11

1120 Words
EVA “May anak ka na?” Iyon lang ang tanong ni Lennox pero para kay Eva ay parang lumindol ang buong mundo niya. Parang lahat ng alon sa paligid ay sabay-sabay na humampas sa kanya. Hindi siya agad nakasagot. Parang naputulan siya ng dila. Si Maya ay mahigpit pa ring nakayakap sa kanya at walang kamalay-malay sa usapan ng dalawa na magulang niya. “Eva?” ulit ni Lennox bago makailang beses lumunok ng laway. “Hindi mo sinabing may anak ka na…” Ramdam ni Eva ang kaba. Ang lalamunan niya ay nanuyo. Parang naubos ang laway niya. “Ah…” pilit niyang hinahanap ang boses niya pero halos hindi lumalabas. “Hindi. Hindi ko anak ‘yan.” Kumunot ang noo ni Lennox. “Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?” Huminga si Eva ng malalim bago pinilit ngumiti kahit halatang pilit. “Si Ma-Maya.... a-anak ng pinsan kong na-namatay. Ako na lang kasi ‘yong natirang may kaya-kayang buhay noon kaya ako na ang nag-alaga. Para ko na rin siyang anak. Kaya... ayon... m-mommy ang tawag niya sa akin," aniya bago natawa ng alanganin. Tahimik si Lennox na nakatingin kay Eva. Kitang-kita ni Eva ang dahan-dahang pagbabago ng ekspresyon nito. Mula sa pagkagulat kanina ay unti-unting naging malungkot tapos nauwi sa simpleng tango. “Ah…” mahinang sagot ni Lennox at halos pabulong. “Ganoon ba…” Ngumiti si Eva pero hindi na makatingin ng diretso sa binata. “Oo. Kaya… ayun. Nag-aaral siya dito sa learning center habang nagtatrabaho ako. Mabait naman ang p-pamangkin kong ito. Hindi siya mahirap alagaan." Tumango si Lennox, pero halata sa mukha ang pagdismaya. Hindi man nito sinasabi pero naramdaman ni Eva ‘yong bigat ng tingin nito. Iyong tipong may gusto pang itanong pero piniling huwag na lang. “Swerte niya sa iyo,” sabi ni Lennox matapos ang ilang segundo. “Maayos ‘yong pagpapalaki mo sa kanya. Halata, mabait na bata.” Napangiti si Eva kahit pilit. “Salamat.” “Gusto ko sanang makilala siya ng maayos. Para kapag busy ka, ako muna ang mag-aalaga sa kanya. Malalaki na kasi ang pamangkin ko kaya wala na akong inaalagaan,” dagdag ni Lennox pero mabilis siyang pinutol ni Eva. “Hindi na kailangan,” sabi niya sabay kuha sa kamay ni Maya. “Halika na, anak. Gabi na. Baka lamigin ka.” Tumingin lang si Lennox habang inaalalayan ni Eva si Maya. “Sige… ingat kayo pauwi.” Tumango lang si Eva habang pilit ang ngiti sabay talikod..Pero bago pa siya tuluyang makalayo, narinig niya ang mahina ngunit malinaw na boses ni Lennox sa likod. “Eva… ang saya kong makita ka ulit.” Tumigil siya sa paglalakad sandali pero hindi na lumingon. Mabilis niyang hinigpitan ang hawak kay Maya at nagpatuloy sa paglalakad. Pagdating nila sa bahay, halos wala siyang imik. Si Maya naman ay masiglang nagkuwento tungkol sa drawing nila sa learning center. “Mommy, sabi ni teacher, ang ganda daw po ng drawing ko ng pamilyang tatlo!” “Tatlo?” napalingon si Eva. “Opo! Ako, si Mommy at saka si Daddy!” masayang sagot ni Maya, sabay tawa. “Sabi ni teacher, parang totoo daw!” Parang may tumusok sa dibdib ni Eva. Hindi niya alam kung matatawa o iiyak. “Ang galing mo, anak,” mahina niyang sabi sabay halik sa ulo nito. “Magpahinga ka na, ha? Bukas ulit.” “Opo, mommy. Goodnight!” sabay halik ng bata sa pisngi niya bago pumasok sa maliit na silid. Naiwan si Eva sa sala bago mariing napapikit. Nilagay niya ang kamay sa dibdib, damang-dama niya ang mabilis na t***k ng puso niya na parang hindi pa rin humuhupa. “Hayop na iyan…” bulong niya. “Buti na lang nakapagpalusot pa ako kanina..." Huminga siya ng malalim habang pilit pinapakalma ang sarili. “Buti na lang at mabilis akong nakaisip ng palusot . Kung hindi, baka nabuko na ako.” Napatitig siya sa dingding habang blangko ang mga mata. Muli niyang naalala ‘yong titig ni Lennox kanina. Iyong halong pagkagulat at tuwa na nauwi sa lungkot. “Hindi niya dapat malaman,” bulong niya sa sarili. “Hindi niya kailangan malamang anak niya si Maya. Hindi niya kailangan bumalik sa buhay namin.” Tumayo siya at naglakad papunta sa bintana. Mula ro’n, tanaw niya ang ilaw sa kabilang bahalagi ng isla. Ang bahagi kung saan minsan ay nakatambay si Lennox kasama sina Rupert at isa pang kaibigan nito. Nanginig ang mga kamay niya. Hindi niya alam kung takot ba siyang mabuking o takot siyang bumalik ‘yong lahat ng naramdaman niya noon. “Hindi ko na siya mahal. At hinding-hindi na ako magmamakaawa pa sa kanya na manatili sa tabi ko. Tapos na ako sa kanya." Bumalik siya sa mesa at saka nagtimpla ng kape. Paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang tanong ni Lennox. Madiin niyang kinagat ang pang-ibabang labi. Pero alam niyang mas nagiging mabigat ang lahat. Mas nagsisinungaling siya hindi lang kay Lennox, kundi sa sarili niya. “Paano kung malaman niya?” tanong niya sa hangin. “Paano kung isang araw, tignan lang niya si Maya at makuha niya agad? Lalo pa't hindi sabik ang anak namin sa tatay?" Napakagat-labi siya. Hindi niya alam kung anong gagawin kung mangyari ‘yon. Lumipas ang ilang minuto.... tulala pa rin siya sa kawalan. Tanging tunog lang ng mga kuliglig at hampas ng hangin ang kasama niya. “Punyeta talaga,” bulong niya, pinagdudutduran ng kamay ang sintido. “Bakit ba ako nandito? Bakit pa kasi ako pumayag na magtrabaho rito? Akala ko bagong simula, pero bakit parang binabalik ng tadhana lahat ng ayaw ko ng maalala? Kainis naman ang tadhanang ito eh! Medyo bobo rin!" Huminga siya ng malalim sabay iling. Dahan-dahan siyang lumapit sa kwarto kung nasaan si Maya at sumilip. Mahimbing itong natutulog. Mahigpit pa ring yakap ang manika. Ngumiti siya ng tipid. “Anak… kahit anong mangyari, hindi ko hahayaang kunin ka ng kahit sino." Napalunok siya. "Kahit pa ng mismong tatay mo." At habang nakatingin kay Maya, hindi niya alam kung para kanino talaga ‘yong pangakong ‘yon. Kung para sa anak niya o para sa sarili niyang takot na mawala ulit ang taong pinipilit niyang kalimutan. Lumapit siya sa bintana at muling tumingin sa dilim ng gabi. Sa malayo, may mga ilaw sa dagat... mga bangka. Pero sa isip niya, tanging isang mukha lang ang malinaw. Ang mukha ni Lennox at ang titig nitong puno ng tanong. “Wala kang anak, Lennox,” bulong niya. “Hindi mo kailangan malamang may anak tayo. Hindi mo na kailangang bumalik sa amin. Hindi ka nananatili sa tabi ko noon. Kaya tama lang itong ginagawa ko."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD