Lumipas ang ilang minuto na tanging kwentuhan at tawanan lamang ang maririnig sa hapagkainan. Pinilit kong huwag pansinin masyado ang mga maya't mayang titig ni Jeco sa akin. Kaya naman parang isang hulog ng langit nang biglang may mag-doorbell at dumating na bisita na siyang nagputol sa sobrang tense na tense kong sarili.
"Madam, Sir, may bisita po kayo. Dalawa pong dalaga, mga kaklase daw po ni Sir Jeco," ani ni Yaya Nancy, isa sa mga kasambahay sa pamamahay nila balae Jesse at Leo.
"Oh, anak, may mga bisita ka pala eh," sambit ni Jesse na may halong panunukso kay Jeco. Di nito hinintay ang sasabihin nito at saka tumingin kay Yaya Nancy. "Papasukin mo sila, yaya."
"Sige po, madam."
Ilang sandali pa ay bumalik si yaya Nancy na may kasamang dalawang magagandang dalaga. Lahat kami ay napatingin sa kanila. Lumingon ako ng bahagya kay Jeco at napansing siya lang ang hindi tumingin sa kanila.
"Tita..." sambit ng isa sa dalawang dalaga
"Nicole? Nicole, iha!" Si balae Jesse ang unang tumayo at magiliw na binati ang babaeng tinawag niyang Nicole.
"Bakit hindi na nagpasabing bibista ka? Naku, Jeco, halika nga dito. Nandito na ang mga bisita mo," ani ni balae Jesse.
Walang nagawa si Jeco kundi tumayo sa kanyang kinauupuan. Hindi ito umimik masyado at kaswal lang na binati ang dalawa. Hindi ko maiwasang maging curious at pinagmasdan ko pa lalo ang interaksyon ng mga ito sa isa't isa nang yayain silang kumain kasama namin.
Di nagtagal ay napagkwentuhan ang tungkol kanila Nicole at Jeco. Si Nicole ay galing sa isang kilalang pamilya tulad ng mga del Valle. Ito rin ay nag-aaral sa pribadong paaralan kung saan nag-aaral si Jeco. Sa hubog at pananalita pa lamang nito ay maiisip mo tila itong isang natural at magandang prinsesa sa kanilang tahanan.
"Naku, muntik na ngang mapagkasundo ang dalawang ito noong mga bata pa sila," sambit ni Jesse nang biglang mapunta ang usapan tungkol sa relasyon at pag-ibig.
Napatitig ako sa plato sa harapan. Tama lang naman iyon. Sa isip isip ko, mga katulad ni Nicole dapat ang nasa tabi ni Jeco at minamahal at ginugusto.
"Nicole and I are just friends, mom," ani bigla ni Jeco.
Napatigil ang lahat sa pagtawa at panunukso.
Naiilang na tumawa si balae Jesse, "Naku, ikaw talaga anak. Mabait si Nicole and we've known her for years. Balita ko nasa iisang section pa kayo."
"Yes, Tita. Actually, muse and adonis ng section namin si Jeco at Nicole," ani ni Fiona, ang best friend na kasama ni Nicole. Ang mga ngiti nito ay napaka-supportive habang nagkkwento ng tungkol kanila Nicole at Jeco.
Batid sa mukha ni Jesse ang pagkagiliw sa mga kwento tungkol sa anak at sa babaeng potential na maging nobya o di kaya ay asawa nito. Speaking of nobya, bigla ko tuloy naalala ang gabing una kaming nagkausap ng malalim ni Jeco... Noong panahong iyon, kaka-break lamang nito sa kanyang girlfriend. Pero sa kinikilos ni Nicole, mukhang hindi ito ang babaeng iyon. Sa pag-iisip ay hindi ko mapigilang mapagawi ng tingin sa dalaga. Hindi maikakailang maganda talaga ito at napalaki ng maayos ng kaniyang mga magulang dahil maayos at magalang itong sumagot sa mga tanong at kwentuhan.
"Napakagaling naman palang bata nitong si Nicole. Hindi madaling maging first honor straight mula elementarya hanggang high school ha. Diba, honey?" sambit ng anak kong si Jane sa kwentuhan.
"Huh? Ah, yes," maging si Paul ay nakangiting tumugon. "Naalala ko din tuloy yung una rin tayong magkita noon, Jane. Sobrang talino mo rin at doon ako sobrang humanga sayo," pagbubukas nito ng nakaraan.
"Naku, ikaw talaga, honey. Nambobola ka lang eh," bahagyang tinapik ni Jane ang kamay ni Paul.
Hinawakan ni Paul pabalik ang kamay ni Jane ng may gentle at sincere na ngiti. "Why, it's the truth. Napakahusay mo sa lahat ng bagay. Kaya kita sobrang minahal."
Nagkatitigan ang mag-asawa nang may halong mga tawa at ngiting busilak at puno ng pagmamahal. Nang makita ko ito ay hindi ko mapigilang mapangiti. Higit sa lahat ng bagay, ang kasiyahan ng anak ko ang pinakamahalaga sa akin. Makita ko lamang siyang masaya ay masaya na rin ako.
Nawala ang mga ngiti naming lahat nang biglang may tumayo.
"Jeco," tawag ng kanyang amang si Paul ngunit hindi tumigil si Jeco.
Nagtuloy-tuloy itong umalis at tuluyang pumunta sa ikalawang palapag nang hindi nagsasalita.
Napabuntong hininga na lamang si balae Jesse. "Pasensya na kayo. Hay, pababalikin ko siya," patayo na ito nang bigla ko itong pinigilan.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko nang bigla na akong nagsalita. "Balae, hayaan mo muna. Baka kailangan lang muna niya mapag-isa..."
Sa tuwing nag-aaway kami ni Jane noon sa sobrang stressful ng buhay ay hindi maiiwasan ang magkasagutan at magkatampuhan. Sa mga panahong iyon, hinahayaan ko siya upang makapagisip ng maayos. Naisip ko, siguro ay ganoon rin ang kailangan ni Jeco sa ngayon.
"Hay, siguro nga tama ka, Sandra. Susubukan ko na lang siyang kausapin mamaya..." Ani ni Jesse na may halong ngiti upang takpan ang pag-aalala sa kanyang mukha.
Sa kabutihang palad, naging maayos ang pakikipagkwentuhan at pagsasalo salo sa hapagkainan. Dahil ilang oras na rin bago mag-bispiras ay umalis rin kaagad sila Nicole at Fiona matapos ibilin ang mga dalang gamit para sa naiwang project nila ni Jeco.
"Ma, ako na lang dyan. Pakikuha na lang yung mga regalo sa guest room. Kailangan na daw ilabas yun eh," sabi ni Jane nang kami na lang ang maiwan sa kitchen kasama ang mga maids.
Si Jesse at ang asawa nitong si Leo ay nagpunta ng mall upang sumaglit sa isang restaurant upang kunin ang mga inorder nila for Christmas evening. Ang asawa ko namang si Oscar ay nasa kwarto nila Jane at Paul, inaalagaan ang apo naming si Angel. Si Paul naman ay pumunta sa kabilang bayan upang kunin ang mga inorder na mga paputok.
Nagpaiwan sila Theo at Jeco sa kadahilanang ang isa ay pagod sa swimming lessons at si Jeco naman ay... Hindi ko rin alam. Nag-iba ang timpla nito simula nang bumisita sila Nicole kanina.
Hindi ko na ito inisip at nagtungo na sa guest room kung saan nakalagay ang mga samut saring mga gifts. Lahat ng ito ay mga binigay ng mga kapitbahay, katrabaho, at kung ano pa, para sa mga del Valle. Halos lalagpas sa 50 gifts ang laman ng kwarto.
Inisa isa kong buhatin ang mga regalong may magagandang balot. Pinagpatong ko ang mga limang regalo sa kamay ko nang biglang mag naghawak sa mga ito at kinuha mula sa akin.
"Let me," sambit nito.
Napalunok ako at taimtim na tinignan ang ekspresyon nito sa mukha. Mukhang wala talaga itong gana, ibang iba sa kadalasan nitong ekspresyon sa mukha na may pagka-pilyo at mapag-biro.
Minabuti ko na lamang na huwag nang magsalita o magtanong, at binigay ko na lang ang limang regalo kay Jeco at saka kumuha ng iba pa. Palabas na kami ng kwarto nang biglang nagsalita muli ito.
"Ayaw mo na ba sa asawa mo?"