Para makaiwas sa tsismis, una nang ibinaba ng company van si Ezekiel sa condominium na tinutuluyan namin.
Oo’t sa iisang building lang kami nakatira. Kaya nga kung tutuusin ay pwede naman sana kaming magsabay na lang. Pero alam kong maraming mapaggawa ng kwento sa paligid kaya ako na ang umiiwas.
Maingat talaga ako dahil ang bilis na lang ngayon magpakalat ng issue. Isang post lang sa social media kaya nang ipa-viral kahit kasinungalingan pa. As much as possible, ito ang sinusubukan kong iwasan.
Ilang beses na rin kasi akong na-link sa mga lalaking nakakatrabaho ko, inside and outside showbiz. Hindi ko rin alam kung bakit dahil ‘di naman ako nagpapakita ng motibo. Siguro’y sadyang ayaw lang sa akin ng mga tao. And I guess, it’s fair enough. Ayaw ko rin naman sa kanila.
Nagpababa na lang ako sa harap ng RSE building katulad ng mga marshals na kasama namin. Pagkatapos pumirma sa slip ng driver namin ay dinala na nito sa garahe ang van.
“Hatid ka na namin, Ma’am. Baka mapano ka pa sa daan,” sabi pa ni Benjie pero umiling ako. Hindi ko tinanggap kahit inalok pa ako ng ibang marshals na kasama niya.
“Okay na ‘ko. Thank you ngayong araw. Ingat kayo!” pagtanggi ko dahil walking distance na lang naman ang condo ko mula sa RSE. I can manage.
Naglakad na lang ako papunta rito para makapag-exercise na rin kahit papaano. Ilang beses ko na rin naman itong nagawa kaya nasanay na ako.
Ayon lang, habang naglalakad ay pansin kong may nakasunod na itim na SUV sa akin. Ang bagal ng takbo nito kahit wala namang ibang sasakyan sa kalsada. Kinutuban tuloy ako nang masama. Lalo na’t madaling araw na.
Alam ko kung gaano kadelikado maglakad ng alanganing oras sa kalsadang ito dahil minsan nang may nahablutan ng bag dito. Agad akong kinilabutan.
Chin up, chest out, shoulders back, and stomach in. I did all these to make sure that I look tough and confident while walking. Ramdam ko ang pag-sway ng mahaba kong buhok sa likuran. Daig ko pa ang naglalakad sa runway.
Ayaw na ayaw ko kasi talagang nagpapakita ng takot. Kaya ‘di ko pinahalata ang panlalamig ng mga kamay ko. Pati na rin ang malakas na kabog ng dibdib ko sa mga oras na ito.
Hindi ako tumakbo pero tuloy-tuloy lang ang paglalakad ko. Pagdating ko sa harap ng condominium building, muntik na ‘kong mapatalon nang bumusina ang sasakyang nakasunod sa akin.
Matalim na tingin ang ipinukol ko rito kahit na dapat ay aalis na ako. At dahil alam kong nasa ligtas na lugar na ‘ko, hindi ako nakapagpigil at nilapitan na ‘yong black SUV. Hahampasin ko sana ang salamin nito pero kusa na itong bumaba.
Dito ko nakita ang driver.
Napabuntong-hininga ako dahil si Elijah Charlesworth lang pala ito.
“We’ll push through with my concert this year.” May multo ng ngiti sa kanyang labi.
“Really? Good for you,” sabi ko naman kahit hindi ako sigurado kung bakit kailangan ko pa itong malaman. At siya pa talaga ang kailangang magbalita sa akin imbes na RM o handler niya?
“Good for us! RSE approved my special request. You’re still in charge of mounting this event.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Pero may iba pa ‘kong projects—!”
“They will drop your other projects in the next few months so you can focus on mine.”
Nalaglag ang panga ko sa natanggap na balita. Masaya na nga sana akong na-cancel ang concert ni Elijah last year. Nagkaroon kasi ng malaking project ang kanyang love team na kinailangan niyang unahin dahil mas importante ito.
Pero ngayong nalaman kong tuloy na ang concert, hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Ayaw ko kasi talagang makatrabaho si Elijah, especially after he followed me everywhere when we started working on his concert before.
“I can’t wait to fully experience how great you are in this field. Hintayin mo na lang ang tawag ng handler ko para sa first meeting natin.” Nang matapos sa pagsasalita si Elijah, hindi na niya hinintay pang magbigay ako ng komento at pinaandar na papalayo ang kanyang sasakyan.
Bumagsak naman ang balikat ko. Hindi ko alam kung bakit parang dumoble yata ang pagod ko ngayong araw.
Pumasok na ako sa loob ng condominium building. Mabuti na nga lang at nakasakay agad ako ng elevator. At dahil madaling araw na, wala akong ibang taong nakasabay. Hindi rin huminto ang elevator sa ibang palapag kaya naman nakarating agad ako sa 17th floor kung nasaan ang unit ko.
At tulad ng nakagawian, pagpasok ko rito, ni-lock ko agad ang pinto. I even double-checked it just in case I wasn’t able to close it properly.
Nilagay ko ang slip-on shoes ko sa wooden shoe rack, at sinabit ko naman ang suot kong denim jacket at large leather sling bag sa wooden coat rack malapit sa entrance. Lalagpasan ko na sana ito nang mapatingin ulit ako sa shoe rack. Binalikan ko ang sapatos na nilagay dito at muling inayos.
Imbes na sa sala ay sa kusina ako dumiretso. Binuksan ko ang aking mini ref at kumuha ng bottled water mula rito. Dito ko lang napansing wala na pala itong kalaman-laman bukod sa tubig at juice. Matagal na rin kasi mula noong huli akong nakapag-grocery.
Marunong naman akong magluto. Ngunit dahil laging abala sa trabaho, wala akong oras para rito kaya madalas ay puro order na lang ng pagkain sa labas ang ginagawa ko.
At sa palagay ko, ayos lang din ang ganitong set up. Palagi rin naman kasi akong nasa labas. Iba’t ibang events ang inaasikaso ko sa araw-araw, ang iba’y raket na nahanap ko at karamihan ay galing sa Valderrama Corporation at Red Star Entertainment.
Sa trabaho na ako madalas kumain kaya pag-uwi ay busog na. And so, I don’t see the need to cook. Ayos na rin ito dahil wala akong nabubulok na basurang kailangang itapon at mga hugasin sa lababo. All I need to do is bring my clothes to the laundry shop.
At dahil ayaw kong nag-iiwan ng kahit anong nabawasan na sa loob ng ref, sinarado ko na ito pagkatapos ubusin ang bottled water na inilabas ko. Kumuha rin ako ng wine glass na dinala ko pagpunta sa sala.
Dito’y naupo ako sa couch katabi ng wine rack side table. I turned on my classical playlist and placed my phone on the table. I’d rather listen to music than browse online. I won a flat-screen television from work that I only placed in the living room for decoration.
Maingay na ang mundo ko sa maghapon kaya naman pag-uwi, mas gusto ko talaga ng kapayapaan kahit ilang minuto lang.
I took a bottle of my favorite Sauvignon Blanc, and pour the right amount of white wine into my glass. I can’t get drunk because I still need to wake up early the next day for work.
I crossed my legs and leaned on the couch. Holding the glass by the stem, I swirled the wine in my glass and enjoyed its herbs and citrus aroma.
I’m not fond of wines before but this wine became an exception. Si MJ ang unang nakapagpatikim sa akin nito noong kasal nina Reign at Daxon. He dared me to drink it when it was not even part of my plans, and I did.
Noong una ay hindi ko nagustuhan ang lasa. Kaya nagulat din ako nang hanap-hanapin ko na ito.
I took a small sip and savored its crisp and acidic taste. I think I would never forget its refreshing taste in this lifetime.
Hinayaan kong yakapin akong ng kapayapaan ng buong unit ko. Hindi ito ganuon kalaki. Sapat lang para sa isang tao. May sala, kusina, at isang kwarto. Mag-isa lang ako rito pero hindi ko masasabing malungkot ako katulad ng iniisip ng ibang tao.
I love my personal space and I wouldn’t trade it for the world.
I was looking forward to spending this time in peace lalo na’t madaling araw na. Ayon lang ay tumigil ang tugtog sa phone ko nang mag-ring ito. Pagtingin ko sa screen, nakita kong si Mama ang tumatawag. Mukhang naaral na niya ang oras ng pag-uwi ko kaya talagang hinintay pa niya ‘ko.
Bumuntong hininga ako bago ito sinagot. “Hindi ako pwede bukas.”
“Ano ka ba naman, Mae? Lahat na lang ng blind date na inaayos ko para sa ‘yo, hindi mo pinupuntahan. Paano ka magkakaroon ng sariling pamilya niyan?”
“Sinabi ko naman kasi na ayokong magkaroon ng sariling pamilya, Ma. Kayo pa lang sobra-sobra na. And please, stop calling me Mae.” Ayaw ko ng second name ko. Period.
Inilayo ko agad ang phone ko sa tainga dahil sa alam kong malakas na sigaw ang kasunod ng sinabi ko. Masyado kasing madrama si Mama kaya mula sa pagsigaw ay iiyak na ‘yan maya-maya. Tapos ay maaawa ako kaya tatanggapin ko na ang blind date na gusto niyang puntahan ko bukas.
Totoo naman kasi ang sinabi niya, kapag may blind date siyang pinapapuntahan sa akin, nagpapapunta lang ako ng ibang tao. Kadalasan ay isa sa mga kaibigan ko. Hindi kasi talaga ako interesado.
“Send mo na lang sa ‘kin ang details. Daanan ko bukas. Lunch lang ako available,” pagkasabi ko nito’y ibababa ko na sana ang tawag nang marinig ko pa sa background ang boses ng mga kapatid ko.
“Ate! Pahinging baon!”
“Ate! Sira na ‘yung sapatos ko.”
“’Wag niyo ngang kinukulit si Ate. May usapan na kaming bibilhan niya ‘ko ng graduation gift e!”
Napapikit ako nang mariin. Hinimas ko ang sentido ko dahil sa pagkirot nito. Hindi ko alam kung bakit gising pa silang lahat ng ganitong oras. Puro Ate na naman ang narinig ko.
“Ma, magpapadala na lang ulit ako ng pera. Ikaw nang bahalang magbigay sa kanila ng kailangan nila,” sabi ko naman kay Mama dahil ayaw ko nang mamroblema pa. Binaba ko na ang tawag at saktong may notification akong natanggap galing sa phone ko.
Nang tingnan ko kung ano ito, nakita kong sinali na pala ako ni Sir Rey, handler ni Elijah Charlesworth, sa isang email thread para sa upcoming concert nito. Hindi pa niya ako pormal na nakakausap pero mukhang nagsimula na agad ang trabaho.
***
EliSie.
Ito ang tawag sa love team na kinabibilangan ni Elijah Charlesworth. Ang pangalan kasi ng katambal niya ay Sienna.
Natawa nga ako noong unang beses kong nalaman na Blades ang tawag sa mga fans ng love team nila. Paano’y ang ingles daw ng elisi ay blade. Muntik na nga raw maging electrics at copters ang tawag sa kanila pero mabuti na lang at Blades ang nanalo sa botohan ng fansclub.
And so far, ang EliSie ang may pinakamalaking fanbase sa entertainment industry ngayon. Hindi na rin naman ito nakapagtataka dahil kahit mahigit isang dekada na ang love team nila, mas lalo lang itong nagiging tanyag dahil sa sunod-sunod nilang projects magkasama.
Sikat na sikat sa buong Pilipinas ang EliSie. Umaabot na rin ang kasikatan nila sa ibang bansa dahil sa mga pelikula at palabas na pinagtatambalan nilang dalawa.
We had to postpone Elijah’s concert last year because of EliSie’s movie. At mukhang nakabuti naman ang ginawa nila. This movie is now internationally renowned.
Bakit ba naman kasi hindi na lang mag-focus si Elijah sa pag-arte at itigil na niya ang pangarap niyang maging total performer. Kumpara kay Ezekiel ay hindi naman kasi siya kagalingang kumanta at sumayaw.
It could have been better for him to focus working on his love team lalo na’t usap-usapan ngayong totoong may relasyon na ang dalawa.
Pero ngayong tuloy na ang concert at kailangan kong makapagdesisyon para sa sarili ko, I’d rather make a different decision.
Mas gusto kong suportahan sa kanyang career si Ezekiel kaysa kay Elijah. Bukod pa rito, ayaw kong matali sa concert ni Elijah. Kapag nangyari kasi ito, mawawalan ako ng oras sa iba pang bagay. I’ll be restricted to do other events.
So, if having peace of mind means giving up on this big project, I’d gladly do it.
I sent a formal email to Elijah and Sir Rey, stating that I’m no longer available to mount this event and I wish them all the best.
***
Sinubukan kong tawagan ang mga kakilala kong pwedeng sumalo sa blind date na na-set up ni Mama para sa akin. Pero walang pumayag. Na-miss ko tuloy lalo ang mga kaibigan ko. Hindi na kasi sila pwede sa ganito dahil may kanya-kanya na silang asawa ngayon.
Kaya naman naisip kong tumuloy na lang sa lunch date. Naisip kong wala naman sigurong mawawala kung harapin ko ito. Malapit lang naman sa RSE building. Tapos ay makakalibre pa ako ng lunch. Isipin ko na lang na may ka-meeting akong kliyente.
Una akong nakarating sa restaurant kaya ako na ang humanap ng upuan. Carlos ang pangalan ng lalaking kikitain ko. Hindi ko alam kung anong itsura niya dahil wala naman akong interes malaman ang kahit anong detalye tungkol sa kanya.
Pero sa pagkakaalam ko, alam nito ang itsura ko dahil nag-send sa kanya ng picture ko si Mama. Sabi ni Mama ay pihikan daw ang lalaking ito at sabi nito, mabuti pumasa ako sa panlasa niya.
Red flag na tuloy sa akin ang lalaking ito kahit hindi pa man kami nagkikita. He is not a test I should pass. Siya ang dapat pumasa sa panlasa ko.
Kaya naman habang tumitingin ako ng pagkain sa menu, hindi ko inasahan nang may lumapit na lalaki sa akin. Mabuti’y nakaharang ang menu sa ibabang bahagi ng mukha ko kaya hindi nito nakita ang pagkalaglag ng panga ko.
Hindi naman sa pagiging judgmental pero hindi ko inakalang ganito ‘yong itsura ng mature na anak ng family friend namin! I can’t believe this is Carlos!
Sa sobrang pagka-mature niya ay naubos na ang buhok niya! He has receded hairline and a few bald spots. Dumagdag pa rito ang tyan niyang may kalakihan.
“Ikaw ba si Tiffany Mae Dimagiba?” tanong nito. At dahil deal breaker talaga sa akin ang hygiene, napaatras na ako nang tuluyan nang makita kong bukod sa pagkakaroon ng balbas at bigote, naninilaw din ang ngipin nito.
Mukhang sa dami ng tinanggihan kong blind dates, naubusan na si Mama ng maipapareha sa akin!
Awtomatiko akong napailing. “Ah hindi. ‘Di ko kilala ‘yon. Excuse me. Nandyan na pala ‘yung kikitain ko!” Nakaharang pa rin ang menu sa mukha ko nang tumayo ako. May nakita akong lalaki na sinundan ko papunta sa isang function room para mapagmukhang ito ang kasama ko.
Pagpasok sa loob ng function room, bigla namang tumigil ‘yong lalaki sa paglalakad. Nabangga tuloy ang mukha ko sa likuran nito. Hinimas ko agad ang ilong ko.
At kung ‘di ba naman mapaglaro ang tadhana…
Naamoy ko ang pamilyar nitong pabango.
“So, did you change your mind?” tanong ni Elijah Charlesworth pagharap sa akin.
Tumayo naman ako nang maayos. I tried to fix myself. Kunwari’y walang nangyaring nakakahiya ngayon lang.
“No. I’m planning to inform RSE this afternoon about my plan to focus on the projects that I currently have,” sabi ko naman. “I just came here to… inform you.” Tumikhim ako.
“Then leave. First meeting namin para sa concert ngayon. And we’re still looking for a new events specialist, thanks to someone.” Hindi ako kumilos nang sabihin niya ito. Malamang kasi ay nasa labas pa ‘yong lalaking tinakasan ko.
“Parating na ba ang ibang kasama mo sa meeting? Baka pwedeng dito muna ako kahit ilang minuto lang. Maybe you’d appreciate my company. Pwede mo akong tsikahin.”
Nag-text na ako kay Mama para i-cancel ang blind date. Pero ayaw nito dahil wala na raw siyang maipakilala sa akin. Gusto talaga niyang kitain ko man lang ang lalaking ito dahil baka magustuhan ko naman, pero ayaw ko!
Unang tingin pa lang, alam ko na sa sarili ko kung may pag-asa ba sa akin ang isang lalaki o wala. Kaya sigurado akong kahit anong pagpapakilala pa ang gawin ni Carlos, hinding-hindi ko siya magugustuhan.
Kapag ayaw ko, ayaw ko.
Matigas nga raw ang ulo ko, ito ang madalas sabihin sa akin ng mga tao.
“Yes, papunta na rin sila rito. Nag-CR lang si Sir Rey. Kaya kung hindi ka rin naman kasali sa project na ito, umalis ka na dahil confidential ang mga pag-uusapan namin,” seryosong saad ni Elijah.
Kinuyom ko ang mga palad ko. Sir Rey is very strict when it comes to professionalism. Nakakahiya naman kung sasabihin ko sa kanyang magtatago muna ako sa function room habang nagmi-meeting sila dahil lang ayaw kong siputin ang ka-blind date ko. Matatanong pa ako kung bakit. Tapos ay magmumukhang masama.
Pero may problema ba kung hindi ito ang preference ko?!
Kahit naman kasi hindi ko sila maka-trabaho para sa concert, importante pa rin na maayos ang relasyon ko sa kanila dahil posible pa kaming maging magkatrabaho sa ibang proyekto. Hindi lang din naman si Elijah ang hawak na artist ni Sir Rey.
“Mukhang nandyan naman na ang kasama mo. Papuntahin ko ba rito para sunduin ka?” tanong naman ni Elijah pag-upo niya. Nakita ko ang nanunuyang tinging ipinukol niya sa ‘kin. Dahil sa sinabi niya, alam kong may ideya siya kung bakit ako sumunod sa kanya.
I bit my lower lip and hated this man even more. “No, thanks. I can manage.”
Huminga ako nang malalim. Binuksan ko ang pinto ng function room at nakitang nakatayo pa rin sa gitna ng restaurant ‘yong lalaking ka-blind date ko dapat. Para bang nagtatanong-tanong pa sa bawat table. Napalunok ako, animo may nagbara sa lalamunan ko.
Sinarado ko tuloy ulit ang pinto at humarap kay Elijah.
“Alam mo? Fine. I’ll be your events specialist. But I need a raise.”