Babaeng Nakamaskara/Elyssa
Apat na buwan na ang aking tiyan. Nasa klinika ako ni Jayden dahil nakaramdam ako ng matinding hilo kaya dinala ako roon ni Nanay Joy. Ang balak kong pag-alis ay hindi nangyari, lalo na noong nakompromiso ang kalagayan ko at ng anak ko.
"Hindi ka talaga nakikinig sa akin Elyssa!" galit na singhal sa akin ni Braden. Pinagbawalan na niya akong magbuhat ng mabigat ngunit hindi ko sinunod kaya dinugo ako.
"Matanda na si Nanay Joy. Alangan naman siya ang pagbuhatin ko ng basket ng gulay," pamimilosopo ko kay Braden na halatang ikinairita niya.
"Magpa-ultrasound ka. Tignan natin kung anong lagay ni baby..." bumuntong hininga siya. "Tsk! Hindi ka kasi nag-iingat. Akala ko ba siya na lang ang kayamanang meron ka, tapos pinapabayaan mo naman sarili mo!" muli niyang sumbat sa akin na ikinalabi ko.
Sa klinika niya rin ako nag-ultrasound. General doctor siya at siya ang may-ari doon. Katabi ko siya habang kasalukuyan akong nakahiga at tinitignan ang kalagayan ng baby ko. Isang kasamahan niyang doktora na Gynecologist ang sumusuri sa akin.
Hinayaan kong samahan ako ni Braden sa loob dahil kahit sabihin kong hindi, eh, ipagpipilitan lamang niya, wala naman akong magagawa dahil doktor siya.
"Malakas ang kapit ng baby. Pero ang Nanay kailangan maging healthy at maingat!" natatawang payo sa akin ng doktora. Napatingin pa kay Braden na may panunukso sa mukha. Agad nga lamang napawi ang ngiti nito sa pagkakatitig kay Braden.
Napabaling tuloy ako ng tingin kay Braden na nakatitig sa aking tiyan. Hindi ko nakuha agad ang ibig sabihin ng tingin niya, pero nang makapa ko ang pilat nang ibaba ko ang aking damit, doon ko na napagtantong iyon ang tinitingnan niya.
"Anong nangyari sa tiyan mo?" tanong niya nang nanananghalian kami sa kaharap na fastfood ng kanyang klinika.
Ayaw ko na sanang pag-usapan pa pero dahil kuryoso siya, minabuti ko na lamang siyang sagutin.
"Aksidente..." pagsisinungaling kong nag-iwas ng tingin sa kanya at itinuon sa pagkain ang aking sarili.
"Looks like it didn't healed properly!" puna niya na ikinalunok ko.
Napakagat-labi ako dahil totoo naman. Ang huling pagbuka ng sugat ko ay noong may mangyari sa amin ni Ali. Noong nagpanggap akong babaeng nakamaskara.
Dahil nakapiring siya, hindi niya namalayang hindi na ang balakang ko ang nahawakan niya. Nasagi niya ang sugat ko kaya dumugo iyon habang nagtatalik kami.
"Ayos naman na, kahit siguro lumaki ang tiyan ko at mabinat ay hindi na bubuka ang sugat!" nakangiti akong bumaling muli sa kanya ngunit seryoso siyang nakatitig sa akin na para bang binabasa niya ang nasa isipan ko.
"I know that we've known each other just a couple of months only, pero hindi mo maikakaila sa akin ang mga pinagdadaanan mo. Puwede kang magsinungaling ng ilang beses sa akin, Elyssa. Pero hindi mo maililihim na nahihirapan ka na..."
Napayuko ako dahil totoo naman.
"Ayokong panghimasukan ang buhay mo. But I really want to help you. Kahit sa anong paraan!"
Mapait akong napangiti habang tumutulo ang luha kong nakayuko.
"Ayaw kong magkaroon ng utang na loob sa iyo. Ayaw kong bigla mong isumbat ang mga ginagawa mo sa akin ngayon. Hindi ko masusuklian..."
Ginagap niya ang kamay ko kaya napatigil ako sa pagsasalita at inangat ang tingin sa kanya. Pagkatapos ay pinunasan niya ng panyo ang luha ko sa pisngi.
"Alam ko iyon. Hindi ko ipipilit ang sarili ko sa iyo. Noong una, alam kong dahil nakikita ko sa iyo si Adelyn. Ang babaeng pinakamamahal kong nang-iwan sa akin. But, this time. I really care for you, as a friend. Hindi na ako lalagpas pa roon."
Hindi ko alam kung paraan ba ito ng Diyos para tulungan ako dahil lagi niya akong binibigyan ng mga taong masasandalan ko kahit pa tanggihan ko ng tanggihan.
"Just stay with us, here. Maaalagaan ka namin dito."
"Bakit ganito mo ako ituring?" Hindi ko mapigilang itanong. Nakakapagduda kasi na sa ilang araw lang kaming nagkakilala ay tinulungan na niya ako ng sobra-sobra.
"'Di ba sabi ko sa iyo, sa una nakita ko sa iyo ang isang babae sa katauhan mo. Unang kita ko pa lang sa iyo, hindi na naalis ang mata ko at ang kagustuhan kong tulungan ka."
"Bakit nasaan ang babaeng sinasabi mo?"
Natawa siya pero halatang pilit. Siya naman ang nag-iwas ng tingin.
"Iniwanan niya ako dahil hindi ko siya kayang ipaglaban. Huli na noong na-realize ko na mas mahalaga pala siya kesa sa ibang bagay. Until now, hinahanap ko pa rin siya at nagbabakasakaling balikan niya ako."
Napalunok ako sa kuwento ni Braden. Ganito rin kaya si Ali noong nawala ako? Iniisip pa rin niya ba ang paghihigantiqa sa akin? O, kinalimutan na niya ako dahil akala niya sumama ako sa ama niya.
Naipilig ko ang aking ulo, maliwanag ang usapan namin ni Lauro bago sila umalis ng bansa.
"Ate!" iyak na tawag ni Ashley sa akin. Nasa NAIA na kami at ihahatid namin sila. "Sama ka sa amin!" iyak niyang hindi kumawala mula sa pagkakayakap sa leeg ko.
Niyakap ko rin siya ng mahigpit at hindi siya pinakawalan. Hindi ko mapigilang maiyak dahil magkakawalay kami.
"Magpakabait ka kay Papa Lauro mo ha..." gumaralgal ang boses ko kaya napakagat ako sa aking pang-ibabang labi.
"Sama ka na akin ate!" muli niyang pakiusap.
"Hindi puwede, Ash. Basta magpagaling ka roon. Pagbalik mo, siguradong magkikita tayong muli. Makikita mo na ako," pampalubag-loob ko sa kanya. "Hihintayin ko ang pagbabalik mo," bulong ko na lalo niyang ikinaiyak. "Shhhh, Ash, big girl ka na. 'Di ba itinuro ni Ate na dapat maging malakas ka."
Tumango siya pero umiiyak pa rin. Muli ko siyang niyakap ng mahigpit.
"Ipangako mo kay ate na magpapakabait ka, ha? Magpagaling ka roon."
"O-opo," humihikbing sang-ayon niya.
Tumayo ako at binalingan si Lauro.
"Mag-usap tayo," yaya kong agad niyang sinang-ayunan.
Kinuha ni Nanay Minda si Ashley na kasama naming naghatid.
Ginagap ni Lauro ang aking kamay at may lungkot ang matang tumitig sa akin. Nginitian ko siya para ipakitang pinal na ang desisyon ko at hindi na mababago. Hindi ako sasama sa kanila.
"Ingatan mo ang anak mo, Lauro. Maging mabuti ka sa kanya," bilin kong ikinatango niya agad.
Alam naming dalawa at maliwanag pa sa sikat ng araw na wala kaming ni isang ugnayan na dalawa. Walang nag-uugnay sa amin kundi ang nakalipas lamang. Ang maling nakaraan. At si Ashley na anak niya at pamangkin ko.
"Sa bahay ka tumira, doon maaalagaan ka."
"Huwag mo akong alalahanin, ang importante ngayon ay si Ashley..." nilingon kong muli si Ashley na pinapatahan pa rin ni Nanay Minda.
"At sana rin, gumawa ka ng paraan para mapatawad at mapunan ang pagkukulang na mayroon ka kay Ali."
Naiiwas niya ang tingin sa akin. Lumapit ako sa kanya at niyakap siya.
"Alam kong mabuti kang tao, Lauro. At hindi maipagkakailang isa ka ring mabuting ama. Hindi ko alam kung anong pumipigil sa iyo para ipakita ang pagmamahal kay Ali, pero sa tingin ko, karapatan niya ang paghingi mo ng tawad. Karapatan niya ang mahalin mo siya," bulong ko bago humiwalay sa kanya.
Muli kong hinuli ang mamula-mula na niyang mga mata dahil pinipigilan ang maluha. "Mahal na mahal ka ng anak mo. Nararamdaman kong mahal ka niya at nirerespeto. Kailangan mo lang hilumin ang sugat niya, Lauro," saad kong may paggaralgal ang boses. Naiiyak na rin ako.
Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ko kaya naman umaliwalas bigla ang mukha ko. Kailangang buuin ni Lauro ang sarili niya para mabuo niyang muli si Ali.
Nang muli niya akong hilain para sa isa pang yakap.
"I really loved you, Elyssa. I still do. Pero kung ang pakawalan ka ang ikaliligaya mo, gagawin ko. I just want you to stay. Kung may makakabuo man sa anak kong si Ali. Alam kong ikaw iyon. Stay with him while I am away. Hindi ko na kayo gagambalain. Magpapaubaya ako."
Umiling ako. Sana noon pa niya ginawa. Siguro ay naging masaya kami. Pero hindi ko siya masisisi, nangyari ang dapat mangyari. At kung kagustuhan ng tadhanang pagtagpuin kami ulit ni Ali. Kung gugustuhin ng tadhanan na maging kami ulit, mangyayari iyon. Ang tanging gusto lang ay buuin din muli ang sarili ko.
Nang tawagin na ang kanilang flight ay muli kong niyakap ng mahigpit ang aking kapatid.
"Mahal na mahal ka ni ate," bulong ko at hinalikan siya sa noo.
Ilang buwan na rin ang nakalipas. Hindi muna ako nakibalita kahit pa mayroon akong numero nila. Patuloy ko pa rin kasing hinahanap ang sarili ko. Sa ngayon, masasabi kong panatag ako kahit pa nga mahirap ang hinaharap kong buhay.
Magpapatuloy ako kahit anong ibato sa akin ng kapalaran. Tumatag ako sa mga pagsubok na ibinigay Niya. Muntik akong sumuko. Muntikan akong magpalamon at magpadikta sa galit. Muntikan kong ibaon ang sarili ko sa isang pagkakamali. Ngunit heto pa rin ako, bumabangon at patuloy na umaahon. Kaya ko pa! Kakayanin ko pa.