Part 2

1404 Words
“HINDI mo pinasabing uuwi ka, Mariolle. Sana ay ipinasundo kita,” bakas ang katuwaang wika ni Alicia. Hapon na nang magising ito. At ganoon na lang ang pag-aliwalas ng mukha nang makita siya.             Ngumiti siya. “Bakit pa? Kaya ko namang umuuwing mag-isa. Naka-survive nga ako sa Maynila na nag-iisa, di ba?” tudyo niya sa ina. “Mama, nagpaluto ako kay Rosing ng paborito ninyong sinigang na lapu-lapu. Lakasan ninyo ang kain, ha?”             “Kung kaya lang bang tanggapin ng lalamunan ko, bakit hindi? Ang kaso nga ay parang wala akong panlasa sa kahit na anong pagkain. Pakiramdam ko ay isusuka ko lang.”             Kunwa ay sumimangot siya. “Hay, naku! Mama, hindi puwede sa akin ang ganyang katwiran. Susubuan pa kita kung kailangan. Sabay tayong maghahapunan ngayon. Ipapasok ko nga ang mesa para hindi ka na mahirapang pumunta sa komedor.”             “Mariolle, hindi mo kailangang gawin iyon.”             “Ano bang hindi? Ako ang private nurse mo ngayon. At dahil ikaw ang pasyente ko, susunod ka sa akin, okay?” nakatawang sabi niya sa ina.             “Paano ang trabaho mo sa Maynila? Hindi ba’t kauumpisa mo pa lang sa kumpanyang inaplayan mo?”             “Hayaan mo lang iyon, mama. Puwede naman akong maghanap ng iba kung patatalsikin nila ako. For now, gusto ko, magkasama tayo. Hindi ako aalis hangga’t hindi ko naiintindihan ang sakit mo. Duda ako, Mama. Baka kailangan lang na nasa tabi mo ako para gumaling ka,” tukso pa niya dito.             Buong pagmamahal na hinaplos nito ang mukha niya. “Gusto ko talagang parati ka sa tabi ko, hija. You’re a woman of your own now. Alam ko, masyado kang naging independent buhat nang hayaan kitang mamuhay mag-isa sa Maynila. At hindi malayong sa susunod na taon ay mag-aasawa ka na. iyon man lang natitirang panahon mo bilang dalaga ay makasama pa kita.”             “Ano bang sa susunod na taon?” Inirapan niya kunwa ang ina. “Mama, wala pa akong boyfriend, ‘no! Paano mag-aasawa kung walang boyfriend?”             “Kung dito ka sa San Sebastian pipirmi, hindi na problema iyan. Alam mo bang itinatanong ka palagi ng mga amiga ko? Botong-boto sila sa iyo para sa mga binata nila.”             She rolled her eyes. “Wala pa sa isip ko iyan, Mama. Twenty pa lang ako, please!”             “Twenty rin ako nang ipanganak kita, hija.”             “Meaning, forty ka pa lang ngayon. Pero look at you, dahil sa sakit mo, mukha ka nang sixty! Magpalakas ka, Mama. Marami ka pang tataluning dalaga sa ganda mo kapag bumalik ang dating glow mo. Bakit ba kasi uminom ka ng tsaa na hindi mo naman sigurado kung saan nanggaling?”             “Iyon ba ang sinabi sa iyo ni Doc? Itinigil ko na ang pag-inom niyon. Ipinatapon ko na nga kay Lamberto.”             “Mabuti naman. From now on, imo-monitor ko ang pagkain ninyo. Saka pati na rin iyong gamot na iniinom ninyo. Life begins at forty, ‘Ma. Ibig sabihin, you’re at your prime now. Hindi ka dapat nakatali dito sa antigo mong kama.”             Tinitigan siya ni Alicia at ngumiti. “Mukhang mas istrikto pa kay Dr. Romulo ang private nurse ko. Pakiramdam ko tuloy, wala a kong choice kung hindi ang gumaling.”             “Talaga!” Hinalikan niya sa pisngi si Alicia at umibis sa gilid ng kama na inuupuan niya. “Ipapapasok ko na dito ang hapunan. Maaga tayong kakain at maaga din tayong magpapahinga. Okay?”             “Hija, kung hintayin mo na kaya si Lamberto para sa komedor kayo kumain? Hindi ba mainam iyon para magkakilala na rin kayo?”             Tumikwas ang sulok ng labi niya. “Mama, bakit ko naman pipiliin makasalo sa pagkain ang hindi ko naman kaanu-ano? Siyempre, mas gusto kong kayo ang kasalo. Saka, susubuan ko kayo, di ba?”             “Kaya ko namang kumaing mag-isa,” banayad na wika ni Alicia. “Saka, baka hindi ka maging kumportable sa pagkain kung ganitong mag-i-improvise lang ng dining table.”             “Huwag ako ang intindihin ninyo, okay?” Tinungo na niya ang pintuan. Hustong pagkabig niya roon ay ang pagtulak naman doon ng isang lalaki. Sandali pa silang nagkagulatan. Matikas ang lalaki. Sa palagay niya ay ka-edad na rin ng kanyang mama.             “Lamberto!” wika ni Alicia. “Mabuti naman at maaga kang dumating. Iyan ang anak ko, si Mariolle.”             Ngumiti nang maluwang ang lalaki. “Wala namang dudang mag-ina nga kayo, Alicia. Pareho kayong maganda. Kumusta ka, Mariolle?” baling nito sa kanya at inilahad ang kamay.             “Mabuti,” matabang na sagot niya at napilitang abutin iyon. Pero agad siyang nakadama ng iritasyon nang maramdaman ang eksaheradong pagpisil nito. “Excuse me, ipapahanda ko lang ang hapunan ni Mama.” At mabilis na binawi ang kamay.             “Ako na lang,” maagap na sabi ni Lamberto. “Trabaho ko talaga na asikasuhin ang hapunan ni Alicia. Hindi ko siya mabantayan sa maghapon kaya bumabawi ako sa kanya pagkagaling ko sa rancho. Magkuwentuhan na lang kayo dito ng mama mo.”             “Hayaan mo na si Lamberto, anak,” sabad ni Alicia. “Sasama ang loob niyan kapag hindi niya naihanda ang hapunan ko. Halika, kuwentuhan mo na nga lang ako.”             Nang bumaling siya sa ina ay hindi niya alam kung bakit ganoon na lang kalakas ang pakiramdam niya na tumutol. Pero nakalabas na uli ng silid si Lamberto at tumuloy na sa kusina.             “Hija, ano na nga pala iyong sabi ng doktor? Papalitan nga ba niya ang mga gamot ko?”             “Yes. Pero tatawagan ko siya mamaya. I think, mabuting hintayin muna natin ang lab test results saka tayo magpalit ng gamot.”             “Pero bakit nga ba sakit ko na naman ang pinag-uusapan natin? Magaling na doktor si Dr. Romulo, makikita mo’t sa isang araw lang ay masigla na ako uli.” Pinaaliwalas nito ang anyo. “Hija, ang ganda ng buhok mo ngayon. Hindi ka ba nahirapang pahabain iyan na halos umabot na sa bewang?”             Napangiti siya. “Regular ako sa hair salon, Mama. Kung ako lang mag-isa, hindi ko ito kayang alagaan ng ganito.”             “Dapat sa iyo’y maging modelo ng shampoo para masulit ang ginagastos mo sa salon.” “Hayaan ninyo, magpapagupit na ako nang makatipid sa shampoo!” At nagkatawanan sila.   “MAY maliit na porsyento ng toxin na nakita sa blood sample ng mama mo, Mariolle,” wika sa kanya ng doktor.             “Toxin!” gilalas na ulit niya. “Ipinasuri ko na rin ang tsaang ininom ng mama mo. At kumpirmadong doon galing ang toxin na pumasok sa katawan ni Alicia. Kaunti lang naman. Mabuti nga at naagapan. Kung nagkataon na regular pa ring umiinom ng tsaa ang mama mo ay malaking problema. Since tumigil na siya, lilinisin na lang natin ang dugo niya.” Inilabas nito ang isang pahinang papel. “Here, nag-prepare ako ng diet para sa kanya. Isinulat ko na rin diyan kung anong vitamins ang dapat niyang inumin para mag-multiply ang dugo niya. In due time, mae-excrete na rin ang lasong nasa dugo niya.”             “Wala na bang peligro?” tanong niya.             “Masasabing kong wala na. Pero para sigurado, kailangang bantayan ang pagkain niya. Hangga’t maaari, sundin ninyo iyong diet na inihanda ko. At magkakaroon na rin siya ng ganang kumain sa gamot na ibinigay ko. Naipaliwanag ko na iyan kay Alicia. I know, ayaw niya ng usbong ng ampalaya pero malaki ang magagawa niyon para dumami ang RBC niya.”             “Well, kahit na ayaw niya ay magtitiis siya, Doc. Iyon ang kailangan, eh.”             “Correct, hija. At mabuti na lang na nandiyan ka. Nasabi na siguro sa iyo ni Rosing na ikaw ang gusto kong makausap tungkol sa kalagayan ng iyon mama.”             “Yes, Doc. Bakit nga ba?”             “Wala naman akong ibang ibig sabihin. Let’s say, mas komportable ako sa iyo kaysa kay Lamberto. Tingin ko kasi’y hindi interesado si Lamberto na kausap ang kagaya ko. Parang inaasahan niyang isang tingin ko lang sa mama mo ay gagaling na.”             “Dito muna ako sa San Sebastian, Doc. Huwag kang mag-alala, ako ang bahalang magbantay sa mama. Hindi ko siya iiwan hangga’t hindi pa siya bumabalik sa dati.”             “That’s good to hear, Mariolle.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD