PROLOGUE
PROLOGUE
“LUCAS!” masayang tawag ko sa aking asawa nang makita ko siya sa labas ng hindi kalakihang bahay. Nakatayo lamang siya.
Binuksan ko ang pintuan ng sasakyan ko saka ako nagmamadaling bumaba at patakbong lumapit sa kinaroroonan niya.
Mabilis na nangilid ang mga luha ko at ang bigat sa dibdib ko ay biglang naglaho nang makita ko na siya pagkatapos ng dalawang taon na pagkawala niya.
“Lucas...” umiiyak na sambit ko sa pangalan niya at mahigpit na yumakap sa kanya. Naramdaman ko ang pagkabato niya at alam kong nagulat siya sa ginawa ko.
“M-Miss na miss na kita, Lucas... Ang t-tagal kitang hinanap... Akala ko... A-Akala ko ay hindi na kita m-makikita pa...” umiiyak na sumbong ko sa kanya at sinubsob ko ang mukha ko sa dibdib niya. Sunud-sunod ang pagpatak ng mga luha ko.
Dalawang taon na siyang nawawala pagkatapos nang aksidenteng nangyari sa kanya at hindi na namin siya nahanap pa.
Ang sabi ng karamihan ay baka patay na siya, kahit ang katawan niya ay hindi namin nakita. Sobrang lakas ng ulan sa mga oras na iyon. Lumubog ang barkong sinasakyan nila at ilang taon namin siyang hinanap. Hindi ako napagod sa paghahanap sa kanya dahil alam kong...buhay siya.
Buhay ang aking asawa... Nangako siya na hindi niya ako iiwan. Nangako siya na habangbuhay kaming magsasama.
Kaya sobrang sakit ang naramdaman ko noong nawala siya sa amin at mabuti na lamang ay tumulong ang kanyang mga kaibigan at nahanap namin siya sa malayong probinsya. Kahit padilim na ay lumuwas pa rin ako.
Miss na miss ko na si Lucas kaya hindi na ako nakapaghintay pa. Mag-isa akong bumiyahe sa lugar na ito.
Iyak lang ako nang iyak sa dibdib niya pero nararamdaman ko na parang hindi siya gumagalaw. Pero hindi ko binigyang pansin iyon at mas hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya.
“B-Bumalik na tayo, Lucas... Bumalik na tayo sa Manila... S-Sobra kitang na-miss... Mahal kita... M-Mahal na mahal kita...” sabi ko at gumalaw na siya. Ang akala ko ay yayakapin na niya ako pabalik pero nagkamali ako.
Dahan-dahan niyang kinalas ang mga kamay kong nakayakap sa katawan niya at bahagyang umatras.
“L-Lucas?” naguguluhang sambit ko sa pangalan niya.
Bakit siya lumalayo at bakit parang?
“Bythesea...” sambit niya sa aking pangalan. Naluluhang tumango-tango ako.
“O-Oo, ako ito... Ako ito, Lucas... Ako nga si Bythesea...” sabi ko.
“Iilan lamang ang mga alaala ko ang bumalik pero...”
Ayon din sa private investigator ko ay nagka-amnesia si Lucas dahil sa head injury nito. Kaya pala hindi siya nakabalik agad sa amin dahil nakalimutan niya kami.
Masakit man sa parte ko ang makalimutan ako ng asawa ko pero nawala iyon lahat nang makita ko ulit siya. Sobrang saya ko at nawala ang tila bakal na kinakabit sa aking leeg kaya nakahihinga na ako nang maayos.
“U-Umuwi na tayo, Lucas...” wika ko at hinawakan ko ang kamay niya. Naramdaman ko ang malamig na bagay sa daliri niya.
Bumaba ang tingin ko roon at ang akala ko noong una ay wedding ring namin iyon pero nagkamali ako...
Hindi na ito ang singsing niya... Huminto saglit ang pag-iyak ko at umawang ang mga labi ko. Muli ko siyang tiningnan...
“Lucas...”
“Franko, mahal?” Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang makarinig ako ng boses babae at lumapit ito sa asawa ko. Yumakap siya sa braso nito at hindi pa niya ako napapansin.
“Franko, maambon na rito. Baka magkasakit ka... Halika na sa loob, mahal ko...”
Namanhid ang dibdib ko sa narinig at nalilitong tiningnan ko si Lucas na hindi na sa akin nakatingin. Kundi sa magandang babae... May kislap sa kanyang mga mata... Na nakikita ko lamang iyon sa tuwing sa akin siya nakatingin. Bakit sa iba ay nakikita ko na rin iyon? Naiiyak ako... Parang may mumunting selos ang naramdaman ko.
“Tara na, Franko...”
“Sandali lamang, mahal...” Parang bigla akong nanlambot... Agad na nangatog ang aking tuhod.
Ano’ng... Ano’og mahal? Sino siya? Sino ang babaeng ito? B-Bakit...
“S-Sino po sila?”
“Sino ka?” sa halip na sagutin siya at ibinalik ko lang ang tanong niya. “Sino ka?” ulit ko sa tanong ko.
“Nenina ang pangalan ko. Asawa ko si Franko. M-May kailangan po ba kayo?” Mabilis na naghanap ang mga mata ko sa isang ebedensiya kung totoo ba ang pinagsasabi nila.
Tila may kung ano'ng patalim ang bumaon sa dibdib ko nang makita ko ang kapareha ng singsing na suot ng aking asawa...
“L-Lucas...”
“Franko... Franko ang pangalan niya...” pagtatama sa akin ng babae at umiling ako. Nagsimula ulit ako sa pag-iyak. Ni hindi ko na magawang punasan pa ang pisngi ko.
“Lucas... A-Ano ito?” Matagal bago niya ako sinagot...
“Kasal na ako kay Nenina, Bythesea... Patawad...” Nakahawak ako sa dibdib ko. Para akong nabingi sa narinig at pakiramdam ko, huminto ang pag-ikot ng mundo. Ang t***k ng puso ko ay saglit na huminto hanggang sa bumilis ang pintig nito.
“Lucas...”
Hindi ko matatanggap... Paanong...kasal na siya sa iba? K-Kami ang kasal... Asawa ko siya... Asawa ko si Lucas...