Kabanata 2

2289 Words
Halos hindi magkamayaw ang mga tao sa pagkuha ng litrato at video kahit noong nakalabas na kami ng mall. Talagang hanggang dito’y nakasunod pa sila at panay ang pagsigaw ng Ezekiel. Mabuti na lang pinapalibutan at pinoprotektahan kami ng mga marshals na kasama namin pati na rin ng mall security team. Sinigurado nilang ligtas at maayos kaming nakasakay sa loob ng van. Nang makaalis na kami sa mall ay tsaka lang ako nakahinga nang maluwag. Sumandal ako sa upuan at nilingon sa tabi ko si Ezekiel na malamang ay mas napagod sa maghapon. “So, kumusta naman ang kamay at panga mo?” mapanuksong tanong ko sa kanya. Paano’y dalawang daang digipack ba naman ang pinirmahan niya kanina sa meet and greet. Malamang ay nangalay din siya sa pagngiti dahil lahat ng fans na bumili ng album ay nabigyan ng photo opportunity sa kanya. Humalakhak si Ezekiel. “Manhid na pareho pero sobrang worth it naman kaya okay lang,” sagot nito, ramdam ang sinseridad sa kanyang boses. Talagang kahit sikat na siya’y hindi pa rin siya nagbabago. Personally, I’m not fond of celebrities and famous people. Pero alam kong ganitong klase ng artista dapat ang hinahangaan at sinusuportahan ng marami tao. Ezekiel Suarez is known as a popular solo artist of RSE. Sumikat siya bilang singer songwriter pero ngayon ay unti-unti na rin niyang pinapasok ang larangan ng pag-arte. Kaya naman mas lalo pang nakikilala ang kanyang pangalan sa entertainment industry. “Ibang level ka na talaga! Sold out na naman ang album mo. Congrats!” bati ko pa sa kanya habang panay ang pagkalikot ko sa phone dahil pinapadala ko sa RSE ang pictures niya kanina habang nagpe-perform. Kailangan ko itong gawin para ma-update sila at makapag-post sa aming socials. Ganito na lang ang paghanga ko sa outcome ng mall show namin ngayong araw dahil alam kong ilang mall shows din ni Ezekiel ang nilangaw bago niya narating ang tagumpay na ito. Alam ko ‘yong hirap na pinagdaanan niya bilang baguhang singer noon dahil ako ang palaging naa-assign sa kanya. Kaya nga naging close na rin kami ngayon. Hindi na rin ako sinasamahan ni Ms. Weng, road manager niya, sa mga mall shows tulad nito dahil tiwala itong sanay na sanay na kaming dalawa sa isa’t isa. “Maswerte lang ako kasi magaling ang events specialist ko!” balik naman ni Ezekiel sa sinabi ko kaya tuloy nailing na lang ako habang malawak ang ngiti sa labi. “Sus! Ang sabihin mo, masyado mo kasing ginagalingan. You’re a talented and good man, Kiel. You should trust yourself more. Kaya nga alam mo? Sure ako na kahit wala ako, magiging successful ka.” Halos mapunit ang labi ni Ezekiel sa pagngiti dahil sa sinabi ko. Pero nagsasabi naman ako ng totoo kaya dapat lang ay tanggapin niya ito nang buong puso. ‘Wag nga lang lalaki ang ulo. “Ay naku Ma’am at Ser, talagang nagbolahan pa kayo e mukhang pareho lang naman kayong magaling!” komento ni Benjie, isang marshal na kasama namin sa service van kaya natawa na kami. Nakaupo siya sa front passenger seat katabi ng driver. Samantalang ang sampu pa niyang kasama ay nasa kabilang van naman na pina-request ko. Kapag may mall show kami, lalo na sa probinsya, hindi pwedeng wala kaming kasamang security team galing sa Red Star Entertainment (RSE). Depende sa artistang kasama namin, walo ang pinakamababang bilang ng mashal na dapat nire-request para sa isang artist. Pinakamarami na ang labing tatlo o labing apat. Mahigit pa sa bilang na ito ang kailangan kapag naman more than one artist ang kasama namin o ‘di kaya’y tulad ni Elijah Charlesworth. Isa ito sa mga inaasikaso ko dahil hindi kami pwedeng maglabas ng artista, kahit gaano man kasikat, nang hindi nagagarantiya ang kaligtasan nito. Hindi naman kasi sa lahat ng oras ay sapat ang security team na binibigay ng bawat mall. Mayroon kasi talagang mga baliw na fans na sumusobra sa pagpapakita nila ng pagmamahal sa mga iniidolo nila, lalo na kapag may pagkakataon silang makipag-interact. Minsan nang nakalmot at nasakal si Ezekiel sa isang mall show kaya ito ang isa sa mga iniiwasan kong mangyari ngayon. As an RSE events specialist, it’s also my job to make sure that the artist I’m working with is safe at all times. “Ready ka na ba sa sunod nating mall show?” tanong ko pa kay Ezekiel. At natuwa naman ako nang mukhang may energy pa siya. “Oo naman, walang problema! Ngayon na ba?” Napahalakhak ako sa sagot niya. Kaka-release lang kasi ng kanyang bagong digital album kaya nasa tour kami ngayon. Iba’t ibang malls ang pinupuntahan namin nationwide kung saan nagpe-perform siya ng tatlo hanggang apat na kanta galing sa kanyang album. Nagkakaroon din ng meet ang greet pagkatapos. So far, marami na kaming malls na napuntahan. Malaking bagay ito para mas sumikat siya at ang mga kanta niya kaya talagang game na game si Ezekiel kapag sinasabi naming may naka-schedule siyang mall show. “Sira! Hindi pa naman ngayon. Balikan ko kayo sa dates. Iko-coordinate ko na lang sa RM mo,” paliwanag ko naman. “Basta ‘wag ka munang mag-schedule ng personal na lakad ah,” bilin ko pa. Alam ko namang bukod sa trabaho ay pag-aaral ang kanyang inaatupag ngayon. Gusto niya kasing tapusin ang kanyang undergraduate degree. Noong umpisa ay kinaya pa niyang pumasok sa mismong campus pero dahil sa tight sched pati na rin sa kasikatan niya, mas minabuti ng management na mag-online class na lang siya. “Kahit isang date hindi pwede?” tanong nito. Pinanlakihan ko naman siya ng mga mata dahil naisip kong kinukulit pa rin niya akong makipag-date sa kanya! At mukhang nabasa agad niya ang laman ng isip ko kaya humalakhak siya. “I’m courting someone. A family friend,” paglilinaw niya. Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag. Noong bagong magkakilala pa lang kasi kami, pinormahan na niya ako. But I made my intentions clear. I told him that I don’t get romantically involved with anyone that I work with. And as much as possible, I don’t mix business with pleasure. Noong una’y akala niya nagpapakipot lang ako. Gwapong-gwapo kasi siya sa sarili na karaniwang problema ng mga artista. Pakiramdam nila ay sila na ang pinakamagandang nilalang sa mundo at lahat ng tao gusto sila. Kaya nga bwisit na bwisit ako sa kanya noon lalo na’t may pagka-sad boy siya. Mas bata lang siya ng dalawang taon sa akin pero parang fetus ang tingin ko sa kanya. Mabuti na lang at kalaunan, naunawaan din niyang nagpapakatotoo ako. Kaya rito lang kami napalapit sa isa’t isa at ngayon nga ay naging magkaibigan. Nalaman ko ring hindi naman pala siya sad boy. Nature lang niyang maging malambing dahil kahit sa ibang katrabaho ay ganuon siya. Madali lang talaga para sa akin manghusga ng taong ‘di ko pa kilala. Hindi na nakapagtataka dahil hirap din akong magtiwala kaya mabibilang lang sa kamay ang mga taong pinagkakatiwalaan ko. “You’re courting someone? Alam ba ‘yan ng management?” tanong ko naman. Tumitingin tuloy sa amin sa rear-view mirror ang driver. Medyo kabado ako dahil alam kong ang ganitong bagay ay ‘di dapat basta-bastang pinag-uusapan in public. Mahigpit kasi ang RSE sa dating rumors. Kaya ang mga artista nila, karamihan ay single o ‘di kaya’y may talent sa pagtatago ng relasyon. Nakakaapekto rin kasi talaga sa fanbase ng mga artista kapag nagkaroon sila ng boyfriend or girlfriend. Kaya hindi ito recommended ng management unless ipinares talaga sila sa isa pang artista at nagkaroon ng successful love team. Without RSE’s support, a dating rumor is like a poison to a rising artist like Ezekiel. “Hindi pa alam ng management—” “E si Ms. Weng? Alam ba niya?” “Hindi pa rin—” “Baliw ka talaga, Kiel!” At nagawa pa talaga niyang tumawa. “Hindi pa nila alam kasi hindi pa rin naman alam ng nililigawan ko na nililigawan ko siya!” “Regardless kung alam niya o hindi, hindi magandang timing ang panliligaw mo. Kakalabas lang ng album mo. Marami ka ring projects na nakapila. If you really want to make it in showbiz, you should prioritize your career right now. Don’t do anything that might jeopardize it!” “Ano nga ulit ang ibig sabihin ng jeopardize?” nakangising tanong niya pero hindi ko sinagot dahil alam naman niya ang pinupunto ko. “You should be more careful because a lot of eyes are on you. Alam mo naman ang panahon ngayon. Ang mga tao naglalabas ng kahit anong issue para lang may mapag-usapan. Kahit hindi pa totoo. Gusto ko lang na hangga’t maaari ay hindi ka madawit sa eskandalo.” “Opo. Nay,” sarkastikong balik niya kaya tumirik na lang ang mga mata ko. Marami na akong kilalang artista na nasira ang career dahil sa iba’t ibang scandal na kinasangkutan nila. Ang masakit pa rito, ‘yong iba’y hindi pa totoo. “’Di ba katatapos lang ng kasal ng mga kaibigan mo?” pag-iiba ni Ezekiel ng topic. Alam niya kasing wala akong balak tantanan siya. “’Yung PJ at Iaree?” Si Kuya PJ ay pangatlo sa magkakapatid na Valderrama. Si Iaree ay inaanak ng lolo’t lola ni Kuya PJ. Kilala ni Ezekiel ang dalawa dahil pinakiusapan ko siyang mag-perform noon sa soft opening ng Cup of Twist, coffee shop na pagmamay-ari ni Kuya PJ. At ang alam ko sandali rin sila naging schoolmates ni Iaree noong on campus pa siya nag-aaral. “Oo. Pagpasok na pagpasok ng taon nagpakasal na sila,” sabi ko naman. Ako ang naging wedding coordinator nina Kuya PJ at Iaree. Hanga nga ako sa dalawa dahil ilang buwan din ang hinintay nila. Magiging sukob kasi kay Kuya TJ kung next year na rin sila kinasal. Kaya nga siguro minalas ang kasal dapat ni MJ. “E ano na palang nangyari kay Mr. Runaway Groom?” Dahil sa tanong ni Ezekiel, umikot ang tyan ko. Bumalik sa alaala ko ang mga nangyari pagkatapos ng called off wedding ni MJ. Bukod sa aming magkakaibigan ay walang nakakaalam ng tungkol dito… *** The Valderrama family had to pay millions to appease the Alcazar family. Paano’y malaki talaga ang ginastos ng mga Alcazar sa kasal nina MJ at Sunny. And for sure, even a billion pesos could not remove the emotional damage that MJ had caused his almost wife. Hindi naman sana magiging problema ang pera kung tumuloy lang si MJ sa kasal nila… but of course, he had his reasons. Palagay ko naman ay na-guilty din nang sobra si MJ sa kanyang ginawa. And he’s been punishing himself ever since. Nasabi ko ito dahil pagkatapos ng hindi natuloy na kasal, hindi na siya muling nakisama pa sa mga labas ng barkada namin. I know this because we’re in the same circle of friends for a long time. Nakakapanibago dahil siya pa nga ang madalas mag-aya sa amin noon. Noong unang beses kasi kaming lumabas, isang buwan pagkatapos ng nangyari, hindi sumipot si MJ kahit nagsabi siyang pupunta. Last minute ay nakatanggap na lang kami ng text message na busy daw siya sa trabaho dahil nagbabayad utang siya sa kanyang sariling pamilya. Naulit pa nang naulit ang paglabas ng barkada, but he never showed up. All he gave us were excuses: May trabaho, may biglaang lakad, may importanteng kailangang gawin… Dito lang umiikot ang mga dahilan niya. Kaya nga nabigyan na siya ng mga kaibigan namin ng nickname na Mr. Runaway Groom, lahat tinatakbuhan kahit kami, na agad kong pinatigil dahil ang insensitive. Sinubukan ko na rin siyang ayaing lumabas nang kami lang, pero talagang ngayon lang siya naging consistent sa mga sagot niya. And when I asked our other friends about their experience, hoping MJ was able to open up to them somehow, they also said the same thing. Even Reign, MJ’s sister, told us that he was shutting her off and their entire family. Para bang umiiwas talaga si MJ sa lahat. Kung hindi pa yata ikinasal sina Kuya PJ at Iaree, hindi makukumpleto ang barkada namin. Hindi rin ako magkakaroon ng pagkakataong harapin siya. Ang nakapagtataka nga lang, noong nakausap namin si MJ ay parang wala namang nagbago sa kanya. Kwela at maloko pa ring siyang makipag-usap. Normal din ang naging pakikitungo niya sa amin. Sabi pa nga ni Iaree, kinulit pa raw sila ni MJ na i-postpone ang kanilang kasal dahil gusto na nitong magpakasal ulit. Kung kanino ay hindi rin nila alam. Pero syempre ay hindi sila pumayag. Alam kong tama lang ang ginawa nila dahil kung totoo mang gustong magpakasal ni MJ ulit, malamang resulta lang ito ng kanyang impulsiveness. Boy version kasi talaga ni Reign si MJ. Tuloy ay hindi namin alam kung paano titimplahin si MJ ngayon. Ang mahirap din kasi sa sitwasyon niya, wala siyang pinagsasabihan ng problema niya. Walang may alam ng totoong dahilan kung bakit pinili niyang takasan ang sariling kasal. Sabi ng iba kong mga kaibigan ay naduwag lang daw ito. Takot matali dahil babaero. Hindi gusto na sa isang babae lang manatili buong buhay niya. Pero bilang best friend ni MJ, sa pagkakakilala ko sa kanya, naniniwala akong may mas malalim pa itong dahilan. At ang magagawa ko lang ngayon ay maghintay hanggang sa siya na mismo ang kusang lumapit sa amin. Mas lalo kasi siyang pinipilit sa isang bagay ay mas lalo siyang nagpupumiglas. Kaya naman sa kabuuan, kahit ilang buwan na ang nakalipas, I think our friendship was never the same after what happened. Nakakalungkot pero may mga sugat talagang kailangan munang maghilom bago mapag-usapan. At kung minsan, may mga sugat na kahit naghilom na, mas pinipili na lang kalimutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD