Kasalukuyan nang kinakain ng dilim ang buong paligid nang makarating sina Mayumi at Ama nito sa San Sebastian. Huminto muna sila sa kuwartel dahil hinarangan sila ng mga Guwardiya-Sibil.
"Heneral, may masamang balita po," wika ng isang Guwardiya na nagmula sa loob ng kuwartel. Nagmamadali itong lumabas upang lapitan sila.
"A-anong masamang balita ang iyong sinasabi? Bakit kayo humaharang sa daan namin?" nagtatakang tanong ng kaniyang Ama. Napababa na ito sa kabayo upang kausapin ang Guwardiya.
"Si Guevara po'y natagpuang wala ng buhay habang palutang-lutang sa ilog," nahihingal na tugon ng lalaki.
"Sandali, a-anong wala ng buhay? Kasama namin siya kanina p-paano nangyari iyon!?
"Nakita po siya kanina ng isang mangingisda. Ginilitan siya ng leeg, Heneral."
"Hindi maaari! Umihi lang siya kanina't paano nangyari iyon?" nagtatakang tanong pa ng kaniya Ama."Nasaan na ang bangkay niya?"
"Nariyan po sa loob ng kuwartel Heneral. Kailangan po kayong sumama sa amin sapagkat pinatatawag din kayo ng Gobernador Heneral," tugon ng Guwardiya. Nagmamadali na itong tumalikod at agad na naglakad patungo sa loob ng kuwartel.
"Sandali," sambit ng kaniyang Ama. Napalakad ito patungo sa karwaheng sinasakyan nina Mayumi.
"Itang a-ano pong nangyari?" nagtatakang tanong ni Mayumi sa kaniyang Ama.
"May unting kaguluhan lang ngunit maayos din ito," tugon ng kaniyang Ama, sabay tingin sa mukha ni Diego ang nagmamaneho ng karwaheng sinasakyan niya.
"Diego, ihatid mo na si Mayumi sa Mansyon. Magsama ka ng ilang Guwardiya susunod na lamang ako."
"Opo Heneral," tugon ni Diego at dali-daling tiningnan si Mayumi."Humayo na po tayo Señorita."
Agad nitong pinatakbo ang karitelang kanilang sinasakyan. Sumunod sa kanila ang dalawa pang Guwardiya-Sibil na pawang nakasakay sa kabayo.
Pumasok na sa loob si Heneral Cuenco kasama ang pa ang iilang mga Guwardiya-Sibil na kasama nito.
"A-ano bang nangyayari?" nagtatakang tanong ni Mayumi kay Diego.
"Hindi ko po alam Señorita, ngunit nadinig ko ho ang pinag-uusapan nila kanina. Patay na po si Guevara," tugon ng lalaki.
"S-sinong Guevara? Yaong Guwardiya na umihi kanina sa kakahuyan?"
"Opo siya nga."
Hindi makapaniwala si Mayumi sa mga sinabi ni Diego. Kakikita lang kasi niya sa lalaki kanina sa kakahuyan habang umiihi ito. Lalong gumulo ang kaniyang isipan sa mga nangyayari. Kanina lamang din ay namatay ang kaniyang Lolo Goryo ngayon naman ay ang Guwardiya ng kaniyang Ama. Bigla na lamang naalala niya ang bangkay ng kaniyang Lolo. Kasama pala niya ito ngayon sa karitelang kanilang sinasakyan.
"Señorita ano pong iniisip n'yo?" magtatakang tanong ni Diego sa kaniya dahil napapansin nitong kanina pa siyang nakatulala.
"Iniisip ko lang ang mga nangyayari. Kanina lamang nang mamatay si Lolo Goryo. Tapos sinundan ng pananalakay ng mga tulisan. At ito ngayon ang pagkasawi pa ng isang Guwardiya," nakayukong tugon ni Mayumi. Hinawakan niya ang kaniyang ulo dahil kumikirot nanaman ito.
"Sumasakit po ba ang ulo n'yo?" nag-aalalang tanong ni Diego. Hahawakan na sana niyo ang kaniyang ulo ngunit tinapik niya ang kamay nito.
"Mabuti pa ako. Huwag ka nang mag-alala. Ang mabuti pa'y magmadali na tayo upang makapagpahinga na ako," tugon niya at iginala niya ang kaniyang tingin sa kanilang mga nadaraanan.
Pinagmamasdan niya ngayon ang mga nagtataasang puno ng niyog sa gilid ng daan. May mga iilang batang naglalaro roon kaya biglang gumuhit ang ngiti sa kaniyang mukha. Parang nakikita kasi niya ang kaniyang sarili sa mga batang iyon. Para bang binabalik siya sa pagkabata habang pinagmamasdan niya ang mga ito. Mga ilang sandali pa ay muli rin niyang binalik ang kaniyang tingin sa kaniyang Lolo Goryo. Batid niyang malamig na ito kaya biglang nag-iba ang itsura ng kaniyang mukha.
"Kung nasaan ka man naroroon ngayon nawa'y maging maligaya ka na. Diyos ko po ingatan n'yo siya," aniya at napapikit na lang siya bigla."Hindi ako nagsisisi na ikaw ang aking naging Lolo. Napakabuti mo."
Biglang namuo ang mga luha niya sa mata kaya agad niya itong pinunasan ng kaniyang mga palad.
Maya-maya pa ay natanaw na niya ang kanilang Mansyon. Malapit-lapit na pala sila sa kanilang bahay at sa wakas makapagpapahinga na siya. Dali-dali na niyang pinunasan ang mga natitirang luha sa kaniyang mukha.
"Señorita, malapit na po tayo," wika ni Diego habang tutok ito sa pagtingin sa kanilang nadaraanan.
Napatango-tango na lamang siya at muli niyang tingnan ang bangkay ng kaniyang Lolo nang biglang niyang maalala ang kuwentas na ibinigay nito.
"Nasaan na iyon?" nagtatakang tanong sa kaniyang isipan. Tila hindi niya maalala kung nasaan niya itinago ang kuwentas na bigay ng matanda sa kaniya.
Hinawakan niya ang kaniyang leeg para tingnan kung naroon ang kuwentas. Buti na lamang naisuot niya ito. Hindi madaling makita ang kuwentas dahil natatakpan ito ng makakapal at mahahaba niyang buhok.
Tiningnan niya si Santiago para alamin kung nakatingin pa rin din ito sa kaniya ngunit nakatuon pala ang atensyon nito sa kanilang nadaraanan. Naaalala muli ni Mayumi ang sinabi ng kaniyang Lolo Goryo.
"Hanggang ngayo'y hindi ko maintindihan ang sinabi ni Lolo. Makapupunta ako sa kasalukuyang panahon gamit ang orasang ito? Ano ang ibig niyang sabihin?"
Noo'y takang-taka siya sa sinabi ng kaniyang Lolo. Pinagtataka pa niya kung bakit nagkaroon ang matanda ng orasang ganoon datapwat wala namang naikukuwento sa kaniya tungkol dito. Huminto na ang karwaheng kanilang sinasakyan sa tapat ng kanilang Mansyon.
"Señorita, narito na ho tayo," wika ni Santiago, at naunang bumaba sa karitela.
"Bumaba na po kayo señorita. Ibig n'yo ho bang alalayan ko kayong bumaba?" Hahawakan na sana ni Santiago ang mga kamay ni Mayumi ngunit tumanggi ang babae.
"Salamat ngunit kaya ko na ang aking sarili," tugon niya na bumaba mag-isa sa karwahe.
Nakita naman niya si Deday dahil dali-dali itong lumapit sa kanilang kinatatayuan. Nabakas agad niya sa mga mata ng babae ang pag-aalala
"Señorita, ayos lang ho ba kayo? Ang gulo na ng buhok n'yo napano po ba kayo?" nag-aalalang wika ni Deday.
Hinawakan nito buhok niya at kinilatis ito ng mabuti. Agad na gumuhit ang ngiti niya sa mukha dahil ganoon na lamang mag-alala sa kaniya ang babae. Niyakap niya nang mahigpit si Deday dahil buong araw rin silang hindi nagkita nito.
"Señorita, hindi ako mapakali rito kanina. Inakala ko ho kasi na may nangyaring masama sa iyo." Sambit ng babae habang hinihimas ang mahahaba niyang buhok.
"Sa akin wala ngunit ang Lolo..."
Batid na agad ni Deday ang gustong sabihin ni Mayumi. Batid nitong patay na ang kaniyang Lolo kaya niyakap na lamang siya nito nang mahigpit upang mapawi ang bigat na kaniyang nararamdaman.
Mga ilang saglit din ay tinanggal na ni Deday ang pagkakayakap nito sa kaniya sabay hawak na lamang sa kaniyang mga palad.
"Pakatatagin mo ang 'yong kalooban señorita, Narito lang ako para sa iyo. Ang mabuti ho siguro'y pumasok na tayo sa loob nang makapagpahinga na ka na."
Tumango na lang siya at tuluyan na silang pumasok sa loob ng Mansyon. Naiwan na lamang sa labas ng Mansyon sina Santiago kasama ang dalawang Guwardiya upang magbantay sa pagbabalik ng Heneral ang Ama ng dalaga.