CHAPTER 01 : The Runaway Bride
“Manong, pwede bang huminto muna tayo… nasusuka ako.”
Napatingin agad ang driver sa rearview mirror, halatang nag-aalala. “Ma’am, malapit na po tayo sa simbahan, konti na lang...”
“Please… hindi ko na kaya,” sabat ni Sol habang pinipikit ang mga mata at pinipilit magmukhang nahihilo.
Hindi na ito nagtanong pa. Agad nitong inihinto ang sasakyan sa gilid ng kalsada at nagmamadaling bumaba. “Sandali lang po, ikukuha ko kayo ng tubig...”
“Manong…”
Napalingon ito.
Ngumiti si Sol… at inilapit ang maliit na bote sa ilong nito.
“Ma’am, ano po...”
Hindi na nito natapos ang sasabihin. Ilang segundo lang ang lumipas at tuluyan itong nawalan ng malay.
Nanatiling nakatingin si Sol sa driver, inobserbahan kung effective na ang ginawa niya. Wala na... tuluyan nang nakatulog si manong driver.
Huminga siya nang malalim at mabilis na kumilos.
“Sorry, Manong… kailangan ko lang talagang gawin ‘to.”
Inabot niya ang maleta sa ilalim ng upuan at agad kinuha ang sneakers. Halos sabay niyang hinubad ang sapatos na suot at isinuot ang rubber shoes na handang-handa na sa pagtakbo niya palayo sa buhay na hindi niya pinili.
Binuksan niya ang pinto at sumalubong ang hangin sa kanya. Nasa di kalayuan ang simbahan, naghihintay ang mga tao, naghihintay si Eugene Uy, isang lalaking Chinese na hindi niya mahal.
“Hindi ako pupunta diyan…” bulong niya sa sarili, saka tuluyang tumakbo.
Tumakbo siya habang suot ang gown, habang hila ang maleta, habang pinapansin ng mga tao ang eksenang parang eksena sa pelikula. May napahinto, may napanganga, may nagturo, pero wala siyang pakialam.
Mas mahalaga ang makalayo. Mas mahalaga ang makahinga. Hanggang sa makarating siya sa isang mall. Diretso siyang pumasok sa loob, hinahabol ang sariling hininga, at agad nagtungo sa CR.
Pagpasok sa isang cubicle ay isinara niya ang pinto at sumandal sa dingding. Ramdam niya ang bilis ng t***k ng puso niya habang pinipilit kumalma.
“Okay… okay ka lang…” sabi niya sa sarili kahit halatang hindi.
Mabilis siyang nagpalit ng damit, hinubad ang wedding gown at iniwan iyon sa loob ng cubicle na parang basta na lang niyang binitawan ang buong nakaraan niya. Isinuot niya ang simpleng damit at inayos ang sarili bago lumabas.
Paglabas niya, wala nang bride. Si Sol na lang.
Samantala, sa simbahan, nagsisimula nang uminit ang ulo ng lahat.
“Nasaan ang bride?”
Nagkatinginan ang mga bisita habang unti-unting kumakalat ang bulungan. Ang groom ay halatang naiinip at disappointed na habang paulit-ulit na tumitingin sa relo.
Sa harap, nakatayo ang ama ni Sol na hindi gumagalaw ngunit mabigat ang presensya.
Hanggang sa bumukas ang pinto at pumasok ang driver, hingal na hingal at pawis na pawis.
“S-sir…”
“Nasaan ang anak ko,” malamig na tanong ng ama.
“Nawala po siya… huminto po kami sandali tapos bigla po akong nahilo… paggising ko po wala na siya…”
Parang huminto ang oras sa loob ng simbahan bago tuluyang sumabog ang kaguluhan.
At sa gitna ng ingay na iyon, isang bagay lang ang malinaw. Tumakas ang bride.
Malayo sa kaguluhan na iyon, nakasakay na ng barko si Sol.
Ilang oras ang lumipas, nakarating si Sol sa bayan ng Monteverde, sa bayan ng kaibigan niyang si Dianne Pedrino. Nakatayo siya sa gilid ng kalsada, hawak ang maleta at pinagmamasdan ang paligid. Tahimik ang lugar, walang nakakakilala sa kanya, at sa unang pagkakataon ay walang nagdidikta kung saan siya pupunta.
“Okay… bagong simula,” bulong niya habang humihinga nang malalim.
Ngunit hindi pa siya nakakabawi nang mapansin niyang wala na ang maleta sa tabi niya. Napalingon siya.
“W..wait… nasaan na ang maleta ko? ”
Tumingin siya sa kaliwa, sa kanan, saka muling bumalik sa pwesto kung saan niya ito inilapag. Wala na talaga.
Unti-unting bumilis ang t***k ng puso niya habang hinahanap ang pamilyar na kulay at hugis.
“Hindi pwede… hindi pwede ‘to…”
Mabilis siyang naglakad, halos tumatakbo habang sinusuyod ang paligid. Hindi pa siya nakaka-recover sa pagtakas niya at heto na naman ang panibagong problema.
“Great, Sol… ang galing mo…” sabi niya sa sarili habang pilit pinipigilan ang panic.
Habang paikot-ikot ang tingin niya, may isang bagay na nakakuha ng atensyon niya.
Isang lalaking may hawak na maleta. Ang maleta niya.
Agad siyang napahinto, saka sumimangot.
“Hoy!”
Napalingon ang lalaki, halatang nagulat sa biglang sigaw niya.
Hindi na siya nag-isip pa. Diretso siyang lumapit, mabilis at puno ng galit.
“Anong ginagawa mo diyan,” bungad niya habang nakatitig sa hawak nitong maleta.
Napatingin ito sa maleta, saka bumalik ang tingin sa kanya. “Ha?”
“Maleta ko ‘yan,” madiin niyang sabi.
Kumunot ang noo nito. “Miss, pinulot ko lang ‘to...”
“Talaga,” putol niya agad, halatang hindi naniniwala, “ang bilis mo namang makapulot.”
Napabuntong hininga ang lalaki at tila pinipigilan ang sarili. “Hindi ko ‘to kinuha.”
“Eh bakit nasa kamay mo,” mabilis niyang sagot habang lumalapit pa.
Magkalapit na sila ngayon, halos magkatapat ang mukha.
Saglit silang nagtitigan. May kung anong dumaan sa pagitan nila na hindi niya pinansin.
“Isauli mo na,” sabi niya nang matigas ang tono, sabay kuha ng maleta niya.
“Teka nga.....”
“Hindi, ikaw ang teka,” sabat niya, mas lalong tumalim ang tinginan nilang dalawa.
At biglang may dumaan na pulis at napansin ang komosyon nilang dalawa.
“Ma’am, sir... anong kaguluhan ‘to,” awat ng pulis.
“Eh kasi sir... ang lalaking ‘to dinekwat ang maleta ko.”
“Aba... magdahan-dahan ka sa pambibintang mo, miss.”
“Ang mabuti, sumama kayong dalawa sa police station. Nakakaabala na kayo dito sa kalye.”
“Sir... nagmamadali po ako... iwan ko na lang po ang number ko,” pakiusap ng lalaki.
“Tayo na nga sa police station nang magkaalaman na…” hamon pa ni Sol.
Napailing ang lalaki at napabuntong hininga. Ngunit tinalikuran lang ito ni Sol at nagsimulang maglakad kasabay ng pulis. Narinig niya ang mga yabag sa likod niya. Walang nagawa kundi sumunod ito.
At habang papalapit sila sa direksyon ng police station, hindi alam ni Sol na ang lalaking pinagbintangan niya ay hindi basta estranghero lamang… kundi ang simula ng bagong hamon niya sa buhay.