni Haring Cimon sa anak. Napalingon ang hari sa kinauupuan ni Prinsesa Azalea at nakita niyang tulala itong nakatingin sa pinggan. Nawala ang ngiti sa kaniyang mukha dahil sa pag-aalala para sa kaniyang munting prinsesa. “Inilihim mo po ba sa ating nasasakupan ang pagpapatayo ng bagong paaralan?” tanong ni Prinsipe Franser kaya napalingon siya sa anak. “Oo, sapagkat gusto kong maging sorpresa ito para sa lahat, at pati na rin sa ibang kaharian. Kung hindi man kayang tanggapin ng ibang kaharian ang kanilang mag-aaral kung sakaling puno na sila ng mga estudyante, handa kong hayaan silang makapasok sa paaralan ng Kingdom of Azalea,” salaysay ng hari. Nais niyang mapaunlad at mapaganda ang pagkakaroon nang maayos na paaralan para sa mga mag-aaral sa kaniyang nasasakupan. Kung may mga pumasok man na mga mag-aaral galing sa ibang kaharian ay tatanggapin ito ng Hari. “Hindi po ba't mapanganib at mahiwaga ang kagubatan sa katimugan?” nalilitong tanong ni Prinsipe Franser. Umiling ang hari sa sinabi ng kaniyang anak. “Walang katotohanan ang bagay na iyon sapagkat panakot lang ito sa mga mamamayan,” sambit niya. Inilagay ni Prinsipe Franser ang kaniyang siko sa ibabaw ng lamesa, at ipinatong niya ang kaniyang baba sa kaniyang kamay. “Nakasulat po sa libro ng kasaysayan na mapanganib ito at hindi dapat puntahan,” wika niya pa. Nabasa niya ito sa tatlong libro. Nais iparating ng mga librong iyon na lubhang mapanganib ang pagpasok sa kagubatan na iyon. Mahilig magbasa ng libro ang Prinsipe Franser kaya marami itong nalalaman. “Nasuyod na namin ang kagubatan bago pa kami makapagpatayo ng paaralan. Wala namang kakaiba sa kagubatan sa makatutal nga ay mas maganda iyon kaysa sa kagubatan ng Enquilar,” pagkukumpara niya sa dalawang sikat na kagubatan. Maraming gubat sa mundo ng Kosmos Vampir ngunit ang iba ay hindi pa napupuntahan, at ang iba ay hindi pa natutuklasan. “Ang paaralan ay sobrang laki at lawak. Kung kaligtasan ang hanap ay tanging doon niyo ito matatagpuan,” makahulugang sabi ni Haring Cimon kaya napatingin sa kaniya ang mga anak. Kumunot naman ang noo ni Reyna Alea dahil sa sinabi ng asawa. “Ligtas naman sa palasyo,” tumatawang sabi ni Prinsipe Hemox. “Ang paaralan na iyon ay matagal kong pinagplanuhan,” wika ni Haring Cimon. “Magandang plano po ang pagpapagawa niyo ng paaralan na iyon, Amang hari.” Tumingin si Prinsipe Franser sa ama niya at ngumiti. Sa pag-ayos niya ng pagkakaupo ay napalingon siya kay Prinsesa Azalea. Napansin niya ang pagiging tahimik ng kanilang kapatid na bunso. Isang himala kung maituturing na tahimik ito dahil likas itong maingay, at makulit. Nakakapanibago para sa kaniya. “Bago ko nga pala makalimutan…” “Handa po kaming makinig sa iyong kautusan, Amang hari.” Nakatuwid si Prinsipe Hemox sa kaniyang pag-upo. “Prinsipe Klaix, nais kong magpatrolya ka sa ating kaharian sa susunod na pagsilay ng ikatlong buwan,” bilin ng hari sa kaniyang panganay na anak. Lumingon si Haring Cimon kay Prinsipe Hemox. Seryoso ang mukha ng prinsipe habang naghihintay sa bilin na sasabihin ng kaniyang ama. “Prinsipe Hemox, ipapadala kita sa paaralan sa timog upang malaman ang progreso nito.” Tumango si Prinsipe Hemox sa sinabi ng kaniyang ama. “Kailan po ang alis ko?” tanong ni Prinsipe Hemox. “Sa isang araw,” mabilis na sagot niya sa anak na laging seryoso at minsan lang tumawa. “Hanggang kailan po ako roon?” sunod na tanong ni Prinsipe Hemox sa ama. “Magpapadala ako ng sulat sa mensahero kung kailan kita nais pauwiin,” ani Haring Cimon. “Amang hari, sa akin po ba ay wala kang nais ipagawa?” biglang singit ni Prinsipe Franser sa kanilang usapan. “Mabuti at naitanong mo, aking prinsipe.” Ngumisi ang hari dahil akala nito ay nalimutan na siya. “Ako po’y tinatamad,” biglang bawi at pagdadahilan ni Prinsipe Franser. Nagtawanan ang lahat sa sinabi ng Prinsipe ngunit nanatili naman na tahimik si Prinsesa Azalea. “Walang prinsipeng tamad,” madiin na sabi ni Haring Cimon ngunit kalaunan ay napatawa na lang din. “Ampon po ba siya, Inang Reyna?” nang-aasar na tanong ni Prinsipe Klaix. “Hindi ako ampon!” tanggi ni Prinsipe Franser. “Hindi nga siya ampon pero nagmana lang talaga siya sa inyong ama. Medyo tamad,” nagtatawang sabi ng Reyna. “Bakit laging sa akin?” tanong ni Haring Cimon habang nagpapailing. “Dahil ikaw ang ama nila,” sabi ng Reyna, “Lahat ng negatibong ugali ay sa’yo galing.” Nagtawanan ang mga ito ngunit katulad noong una ay tahimik lang si Prinsesa Azalea. “Oh, siya nga at mabalik tayo sa usapan. Nais kong pumunta ka sa timog kanlurang bahagi ng kaharian at tignan mo ang ginagawang barko ng mga ating mangagawa,” bilin niya sa anak na walang ginawa kundi ang magsalita at palayuin ang usapan. “Ako po sana ay matutuwa na dahil wala kang utos sa akin,” sabi ni Franser. “Barko po?” tanong ni Prinsipe Klaix. “Sasakyang pandagat,” sagot ng hari sa anak habang tinitingnan ang nakakunot na noo ng kaniyang anak. “Isang sasakyang pandagat? Amang hari, saan mo po nakuha ang ideyang iyon?” tanong ni Prinsipe Hemox sa ama. Muling naalala ng hari ang mga nabasa niya. “Sa mga librong napulot ni Ama sa silangang bahagi ng kaharian natin. Hindi ko alam kung saan ito galing ngunit may nakasulat na lugar kung saan ito nilimbag.” “Saan po, Amang hari?” naghihintay na tanong ni Prinsipe Klaix. “Sa hindi pamilyar na lugar. Ito ay ang Pilipinas. Mahiwagang maituturing na katulad ng lengguwahe natin ang kanilang salita,” pagbibigay alam niya sa mga anak. “Hindi po ba at may iba pa ring mga libro na nakita ang Lolo sa Silangan? Ang librong may mga kakaibang salita,” napapaisip na sabi ni Hemox. “Ang diksyonaryong ingles.” Sagot sa kanila ng Reyna. Lumingon siya sa anak na babae at nanibago rin siya sa kaniyang napapansin sa anak. Hindi pa nagsasalita ang prinsesa mula kanina. “Unti-unti na pong itinuturo sa amin ang ganoong salita,” natutuwang sabi ni Prinsipe Franser. “Pati sa mga paaralan sa ibang kaharian,” segunda naman ni Prinsipe Hemox. Ang isang pirasong libro ng diksyunaryo ng ingles ay ginawan ng maraming kopya upang ipakalat sa iba’t ibang lugar sa Kosmos Vampir. “Sa palagay ko po ay ito ang mga naitagong plano ng mga ninuno natin para mapaunlad ang Kosmos Vampir,” tumango na lang si Haring Cimon sa sinabi ni Prinsipe Klaix. “Marahil iyon nga ang totoo,” tanging sagot ni Reyna Alea. “Kailan nga po pala ang aking alis?” tanong ni Prinsipe Franser. “Sa isang araw, at katulad ni Prinsipe Hemox ay susulatan na lang kita kung kailan ka babalik sa palasyo.” “Masusunod po ang lahat ng iyong inutos, Mahal na hari,” sabay sabay na sabi ng tatlong prinsipe. “Aking mahal, bakit tila ba pinapalayo mo ang ating mga anak?” tanong ng Reyna na para bang nagtatampo. “Nais ko lang silang maging pamilyar sa ating nasasakupan,” wika ni Haring Cimon. “Ngunit malayo ang kanilang pupuntahan, aabutin ng apat na buwan o isang taon ang kanilang paglalakbay,” nag-aalala na sabi ng Reyna. Sobrang lawak ng kanilang lupang nasasakupan. Ang tanging gamit sa paglalakbay ay kabayo o kaya pwede ring lagyan ng karwahe. “Malayo man ngunit ligtas,” sambit ng hari sa kaniyang kabiyak at tipid siyang ngumiti. Napatingin ang hari sa kaniyang bunsong anak na babae at pagkatapos ay napabuntong hininga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD