Prologue
“B0bo! Ang tanga-tanga mo, Bea! Naturingan kang Law student pero hindi mo ginagamit ang utak mo!”
Parang dumagundong na kulog ang boses ni Daddy sa malawak na sala. Nakaupo siya sa sofa at ako naman ay nakaluhod sa tapat ng center table kung saan banda nakaupo si Daddy. Bawat salita niya ay dumudurog sa akin ngayon. Ngayon ko lang narinig sa kanya na sinabihan akong b0bo at tanga. For 20 years of my existence ay puro papuri ang naririnig ko sa kanya.
Pero dahil nahuli niya akong pumatol sa isa sa trabahador namin ay gano’n na ang tingin niya sa akin.
“Dad, please… huwag niyo pong gagawan ng masama si Craig!” luhaan kong pakiusap, nakaluhod ako sa malamig na marmol na sahig. “I’ll do everything, Dad. Magtatapos ako. Magiging topnotcher ako sa Bar… b-basta huwag niyo lang siyang saktan.”
Umiling si Dad. Mabigat ang titig na para bang sinusunog ako sa galit. “Everything? You already ruined everything, Beatrice! May kasunduan na ang pamilya natin. Ikakasal ka kay Adrian sa loob ng ilang buwan! Do you understand the magnitude of what you’ve done!?”
Nanginginig ang labi ko. Parang may nakabarang tinik sa lalamunan ko… pero kailangan kong sabihin ang totoo.
“Dad…” mahina kong sambit at saka ako napahawak sa tiyan ko. Tumutulo pa rin ang luha ko. “B-buntis po ako.”
Biglang tumigil ang oras. Nanigas ang mukha ni Daddy na nakatitig sa akin na parang hindi makapaniwala. Pero imbes na lumambot, lalo lang siyang nagngitngit.
“What!?” dumadagundong niyang sigaw. “Buntis ka sa lalaking ‘yon!? Bea, lalo mong binastos ang pangalan natin! Pinili mo ang kalandian kaysa sa kinabukasan mo, kaysa sa obligasyon mo sa pamilya mo! Pumatol ka sa lalaking doble ang tanda sa’yo at may mga anak na! Isa kang malaking g*g@!”
Malakas na ibinagsak ni Daddy ang kamay sa mesa. Umalog ang mga kristal na baso at umalingawngaw ang tunog. “Naghahanda ako ng lahat para sa kasal mo kay Adrian kapag nakapasa ka na sa Bar! Para sa kinabukasan mo! Para sa kinabukasan ng negosyo natin. At ang isusukli mo, anak ng hampaslupa!? Hindi! Hindi ko tatanggapin ‘yan!”
“Dad, please!” halos pasigaw kong sagot, humihikbi, desperadong humahawak sa tiyan ko. “Mahal ko po siya! At apo niyo ang dinadala ko… apo niyo siya!”
Pero lalo lang tumalim ang tingin niya. “Hindi ko kailanman kikilalanin ang batang ‘yan. At gagawin ko ang lahat para maputol ang kahibangan mong ‘to! Sa isang salita ko lang, mawawala sa mundo ang lalaking ‘yon! At ikaw, Beatrice, makikita mong hindi ako kailanman nagbibiro.”
Nanginig ako sa kinaluluhuran, basang-basa ng luha at pawis. Ramdam ko ang bigat sa bawat salitang binitawan ni Daddy. Pero habang mahigpit kong hinahaplos ang tiyan ko ay isang bagay ang tiyak ko. Kahit itakwil niya ako, hindi ko kayang itakwil ang anak ko.