Kabanata 2: Paghuhukom

1589 Words
"Hindi ka pa ba matutulog anak? Gabing-gabi na ah? Inumin mo 'yang gatas mo para makatulog ka ng maayos. Ano ba 'yang ginagawa mo?" nag-aalalang usisa ng kaniyang Ina habang nakadungaw ito sa pintuan ng kaniyang kuwarto. Agad din itong pumasok sa loob ng kaniyang silid upang ilapag ang tinempla nitong gatas sa mesa niya. Napalingon naman siya sa narinig niyang boses. Nakita niya ang maamong mukha ng kaniyang Ina. Walang anu-ano'y napakamot na lamang siya sa kaniyang ulo. "Ito po ba? Tinatapos ko lang ho 'yung Assignment namin sa Filipino. Bukas na po kasi ito ipapasa e, kaya kailangan kong tapusin," mahinahon niyang sagot at muling ibinalik ang tingin sa kaniyang ginagawa. "Sige, basta matulog ka ng maaga ha? Huwag kang magpupuyat, maaga pa ang pasok mo bukas. Tsaka inumin mo muna 'yang gatas mo bago ka matulog," sagot ng nag-aalala niyang Ina. Dahan-dahan nitong hinawakan ang pinto ng kaniyang kuwarto upang isara. Pinatay na rin nito ang ilaw sa labas. "Nakakainis naman kasi 'to, ang hirap-hirap! Grabe naman kasi magpagawa si Ma'am. Paano ko kaya matatapos ang mga ito? Tapos hindi pa tumutulong ang mga tamad ko ring ka-grupo, asar! Bukas ko na lang kaya ito gagawin? Bahala sila! Inaantok na ako!" inis na pagmamaktol niya. Iniligpit na niya ang kaniyang mga gamit at tangkang ipapasok na niya ang mga ito sa kaniyang bag nang mapansin niyang nawawala ito. "Saan naman napunta ang bag ko!? Parang kanina dito lang 'yon ah. Hoy may multo ba rito!? Wag n'yo itago ang bag ko mahal ang pagkakabili ko riyan!" wika niya at inikot-ikot ang tingin sa paligid. Dumapa siya para siyasatin ang ilalim ng kaniyang mesa dahil nagbabakasakali'y siyang na naroon ang bag niya ngunit bigo siyang makita roon. "B'wesit naman, saan na kaya ang bag ko ah!?" inis na tanong niya sa kaniyang sarili sabay hawak at kamot sa mabuhaghag niyang buhok. "Ah alam ko na!" Dumapa muli siya para silipin ang ilalim ng kaniyang kama at laking tuwa niya nang makita niya roon ang kaniyang bag. "Langya ka! Dito ka lang pala! Pinahirapan mo pa ako e." Dumapa siya para abutin ito ngunit may nahawakan siyang kakaibang bagay. Magaspang--bilog at punong-puno ng alikabok. Kinuha niya ito para alamin kung ano ang kakaibang bagay na kaniyang nahawakan. "Langya! O-Orasan? Saan galing ang lumang orasang ito? Sa pagkakaalam ko wala kaming gan'tong orasan?" Napatanong na lamang siya sa kaniyang sarili at napasuklay sa mabuhaghag niyang buhok. Tiningnan niyang mabuti ang lumang orasang kaniyang nakita. Kumuha siya ng labahang damit at ito ang pinangpunas niya para maalis ang alikabok sa orasan. "Tekaaa, kakaiba ang orasang ito ah? Ang bigat-bigat. At ano 'tong mga nakasulat sa loob? Langya. Kainis hindi ko mabasa. Kakaibang sulat. Ngayon lang ako nakakita ng gan'tong orasang kahoy. Tekaaaa, hindi naman gumagana pero may pihitan? Iba rin ah," wika pa niya na patuloy na sinisiyasat ang orasan. Noo'y sinubukan niyang pihitin ang bilog na pihitan ng orasan ngunit bigo siya dahil matigas ito. Pinihit pa niya ito nang pinihit hanggang sa naikot din niya ang pihitan ng orasan. Ngunit hindi pa rin ito tumatakbo kaya inalog-alog pa niya ito nang paulit-ulit. Maya-maya pa'y umandar din ang orasan ngunit napagulantang siya nang makita niyang tumatakbo ang orasan pabalik nang pabalik. Mabilis ang pag-ikot nito na hindi kayang sabayang ng kaniyang mga mata. Ilang saglit pa'y tumigil din sa pag-ikot ang orasan. Muli niya itong inalog ngunit hindi na umikot pa. "Grabeeee. Kakaiba ang orasang 'to. Umiikot nang pabalik? Ayy, itatago ko pala 'to at bukas ko ipapakita kay Mama para makita n'ya rin. Saan kaya galing ang orasang 'to ah?" nagtatakang tanong pa niya sa kaniyang sarili. Noo'y itinabi na niya ang lumang orasang kaniyang nakita. Pinatay na rin niya ang ilaw sa loob ng kaniyang kuwarto dahilan upang magsimulang kainin ng dilim ang buong paligid. Umalingangaw ang katahimikan. Tanging lamp shade na lamang ang nagbibigay liwanag sa buong kuwarto niya. Akmang pahiga na sana siya ng marinig niya ang malakas na kalabog galing sa pinto ng kaniyang kuwarto. "Teka ano 'yon!? May tao ba riyan? Ma-a? Ikaw ba 'yan?" nagtatakang tanong niya. Napansin din niya ang ningas ng ilaw sa labas kaya takang-taka niyang nilapitan ang pinto para alamin. Dahan-dahan muna niyang binuksan ang pinto upang silipin kung sino ang sa labas, ngunit sa pagbukas niya sa pinto ay isang malakas na suntok ang agad na dumapo sa kaniyang mukha. Sinundan agad ito ng isa pang suntok sa sikmura niya dahilan upang siya'y mapaluhod. Biglang nanlabo ang paningin niya ngunit naaninag agad niya ang isang matipunong lalaki. May hawak itong baril na agad itinutok sa duguan niyang nuo. Dahan-dahan niyang itinaas ang kaniyang mga kamay upang magmakaawa. "S-sino po kayo? A-ano pong kasalanan ko sa inyo?" nagmamakaawang tanong niya sa lalaki. "Dakpin at gapusin ang tulisang ito bago pa man tayo matakasang muli!" wika ng matipunong lalaking kaniyang nakita. Agad na lumitaw ang lima pang lalaki mula sa likuran ng matipunong lalaki. Lahat sila'y armado ng baril at gulok. Agad siyang tinalian ng mga ito ng lubid ngunit nagpumiglas siya at pinilit niyang kumawala. Kaya muli siyang sinuntok ng isa pang lalaki sa sikmura. Napaluhod muli siya at nakaramdam na nang panghihina. Nanlabo na rin ng tuluyan ang kaniyang paningin dahilan upang hindi na niya makita pa ang mga lalaki. Ngunit dinig na dinig pa niya ang mga pinag-uusapan ng mga ito. "Heneral, saan po natin dadalhin ang tulisang 'yan?" usisa ng isang lalaki. "Sa San Ebastian. Sa kuwartel sapagkat lilitisin siya bukas sa pagbubukang liwayway," tugon ng lalaking unang sumuntok sa kaniya. "Vasquez?" "Heneral?" wika pa ng isang lalaki. "Magpadala ka ng sulat sa mga taga Sta. Mesa Ibalita mo sa buong bayan ang pagkakadakip natin sa tulisang ito. Ipaalam mo rin sa mga padre at kumandante ang nangyari ngayong gabi. Magmadali ka!" utos pa nito. "Masusunod po Heneral," sagot naman ng lalaki at mabilis na sumakay sa isang kabayo. "Santiago!" "Heneral?" "Isakay ito sa karitela dadal'hin natin siya sa kuwartel ngayong gabi," wika pa ng Heneral na tinutukoy nila. Dali-dali siyang hinila ng mga ito papunta sa karitela at agad siyang ipinasok ng mga ito sa loob. Magbubukang liwayway na nang marating nga nila ang San Ebastian ang lugar na binabanggit ng lalaki bago siya hulihin ng mga ito. May nabanggit pa ito na ito raw ang lugar kung saan ginaganap ang paghuhukom sa mga tulisan at mga taong kumakalaban sa pamahalaang España. Noo'y bumigat ang mga ulap at umihip ang malakas na hangin. Nagbabadya ang isang malakas na ulan nang marating nila ang nasabing lugar. Pahirapan ang pagpasok ng karitelang kanilang sinasakyan papunta sa kuwartel dahil bumabaon ang bawat mga gulong nito sa putek. Sumalubong agad sa kanila ang isang lalaking nakasuot ng kasuotang kulay itim na may mahabang manggas at balbasarado. May kasama pa itong dalawang tagasunod. "Padre Lusyo, nariyan na ho ba ang lahat?" tanong ng lalaking sumuntok sa kaniya. "Nariyan na lahat. Siya na ba Heneral?" "Oo siya na nga," tugon naman ng Heneral. "Humayo na tayo sa sulob ng kuwartel," wika ng padreng tinutukoy ng Heneral. Agad siyang ipinasok ng mga ito sa loob ng isang silid. Duguan siyang iniupo sa isang silyang kahoy. Nanlalabo pa rin ng kaunti ang kaniyang paningin ngunit naaaninag na niya ang mga mukha ng tao sa silid at ang mga nangyayari roon. Nakita niya ang isang lalaki sa kaniyang harapan, may kinuha itong sulat mula sa sobre at agad din itong nagsimulang magsalita. "Sa ngalan ng bansang España at sa mga bansang nasa ilalim nito tulad ng Las Islas Filipinas. Ikaw ay naakusahan ng habang buhay na pagkakabilanggo, sa salang pagnanakaw, pagpaslang sa mga Guwardiya-Sibil at pakikilahok sa mga aktibistang may tunguhing ipabagsak ang pamahalaang España rito sa Las Islas Filipinas. Agad na ipinag-uutos ng hari ng España na ikaw ay dakpin at ibilanggo rito upang pagbayaran ang kasalanang iyong mga nagawa," wika ng lalaki sa kaniyang harapan. Makikita sa mukha niya ang pagtataka sa mga pinagsasabi ng lalaki sa kaniyang harapan. Gumuhit agad ang malamig na mga luha sa duguan niyang mukha. "Mahal na Gobernador-Heneral, hayaan po natin siyang makapagsalita ng kan'yang mga hinanaing," wika pa ng isang lalaki sa kaniyang harapan. Pilit niyag ibinuka ang kaniyang bibig upang makapagsalita. "H-hindi ko po alam ang mga pinagsasabi n'yo. H-hindi ko po kayo kilala. I-uwi n'yo na ako sa amin, pa-parang awa n'yo na," wika niya. Tumutol agad ang lalaki sa kaniyang mga naging pahayag. "Hangal! Nagsisinungaling s'ya! Lahat kayo'y saksi ngayon sa mga kasinungalingang pinagsasabi n'ya. Batid ng mga naririto ang mga kasalanang iyong ginawa, kaya paano mo nasasabi ang mga 'yan? Isa ka nga talagang Indio. Mangmang! Guwardiya ikulong ang tulisang 'yan!" utos ng lalaki sa kaniyang harapan. Agad naman na inilabas siya ng mga Guwardiya-Sibil sa silid at ipinasok sa loob ng isang madilim na bilangguan. Puro huni at kaluskos lamang ng mga daga ang naririnig niya sa bilangguang pinaglagyan sa kaniya. Namumutawi pa rin sa kaniyang mukha ang mga luha sapagkat gulong-gulo siya sa mga nangyayari. Dati rati'y papasok lamang sa eskwela at mga tambak na labahin ang kaniyang pinoproblema pero hito na siya ngayon, nakalugmok sa isang maruming lapag dahil napalilibutan ng mga dumi ng daga't ipis ang kulungan. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin ng gabing 'yon kaya hindi niya namalayan na nakatulog na siya sa maruming lapag ng bilangguang pinaglagyan sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD