Nakakatakot ang mga fans ni Elijah – or I guess I should simply call them Blades. Hindi ko alam kung dahil lang ba ito sa marami sila o dahil karamihan sa kanila ay nasa edad na. Compared with other RSE artists, Elijah and Sienna have older fans dahil nasa thirties na rin sila.
At dahil karamihan nga ay nasa mid to late twenties na, sila rin ‘yong may purchasing power o kakayahang gumastos para sa kanilang iniidolo dahil may mga trabaho sila. Kaya sa mga events na kailangang magbayad, sila ang mas may advantage.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tingin ng team ni Elijah, kahit first major solo concert niya ang gagawin namin ay maso-sold out ito. Sobrang taas talaga ng expectation nila rito.
“Nabasag yata ang eardrums ko sa sigawan ng fans ni Elijah,” komento ni Irene na sa isip ko’y sinang-ayunan ko.
Nakapikit lang kasi ako ngayon sa van. Nagkukunwaring tulog para hindi ako mapilitang makipag-usap sa kahit na sino. Kasama ko sa van sina Irene, Eunice, at mga interns namin. At papunta kami sa hotel na tutuluyan namin ngayong gabi.
Sang-ayon ako sa sinabi ni Irene dahil sobrang wild talaga ng Blades. Nakakabingi ang mga tilian at hiyawan nila. Paulit-ulit pa rin sa tainga ko ang pagsigaw nila sa pangalan ni Elijah bilang pagpapakita ng pagmamahal at suporta rito.
Mabuti na nga lang at naka-plus one si Elijah. Malamang kasi ay halos hindi na rin niya marinig ang sariling boses habang kumakanta kanina.
“Pigil na pigil nga po ‘yung tili ko eh!”
“Same! Kala ko po hihimatayin ako nung makita ko nang harapan si Elijah.”
“Ang pogi po pala niya talaga lalo na sa personal! Sayang ‘di niya kasama si Sienna!”
Narinig ko pa ang iba’t ibang komento ng mga interns kay Elijah na agad sinang-ayunan nina Irene at Eunice. Hindi lang ako maka-relate sa mga ito dahil hindi ako fan ni Elijah o ng kahit na sinong artista. Hindi ko rin alam kung bakit. Basta it’s not just my thing.
“Okay lang ba si Tiffany?” boses ni Eunice ang narinig ko.
“Ay oo. Pagod lang siguro,” sagot naman ni Irene. Buti at hindi nila ako sinubukang kausapin dahil naubos na ang energy ko makipag-socialize ngayong araw. Ganito naman ako palagi. Para akong bateryang nalo-lowbat.
Kakatapos lang ng first day ng event namin. And I think, even if we encountered minor issues, we were still able to pull it off as planned. Kaya nga sigurado akong pumapalakpak na naman ang tainga ni Luigi ngayon pa lang.
Dahil malapit lang ang hotel sa event venue, nakarating din kami rito kaagad. Ayon lang, pagdating namin sa palapag kung nasaan ang assigned rooms namin, hindi ko inasahan nang makasalubong namin si Elijah.
Hindi ko pa nga ito mapapansin sana kung hindi ko narinig ang halinghing ng mga interns namin. Nag-angat ako ng tingin at nang magkatinginan kami ni Elijah, tumango lang ako rito para hindi nito masabing ‘di ko siya pinansin.
Narinig kong nagtanong ang mga interns namin kay Irene kung pwede silang magpa-picture kay Elijah. Pumayag naman ito dahil pati siya ay nakisali. Si Eunice din ay pansin kong naghihintay ng pagkakataon para makapagpa-picture dito.
Dahil alam kong istrikto si Sir Rey pagdating sa ganito, siya na lang ang nilapitan ko para bigyan pa ng oras ang mga kasama ko.
“Dito rin po pala kayo, Sir Rey?” tanong ko na tinanguan niya kahit nakataas ang dalawang kilay.
“Oo. Kaya nga kami nandito. Wala naman daw kayong budget para sa mas magandang hotel,” sabi niya na halatang dismayado. Tinawanan ko na lang ito nang mahina dahil totoo naman ang sinabi nito.
Mataray talaga si Sir Rey kaya nga takot ang mga kasama ko sa kanya. Hindi na rin nakapagtataka dahil halos lahat ng mga road managers at handlers na nakatrabaho ko ay masungit, mayabang, at masyadong mataas ang tingin sarili. Madalas ay parang sila pa ang mas artista sa artista.
Pero siguro nasanay na lang din ako kay Sir Rey dahil ilang beses ko na siyang nakatrabaho para sa ibang artists. At wala naman siyang choice dahil ako ang kadalasang pinaghahawak ng events ng artists na hawak niya.
Nagkausap pa kami sandali ni Sir Rey tungkol sa nangyaring event kanina. At nang makita kong mukhang matatagalan pa ang mga kasama ko, hindi na ako nag-abala pang hintayin sila at nauna na ako sa kwarto para makapagpahinga.
Tahimik at mag-isa lang akong naglalakad papunta sa assigned room nang maramdaman kong parang may kasunod ako. At tama nga ako nang hinala dahil ilang sandali lang, may tumabi na sa akin. Paglingon ko rito ay nalaman kong si Luigi lang pala ito.
Ang alam ko’y solo siya sa kwarto niya dahil ayaw niya ng may kasama. At dahil siya ang may hawak ng project na ito, at malakas siya sa management pati na rin kay Sir Edward, pinagbigyan naman. Nakakatawa nga eh. ‘Yung kwarto, pinagbigyan, pero additional food pax, hindi.
Kung hindi lang maganda ang pasweldo at benefits ng RSE, malamang ay umalis na ako noong mga unang buwan ko pa lang. Kinailangan ko kasi ng full time na trabaho dahil ang mayroon lang ako noon ay mga raket na inconsistent pa ang dating at bayad.
“So, buti pumayag ang boyfriend mo na mag overnight ka sa event na ‘to?” tanong ni Luigi kaya napabuntong-hininga ako. Sana’y ‘di na lang siya nagsalita para naging payapa naman kahit papaano ang gabi ko.
Ilang beses ko bang sasabihin sa kanila na wala nga akong boyfriend?
Tuloy-tuloy pa rin ang lakad ay sumagot ako. “Simple lang. Wala naman kasi akong boyfriend. At kung magkaroon man, I won’t choose a man who feeds his ego by thinking that he can control a woman.”
“Wow. Mukhang mahihirapan ka ngang makahanap ng ganyang lalaki. Kaya pala wala ka pang boyfriend hanggang ngayon. Masyadong mataas ang standards mo.”
“Wala akong boyfriend dahil choice kong hindi magkaroon. Tsaka, ano naman ngayon kung mataas ang standards ko? I just value myself more and I don’t like settling for less. Palibhasa, kayong mga lalaki, mapakitaan lang ng boobs at pwet, daig pa ang asong ulol kung maghabol.”
Tumawa naman si Luigi. Parang compliment pa yata ang dating sa kanya ng sinabi ko.
“Well, if you change your mind. My room is for two adults.”
“Ah talaga? Buti pwede ka sa kwarto na ‘yan?” pambabara ko pa.
At mukhang nang-aasar na lang ito nang humalakhak pa siya nang mas malakas.
“See you later,” sabi nito sabay kindat sa akin. Huminto na siya sa tapat ng kwarto niya at nagtuloy-tuloy naman ako para mapuntahan ang akin.
Napailing na lang ako at napairap sa kawalan.
Ito ang araw-araw na pinagdadaanan ko nasa trabaho man o wala. Tingin ng ibang babae nakakainggit pero hindi.
Men always try to hit on me and it makes me sick.
Kahit simpleng pagkausap ko sa lalaki, nabibigyan ng kahulugan. Maging mabait ako ng kaunti, akala na nila interesado akong makipagrelasyon o makipag-s*x. At kapag nagsungit naman, akala nila ay playing hard to get lang ako. Hindi ko tuloy alam kung saan lulugar.
Ang hirap maging babae sa panahon ngayon.
Pagdating sa tapat ng kwarto ko ay mabilis akong pumasok dito. Saktong naramdaman ko ang pag-vibrate ng phone ko kaya pagpatong ng bag sa kama ay agad ko itong tiningnan.
Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang si MJ ang tumatawag. Agad ko itong sinagot.
“Oh, bakit?”
“Oh, angas ah. Gutom ka ‘no?”
Narinig ko pa lang ang nakakalokong pagtawa ni MJ sa kabilang linya ay gumaan na agad ang pakiramdam ko. Napasibangot tuloy ako dahil ‘di ko matanggap na ‘yung bagay na hirap akong gawin mag-isa ay bagay na magaling siya.
It’s always easy for him to make me feel better.
“Yup. I didn’t eat much,” simpleng sagot ko.
“Bakit? Inagawan ka ba ng baon? Aba! Hindi tama ‘yan. Kakausapin ko ang teacher mo!”
“Para kang baliw,” sabi ko pero natawa na ako kahit ang corny. Hindi kasi bagay sa kanya mag boses nanay. “Marami lang nangyari ngayong araw. Kakarating ko lang sa hotel na tutulugan namin.”
“Late na ah. Walang pagkain dyan?”
“Wala. O-order sana ako pagdating namin dito pero anong oras na rin. Bukas na ‘ko kakain.”
“Doon pa rin ba kayo sa hotel na may multo?”
“Oo. Ang galing mo naman. Natatandaan mo pa?”
“Malamang. Dyan naman kayo palaging nago-overnight kapag sa Laguna ang event niyo. Tsaka ka-video call ko madalas ‘yung babaeng nakaputi dyan kapag alas tres ng madaling araw.”
“Sige ka. Baka may mag-video call nga talaga sa ‘yo mamaya,” pananakot ko dahil puro talaga ito kalokohan. Agad naman niya ‘kong pinatigil dahil may pagkaduwag din siya. Ang hilig-hilig niya kasing manakot. Tapos bandang huli, siya naman ‘yong natatakot.
Tsaka anong sabi niya? Dito kami sa hotel na ‘to palagi kaya niya natandaan? Mga dalawa o tatlong beses pa lang naman kami nago-overnight dito sa Laguna. Ang sabihin niya ay sobrang matandain niya pagdating sa mga kwento ko.
Minsan nga naisip ko kung nire-record ba niya nang palihim ang mga sinasabi ko sa kanya. Siguro ‘di lang ako makapaniwalang natatandaan niya ang mga ito gayong makakalimutin ako.
“So, tell me about your day. Sino ang pasok sa top three mo ngayong araw?” tanong niya. Natawa ako dahil ito na naman kaming dalawa.
Gusto niyang malaman kung sino ang tatlong taong ipapadala ko sa impyerno ngayong araw. Talagang sinusuportahan niya ang paglalabas ko ng frustrations kaya gustong-gusto kong kausap siya pagdating sa ganitong bagay.
Ranting to him is my kind of therapy.
“Third would be Elijah Charlesworth. Second naman si Luigi. At ang top one—” Ginaya niya ang tunog ng drumrolls na sinabayan ng paghalakhak ko. “Top one is none other than, Direk Alco!”
“Kawawa naman si Luigi, hindi na siya ang top one ngayon.” sarkastikong komento ni MJ. Alam na alam niya kasi lahat ng ginagawa at sinasabi nito sa akin kahit noon pa. “At ano naman ang ginawa nila sa ‘yo ngayong araw para dalhin mo sila sa impyerno?”
Magsasalita na sana ako nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko. Pumasok na si Eunice kaya naman binaba ko muna sa kama ang phone ko.
Dito lumapit ang katrabaho ko sa akin at may inabot na papel.
“Ano ‘to?” tanong ko sabay tingin dito. Sequence guide ito sa second day ng event namin pero may mga nakasulat at nakabura.
“May changes sa event bukas. Ikaw na rin mag-inform kay Elijah,” sabi ni Eunice, marahil dahil sa nangyari kanina. “Maliligo ka na ba? Mauuna na sana ako. Ang lagkit ko kasi.”
“Ah oo. Sige lang. May kausap pa naman ako,” sagot ko.
Pagkakuha ng papel ay lumabas ako ng kwarto at nagpunta sa fire exit ng palapag namin. Ayaw ko pa kasing matapos ang pag-uusap namin ni MJ at gusto ko ring makapagkwento nang ‘di kinakailangang magpigil ng emosyon. Hirap pa naman akong ma-control ang volume ng boses ko.
“So, where were we?” tanong ko sa kabilang linya paglipat ng pwesto.
Sa totoo lang ay na-miss ko ang ganitong random calls ni MJ kapag natatapos ang isang buong araw ko sa trabaho. Sa lahat kasi ng mga kaibigan ko, siya lang ang naglalakas-loob tawagan ako.
Dahil busy daw ako, ‘yong iba’y hanggang text o chat lang ang ginagawa. Ayos lang naman sana pero kadalasan ay wala na akong energy mag-type sa phone ko. Nakakatulugan ko na rin ito. And of course, it would be too much to tell them to call instead gayong sila na nga ang nakaalala sa akin.
Tsaka hindi raw sila tumatawag sa akin dahil nakakatakot daw akong kausap kapag pagod at galing sa trabaho. Marami kasi akong rants sa buhay at minsan akala ng kausap ko sa kanila ako galit. Siguro nasanay na lang talaga si MJ tiisin ang sungay ko dahil kami ang pinaka-close sa magkakaibigan.
Nakwento ko kay MJ lahat ng nangyari ngayong araw kahit sa kaliit-liitang detalye. Nakinig naman siya kahit may mga pasundot-sundot na side comments.
“Kulang pa nga ang ginawa mo e,” sabi niya patungkol sa issue ko kay Direk Alco. Inis na inis din siya rito dahil sa kwento ko. Ang sarap magkwento sa kanya dahil ‘yong kaaway ko, kaaway din niya.
Matagal ko nang nagkukwento si Direk Alco sa kanya. Gusto na nga sana niyang umaksyon noon pero pinipigilan ko lang. Iniisip ko kasing ang RSE ang kikilos para sa akin. But so far, no luck.
“Oo nga e. Dapat sinapak ko ‘no?”
“Ay ‘di naman ganuon kalala. Pero sana sinikmuraan mo na lang.”
“Parang ganuon din ‘yon eh!”
Tumawa siya pero naging seryoso rin agad ang tono. “But seriously, I can help you find another job if you’re uncomfortable working at RSE.”
May kakilala si MJ noon sa RSE kaya inilakad niya ako para makakuha ng trabaho rito. Gusto sana niyang mag full time ako sa Valderrama Corporation noon pero ako na ang tumanggi at nagsabing magpa-part time na lang ako. Mahirap din kasi magtrabaho para sa kaibigan.
Ayaw ko ‘yong pakiramdam na nakaasa ako.
“Sus. Tutulungan mo ako eh sarili mo nga hindi mo matulungan ngayon?”
“Sabagay. Kung iisipin… baka wala wala ka namang kailangang ipagalala. Siguradong mas mauuna pang umalis ang mga kasama mo kaysa sa ‘yo. Takot lang nila sa ‘yo!”
“Dapat lang! Ako naman ang nasa tama. Bakit ako matatakot sa kanila?”
“Tama. Pero mag-iingat ka pa rin. Mahirap nang magpakampante,” mas seryoso na ang boses nito kaya naman ‘di na ako nagbiro pa.
“Syempre. Palagi naman.”
I never let my guard down at work. Kaya naman makakaasa talaga si MJ na nag-iingat ako sa trabaho. Sa dami ba naman ng kinailangan kong malagpasan para marating kung nasaan ako ngayon sa field na ito, I would do everything just to keep it.
“Babain mo na pala ang pagkain mo,” pag-iiba niya ng usapan. Kumunot naman ang noo ko.
“Luh. Anong babain? Wala naman akong inorder. Okay ka lang?”
“Talaga? Wala kang inorder na fish and chips with extra dip?”
Lalo tuloy akong nagutom nang sabihin niya ang favorite comfort food ko.
“Naku, MJ. ‘Wag kang magbiro ng ganyan sa gutom. Matatadyakan talaga kita pagbalik ko. Sinasabi ko sa ‘yo.”
“Hindi nga ako nagbibiro! Bayad na ‘yan, kuhanin mo na lang.”
Nanlaki ang mga mata ko. Napatayo agad ako at napagamit ng hagdanan pababa sa lobby. At nang makita kong may pagkain ngang nag-aabang sa akin, sobrang saya ko!
“Hala! Grabe, salamat! You’re the bestest friend in the whole damn world!”
“Wide hindi damn.”
“E damn ang gusto ko para with feelings.”
“Kumain ka na nga. Ang hirap mong gutumin.”