Part 3

1406 Words
  “MAHIGIT isang linggo ka na rito, anak. Ni hindi ka lumalabas ng bahay. Hindi ka ba naiinip?” wika sa kanya ni Alicia.             Malaki na ang ipinagbago nito kumpara noong dumating siya. Hindi na masyadong maputla. Masigla na rin ang bawat kilos nito. At kung hindi lang niya pinipigilan ay gusto na ring silipin ang rancho sa Bantayan. Noong isang araw ay kinuhanan uli ito ng blood sample. At nasiyahan naman sila sa naging resulta. Normal ang resulta ng blood test.             “Bakit naman ako maiinip? Iyon lang maghapon tayong nagkukuwentuhan, halos kulang pa. Saan pa ako kukuha ng oras para mainip?” sagot naman niya.             “Wala kang social life.”             “Social life?” At napangiti siya. “Mama, sawang-sawa ako sa ganyan noong nasa Maynila ako. You know, hindi naman puro pag-aaral ang tinutukan ko. Marami rin akong naging kaibigan doon.”             “Iba naman iyong doon kaysa dito. Iyong mga dati mong kaklase noong high school. Itinatanong ka nila. Lalo na si Riza. Remember her, kayo ang magkasama sa buong apat na taon.”             “Paano ko naman makakalimutan ang bruhang iyon? Kumusta na ba siya, Mama? Hindi ba’t sabi mo sa akin ay nag-asawa siya agad?”             “Tama. Pagkatapos ng en grandeng debut niya, kasalan naman ang sumunod. Kaya nga ba ganoon na lang ang hinagpis ni Monina. Pangarap pa naman sana niya kay Riza na maging abogada. Pinag-aaral pa rin niya kaso wala na ang interes ni Riza na mag-abogada. Balita ko’y basta makatapos na lang ng kurso. Puntahan mo, hija. Diyan pa rin naman siya sa bayan nakatira.”             “Saka na lang.”             “Ano bang saka na? Magtatampo iyon kapag nabalitaang umuwi ka. Tuwing makikita nga ako ay ibinibiling papasyalan kita sa kanya basta umuwi ka. Pumunta ka na sa kanya, Mariolle. Wala ka namang ginagawa dito.”             “Anong wala, nurse mo ako, di ba? Itinataboy mo na yata ako, Mama,” kunwa ay nagtatampong sabi niya.             “Gusto ko lang, may malibutan ka man lang dito. Okay na ako. Ikaw lang itong masyadong nagbe-baby sa akin.”             “DIYOS ko, Mariolle! Ang ganda-ganda mo naman ngayon,” masayang sabi ni Riza nang makita siya. Niyakap pa siya nito. “Itong buhok mo, parang iyong kay Lucy Torres! Kakainggit ka naman, kaibigan.”             “Tumigil ka nga riyan! Akala mo naman, artista ako. Hindi, ‘no!” nahihiyang sabi niya. Hindi siya sanay sa eksaheradong papuri lalo at mayroong ibang tao sa paligid. Hindi niya alam na isang tindahan na pala ngayon ang harapan nina Riza. At maraming customer doon.             “Sus! Mahiyain ka pa pala hanggang ngayon. Doon nga tayo sa loob. Makita mo tuloy ang mga anak ko.” Hinila siya nito papasok sa bahay.             “Mga?” gulat na sabi niya.             “Nakakadalawa na ako, ‘no!” Lumiyad ito at hinagod ang tiyan. “Hindi halata, ‘no? Salamat na lang at namana ko ang pagiging slim ni Mama. Tara, nandiyan sila sa loob. Iyong panganay, isa’t kalahati na. Iyong bunso, mag-iisang buwan.”             “Kapapanganak mo pa lang halos?” shock pa ring sabi niya.             “Maaga kasing lumandi, eh,” hagikgik nito. “Huwag ka, ang guwapo ng napangasawa ko! Wala nga lang siya ngayon dahil nagbiyahe ng daing. Pero huwag mong ismolin. Big time iyon. Barko-barkong daing ang ibinabyahe. Kung wala iyong trabaho at hindi niya ipinakitang kaya niya akong buhayin malamang itinakwil na ako ni Mama. Ang sama ng loob niya kasi nu’ng debut ko, wala siyang kamalay-malay na buntis na pala ako. Kaya hayun, after debut, kasalan naman.”             “Hindi ka pa rin nagbabago, Riza. Para ka pa ring taratitat hanggang ngayon.”             “Ikaw naman, mukhang wala kang natutuhang kalandian sa Maynila. Susme! Mukha pa akong city girl sa iyo. Kapag rumampa tayo, baka mas mabili pa ako kaysa sa iyo! Ano ka ba? Kakainis ka, mahinhin ka pa rin hanggang ngayon. Pero, Inday, ito walang bola. Ang sosi mong tingnan. Tama, kung pumuti ka pa ng kaunti, Lucy Torres na ang dating mo. Pareho kasi kayong mukhang sweet. Tell me, ilang Richard Gomez na ang nabingwit mo?”             “Wala pa,” natatawa na lang na sabi niya. “Pag-aaral kasi ang inatupag ko.”             “Ganu’n? Bakit hindi mo na lang kaya ako sinampal? Para mo nang sinabing wala akong kuwentang anak. Pinag-aaral ng magulang ay pag-aasawa ang inuna. Kunsabagay, ganu’n na nga rin iyon.” Sandali itong tumalikod at tinungo ang kuwarto. “Tulog pala ang mga tsikiting ko. Gusto mong silipin? Pero huwag kang maingay. Daig pa niyan ang anim na bata kapag gising.”             “Ikaw itong maingay, eh,” tudyo niya dito at nakasilip na rin sa kuwarto. Lalaki ang batang nakita niyang natutulog. At babae siguro ang bunso dahil pink ang pranelang nakabalot dito.             “Ganito talaga ako, excited akong nakita kita! Tara sa kusina, may mango tart akong ginawa. Kapag natikman mo iyon, makakalimutan mo ang pangalan mo sa sarap!”             “Hindi ba mahirap ang buhay mo?” tanong niya dito habang nagmemeryenda sila.             “Ano ka? Ang sarap nga ng buhay ko!”             “Hindi ka nagsisisi na nag-asawa ka agad?”             Ngumisi sa kanya si Riza. “Tange! Masarap nga iyong may asawa. Masarap yata iyong… alam mo na!” At humagalpak ito ng tawa. “Seriously speaking, hindi naman ako hirap. Iba nga lang ang priorities ko kaysa sa iyo. Saka hindi pa ako tapos ng schooling. Tatlong sem pa ako sa Management course ko. kahit buntis ako, pumapasok ako sa school. Bakit ba ako mahihiya, ganu’n ang choice ko, eh. Pero sorry na lang kay Mama kasi wala na akong balak mag-law.”             “Fulltime wife and mother ka na lang?”                     “Hoy, huwag mong sabihing “lang”! Hindi madali iyon pero fulfilling.”             “Kungsabagay, mukha ngang masaya ka naman.”             “Talaga! Suwerte ako sa napangasawa ko. May kuya si Walter ko. Irereto kita, gusto mo?” At pinitik nito ang daliri. “Oo, tamang-tama! Nagpapahanap nga pala iyon ng mapapangasawa! Ikaw ang ituturo ko.”             “Ano ka ba? Siya pala ang gustong mag-asawa bakit ikaw ang maghahanap?”             “Wala siyang time.”             Umikot ang mga mata niya. “Kalokohan.”             “Hindi! Maniwala ka sa akin. Iyang si Walter, torpe din iyan. Akala mo, hindi makabasag ng pinggan. Kung hindi pa siguro ako nagpakita ng motibo, di wala kami ngayon pero ano ka naman, nu’ng kami na, ayan na nga ang nangyari. Hindi na nakahintay na maka-graduate ako na nabuntis na ako. Kung hindi kami nagko-control, baka first birthday ni Joshua, nanganganak na uli ako. But then, halos ganu’n na rin. Ang lapit ng pagitan ng dalawa.”             “Para namang sinabi mo na sa aking magiging palahian na lang ang mga babae sa kanila.”             “Gaga, masarap naman iyon!” At humagikgik na naman ito. “Masarap mapabilang sa pamilya nila, Mariolle. Tatlo lang silang magkakapatid. Iyong panganay, babae. Officer sa NSO. Iyong kuya ni Walter, nagbibiyahe din. Pero mas big time iyon kay Walter. May sarili siyang boat. Tangengot ako sa tawag sa ganoon. Basta sa akin, que ferry que barge, lahat iyon boat. Ang biyahe nu’n, dito lang sa Visayan Islands saka minsan sa Mindanao din. Wala pa yatang anim ang crew nu’n kasama na siya. Kapag nagkakataon, doon na rin isinasakay ni Walter iyong mga daing niya. Believe me, Mariolle, kapag iyon ang napangasawa mo, wala ka nang iisipin kung hindi ang magpasarap sa buhay!”             “Sobra ka naman. May pangarap din ako para sa sarili ko.”             “Iba ang sense of fulfillment ng kagaya ko, friend. Masarap sa pakiramdam iyong busog kang palagi sa pag-ibig.”              “Paano magkakaroon ng pag-ibig kung ganyang ikaw ang pinapahanap ng mapapangasawa ng lalaking iyon? Nasaan ang pag-ibig doon?”             “You’ll see. Kapag nakilala mo siya, magugulat ka na lang. Baka mahalikan mo pa ako sa tuwa.” Tinitigan nito ang kalendaryong nakasabit sa dingding. “Noong isang linggo pa siya bumiyahe. Papauwi na iyon. Pagdaong ang boat niya. Aayain ko siya sa inyo para magkakilala kayo.”             “Huwag,” mabilis na sabi niya. “I mean, hindi naman ako interesado, eh.”             “Basta!” matigas namang sabi ni Riza.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD