LENNOX
Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Lennox habang abala sa kanyang trabaho. Masaya siyang makasama ulit si Eva. At hindi niya inasahang sa isla pang iyon sila magkikitang muli. Hindi niya akalaing mararanasan pa niya ulit ‘yon.
Ang makitang muli si Eva matapos ang ilang taon na puro tanong at pagsisisi sa isip niya.
Nakatitig siya sa basong may yelo habang hawak ang bote ng alak habang nakaupo sa loob ng El Faro Bar. Nasa unahan niya ang counter, tahimik ang paligid maliban sa mahinang tugtog ng acoustic band sa dulo.
“Tsk,” bulong niya sa sarili sabay lagok ng alak.
“Akala ko tapos na ako sa kanya.”
Pero hindi pala.
Dahil nang makita niya ulit si Eva.... ang magandang mukha, ang magandang katawan nito at ‘yong galit sa mata nito ay parang lahat ng taon na lumipas ay wala lang. Parang bumalik siya sa panahong mahal talaga niya si Eva. Pero hindi niya nagawang manatili sa tabi nito dahil kailangan niyang bumalik kung saan talaga siya nagmula m
“Hindi ka pa rin nakaka-move on, no?” mababang boses ni Orion mula sa gilid niya.
Nakaupo ito sa mataas na upuan, umiinom ng serbesa. At gaya ng dati, seryoso ang mukha.
“Tangina mo,” sagot ni Lennox pero may ngiti sa labi.
“Hindi ako lasing, ha.”
“Hindi mo kailangang malasing para malaman kong lutang ka,” sagot ni Orion sabay inom din.
“Simula pa kanina, puro buntong-hininga ang ginagawa mo.”
Napailing si Lennox.
“Tsk, hindi mo kasi alam, bro. Akala ko nakalimutan ko na siya. Akala ko, no'ng umalis ako noon, tapos na. Pero ngayong nakita ko siya ulit… tanginang iyan. Parang binuhusan ako ng alak sa ulo.”
“Eh bakit ka nga ba umalis noon?” tanong ni Orion, diretsahan. “Hindi mo ba talaga sinabihan ‘yong babae? Hindi mo masyadong nakwento sa amin iyang nangyari sa iyo sa Maynila."
“Hindi,” sagot ni Lennox.
“Kasi kailangan kong bumalik dito. Nagkasakit si lola noon, wala akong choice. Ako ‘yong sumuporta sa kanila. Pinag-aral ko pa ‘yong dalawang pinsan ko. Hindi ko rin alam kung paano ko ipapaliwanag kay Eva noon. At saka bata pa kami, bro. Ayokong madamay siya sa hirap ng pamilya ko.”
Tahimik si Orion na nakatingin lang sa kanya.
“At no'ng nandito na ako…” dagdag ni Lennox.
"Akala ko makakalimutan ko agad siya. Pero putangina, gabi-gabi kong naiisip. Gabi-gabi kong hinahanap ‘yong boses niya. Hanggang sa nagsawa ako kakaisip, sinubukan kong kalimutan. Hindi ko siya kinontak kasi… baka may bago na siya.”
“Classic drama ng gago,” sabi ni Orion ng diretso pero hindi mapang-insulto.
“Tumakbo ka palayo, tapos nagulat ka ngayon kasi nandito rin siya.”
“Bakit, mali ba ang ginawa ko? Syempre pamilya pa rin naman ang mahalaga sa akin ng mga panahong iyon. Kaysa sa pansarili kong kaligayahan," wika ni Lennox habang nakataas ang kilay.
“Hindi naman,” sagot ni Orion. “Pero ang tanong... handa ka bang harapin ‘yong babaeng iniwan mo? Balita ko ginugulo mo raw. Sabi ni Rupert."
Napatahimik si Lennox. Hindi siya sumagot.
Alam niyang may tama sa sinabi ni Orion. Pero minsan, kahit anong lakas ng loob mo, may mga bagay talagang hindi mo alam kung paano haharapin. At iyon ang nararamdaman ni Lennox. Pero dinadaan niya lang sa pang-iinis.
Pagkaraan ng ilang sandali, tumayo si Orion.
“Sige na, balik na muna ako sa trabaho. Napadaan lang ako dito."
“Sige, work well,” sagot ni Lennox.
Pag-alis ni Orion, naiwan siyang mag-isa sa bar counter. Ilang segundo lang, narinig niya ang malambing at pamilyar na boses ng isang babae.
“Well, well, well. Akala ko ba busy ka?”
Napalingon si Lennox.
Si Rica naka-bodycon na itim na dress, pulang lipstick at mamahaling pabango na kahit may halong amoy ng alak sa bar ay nangingibabaw pa rin. Maputi, mahaba ang buhok at may mga matang sanay makakuha ng gusto niya. Mapang-akit ang mga mata ni Rica.
“Rica,” malamig niyang sabi. “Anong ginagawa mo rito?”
Ngumisi ito at saka dumungaw sa bar counter.
“Na-miss lang kita, syempre. Ang sungit mo pa rin.”
“Hindi naman ako naging mabait sa ‘yo kahit kailan,” sagot niya.
Tumaas ang kilay ni Rica.
“Totoo ‘yan. Kaya nga na-curious ako, eh. Bakit ba ayaw mo sa akin? Ano bang maypon ‘yong mga babae mo dati na wala ako?”
“Wala akong mga babae dati,” sagot ni Lennox.
“Wow, defensive! So ano, bakla ka?”
Napatingin si Lennox sa kanya ng diretso at walang ngiti.
“Hindi ako bakla. Sadyang ayoko lang talaga sa iyo. Hindi kita type.”
“Ouch!” napairap si Rica pero halatang pinipigilan ang inis.
“Masyado ka namang masakit magsalita! Pasalamat ka, guwapo ka kaya sige, palalampasin ko iyan!”
Ngumiti lang si Lennox sabay punas ng baso.
“Salamat, at least may awa ka pa pala sa mga ayaw sa iyo.”
“Alam mo, Lennox,” sabi ni Rica habang naglalakad palapit idinidikit ang daliri sa counter.
"Isang araw, kakainin mo rin ‘yang mga sinasabi mo.”
“Hindi ako nagugutom. Kaya wala akong kakainin sa mga sinasabi ko,” malamig niyang sagot.
Napairap lang si Rica at saka tumalikod. “Tsk. Sayang. Kung ibang lalaki lang ‘yan, matagal na akong niluhuran at sinamba.X
“Eh hindi naman ako ibang lalaki.”
"Buwisît ka talaga," wika ni Rica.
Napangisi na lang si Lennox.
Pagsapit ng gabi, alas-dose na at sarado na ang bar.
Naka-shoulder bag na si Lennox, palabas ng resort area. Tahimik na ang paligid. Tanging tunog ng alon at hangin lang ang kasama niya.
Pero sa di kalayuan, may nakita siyang dalawang tao. Isang babae at isang lalaki na nakatayo sa tabi ng kalsada malapit sa entrance ng learning center.
Kilala niya agad ang babae.
Kahit sa madilim na paligid at kahit sa mahinang ilaw ng poste ay hindi niya kailanman makakalimutan ang hugis ng katawan at tindig ni Eva.
Ang lalaki naman ay hindi niya kilala. Medyo matangkad, moreno at mukhang katrabaho ni Eva. Nakatingin si Eva dito at nakangiti ng bahagya habang nag-uusap ang mga ito.
Biglang umigting ang panga ni Lennox. Napakuyom siya ng kamao.
'Tangina naman. Sino ang hayop na ito? At bakit parang masaya si Eva kausap siya?'
Nilunok niya ang inis pero hindi nagtagal, tinabunan ‘yon ng bugso ng dugo sa ulo. Hindi niya alam kung bakit, pero parang gusto niyang lapitan at batukan ‘yong lalaking ‘yon.
Huminga siya ng malalim, pero lalo lang siyang nainis nang marinig niyang tumawa si Eva. Hindi ‘yong malakas pero sapat para kumulo ang dugo niya.
'Anong pinagtatawanan niyo d’yan? Bakit ang saya-saya yata ni Eva? Kapag ako kaharap niya galit na galit siya?'
Hindi na niya tinapos ang iniisip. Mabilis siyang lumakad palapit sa dalawa.
Narinig ni Eva ang mga yabag bago niya ito makita.
Paglingon nito, nanlaki ang mga mata niya.
“Lennox?”
Matigas ang tindig ng niya habang nakataas ang kilay. Malamig ang mga mata pero halatang may halong galit. Sa liwanag ng poste, litaw ang matipunong braso at panga nitong nakapintig sa inis.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Eva na halatang naiilang.
Hindi agad sumagot si Lennox. Tiningnan muna niya ang lalaking kausap ni Eva na walang iba kundi si Steven.
Matino ang itsura, maayos magdamit at halatang may respeto kay Eva. Pero sa paningin ni Lennox, parang lahat ng lalaki ay kalaban.
“Pare, sino ka?” tanong ni Steven ng kunot-noo at nagulat.
Pero hindi si Steven ang sinagot ni Lennox. Sa halip, lumapit siya kay Eva ng mabagal. At sa sandaling iyon, parang tumigil ang paligid. Napalunok ng laway si Eva nang tumayo si Lennox sa likod nito. Matalim ang mata ni Lennox na nakatingin kay Steven.
“Ikaw, sino ka?!”