Isang anino ang biglang lumitaw sa bilangguan. Hindi ito napansin ng mga Guwardiya-Sibil kaya mabilis nitong binuksan ang tarangkahan ng kulungan. Dali-dali rin itong pumasok sa loob at nagmasid kung sino ang nakabilanggo.
"Ginoo. . ., ginoo gumising po kayo!" Isang malamig na tinig ang nadinig niya at kasabay naman ang pagtapik sa kaniyang braso.
Naaninag niya agad ang mukha ng isang lalaki sa kaniyang harapan. Gusgusin ito, may matipunong pangangatawan at balbasarado. Nakasuot ang lalaki ng damit na may mahabang manggas. May dala itong isang basong tubig na nakalagay sa kawayan at kamote na nakalagay naman sa isang kahoy na plato na agad na iniabot sa kaniya. Tinulungan pa nito siyang makabangon mula sa pagkakahandusay niya sa maruming lapag na kaniyang pinaghigaan.
"S-sino po kayo?" usisa niya sa lalaki.
"Ginoo, hindi mo na ba ako natatandaan? Isa ako sa mga taong iniligtas mo dati sa pamamaril ng mga kastila. Kayo po ang dahilan kung bakit buhay ako ngayon," sagot naman ng lalaki.
"H-huh? M-mali po kayo. H-hindi po ako ang tinutukoy mo." Napailing-iling siya sa kaniyang ulo.
"Ginoo, ipapaalam ko po sa buong samahan ang pagkakadakip sa'yo. Natitiyak kong malapit ng pumutok ang himagsikan sa buong bansa. Tiyak makakatakas po kayo rito," wika pa ng lalaki.
"Huh?" singit pa niya ngunit hindi na siya pinasalita pa ng lalaki.
"Ginoo, huwag na po kayong mag-isip pa. Makakaasa kayo. Itatakas namin kayo rito sa darating na araw. Kailangan ko na pong magmadali sapagkat baka magsipagdatingan ang mga Guwardiya-Sibil na nagbabantay sa'yo," nagmamadaling sagot ng lalaki.
Agad namang naglaho sa dilim ang lalaki at kasabay naman ang pagdatingan ng mga Guwardiya-Sibil na nagbabantay sa bilangguan niya. May dala silang lampara kaya madali siyang nakita ng mga ito. Noo'y nakaupo siya sa isang sulok.
"Sino ang kausap mo? Ano 'yan!?" tanong ng mga ito.
Nakita ng mga Guwardiya-Sibil ang kawayan na pinaglagyan ng tubig. Pati na rin ang plato na gawa sa kahoy na pinaglagyan naman ng kamote sa tabi niya kaya agad na pumasok ang mga ito sa loob ng kulungan.
"Sino ang nagbigay sa'yo ng mga ito!?" nagtatakang tanong ng isa sa mga Guwardiya-Sibil na nakakita sa kaniya.
Noo'y hindi siya umimik at nanatiling nakayuko lamang dahilan upang mainis at mag-amok sa galit ang mga Guwardiya-Sibil. Hinila siya ng mga ito patayo at ipinasandal siya sa pader ng kulungan.
"Hindi ka talaga magsasalita kung sino ang nagbigay sa'yo ng mga ito?" inis na usisa ng isa sa mga Guwardiya-Sibil. Ngunit hindi pa rin siya nagsalita.
"Aba'y matigas ka talaga ha! Tingnan natin kung matigas 'yang likod mo!" Agad siyang pinagpalit-palitan ng hampas ng latigo sa kaniyang likuran. Hindi siya tinigilan ng mga ito hanggat hindi siya lumuhod at humandusay sa lapag. Gumuhit agad sa likod niya ang mga dugo. Tanging sugat ang iniwan ng mga Guwardiya-Sibil sa kaniya bago sila tumigil at lumabas sa bilangguan.
Agad siyang namilipit sa sakit na kaniyang nadarama. Tila'y isa siyang daga na gumagapang-gapang sa lapag. Hanggat sa makarating siya sa isang sulok ng kulungan. May maliliit na rehas kasi ang kulungan kaya makikita ang mga nangyayari sa labas nito. Bahagya siyang sumilip sa rehas upang lumanghap ng sariwang hangin. Payapaya ang paligid wala nang namumuong sama ng panahon ng gabing ito. Napapaisip siya sa mga nangyayari sa kaniya ngayon dahil hindi pa rin siya makapaniwala kung bakit nangyayari sa kaniya ang ganito.
"N-nasaan na kaya ako ngayon? Hindi ko sila kilala pero bakit nila ako ginaganito? Wala naman akong kasalanan sa mga sinasabi nila? Bakit nila ako ikinulong dito? Bakit ganoon ang kanilang mga pustura? Nasa sinaunang panahon ba ako? Nanaginip ba ako?" napakaraming katanungan ang sumasagi sa isipan niya. Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok at patuloy pa rin siya sa pagmumuni-muni ng mga nangyayari sa kaniya.
Maya-maya pa'y bumalik muli siya sa lapag at nakita niyang muli ang plato at baso na ibinigay sa kaniya ng hindi pa niya nakikilalang lalaki.
"S-Sino kaya ang lalaking 'yon? Bakit parang kilalang-kilala na niya ako? Bakit niya ako binigyan ng pagkain at tubig?" nagtatakang tanong niya.
Agad niyang kinuha ang plato na gawa sa kahoy ngunit wala na itong lamang pagkain dahil natapon na matapos kunin ng mga Guwardiya-Sibil. Kakaiba ang platong ibinigay sa kaniya ng lalaki dahil gawa nga ito sa kahoy. Napalilibutan ito ng iba't ibang desinyo. Mga bulaklak ng sampaguita ang nakaukit palibot sa gilid ng plato. Pinagmasdan niyang mabuti ang plato ngunit nanlaki ang mga mata niya nang maiangat niya ang plato, may nakatuping papel doon.
Isang liham. Nang buksan niya ay bahagya siyang nag-alangan na basahin dahil ayon sa pintutukuyan ng pangalan ay hindi ito para sa kanya. Pero dala ng pagkabalisa dahil sa kasalukuyang sitwasyon, hindi niya napigilan ang sariling basahin lalo na nang mapansin ang petsang nakasaad sa liham.
"Ika-5 ng Agosto, 1896?" Pagtataka niyang bulong sa sarili.
Saglit niyang tiningnan ang mga nasa paligid, bago pinagpatuloy ang pagbasa sa nilalaman ng liham.
"Mahal na Kapitan?" Patanong ang tono niya sa unang linya ng liham. "Ipagpaumahin po ninyo kung huli naming nabalitaan ang pagkakadakip sa iyo. Huwag na po kayong mag-alala sapagkat lumaki na po ang mga hanay ng samahan natin sa buong bayan at patuloy pa rin ang pag-usad nito sa kasalukuyan. Sa mga darating na araw itatakas po namin kayo riyan. Makakaasa po kayo."
Napakunot ang noo niya, pero mabilis ding pinukaw ng ingay na parating. Nagmadali siyang itago ang liham nang maramdaman ang nagro-rondang guardia sibil.
Wala siyang nakitang pangalan kung sino ang nagsulat ng liham na iyon. Ngunit laki pa rin ang pagtataka niya kung bakit may liham ang plato, ibigsabihin ay para talaga ito sa kaniya? Isa pa sa kaniyang pinagtataka ay kung bakit ganoon ang araw, buwan at taon ng liham na isinulat para sa kaniya. Sobrang sumasakit na naman ang kaniyang ulo sa mga nangyayari. Nagtitilaukan na ang mga manok nang siya ay dalawin ng antok at muling makabalik sa pagkakatulog sa lapag.