Tristan
Para akong hihimatayin sa sinabi ni Tart sa akin. Hindi dahil naduduwag akong harapin sila kundi dahil baka ikapapahamak niya ito. Hindi ko naman kasi maintindihan kung bakit niya sinabing nasa hotel kami at hindi pa raw tapos...? Hindi man lang siya kinabahan sabihin 'yon sa kanyang ina. Hiyang-hiya ako samantalang siya'y cool na cool lang na parang walang anumang mangyayari pag-uwi niya ng kanilang tahanan.
Alas-dyes pa naman ng gabi kaya maaga pa. Nakahanda naman akong kausapin sila at sabihin na pananagutan ko ang nangyari sa amin ng anak nila. Hindi ko lang tiyak ay kung papayag ba itong si Tart na pakasalan ako, kahit na ganito lang ang estado ng aking buhay.
"Ako na ang magmamaneho, magpahinga ka na. Ituro mo na lang sa akin ang address ng mga magulang mo," sabi ko pagkabukas namin ang sasakyan. Tumango lang siya bilang tugon at ibinigay sa akin ang susi bago pumasok sa loob. Ako naman ay naupo na rin sa driver seat at inumpisahang paandarin. May kung ano siyang pinindot sa screen ng sasakyan at nang matapos ay naglalaman pala ito ng gps at address ng tahanan ng mga magulang niya.
"Gisingin mo na lang ako pag nasa bahay na tayo. Matutulog muna ako at ayokong mukhang haggard sa harap ni Mom at Dad," habilin nito.
"Ako ng bahala, matulog ka na," sagot ko at pinatakan siya ng halik sa labi. Hihiwalay na sana ako nang pigilan ako at idiniin lalo sa kanya.
"Sweet, ang sarap ng halik mo," nang-aakit niyang sabi sa akin. Talagang sinusubukan ako ng babaeng ito. Nag-umpisa ng manigas ang aking si manoy kaya bago ko pa siya maangkin dito sa sasakyan ay tinulak ko na siya ng bahagya upang patigilin.
"Tart, kailangan munang umuwi, baka umagahin tayo sa daan," ang malumanay kong sagot. Sana lang hindi siya magalit. Ngunit isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa aking tiyan kaya napaigik ako sa sakit dahil sa pagkakagulat.
"Arte mo, alam mo ba 'yon?! Malapit lang ang bahay namin, alis na tayo," simangot niyang sabi. Hay, wala pa man ay mukhang ma-under de saya yata ako. Para sa akin, ayos lang. Mahal ko naman ang pag-aalayan ko ng aking serbisyo.
"Mahal kita, 'wag ka na magalit. Babawi ako pag nagpakasal na tayo," sagot ko na ikinatahimik niya. Hindi na kasi siya sumagot.
Napapailing lang ako at inumpisahan na rin magmaneho, tumingin ako sa address at napagtanto kong sa bandang Quezon City lang ito. Malapit lang kayat nagtataka naman ako kung bakit kailangan pa niya magsolo ng tahanan. Kung tutuusin ay isang oras lang ng biyahe mula sa presinto hanggang bahay nila. Tiningnan ko siya at nais sanang tanungin. Ngunit nakapikit na ito kaya sa ibang araw ko na lang siyang hihikayatin. Nakakatakot kasi, kahit na ba alagad siya ng batas, babae pa rin siya at mahina kumpara sa aming mga lalaki.
Habang binabagtas ko ang daan ay napansin kong patungo na ito sa isang eksklusibong village. Ang village na ito ay tanging mayayaman lamang ang may kakayahang tumira. Ngunit inisip ko na lang na baka trabahador ang mga magulang niya sa loob at ang mga sasakyan ay galing lang sa amo ng mga magulang niya. Hindi ko rin naman naitanong sa kanya ito, pero anumang oras na lang ay malalaman ko rin kung sino siyang talaga.
Huminto ako sa security guard na nagbabantay sa gate papasok sa village, binuksan ko ito at sinilip niya ang loob.
"Sasakyan ho ito ni PO3 Delos Santos, hindi ba?" tanong sa akin ng security. Sasagot na sana ako ng maunahan ako ni Keanna.
"Kuya, he's my boyfriend," sagot nito sa security. Natuwa naman ako na hindi niya pinagkakaila.
"Pasensya na ma'am, ngayon ko lamang siya nakita," sagot niya at sinaluduhan ako saka nagpatuloy magmaneho.
"Saan eksakto nakatira ang mga magulang mo?" tanong ko sa kanya kahit na ba may kakaiba na akong nararamdaman. Sana mali lamang ako.
"Diretso mo tapos kaliwa," sagot lang niya sa akin. Tahimik na lang ako at nagpatuloy magmaneho. Hanggang tuluyan kong hininto ang sasakyan sa isang mansyon. Bababa na sana ako nang pigilan niya.
"Maya-maya magbubukas na 'yan," pigil niya sa akin. At bumukas na nga ang malaking gate. May sensor yata ang sasakyan niya at automatic gate naman ito kaya kusang bumukas.
Hindi pa man kami nakababa ay pinagbuksan na kami ng security guard at ng kasambahay.
"Keanna na miss na kita," salubong sa kanya ng isang ginang na tila may katandaan na rin.
"Yaya, naging busy lang po ako sa work, si mommy po?" tanong niya rito ngunit isang tanong rin ang sagot ng ginang sa kanya.
"Sino siya? siya na ba 'yung sinasabi mong kasintahan?" tanong nito sa kanya habang nakaturo sa akin.
"Yes Yaya, Tristan siya si yaya Madel, yaya si Tristan ang boyfriend ko," pakilala niya sa akin.
"Magandang gabi po," magalang kong sabi.
"Magandang gabi rin. Ang pogi mo naman. Kaya naman pala itong alaga ko patay na patay sa 'yo."
"Yaya, huwag mo naman po akong ibuko," anito. Sasagot na sana ako nang biglang bumukas ang malaking pintuan at niluwa n'un ang isang sopistikada at at napakagandang ginang.
"Mommy!" ang sabi ni Tart at tinakbo ang pagitan nila. Nakatayo lamang ako at nakatingin lang sa kanila. Ang aking kamay ay nasa aking bulsa dahil pinipigilan ko ang nginig nito. Mukhang lumilinaw na sa akin ang lahat. Ngunit ayaw ko siyang pangunahan hangga't hindi ko naririnig sa kanya mismo.
"Ikaw talagang bata ka, nasaan ang boyfriend mo?" Lalo akong nilukuban ng kaba. Lumingon siya sa akin at inutusan na lumapit sa kanya.
"Magandang gabi po. Ako po si Tristan Agbayani, ang kasintahan po Ta... ni Keanna." Magalang at nakayuko kong pakilala.
"Huwag kang kabahan hijo. Pumasok na tayo at naghihintay na ang Daddy mo sa loob."
Hindi ko maigalaw ang aking mga paa, ngayon malinaw na sa akin na hindi pala siya simpleng babae. Nakayuko lamang ako habang nakatingin sa marmol na sahig sa labas ng kanilang tahanan. Kitang-kita na kung gaano kalayo pala ang distansya namin. Tila ayaw ko na yatang pumasok sa loob ngunit...
"Sweet, halika na naghihintay si Daddy," tawag niya sa akin. Kaya unti-unti kong hinakbang ang aking mga paa at nag-aalangan kung tatanggalin ko ba ang suot kong sapatos sa makinis at makintab nilang sahig, nakakahiya kasi kung hindi ko tatanggalin lalo pa't may bahid putik ang sapatos ko dahil sa ulan kaninang umaga.
"Ano ka ba 'wag mo ng tanggalin ang sapatos mo, pumasok na tayo," sabi pa niya sa 'kin. Doon pa lamang ako napatingin sa kanya, naghihintay pa rin pala siya hanggang ngayon sa may taas na limang hakbang lang naman ito bago marating ang pinakapintuan nila.
Nang makaakyat ako'y hinawakan niya ang aking kamay at bumulong.
"Magpapaliwanag ako mamaya," sabi niya lang sa 'kin at hinila na ako sa loob. Nakatingin lamang ako sa kanya pero ang mata ko'y 'di mapigilang masilayan ang kabuuan ang kanilang tahanan. Singlaki na yata ng basketball court namin ang sala nila. May malalaking upuan. Mataas na hagdanan at alam kong mas may gaganda pa. Nagpatangay ako sa kanya at narating namin ang likuran bahagi ng kanilang tahanan. Tila ito isang parke sa sobrang ganda at may ibat ibang mga bulaklak, malaking swimming pool. Hindi lang doon nagtatapos dahil may kaunting salo-salo pala sila sa may gitna kung saan tinakbo niya ang pagitan nila ng kanyang mga magulang at nabitawan ako.
"I miss you, Dad," dinig kong sabi niya at ng mapatingin ako'y doon ko nasilayan ang pigura ng isang ginoo na kahawig na kahawig niya, kaya hindi maitatanggi siya ang ama.
"My princess, magtatampo na si Daddy sa 'yo. Where is he? Where is the lucky guy that took the heart of my princess?" ani ng daddy niya. Kaya napatayo ako ng tuwid.
"Dad he's so handsome like you and kuya," sagot niya lang saka lumingon sa akin at tinawag muli ako. Ayaw ko man lumapit dahil sa aking itsura ay ayoko namang maging bastos kayat magpapakilala ako.
"Magandang gabi sir, ako nga po pala Tristan Agbayani, panganay sa anim na magkakapatid. Hindi po kami mayaman at wala po akong maipagmamalaki. Ngunit kaya ko pong ipagmalaking sabihin na mahal na mahal ko po ang anak ninyo at handa po akong pakasalan siya kung papayagan po ninyo ako," magalang at dire-diretso kong sabi habang nakayuko. Wala akong narinig agad sa kanila, maging kay Tart kaya pakiramdam ko'y matutunaw ako.
"I know you, young man. Hindi ba isa kang empleyado sa Zhotel?"
"Umupo ka muna Tristan, 'wag kang mag-alala. Kilala ka na namin at kung tungkol naman sa pinagmulan mo ay walang problema basta hindi mo lolokohin ang anak namin," sabi ng mommy niya. Lumapit sa akin si Keanna at hinawakan ang aking kamay.
"Sweet, I'm sorry if---"
"At last, pinakilala mo na rin siya sa amin," tinig ng isang lalaki na siyang nagpatigil sa kanya magsalita.
"Kuya Kyle! Tristan may boyfriend." Pakilala niya sa akin kaya unti-unti akong lumingon hanggang masilayan ang isang pamilyar na mukha ng isang lalaki.
"Hi Tristan, nice to meet you. I'm Kyle Zobelle, remember?" Pakilala niya. Bago ko pa man maiabot ang kamay kong nanginginig ay naalala ko na nga kung sino siya.
"Sir Kyle Zobelle? Ibig sabihin si Keanna ang tinutukoy niyong kapatid at hindi ng kaibigan niya?" gulat na gulat kong tanong bago tuluyang mai-abot ang kamay ko.
"Ako nga, don't worry I am not againts your relationship," sabi pa niya. Tiningnan ko si Tart at 'di malaman ang sasabihin.
"Tristan---"
"Ikaw pala ang anak na babae ng may ari ng Zhotel kung saan ako nagtatrabaho?" tanong ko.
Oo, hindi ako mayaman ngunit hindi ako naghangad na yumaman sa pamamagitan ng mayamang kasintahan. Kung gugustuhin ko ay noon pang may nang-aalok sa akin na pakasalan sila. Mga biyudang matrona na handang ibigay sa akin ang lahat. Ngunit gaya nga ng sabi ko. Pakakasalan ko lang ang babaeng unang magpapatibok ng puso ko at nagkataon na si Keanna Zobelle pala ito---ang anak at nag-iisang babae ng mga Zobelle na isa sa pinakamayamang tao sa Pilipinas.