KAHIT pinlano na niya iyon ay parang na-shock pa rin si Mariolle nang makitang humandusay si William. Sapo nito ang bahagi ng ulo na tinamaan. At halos mamilipit sa sakit. Napatanga naman siya dito. Hindi na basta shock lang ang naramdaman niya. Paano kung napasama ang pagkakapalo niya sa binata? Wala siyang balak na maging kriminal. Ang gusto lang niya ay ang makalabas ng cabin na iyon na hindi na kailangang makipagtalo pa dito. “Aaahhh!” daing uli nito. “William?” takot na sabi niya at binitiwan ang kahoy. “Sorry. Sorry!” At lalo siyang natakot nang para siyang napaso nang mahawakan ito. Sandali siyang natigilan. Parang hindi naman aware si William sa paglapit niya. Mariin ang pagkakapikit nito at tila totoong iniinda ang palong natamo nito.

