Parang matagal na rin pala mula noong huli akong nakapunta sa Marahuyo Beach Resort. Wala pa rin itong pinagbago kung tutuusin. Malinis at maaliwalas pa rin ito katulad ng dati. Ito ang pinakasikat na pag-aari ng mga Valderrama rito sa Batangas. At dito madalas ginaganap ang mga malalaking events nila kung saan kinukuha akong events coordinator. Pagdating sa resort, dumiretso kami ni MJ sa opisina ni TJ. Nagmadali siyang maupo sa swivel chair at nang makaharap na ang lamesa, agad niyang inisa-isa ang mga dokumentong pinakisuyo sa kanyang pirmahan. “I just need to sign these documents. Promise, mabilis lang ‘to,” sabi sa ‘kin ni MJ sa hindi na mabilang na beses. Sa sasakyan pa lang ay hindi na siya mapakali. Para bang kabado siya na maaaring makaapekto ang ganito kaliit na bagay sa relas

