Tumawa nang malakas ang mga kaibigan ko pagkatapos kong ikwento sa kanila ang nangyari sa blind date na pinuntahan ko kaninang umaga. Kita ngalangala ni Quinn at ang iba naman ay napahawak pa sa kanilang tyan.
Pumalakpak ng isa si Quinn bago nagsalita. “Ayarn na nga ba ang sinasabi ko sa ‘yo, bakla! Nakarma ka rin dahil masyado mong kinarir ang ‘di pagsipot sa mga inerereto sa ‘yo!”
Sinang-ayunan naman siya ng iba naming mga kasama. “Sinabi mo pa! E ‘di ba ilang beses nga niyang ipinasa sa ‘min ang blind date na dapat ay kanya?” paggatong ni Bobbie dahil siya ang una kong napakiusapan noon.
“Muntik pa nga akong mapahamak e,” nakangusong saad ni Iaree and I mouthed sorry. ‘Yung nangyari sa kanya ay hindi ko naman talaga sinasadya.
“Ay so true! Ewan ko nga dyan kung bakit kahit isang beses ‘di man lang ako naisip gawing substitute,” reklamo ni Quinn sabay palis sa kanyang imaginary long hair papalikod.
Napairap naman ako sa kawalan sabay iling at buntong-hininga. “Sana pala ikaw na lang ang pinapunta ko kanina!” komento ko tuloy.
“Shelemet na lang, no? Kung ganun din naman kachaka at kajubis ang ipapachupa sa akin, aba wititit!”
“Bwisit ka talaga, bakla!” sigaw ko tuloy sabay tawang-tawang hinampas ang kanyang braso. Muntik pa kaming magsabunutan sa tuwa.
Ang sakit ng tyan ko kakatawa kasabay ng iba. Kapag kasama ko talaga sila, ‘yong stressful events sa buhay ko ay nagagawa ko na lang tawanan. Kaya tama talaga ang desisyon kong ayain silang lumabas ngayong gabi.
Uminom ako ng beer sabay baling ng tingin sa entrance ng Royal Club. Dito kami madalas magpunta ng mga kaibigan ko kapag nagkakayayaang magkita-kita.
Dapat ay sa Cup of Twist kami ngayong gabi pero gusto rin nina Kuya PJ at Iaree makalanghap ng hanging ‘di amoy kape dahil maghapon na silang nandito.
Bukod kina Quinn at Bobbie, nandito na rin sina Migz, asawa ni Bobbie, sina Kuya PJ, Iaree, Reign, at Daxon.
“Pero seryosong tanong ba. Sabihin na nating maayos ang naging ka-blind date mo kanina. Tingin mo may pag-asang magka-jowa ka na ngayong taon?” tanong naman ni Reign. At pansin kong lahat ay naging interesado sa sagot ko dahil binalingan nila ako ng tingin.
“Nope. I don’t think so. We can have a second date depending on my schedule. But definitely not a relationship.” Walang pagkurap na sagot ko. Wala pang ilang segundo ay mabilis kong nasagot ang tanong sa akin dahil sigurado ako sa sarili ko.
“So, in short, gagawin mong kliyente ang ka-blind date mo, ganuon ba?” follow up question ni Bobbie na tinanguan ko
“Mawawala ka na sa kalendaryo, bakla! Ikaw ang bahala. Basta ako, ayokong maging thundercats na mag-isa!” singit naman ni Quinn.
“Thundercats ay matanda, tama?”
Napalingon kami kay Daxon dahil sa ibinulong niya kay Reign. Medyo malakas kasi ito kaya narinig pa rin namin. Mukhang hanggang ngayon ay sinusubukan pa rin niyang intindihin ang ilan sa mga beki words ni Quinn. Ang cute lang kaya kaya napatakip ako ng bibig para itago ang pagngiti.
“Korek, Papa Dax! May one point ka dyan!” pumalakpak naman si Quinn, exposing Daxon. Parang lasing na siya dahil sa pagiging hyper niya.
“Ah. Thanks—Sorry, I was just trying to understand.” Nahiya tuloy si Daxon sa amin kaya agad namula ang mukha.
“Mag-open na ba ako ng language course, just for you?” umarte si Quinn na para bang inaakit niya si Daxon. Kumindat-kindat pa ito. Isinukbit ang ilang hibla ng kanyang imaginary hair sa tainga.
Tuloy ay tumayo si Reign at kumandong sa kanyang asawa. Pinulupot niya ang mga braso sa leeg ni Daxon.
“Stop flirting with my husband!” reklamo ni Reign na alam naman naming joke lang kaya natawa kaming lahat.
“Your brother is here, Reign!” paalala ko naman.
Ako ang mas nahiya nang makita ang pag-usok ng ilong ni Kuya PJ habang nakatingin sa paglalambingan ng dalawa. Si Iaree naman ang agad kumausap dito kaya mabilis na-divert ang atensyon nito.
Nakakatuwa talaga masubaybayan ang magkakapatid na Valderrama. Hindi tulad ng iba ay sobrang malapit sila sa isa’t isa. Protective din ang mga Kuya ni Reign sa kanya dahil siya ang nag-iisa nilang kapatid na babae.
But then I guess they eventually learned to loosen up now that Reign’s happily married and has two children.
“Hindi ba pupunta sina Kuya TJ?” tanong naman ni Iaree na nagpatahimik sa buong lamesa.
Napansin ko ring wala pa sina Kuya TJ at June. Kaya nga panay ang tingin ko sa pinto ng club. Kapag nagbubukas ito at may pumapasok, umaasa akong sila ang makikita ko. Kaya nga hindi kami gumamit ng function room ngayon. Kahit maingay tinatyaga naming mag-usap.
“Oo nga. Si MJ ba? Hindi siya nagre-reply sa ‘kin e,” dagdag ko pa.
From time to time ay nangungumusta ako sa kanya pero ang last na text message na natanggap ko galing sa kanya ay busy siya sa isang proyekto. Kung ano ito ay hindi na niya idinetalye pa.
Binalingan namin ng tingin sina Reign at Kuya PJ na dapat ay nakakaalam kung nasaan ang mga kapatid nila. Nagkatinginan naman ang dalawa na para bang may secret code ang tinginang ito.
Pero nabasa ko sa kanilang mukha na hindi sila masaya. Kaya palagay ko ay hindi maganda ang ibig nitong iparating.
“Ang Portugal naman nila!” bulalas ni Quinn bago bumuntong-hininga. “Papa Dax, Portugal in our language means tagal, matagal. Please take note.”
Nakita kong tumango-tango si Daxon sa kaibigan namin. Pero seryoso kong ibinalik ang tingin sa magkapatid. Kukulitin ko pa sana sila nang magsalita na si Reign.
“I don’t think they’re coming. Akala yata nila pupunta si MJ.”
“MJ is also busy,” dagdag pa ni Kuya PJ.
Umikot ang tyan ko sa sinabi nila. Nagkatinginan kaming magkakaibigan, bakas sa mukha ang magkahalong lungkot at pagkadismaya. Matagal na naming ‘di nakakasama ang tatlo sa ganitong labas namin.
Marahil ay hindi pa rin nagkakausap sina Migz at June pagkatapos ng nangyari sa kasal.
At syempre, bilang asawa, hindi pwedeng pabayaan ni Kuya TJ si June. Kung ‘di gustong magpunta ni June sa mga labas namin, hindi rin pupunta si Kuya TJ. I’m not sure what his thoughts are on this, but knowing him, for sure he wouldn’t simply disregard his wife’s feelings.
Nag-aya pa naman akong lumabas ngayong gabi dahil ang sabi ko sa kanila’y mas magiging abala na ako sa trabaho sa mga susunod na araw. Baka matagal na ulit bago makasama sa kanila.
Pero mukhang hindi ito naging sapat na dahilan para kalimutan muna nila pansamantala ang sama ng loob sa isa’t isa.
Hindi pa rin pala kami makukumpleto ngayong gabi.
Naagaw ang atensyon namin dahil sa malakas na pagpalakpak ni Quinn. “Kung waley sila, e ‘di waley! Maging happy na lang tayo sa mga matatapang na sumipot ngayong gabi!”
“Oo nga. Quinn is right—”
“FYI, a Quinn is never wrong.”
“Ewan ko sa ‘yo Quinn! Anyway, congratulate naman natin si Tiffany dahil sa malaking upcoming project niya with Elijah Charlesworth! ‘Wag mong kalimutan ang video greeting at autograph ko ah,” kilig na kilig si Bobbie nang magsalita.
Mabilis naman siyang sinang-ayunan ni Reign. “Yes, of course! May free VIP tickets ba kami sa concert na ‘yan?” Kilig na kilig din ito dahil ang alam ko pareho nilang iniidolo si Elijah.
Tuloy ay nakita ko ang seryosong tingin sa kanila nina Migz at Daxon. Pinanlakihan ko ng mga mata ‘yong dalawa para tumigil sa pigil na pagtili nila. At nang ‘di pa nila nakuha ang ginagawa ko’y inginuso ko na sa kanila ang mga asawa nila.
Agad naman nilang pinagdikit ang labi nila. Ipinantakip pa ang kamay sa bibig sa kahihiyan bago naglambing sa mga asawa.
“Syempre lahat kayo bibigyan ko ng libreng VIP tickets. Kasali ‘yan sa mga hiningi ko kanina sa meeting.”
Kanina’y nakwento ko sa kanila nang bahagya na nagkaroon na kami ng first meeting para sa concert. Hindi ko na idinetalye pa ang mga napag-usapan namin dahil confidential ito kahit magkakaibigan kami.
Basta ang alam nila’y napasubo ako sa pag-mount ng concert dahil sa pagtakas ko sa ka-blind date ko dapat. Of course, I didn’t tell them how our conversation went.
Kahit ayaw ko kay Elijah, I’m not the type of person who bad mouths anyone, especially the people that I work with. Kahit ‘di pa maganda ang ugali ng kliyente ko, as much as possible, I give my best to protect them.
“Jusko! Basta ako imbyerna sa Elijah na ‘yan. Never na ‘kong magiging fan!” sabi naman ni Quinn na understandable dahil sa bad experience niya sa tao.
Hinawakan ko naman ang kamay niya para sana i-comfort siya kaya lang si bakla ay agad bumitaw sa akin, animo nandiri. Sinimangutan ko tuloy siya at kinurot sa tagiliran dahil sa kaartehan.
“Aray naman! Hindi ako si MJ ah!” balik nito kaya tumirik ang mga mata ko.
Kapag magkasama kasi kami ni MJ ay para kaming aso’t pusa. Panay ang hampas at kurot ko sa kanya. Ilang beses ko rin itong namumura. Pero alam naman namin parehong biruan lang ito. Hindi namin sineseryoso ang isa’t isa.
Napagkwentuhan pa naming magkakaibigan ang ibang bagay sa buhay ng isa’t isa. Nakikinig naman ako sa kanila at sumasagot-sagot din. Pero hindi ko maiwasan ang pagtingin sa pinto ng club. Kahit sinabi na nilang malabong magpunta ‘yong tatlo, umaasa pa rin akong magkakaroon ng himala.
Pero sabi na’t mahirap talagang umasa. Hanggang magdesisyon kasi kaming umuwi ay walang dumating kahit isa sa kanila.
We decided to call it a night and went our separate ways. Dahil nag-taxi lang naman ako papunta sa club ay sa ganitong paraan lang din ako bumalik sa condo pagkatapos magpaalam sa mga kasama.
~Damn, I like me better when I'm with you…~
Habang nasa byahe, nakasandal ako sa passenger’s seat at tahimik na nakatanaw sa bintana. Kung minsan ay nagsa-sound trip din ako. Katulad na lang ngayon na tumutugtog ang isa sa mga kanta ni Lauv sa taxi. Nakikinig ako rito, tulala habang pinagmamasdang mawala ang bawat nadadaanan ng sasakyan.
Palaging ganito nagtatapos ang araw ko. Madilim pero kitang-kita ko ang city lights. Tanaw ko rin ang iba’t ibang establishments na buhay na buhay pa rin kahit alanganing oras na. At syempre hinding-hindi mawawala ang mga naglalakihang billboards.
Kapag ganitong pauwi na ako sa condo, kadalasan ay nagkakausap pa kami ni MJ.
Kumustahan lang sa araw. Sa kanya ko unang nasasabi ang magagandang balita sa buhay ko. Sa kanya ko rin nairereklamo lahat ng mga bagay na kinaiinisan ko. Mabuti nga at kinakaya niya dahil madalas ay parang gusto kong pati siya ay awayin.
Siya ang palaging unang tumatawag dahil alam din niyang bukod sa makakalimutin ako, ganitong oras lang niya ako makakausap. Maghapon ko man kasing hawak ang cellphone ko, wala akong oras para mag-reply nang mag-reply sa kanya o kahit sagutin ang tawag niya unless it’s a life and death situation.
Nakakatuwa naman ang mga kaibigan ko. Alam nila kung gaano kaimportante para sa akin ang trabaho ko kaya palagi nilang nirerespeto ang oras at boundaries ko. Sinusubukan nilang mag-adjust palagi sa schedule ko. Lalo na si MJ.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko nakita si MJ ngayong gabi at malamang matagal pa ulit bago kami makumpletong magkakaibigan. Sana bago ako maging sobrang busy ay makita ko siya. Gusto kong malaman kung ayos lang ba siya at—
“AY GAGO!”
“Po, Ma’am?”
“Ay sorry, Kuya! Pwede pahinto lang sandali?”
Nahiya ako sa taxi driver dahil nakapagmura ako nang wala sa oras. Paano ba naman ay halos lumuwa ang mga mata ko ngayon! Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko sa bintana!
May malaking digital billboard kung saan naligaw ang best friend ko.
Oo’t nakabalandra ang litrato ni MJ sa kahabaan ng EDSA!
With a fierce look, he’s posing like a model for a famous clothing brand. Nakasuot siya ng plaid pants na ipinares niya sa black vest. Wala man lang siyang shirt na suot kaya para siyang half-naked. Makikita ang kanyang dibdib sa bukas na vest pati na rin ang muscles niya sa braso na pilit na pilit ang pag-flex.
Sino ba namang hindi magugulat kapag nakita ang larawang ito?!
I took a picture of the billboard and asked the driver to continue our trip.
Palagay ko’y bagong palit lang ang billboard na ito dahil noong dumaan ako rito nito lang ay hindi naman ito ang litratong nakita ko. The clothing brand is not even related to the Valderrama Corporation kaya anong ginagawa ni MJ?
Tuloy ay mabilis akong nagpunta sa group chat namin. Pinadala ko ang picture ng billboard na nakita ko kasabay ng komento ko.
TIFFANY: SOBRANG BUSY NGA.
At agad nag-seen ang mga kaibigan ko. Sunod-sunod na tuloy ang chat nila.
QUINN: Hoy! Shuta ka, MJ! Kaya pala wala kang paramdam, hubadera ka na pala ng taon!
PJ: What the f*ck? Alam ba ‘yan sa bahay?
REIGN: Kuya MJ naman e… tell us this isn’t just for fun. Patay ka na naman kina Mama’t Papa.
Nakita kong nag-seen din si Kuya TJ. Pero mukhang nakibasa lang siya sa nangyayari dahil hindi naman siya nag-chat. Ang iniisip ko tuloy ngayon ay may alam siya sa billboard na ito.
BOBBIE: Oh my God! Guys, si MJ ba talaga ‘yan? Baka kahawig lang? Kung nandyan ka man, MJ. Pakigalaw naman ang baso.
IAREE: Hala, Kuya MJ naman! Buti ‘di ako dumadaan sa EDSA!
QUINN: Bakit kinakapa mo dede mo?
Sa picture, makikitang nakapasok ang isang kamay ni MJ sa vest malapit sa kanyang dibdib. Bagay naman ito sa pose niya pero siraulo talaga si Quinn at pati ito pinansin. Tuloy ay natawa na rin ako kahit gusto kong mainis at mag-alala para sa kaibigan namin.
Napuno na ng laughing emojis at pagtawa ang group chat namin. But as expected, ‘ni hindi man lang nag-seen si MJ.
Ano bang trip niya at may paganito naman siya ngayon? Hindi pa ba sapat ang kasikatang natamo niya pagkatapos tumakas sa sariling kasal? I just hope this isn’t just an impulsive act.
Nakwento naman niya sa akin noon na marami talaga siyang offers na natatanggap para mag modelo at sumabak sa showbiz. But he would always say no because according to him, he has no interest in the entertainment industry.
Tapos ngayon magugulat na lang kami nasa billboard na siya?