Chapter 1 The Beginning

1181 Words
“Vera ano ba iyan? Ang aga-aga nakatutok ka na naman diyan sa cellphone mo! Hindi ka ba nagsasawang panoorin iyang lalaking ‘yan araw-araw?” pagalit na naman bulyaw ni mama. Kasalukuyan kong pinapanood ang bagong Vlog ni Keister Claude Del Cueva sa YouVid. “Ma, grabe! Tingnan mo, kaa-upload pa lang nitong bagong vlog niya 1.8 million views na agad. Wala pang isang oras ito, ha?” sabi ko sa kaniya at binalewala ang galit niya. Mahilig talaga akong mag-subscribe sa mga vlogs ng mga artista at social media influencers hindi lang for entertainment but for educational purposes din. At ang pinakapaborito ko nga sa lahat ay ang KC’s Entrepreneur’s vlog. Aaminin kong wala akong kahilig-hilig sa business pero dahil sa mga vlogs niya ay marami akong natutuhan lalo na sa pagsisimula ng maliliit na negosyo. Maliban sa business-related contents ng vlogs niya ang isa pang inaabangan ko ay ang mga workout routines niya at travel vlogs niya. Dalawang taon ko na siyang pina-follow sa Pinoy Social Network (PNS) at naka-subscribe sa channel niya dahil bukod sa pagiging matalino ay napakaguwapo at hot pa ni Keister. Mas gusto ko siyang tawaging Keister sa mga pantasya ko dahil iyong palayaw niyang KC hindi bagay sa kaniya. Para sa akin lang naman. “Alam mo, tumigil-tigil ka na sa kahibangan mo riyan sa lalaking iyan. Imbes na iyang mga modules mo ang inaasikaso mo e diyan ka nakatutok. Lalo mo lang pinayayaman ang mga vloggers na iyan. Hindi ka naman niyan kilala. Ni hindi ka niyan nalalaman na nabubuhay ka sa mundong ibabaw!” patuloy na litanya ni mama kaya pakiramdam ko sasabog na ang tainga ko. “Ma, naman eh. Hindi ko naman po pinababayaan ang pag-aaral ko. Saka 40 minutes lang naman po ito. Babalik na ako sa pagsagot ng modules pagkatapos ko rito,” reklamo ko sa kaniya. At totoo naman iyon. Kahit nahuhumaling ako ng bonggang-bongga kay Keister, hindi ko naman pinababayaan ang pag-aaral ko. Katunayan nga eh inspirasyon ko pa siya para lalong pagbutihin. “Ewan ko sa iyo! Kayo talagang mga kabataan puro cellphone at internet lang ang pinag-uubusan ninyo ng panahon! E kung iyang 40 minutes na iyan e ginamit mo para magluto e di sana nakatulong ka pa!” dagdag pa ni mama. Nanahimik na lang ako dahil kapag sumagot pa ako e lalo lang hahaba nang hahaba ang sermon niya at lalong hindi ako makaka-concentrate dito sa pinapanood ko. Pagkaalis ni mama ay ini-slide ko ang cursor para simulan ulit ang video. Iyong pagpunta niya sa Iceland ang content ng vlog niya ngayon at hindi ko maiwasang humanga sa kaguwapuhan niya. Ang sarap niya sigurong makasama sa pamamasiyal tapos kaming dalawa lang. Nag-umpisa na namang gumana ang imagination ko. Lagi kong ini-imagine na magkikita kami pagkatapos ay magiging malapit kami sa isa’t isa hanggang sa maging kami at magkasama kaming pupunta sa magagandang lugar. Napabuntong-hininga ako at binura sa isip ko ang mga larawang naglalaro sa isip ko. Nagambala na naman ang panonood ko nang biglang magpop-up sa GC ng klase namin na may online quiz daw kami mamaya. Bigla akong kinabahan dahil nai-announce na nga pala ito last week pero nakalimutan ko. Agad kong pinatay ang video at itutuloy ko na lang panoorin mamaya. Kailangan kong mag-review dahil sguradong may timer na naman ang quiz na ito at hindi puwedeng bumagsak ako. Baka totohanin na ni mama iyong banta niya na kukunin ang cellphone ko at puputulin ang internet connectivity plan namin kapag may isang grado akong bumagsak. Third year college na ako ngayon sa kursong business management. Ito ang kinuha kong kurso dahil kay Keister. So far nag-eenjoy naman ako maliban na lang kapag nagkakasabay-sabay na ang lahat. Tatlong taon na halos ang pagpapahirap ng CoVid19 sa mga mag-aaral na katulad ko. Actually, nakakasawa na ngang magbasa at sumagot ng module. Medyo nabubuhayan lang ako ng gana sa pag-aaral kapag online ang klase dahil kahit papaano may professor na nagpapaliwanag lalo na sa mga topic na hirap kaming intindihin. Hindi ko nga maintindiham kung bakit may blended pa, gayung pinapayagan naman nang mag-full face-to-face. “Vera, bumaba ka muna rito at may bisita ka!” sigaw ni mama mula sa ibaba. Nasa kalagitnaan na ako ng pagpa-practice para sa solution ng isang formula na hindi ko makuha-kuha kanina pa. Kaya medyo nayamot ako nang maistorbo sa ginagawa. Wala rin akong inaasahang bisita kaya bantulot kong inayos ang sarili saka bumaba. Ang bisita pa lang sinasabi ni mama ay Lordwin. Si Lordwin Rodriguez ay graduating student ng Civil engineering at matagal ng nanliligaw sa akin. Sa totoo lang boto sa kaniya ang mga magulang ko dahil magkasama sa trabaho ang mga tatay namin. Parehong engineers sa isang malaking construction firm ang papa ko at daddy niya. Pero gano’n pa man, kaibigan lang talaga ang nararamdaman ko para kay Lordwin. “Hi Vi, dinalhan kita ng pizza!” nakangiting bati niya sa akin. V lang Talaga ang tawag niya sa akin mula pa no’ng high school kami. “Hindi ka na sana nag-abala. Ano ba’ng atin?” tanong ko sa kaniya at kinuha ang bitbit niya saka ko siya pinaupo. Kumuha ako ng dalawang platito para sa dala niya. “Wala naman. Na-miss lang kita. Saka hindi ka man lang nagre-reply sa mess.enger kaya akala ko may sakit ka,” kasuwal na sagot nito. “Busy lang. Limang modules pa iyong ‘di ko natapos. Mamayang ala-una may online quiz pa kami,” tugon ko. Tumango-tango lang ito. Bigla siyang tumahimik at medyo ang awkward kaya binuksan ko na lang iyong dala niya at naglagay ng tig-isang slice sa platito. “Kain tayo,” alok ko sa kaniya kahit siya naman talaga ang may dala nito. Tumitig lang siya sa akin bago kinuha ang pagkain. “Thanks. Iimbitahin sana kitang lumabas bukas, kung okay lang sa iyo,” maya-maya ay bigla itong nagsalita. “Bukas? Bakit ano’ng mayroon bukas?” takang tanong ko habang ngumunguya ng pizza. “It’s my birthday. I just want to celebrate it with you…” malamlam ang mga matang sagot niya. Bigla tuloy parang nahirapan akong lunukin ang kinakain ko. “Ayaw mo ba?” mahinang tanong nito dahil hindi ako nakasagot agad. “Pero hindi ba mas maganda kung i-celebrate mo iyong birthday mo kasama ang pamilya mo?” alanganing sabi ko sa kaniya. Kita kong lalong lumungkot ang mukha niya kaya nakonsensiya ako. “Mas gusto ko sanang ikaw ang kasama ko bukas. Saka maghahanda ng dinner si mommy talaga para sa birthday ko at invited kayong lahat,” anito at muling tumingin sa akin na tila nakikiusap. Napabuntong-hininga ako. Special day niya bukas kaya wala naman sigurong masama kung pumayag ako sa gusto niya. “Sige. Saan mo ba gustong pumunta?” tanong ko sa kaniya. Mabilis na lumiwanag ang mukha niya kaya napangiti ako. “It’s a secret!” nangingiting tugon nito kaya nagsalubong ang kilay ko. Pero kahit anong pangungulit ko eh hindi niya talaga sinabi. Dito na rin siya sa bahay nagtanghalian pagkatapos naming mag-usap dahil iyon ang utos ni mama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD