Prologue
Isang pasada ng pulang lipstick ang iginawad ko sa aking labi, saka ko iyon ilang beses na pinaglapat upang magpantay ang kulay.
Nang tingin ko ay ayos na, mabuti kong sinuri ang itsura sa salaming nasa harapan ko. Halos hindi ko makilala ang sarili. Ngayon lang ako nag-ayos ng ganito.
Pakiramdam ko'y naging tao ako.
Mula sa plakado kong mga kilay, makakapal na pilikmata dahil sa ginamit na fake eyelashes. Makinang na eyeshadow at mapulang pisngi na animo'y sinampal.
Mahaba at tuwid ang aking buhok, pero sa pagkakataong iyon ay pinili kong itali. Kaya ang batok at likod ko ay kitang-kita dahil sa suot kong dress.
Simpleng bestida lamang iyon. Parang tube dress na may manipis na strap at umabot hanggang sa ibabaw ng aking tuhod. Kulay puti naman ito. Kapares ng damit ko ay ang simpleng strap sandals na mukha namang hindi mumurahin.
Ganito ang postura ng mga taong madalas kong makita na may pupuntahang event, o may dadaluhang party. Ngunit sa lagay ko, hindi importanteng event o party, kung 'di lalaki— lalaki ang kikitain ko.
Tumunog ang cellphone kong nasa ibabaw ng vanity mirror. Pangalan ng manager ko ang nakarehistro roon, si Sir Ron.
“On the way na raw ang customer mo. Sana mauna ka roon sa meeting place ninyo, para hindi naman nakakahiya sa kaniya. Huwag kang kahaban, okay? Huwag pahalatang virgin.”
Mapakla akong natawa at nailing nang mabasa iyon. Tama, ito ang unang beses na makikipagkita ako sa lalaki para sa isang gabi bilang kapalit ng pera.
Ngayon ko napagtantong ganito pala ang tunay na kahulugan ng alipin ng salapi.
Bumuntonghininga ako at tumayo na rin mula sa pagkakaupo. Kinuha ko lamang iyong maliit kong shoulder bag at dumeretso nang lumabas ng bahay.
Dapit hapon na, palubog na ang araw at ganoon na lamang unti-unting balutin ng kadiliman ang pagkatao ko.
Sa totoo lang... hindi ko ito gusto.
Hindi ito ang pinangarap kong magiging buhay ko. Ni hindi sumagi noon sa musmos kong utak na papasukin ko ang ganitong kalakaran. Hindi ito iyong nakikita kong kinabukasan ko.
Pero nandito na, mangyayari na.
Mahirap lang kami— hindi, noon ay ayos naman kami. Masasabi ko na may kaya naman kami, noon... dati.
Sa isang iglap ay biglang ganito.
Iyong bahay naman ay nagawa kong maisanla at hindi ko na malaman kung paano ko pa iyon tutubusin. Iyong tatlo kong kapatid na hindi ko na alam kung paano ko pa bubuhayin.
Wala na kaming makain. Hindi ko na mawari kung saan pa ako kukuha ng perang panggastos sa araw-araw.
Ang hirap para sa akin na itinigil ang pag-aaral para lang paunahin ang aking mga kapatid. Natapos ko lamang ang ikalawang taon ng kolehiyo at hindi na ako nagbalak na mag-enrol pa ulit.
Kaya naman ay hirap din akong makakuha ng magandang trabaho. Nasubukan ko naman ding mamasukan sa karinderya, maging car washer at kahera sa gasolinahan, pero hindi sapat.
Lalo na at ako lang ang bumubuhay sa mga kapatid ko. Malalaki na sila ngayon at lahat ay nag-aaral na rin. Ako lang ang naiwan sa kanila. Walang ama na sana'y pundasyon namin.
Walang ina... tang ina.
Bago pa man ako maiyak ay madali na akong nagpara ng taxi. Sinabi ko ang lugar at kaagad itong kumabig sa manibela. Tahimik lang ako habang nasa biyahe.
Ayoko nang mag-isip pa at lunurin ang sarili sa mga problema, kaya pinili kong magtingin-tingin sa labas. Matataas at matatayog ang mga gusali sa gilid ng kalsada, wala halos puno.
Maraming tao na naglalakad, hindi alintana ang usok ng iba't-ibang sasakyan. Hanggang sa unti-unting napuno ng matitingkad na ilaw ang paligid. Iyon ang naging liwanag sa madilim na kalangitan.
Hindi rin nagtagal nang huminto ang taxi. Ibinaba ako nito sa tapat ng isang coffee shop. Matapos kong magbayad ay lumabas na rin ako. Saglit kong pinagmasdan ang shop.
Dahan-dahan nang itulak ko ang glass door. Nawala ang ingay na nanggagaling sa labas. Tahimik at payapa. May ilan namang tao sa loob, pero mahina at masinsinan silang nag-uusap.
May iba na grupo sa isang lamesa, may mga couple at ako lang iyong nag-iisa. Pinili kong umupo sa dulo. Kinakabahan man ay isinantabi ko iyon.
Ang sabi nga ni Sir Ron, hindi pwedeng mahalata na bago pa lang ako. Ayon sa policy nila, hindi pwede ang birhen.
Nagpumilit lang talaga ako na ipasok niya. Nangako naman ako na gagalingan ko.
Ipinakilala siya sa akin ng isa kong kaibigan. Ito rin kasi ang trabaho niya. Naengganyo ako dahil sa madaliang pera. Kita mo bukas ay may pera na kaagad ako. Pipikit lang ako. Titiisin ko lang.
Animo'y may nagbara sa lalamunan ko kaya mabilis kong ininom ang tubig na dinala ng kaninang waiter. Sinabi kong mamaya na lang ang order dahil hindi ko rin naman alam kung gusto bang magkape no'ng customer ko, o kumain ba muna, o deretso na kaagad sa hotel.
Ayokong magkape. Ayokong dagdagan ang kabang nararamdaman ko. Isa pa, hindi rin ako nagkakape.
Napatingin ako sa wall clock ng coffee shop. Limang minuto na lang bago ang nakatakdang usapan namin. Humugot ako ng hangin dahil tunay na naninikip ang dibdib ko. Habang umaandar ang oras, para akong binibitay.
Kinakabahan ako dahil baka mabisto ako ng customer ko. Kahit na alam ko namang mamaya ay malalaman din niya. Sabi kasi ni Sir Ron, ayaw daw ng mga kliyente nila ang virgin. Gusto ay mga beterano.
Nag-search ako kanina. Nagpaturo na rin ako sa kaibigan kong si Tanya at hindi naman na lingid sa kaalaman ko ang mga ganoong bagay. Open-minded naman ako.
Habang naghihintay ay kinabisado ko na lamang iyong mga gagawin. Iyong posisyon daw na gustung-gusto ng mga lalaki. Ayon kay Tanya, mas magaling ay mas malaking pera.
Mayamaya lang nang matigil ang pag-iisip ko nang biglang nag-ring ulit ang cellphone ko. Akala ko'y si Sir Ron iyon at magsasabing baka nandito na ang customer ko. Ngunit ang bunsong kapatid ko iyong tumatawag, si Liam.
"Ate..." bungad nito sa umiiyak na boses, nanghihina at tila hindi makahinga.
"Bakit?!" malakas kong bulalas, mitsa para pagtinginan ako ng mga tao.
Pero wala na akong naging pakialam. Napatayo pa ako sa pagkakaupo ko at handa nang umalis sa shop na iyon.
"Anong nangyari??"
Napansin kong lalapit iyong waiter ngunit hindi ko na hinayaan pang makalapit, nagkusa na akong umalis.
Tumunog ang wind chime ng coffee shop, hudyat na may bagong pumasok. Nagkasalubong kami ng lalaki. Hinabol ko naman ang nakabukas na glass door at madaliang lumabas.
"Na—nandito... si Mama..."