"Heneral, a-anong nangyari sa Santa Mesa? Bakit napaslang si Guevarra nang hindi mo nalalaman?" nagtatakang tanong ni Gobernador Temotheo kay Heneral Cuenco.
Kasalukuyang nagpatawag ng pagpupulong ang Gobernador Heneral sa Kuwartel. Nagsipagdatingan naman ang mga opisyales ng Gabinete lulan sa iba't ibang bayan. Kasalukuyan silang nakaupo lahat at nakapaikot sa isang mahabang mesa.
"Patawad ho Gobernador ngunit hindi ko po alam ang tunay na nangyari kay Guevarra," mahinang tugon ni Heneral Cuenco sa tanong ng Gobernador.
"Hindi ba't kasama mo siyang pumunta ng Santa Mesa?"
"Tama nga po ngunit naiwan siya sa daan sapagkat ang sabi niya sa akin siya'y iihi lamang," pagpapaliwanag pa ni Heneral Cuenco.
"Kamangmangan iyan, Heneral. Hindi lamang ikaw ang napahiya sa nangyari kasama rin ako at ang buong bayang ito!"
Natahimik na lang bigla si Heneral Cuenco sa mga sinabi ng Gobernador sa kaniya. Pakiramdam niya ngayon na parang namaliit nito ang kaniyang kakayahan. Pansin din niya na tanging nasa kaniya lamang ang atensyon ng lahat ng mga tao sa loob.
"Patawad ho Gobernador. Babawi na lang ako sa susunod."
"Kailan pa?" singit naman ng Kumandante mula sa bayan ng Santa Mesa.
Ito rin ang kumandante na nakainitan niya noong naunang pagpupulong. Nakangiti itong tumitingin sa pagmumukha ni Heneral Cuenco na para bang iniinsulto ang Heneral.
"Tila puro ka lamang salita Heneral Cuenco? Bakit hindi mo tutohanin ang 'yong mga sinasabi?" dagdag pa nito.
"Isa kang hangal na Indio!" mahinang sambit ni Heneral Cuenco na tanging siya lamang ang nakaririnig ng kaniyang sinabi.
"Ano? Tila may sinasabi ka, Heneral?" pang-iinsulto pa ng kumandante sa kaniya.
"Tila ba'y kinakain mo rin ang 'yong mga pinagsasabi tama ba, Heneral?" singit pa ng Kumandante dahilan upang magsipagtawanan ang mga tao sa loob ng silid na kasama rin nila sa pagpupulong.
Hindi umimik ang Gobernador Heneral at nanatiling sarado lamang ang bibig nito. Batid na kasi nitong umiinit nanaman ang tensyon sa pagitan ni Heneral Cuenco at ang Kumandante.
"Oh bakit hindi ka makapagsalita, Heneral Cuenco?" usisa ng kumandante.
"Mangmang!" naiinis na tugon ni Heneral Cuenco na agad pang nilagkitan ang tingin sa Kumandante.
"Mangmang? Tama ba ang nadidinig ko? Ang husay mo namang magsalitang mangmang ako?" nakangiting wika ng Kumandante kay Heneral Cuenco.
"Estupido! Sapagkat wala kang karapatan, isa ka lamang kumandanteng Indio. Mangmang ka naman talaga hindi ba!?" nagsalubong ang mga kilay ni Heneral Cuenco at umusok ang butas ng ilong niya sa Kumandante.
"Minamaliit mo ba ang kakayahan ko, Heneral? Tila sa tono ng pananalita mo'y isa lamang akong basang sisiw?"
Napangiti si Heneral Cuenco sa pinagsasabi ng kumandante sa kaniya kaya itinaas niya ang kaniyang mga palad at malakas niya itong pinalakpakan.
"Mahusay! Matalino ka naman pala, Kumandante. Tama nga ang hinala mo. Isa ka lamang basang sisiw sa paningin ko," nakangiting wika ni Heneral Cuenco sa kumandante.
Natahimik ang lahat ng tao sa loob. Batid na ng mga ito na hahantong nanaman ito sa away ng dalawa.
"Iniinsulto mo ba ako?" nagtatakang tanong ng Kumandante.
"Wala akong sinasabing ganyan, Kumandante. Wala akong sinasabi," pagtatanggi ni Heneral Cuenco na para bang walang naririnig sa mga sinasabi ng Kumandante.
"Kung makapagsalita ka, Heneral tila puwet ng manok iyang bibig mo. Putak ka nang putak wala ka naman pa lang binatbat! Ba-bakit hindi mo ako diretsuhin?" napipikon na tanong ng kumandante.
Nababakas na ni Heneral Cuenco sa mga mata ng Kumandante na naghahamon na talaga ito ng away sa kaniya. Hindi na niya kayang palampasin ang oras na ito dahil sasabog na rin siya sa sobrang pagkainis.
"Wala kang karapatan sa bayang ito! Sabit ka lamang sa Gobernador. Bakit ka nga ba naririto, Kumandante?"
"Ako pa talaga ang walang karapatan," nakangiting wika ng Kumandante."Ngayon ikaw naman tatanungin ko, Heneral. May karapatan ka naman sa bayang ito ngunit bakit ka mangmang!?"
Nagsipalakpakan ang mga tainga ni Heneral Cuenco sa nadinig niya sa kumandante. Batid na talaga niyang hinahamon na siya nito ng away.
"Estupido!" Napatayo na siya sa kaniyang kinauupuan at napahampas nang malakas sa mesa. Noo'y nasa harap lamang niya ang Kumandante kaya agad siyang bumwelo upang sapakin ito sa mukha.
Napasubsob ang Kumandante sa lapag dahilan upang magsipagtayuan ang mga opisyales mula sa kinauupuan ng mga ito. Inawat ng mga prayle si Heneral Cuenco dahil lalapitan pa sana niya ang kumandante upang suntuking muli.
"Magsipag tigil kayong lahat!"
Isang malakas na putok ng rebolber ang biglang umalingangaw sa buong silid. Nakita nilang nagpaputok na ng rebolber ang Gobernador Heneral. Tumigil ang tensyon sa pagitan ni Heneral Cuenco at ang kumandante. Tumayo na ang Kumandante mula sa pagkakahandusay nito sa lapag. Gumuhit agad mula sa ilong nito ang mga dugo.
"Hindi pa tayo tapos, Heneral!" nagmamadali nitong sambit at agad na lumabas sa silid kung saan sila nagpupulong. Lumabas itong ng kuwartel at agad na tumawag ng kalesa sa labas upang makaalis sa lugar.
"Don. Cuenco magpalamig ka muna. Isa nanaman itong kahihiyan,"wika ni Padre Lusyo kay Heneral Cuenco.
Agad nitong hinila si Heneral Cuenco palabas ng silid kung saan sila nagpupulong.