C-14

2308 Words
HAPON NA NANG MAKARATING SA KANILANG BAHAY SI YVONE. Pagod mula sa mahabang biyahe at emosyonal na pagod dahil sa mga kaganapan sa Baguio, saglit lamang siyang nagbihis, saka muling lumabas ng bahay. Hindi na siya nagpahinga pa—ang unang nasa isip niya ay ang mga magulang. Pagdating niya sa ospital, diretso agad siya sa silid kung saan naka-confine ang kanyang ama. Ngunit pagtapat pa lang niya sa pinto, may narinig na siyang kaluskos mula sa loob. Marahang binuksan ni Yvone ang pinto—at hindi niya inaasahan ang tanawing sasalubong sa kaniya. Si Nimfa. Nakatayo sa tabi ng kama ng kanilang ama, hawak ang oxygen tubing. Sa unang tingin, parang... tinatanggal nito ang tubo mula sa pagkakakabit. “Anong ginagawa mo?!” galit na sigaw ni Yvone, agad na lumapit. Nagulat si Nimfa ngunit agad din itong tumalikod at humalukipkip. “Inaayos ko lang ang tubo. Bakit, nurse ka ba?” mataray na sagot nito. “Kung inaayos mo lang 'yan, bakit parang tinatanggal mo?” bumubuntong hiningang tanong ni Yvone, pilit kinakalma ang sarili. Lumapit si Yvone sa kanyang ama at agad sinuri ang mga wiring at koneksyon. Mukhang okay naman ang lahat—pero may kaba pa rin sa puso niya. “Hindi mo dapat pinapakialaman ang mga gamit dito. Hindi ka trained!” “At ikaw? Akala mo kung sino ka ring tagapagtanggol. Pakialamera ka lang naman talaga.” Tumaas ang tensyon sa loob ng silid. Nagsimulang bumilis ang paghinga ni Yvone. Pero bago pa siya makasagot, bumukas ang pinto—si Aling Edlyn, ang kanilang ina, ang dumating. Halata sa mukha nito ang pagod, ngunit agad na napansin ang alitan sa pagitan ng kanyang dalawang anak. “Anong nangyayari rito?” tanong ni Aling Edlyn. Itinuro ni Yvone si Nimfa. “Mama, nakita ko siyang parang tinatanggal ang oxygen ni Papa.” “Tinatanggal?!” gulat ni Edlyn. Ngunit ngumiti lamang si Nimfa—yung ngiting may halong panlilinlang at walang takot. “Huwag kang makinig sa kanya, Ma. Nagsisinungaling lang 'yan. Ako pa ba ang lalason sa sarili kong ama?” sarkastikong tugon ni Nimfa. “Nimfa! 'Wag kang sumagot ng ganyan!” sigaw ni Aling Edlyn. “Nasa ospital tayo! Respeto naman sa ama mo!” Pero nagtaas lang ng kilay si Nimfa at itinuro si Yvone. “Sabihan mo 'yan, Mama. Hindi ako ang problema rito—kundi siya. Si Yvone. Siya ang sumisira sa lahat.” “Anong sinasabi mo?” balik ni Yvone. “Layuan mo si Lucian,” mariing sabi ni Nimfa. “Kahit kailan, akin lang siya. Wala ka sa kalingkingan ko. Kung may dangal ka, lalayo ka.” Napalunok si Yvone. Uminit ang tainga niya sa narinig, pero pinilit niyang huwag patulan. “Hindi ko siya inaangkin, Nimfa. At hindi ako tulad mong marunong lang sa pambabalat-kayo.” “Marunong akong magmahal, Yvone. Hindi tulad mo—sabit lang sa pamilya natin. Wala ka sa dugo namin.” “Tama na!” sigaw ni Aling Edlyn, halos mangiyak-ngiyak sa galit at pagod. “Nimfa, hindi ko pinalaking ganyan ka. Wala kang karapatang tratuhin ng ganyan ang kapatid mo—o kung anuman ang tingin mo sa kaniya!” “Kapatid? Hah! Ma, tigilan mo 'yang ilusyon na 'yan. Alam naman nating lahat kung sino talaga ang totoo mong anak.” sabay upo ni Nimfa sa sofa, hindi man lang lumingon. Tahimik ang naiwan sa loob. Tumabi si Yvone sa kama ng kanyang ama, hawak ang kamay nito. “Pasensya na po, Pa... kung muling nagulo ang paligid n’yo. Ayoko lang pong napapahamak kayo.” Walang imik si Aling Edlyn sa tabi. Pero lumapit ito sa kanyang anak at hinaplos ang likod ni Yvone. “Anak… salamat at narito ka. Mas may pakialam ka pa kaysa sa sarili kong dugo.” Doon na hindi napigilan ni Yvone ang luha. Sa gitna ng lahat ng kaguluhan, ito lang ang nagpapatatag sa kaniya—ang pagiging anak, hindi sa dugo, kundi sa puso. Tahimik na tahimik ang loob ng silid ng ospital. Ang tanging naririnig ay ang mahinang tunog ng oxygen machine at ang tikatik ng intravenous drip na nakakabit sa matandang lalaki—ang ama nina Yvone at Nimfa. Biglang gumalaw ang mga daliri ng matanda. Kasunod noon ay bahagyang nag-angat ng ulo ang pasyente. Dahan-dahang iminulat nito ang kanyang mga mata, tila may kahirapan, ngunit malinaw ang direksyon ng tingin nito—kay Nimfa. “Pa?” bulalas ni Aling Edlyn, na agad lumapit sa kama ng asawa. Ngunit isang bagay ang hindi inaasahan ng lahat: Biglang nanlaki ang mga mata ng matanda. Puno ng takot ang mga mata nito habang nakatitig kay Nimfa, na noon ay nakatayo sa paanan ng kama. Parang may nakita itong multo. “Pa! Anong nangyayari?!” gulat at takot na tanong ni Edlyn habang hinawakan ang kamay ng asawa. Si Nimfa naman ay natigilan. Parang binuhusan ng malamig na tubig. Napaatras siya ng bahagya, nanginginig ang labi at hindi makakilos. Hindi niya maipaliwanag ang takot sa mga mata ng kanyang ama. “Bakit siya ganyan tumingin, Mama?” tanong ni Yvone habang lumapit din sa kama. Kitang-kita niya ang pag-aalalang nakapinta sa mukha ng kanyang ama. “Gusto niyang magsalita pero walang lumalabas na boses,” ani Edlyn, nanginginig ang boses. “Yvone, parang… stroke ba ito? Parang hindi niya maigalaw nang maayos ang bibig niya!” “Maghahanap ako ng doktor!” agad na sabi ni Yvone habang patakbong lumabas ng silid. Habang wala si Yvone, si Nimfa ay hindi mapakali. Lalo pang lumalim ang takot sa mga mata ng matanda habang nakatingin sa kanya. Wala man itong sinasabi, malinaw ang mensahe sa kanyang mga mata—ayaw nitong makita si Nimfa. “Anong... anong problema mo, Pa?” mahinang sabi ni Nimfa. Pero kahit siya, dama ang ginaw sa loob ng silid. Hindi siya makatingin ng diretso. At bago pa makabalik si Yvone, agad nang lumabas si Nimfa. Tahimik, mabilis, at parang may tinatakasan. Pagbalik ni Yvone kasama ang doktor at nurse, wala na si Nimfa sa silid. “Mama, nasaan si Nimfa?” “Hindi ko alam, anak,” sagot ni Edlyn, halos nanginginig pa ang boses. “Basta noong nakita siya ng Papa mo... bigla na lang siyang natakot. Hindi man lang siya nakapagsalita. Tapos parang... parang may gustong ipahiwatig sa atin.” “Doc, ano pong nangyari sa papa ko?” tanong ni Yvone habang pinapanood ang doktor na sinusuri ang mga vital signs ng kanyang ama. “Nagkaroon siya ng mild stroke,” paliwanag ng doktor. “Hindi ganon kalala, pero apektado ang muscles ng bibig at dila. Kailangan siyang ma-monitor at sumailalim sa therapy para maibalik ang pagsasalita.” “Mabuti po at nagising siya,” ani Yvone. Ngunit nakita niyang tuloy-tuloy ang pagluha ng kanyang ama. Tahimik itong umiiyak, habang hindi maipaliwanag ang ekspresyon ng mukha—takot, lungkot, at pagod na halo-halo. Lumapit si Yvone at marahang hinawakan ang kamay nito. “Pa, andito lang kami ni Mama. Ligtas ka na. Hindi ka na muling masasaktan,” bulong niya, kahit hindi niya lubos maintindihan ang dahilan ng takot ng kanyang ama kay Nimfa. Ngunit sa loob-loob niya... may kutob na siya. May malalim na dahilan kung bakit ganun na lang ang naging reaksyon nito. At kung totoo mang si Nimfa ang dahilan—kailangan niyang malaman ang buong katotohanan. ***** “Yvone, magpahinga ka na. Mukhang pagod na pagod ka na, anak,” nag-aalalang wika ni Aling Edlyn habang marahang hinahaplos ang likod ni Yvone. Bumuntong-hininga lang si Yvone. Hindi na niya alam kung paano pa tataglayin ang bigat sa dibdib niya. Mula sa nangyari sa bahay ni Mayor Vicente—ang kahihiyang idinulot ni Nimfa—hanggang sa gulo sa Baguio, pagod na pagod na siya, hindi lang pisikal kundi pati emosyonal. Muling tiningnan ni Yvone ang cellphone niya. Nakaabang pa rin ang viral video nila nina Mabel at Grace sa social media. Sa kabila ng lahat, hindi niya mapigilang silipin kung gaano kalala na ang epekto nito. Pero habang nililibot niya ang feed, isang bagay ang ikinagulat niya. Biglang nawala ang video. Parang may milagro. Parang may nagbura. Napakunot ang noo ni Yvone. Kasabay nito, sunod-sunod niyang nakita ang mga hindi nasagot na tawag at text messages ni Lucian. Halata sa tono ng mga mensahe ang inis nito. > Where the hell are you? I told you not to go without telling me. We need to talk. Now. Hindi niya alam kung matatakot siya o mahihiya. Alam niyang mali rin ang hindi pagpapaalam kay Lucian, pero sa dami ng problema niya, hindi niya na talaga alam kung sino pa ang uunahin. Maya-maya lang ay narinig ni Yvone ang isang pamilyar na boses—boses ni Jess, ang tauhan ni Lucian, na mukhang kasama nito. “Boss, dito yata siya naghihintay,” narinig niyang sabi ni Jess habang papalapit sa waiting area ng ospital. Napalingon si Yvone sa direksyon ng boses. Nakaupo siya sa isang mahabang bangko, wala sa sarili. Ngunit paglingon niya—tumambad sa paningin niya si Lucian. Napatayo siya agad sa gulat. “Lucian?!” Hindi siya agad nakaimik. Inakala niyang papagalitan siya nito, o kahit papaano ay sisigawan dahil sa mga text nito kanina. Pero laking gulat niya nang lumapit si Lucian nang mabilis, at walang anumang salita ay binuhat siya nito—parang bride sa araw ng kasal. “Lucian, nakakahiya! Ibaba mo ako!” nag-aalalang sabi ni Yvone habang napapatingin sa paligid, iniisip ang mga makakakita sa kanila. “I won't let you down,” mahinang tugon ni Lucian habang matatag ang pagkakabuhat sa kanya. “I don't care kung anong sabihin ng iba. Sa dami ng problema mo, ako dapat ang kakampi mo—hindi dagdag sa gulo mo.” Natigilan si Yvone. Napatingin siya sa mga mata ni Lucian—seryoso, puno ng determinasyon at pag-aalala. “Lucian…” “You're tired, Yvone. I can see it in your eyes. Hindi mo na kailangang lumaban mag-isa. I told you… as long as I'm here, I’ll carry the weight with you.” Hindi na nakasagot si Yvone. Ilang sandali pa, naramdaman niya ang pagluha ng kanyang mga mata. Sa dami ng taong nanghusga sa kanya, isa lang ang tumindig para sa kanya. At habang binubuhat siya ni Lucian papalayo sa waiting area, wala na siyang pakialam sa tingin ng iba. Hindi niya alam kung saan sila pupunta, o kung ano ang susunod, pero isang bagay ang sigurado—hindi na siya nag-iisa. "Bakit mo ba ginagawa sa akin ito?" galit ngunit puno ng hinanakit na tanong ni Yvone habang ibinababa siya ni Lucian sa tabi ng sasakyan. Nasa harap sila ng ospital, gabi na, at malamig ang simoy ng hangin—pero mas malamig ang pagitan nilang dalawa. "Kasal ako sa pinsan mong si Apollo!" dugtong ni Yvone, halos pasigaw. "At ayokong may masabi ang ibang tao! Ayokong dumagdag pa sa kahihiyan!" Nagpamewang si Lucian. Ramdam ang tensyon sa katawan niya. Tinitigan niya si Yvone—malalim, diretso, at tila sinusuri ang puso nito. "Why?" mariin niyang tanong. "May nakakaalam ba na kasal ka sa kanya, Yvone? May ibang tao bang tunay na nakakaalam ng buong katotohanan bukod sa ‘yo at sa abogado?" Napatigil si Yvone. Hindi siya agad nakasagot. "Alam mo ba kung ano ang totoo?" dagdag pa ni Lucian, ang tinig ay mas malumanay na ngayon pero mas mabigat ang dating. "Anong totoo, Lucian?" nag-aalalang tanong ni Yvone, kunot ang noo at may halong takot sa boses. "Na walang nangyaring kasal? Na niloko lang ako? Na ginamit lang ako?" Tumango si Lucian. "Meron, Yvone. May kasal. At tandaan mong pumirma ka sa marriage certificate." "But do you even remember who your groom was?" Nanlaki ang mga mata ni Yvone. Hindi siya makapaniwala. Naramdaman niya ang paninikip ng dibdib niya. "No... Hindi ko alam. Hindi ko nakita. Basta sinabi nila—si Apollo." Lumapit si Lucian, dahan-dahan, tila may pinipigil. "Yvone…" seryoso na ang boses niya. "Ako. Ako ang groom mo. Ako ang pinakasalan mo." Parang biglang tumigil ang mundo ni Yvone. Napaatras siya, tila tinamaan ng suntok sa dibdib. "Hindi… Hindi pwede 'yan, Lucian…" umiling siya, pilit binabalewala ang narinig. "Kung ikaw man ang groom ko... sana hindi na lang ako pumirma. Sana hindi na lang ako pumayag." Kasabay ng mga salitang iyon, binuksan niya ang pinto ng sasakyan at mabilis na pumasok sa loob, pinilit isara ang pagitan nila. Pero hindi pa tapos si Lucian. Binuksan ni Lucian ang kabilang pinto at marahang sumilip sa loob. "Yvone…" malalim ang tinig. "Wala kang ideya kung gaano kasakit marinig yan mula sa'yo." "Alam mo bang ako ang gumawa ng paraan para makalabas ka sa utang ng pamilya mo? Ako ang nagsalba sa kabuhayan niyo, ako ang tumanggap sa'yo, kahit ang totoo… matagal na kitang mahal." " Anong ibig mong Sabihin Lucian?" "Saka mo na lang ako sagutin na tama kapag tanggap mo na ko bilang asawa mo." Muling tumulo ang luha ni Yvone. Hindi na niya alam kung alin ang totoo, at alin ang dapat niyang paniwalaan. "Hindi ako handa, Lucian..." mahina niyang sabi. "Hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat ng ito." Tahimik si Lucian. Sandali siyang napatingin sa malayo, saka muling bumaling sa babae sa loob ng sasakyan. "Hindi kita pipilitin. Pero darating ang araw, Yvone… matatanggap mo rin na ako ang lalaking pinili ng tadhana para sa'yo. At kapag dumating 'yon—hindi na kita hahayaang lumayo pa." Muli siyang umayos ng upo at marahang isinara ang pinto ng sasakyan. Tahimik si Yvone habang binabaybay ng sasakyan ang daan pauwi. Sa puso niya, gulo ang lahat. Pero ang hindi niya maitanggi—tumatama sa puso niya ang mga salitang binitawan ni Lucian. At sa kabila ng kaguluhan… isang katotohanan ang unti-unting lumilinaw—ang lalaking akala niyang tagapagtanggol lang, ay siya ring naging lihim niyang asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD