Siya iyong masasabing nang isilang sa mundong ito ay may nakahain ng gintong pinggan sa kanyang hapag. Isang kilalang politician-businessman ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ama ay isang gobernador sa kanilang probinsiya sa Rizal at ang kanyang ina nama'y magta-tatlong termino na sa pagiging Mayor sa lungsod ng Antipolo at nagpaplanong tatakbo bilang Bise-Gobernador sa susunod na halalan.
Bunso siya at nag-iisang lalaki sa tatlong magkakapatid. Ang dalawang ate niya ay may mga asawa na at nagmula rin sa angkan ng mga pulitiko. Siya lang iyong binata pa at wala pa sa plano niya ang matali. Sa edad niyang biente-tres ay wala pa sa hinagap niya ang mag-asawa. Gusto muna niyang namnamin ang pagiging malaya. Walang commitments, walang pressure. Napakabata pa niya para mag-asawa.
Bata pa lamang si Jonard ay sagana na siya sa lahat ng mga materyal na bagay. Kung may magugustuhan siyang laruan o bagay, isang kisap-mata lang, kaagad din niya iyong nakukuha.
Kung maraming mga bata man na kagaya niya noon na salat sa lahat ng bagay maging sa masasarap na pagkain man ay taliwas iyon sa kanya na sagana sa lahat ng luho.
Oo, sinasabi ng karamihan na napaka-swerte niya dahil hindi niya naranasan ang mag-hirap. Ngunit kung gaano man kayaman ang pamilya niya ay siya namang pamumulubi niya sa atensyon, pag-aaruga at pagmamahal ng isang magulang. Daig pa niya ang isang pulubi na namamalimos sa lansangan. Nanlilimos siya sa kunting panahon ng kanyang mga magulang na ipinagkait nito sa kanya. Kung gaano ito ka abala sa pagtulong sa ibang tao at pagkakawang-gawa ay siya naman iyong nai-tsapwera.
Ilang family day ba sa school na tanging yaya niya lamang ang kanyang kasama? Ilang mga sports fest, theater plays at mga iilang quiz bee ang kanyang sinalihan na tanging mga ate niya lamang ang nagchi-cheer sa kanya.
Nagtapos siyang valedectorian sa elementarya at hayskul na ang yaya niya lang din ang nagsabit ng kanyang medalya na pinagsusumikapang makamit at ninais na maihandog sa dalawang taong mahalaga sa kanyang buhay.
Ngunit nasaan ang mga taong iyon? Bakit hindi nila magawang mabahagian siya kahit katiting man lang nitong oras? Mas mahalaga pa sa mga ito ang kapakanakan ng iba kaysa siya na anak nila.
Selfish na kung selfish, ngunit anak lang din siya gaya ng ibang bata na kasing edad niya na nangangailang ng atensiyon, pag-aaruga at pagmamahal ng isang magulang na hindi kayang maibigay ng pera o anumang materyal na bagay dito sa mundo. Lumaki si Jonard na labis ang hinanakit at pagtatampo sa mga magulang.
Noong magko-college na siya ay saka pa lamang pumasok sa buhay niya ang kanyang mga magulang. Hindi dahil upang gagampanan na ng mga ito ang pagiging ama at ina ng mga ito kundi ang pagdedesisyunan ang sarili niyang buhay.
Gusto ng mga ito, lalo na ng Daddy niyang Political Science o kaya'y abugasya ang kukunin niyang kurso nang sagayun siya ang susunod sa mga yapak ng mga ito. Magiging matagumpay din siyang pulitiko sa darating na panahon.
Labis ang kanyang pagtutol sa kagustuhan ng mga magulang niya para sa kanya. Parang gusto niyang sabihin na,
"Wow naman, kung kailan ninyo gustong panghimasukan ang buhay ko ay saka pa lamang ninyo ako lalapitan at kakausapin!"
Ngunit hindi na niya iyon naisatinig. Seventeen pa lang kasi siya noon. Kahit labag sa kanyang kalooban ang kagustuhan ng mga ito sa kanya at kahit anong panghihimutok niya ay kinakailangan muna niya magpatianod sa agos. Wala pa siyang sapat na kakayanan para suwayin ng harapan ang kanyang mga magulang.
Nang sinamahan siya ng kanyang ama sa UP para mag-enroll sa kursong Political Science ay hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Naroon iyong saya at lungkot. Saya dahil unang beses iyon sa tanang buhay ni Jonard na sinamahan siya ng kanyang Daddy bagay na huling ginawa nito noong nasa preschool pa lamang siya nang hindi pa ito pumasok sa pulitika. Lungkot dahil hindi maitatwa ang katotohanan na kaya siya nito sinamahan ay upang simulang kontrolin ang buhay niya, bagay na labis niyang palihim na tinututulan.
Matapos siyang ma-enroll at maibigay ang lahat ng kailangan niya ay bumalik na ng Rizal ang ama niya. Nag-iwan lang ito sa kanya ng credit card at ATM para sa kanyang mga pangangailang pinansiyal.
Sa bahay nila sa isang exclusive subdivision sa Quezon City siya titira. Kasama ang Yaya Laura niya na tumatayo ng mga magulang niya noong bata pa lamang siya. At si Mang Gardo na asawa ng yaya niya bilang driver niya. Menor de edad pa kasi siya kaya hindi pa siya pinahihintulutan ng kanyang Daddy na magmaneho ng sasakyan.
Makalipas ang dalawang araw matapos siyang mag-enroll ay bumalik din naman siya sa school registar sa university kung saan siya nagpatala upang i-drop-out ang lahat ng subject niya sa kursong iyon. Magsi-shift siya sa isang business course. Gusto niya na balang araw ay makuha niya ang pamamalakad sa kanilang negosyong flower farm sa Tagaytay o kaya'y sa kanilang limampung ektaryang Banana Plantation sa Davao.
Lahat ng plano niyang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang. Kumpiyansa din naman siyang hindi siya masusukol ng mga iyon dahil nga wala namang pakialam ang ma ito sa kanya. Kung mabisto man ang pagsuway niya, paniguradong graduate na siya sa panahong iyon.
Sa bawat paglikwad ng panahon tanging pag-aaral lang niya ang kanyang inaatupag. Gusto niya kung magkabistuhan man, may ipagmamalaki siya sa kanyang mga magulang. Na kahit sinuway niya ang mga plano ng mga ito sa kanya gusto niyang ipakitang may narating siya. Pagrerebelde man iyong maituturing ngunit sa mabuti namang pamamaraan. Iyong hindi nasisira at nawalan ng direksiyon ang buhay niya.
Ngunit nakakabagot din pala kung puro na lamang pag-aaral ang laging inaatupag. Gusto din niyang maranasan ang buhay ng isang binata. Ayaw niyang maging ermitanyo sa apat na sulok ng kanyang kuwarto at walang ibang gawin kundi ang mag-aral nang mag-aral.
Kaya naisip niyang makipagbarkada upang may makasama sa pag-hang-out sa gabi. Doon siya natutong uminom ngunit alam niya kung paano dalhin ang kanyang sarili. Alam niya ang kanyang limitasyon. Dahil sa paglabas niyang iyon, doon niya naranasan ang magka-girlfriend. Hindi lang isa, kundi marami.
Para lang siyang nagpapalit ng damit kung magpalit ng babae. Madali lamang sa kanya iyon dahil may itsura naman siyang kinababaliwan ng mga kababaihan. Matangkad, nasa 6 feet ang taas. May katawang alaga sa gym. May makakapal na kilay na bumagay naman sa parang nangungusap nitong mga mata. Matangos na ilong, mapupulang mga labi na kaysarap halikan at mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin.
Sa kabila ng pagkakaroon niya ng maraming babae sa buhay, pakiramdam niya may kung anong kulang pa na hindi niya matukoy kung ano. Iyon bang parang hindi lubos ang kanyang kasiyahan, diskuntento ba? Kung sa sawsawan pa ng ulam parang hindi na sapat ang tuyo at suka lang, gusto na niya ng ketchup o homemade sauce para mas lalo pang maging malinamnam ang pagkaing nakahain.
Fourth-year college na siya noon nang mangyari na nga ang inaasahan niya. Dahil nga nasa huling taon na siya sa kolehiyo ay naisipan ng Daddy niya na kumustahin ang pag-aaral niya. Kung ano ang status niya at kumusta ang mga grades niya sa school.
Surprise visit iyon, at sa mismong Dean pa talaga ng kursong pinag-enrolan niya dati ito deretsong nagtungo. At laking gulat ng Daddy niya na noon pa pala, nag-drop-out na siya sa kursong gusto nito para sa kanya. Galit na galit ito nang siya'y kausapin na halos aatakehin na sa puso. Aambaan na sana siya nito ng isang suntok ngunit pumagitna ang kanyang Mommy na bagamat malaki rin ang pagkadismaya nito sa kanya ngunit nangingibabaw parin ang pagiging ina nito. Isang ina na hindi kayang makitang sinasaktan ang kanyang anak.
Unang beses niyang sinagot-sagot ang kanyang ama. Inilabas niya ang lahat ng naipong sama ng loob na matagal na niyang kinikimkim ng mahabang panahon sa kanyang dibdib. Ngunit hindi man lang ito natinag. Pinaninindigan pa rin nito na para sa kinabukasan niya ang iniisip nito. Iginiit ng Daddy niya na isang malaking pagkakamali ang nagawa niyang iyon. At hindi ito titigil hanggat hindi masusunod ang ninais nito para kay Jonard.
Nagtapos siyang Summa c*m Laude sa kanyang kurso, ngunit gaya ng dati ang Yaya niya lamang ang naroon para sa kanya at ang dalawang ate niya na ramdam niya ang pagsuporta sa kanya.
Buong akala ni Jonard, titigil na ang ama niya sa panggigiit sa gusto nito para sa kanya ngunit nang matapos ang graduation sinabi nitong ipapadala siya nito sa Amerika upang doon ituloy ang naudlot nitong kurso.
Pursigido ang ama niya na siya ang sumunod sa mga yapak nito lalo pa't mukhang may plano itong tatakbong senador sa susunod na halalan. Wala ng nagawa pa si Jonard kundi ang tumalima sa gusto ng ama. Sa kabilang banda, naisip niyang magandang ideya rin iyon upang makatakas siya sa mga babaeng humahabol sa kanya na ayaw na niya. Nakakapagod na. Ilang beses na ba niya iyong dinespatsa ngunit sobrang kapal lang talaga ng mga mukha ng mga iyon.
Nang nasa Amerika na siya ay sa kanyang tito siya tumuloy. Imbes na mag-aral, ay puro paglalakwatsa ang ginawa niya. Hindi siya pumapasok sa school. Huli na nang malaman ng tito niyang na-kicked-out na siya dahil sa kabalastugang ginagawa at ang hindi na pagpasok ng halos isang buwan sa eskwela. Lahat ng hindi niya nagawa sa Pilipinas ay doon niya ginawa. Barkada. Grabeng alak. Sugal at ang masaklap ay ang tumira ng coccaine.
Naging pariwara siya roon. Iyon ang paraan ng pagrerebelde niya. Ayaw niyang may ibang kumukontrol sa buhay niya. Kung noon na bata pa siya ay hindi nagagawa ng mga magulang na siya ay pansinin. Ngayon pa na malaki na siya. May sarili na siyang pag-iisip at disposisyon sa buhay.
Ayaw niya sa magulo at maruming laro ng pulitika. Gusto niya iyong buhay na tahimik at walang ibang tao ang iniisip. Kung ang pagtulong sa kapwa at bayan ang adbokasiya ng kanyang mga magulang bilang pulitiko. Naisip niyang hindi naman dapat maging isang politician ang isang tao para makatulong sa kapwa. Kahit isang ordinaryong tao basta bukal sa puso ang tumulong ay magagawa niya iyon. Kahit sa simpleng paraan.
Sa isang taong mahigit niyang pamamalagi sa Amerika ay doon niya mas higit nakilala ang sarili. Doon niya nabigyan ng kasagutan ang lahat ng katanungan sa kanyang isip noong nasa Pilipinas pa siya. Nalilito siya nang una, kung ano ba talaga ang gusto niya at anong klase ng tao ang makapagpaligaya sa kanya at pwede niyang mahalin.
Nakilala niya si Lance, tulad niya isa din itong Pilipino na galing sa may sinasabing pamilya sa Pilipinas na doon pinag-aral. Trip lang ang lahat ng sa kanila. Iyon bang pangkamot sa kati lang. No feelings, no emotional attached.
Kahit tanggap na niya sa sarili na ganoon nga siya ngunit pinagbawalan niya ang sarili ang mahulog sa kapwa niya. Para sa kanya walang nagtatagal na relasyon ng gaya nilang nasa gitna. Parang laro- laro lang ang lahat, hindi dapat sineseryoso.
Isa pa, isa iyong kahihiyan sa kanilang angkan. At sa oras na malaman ng mga magulang niya ang tungkol sa kanyang pagkatao, natitiyak niyang itatakwil siya ng mga iyon. Kilala pa naman din ang angkan nila.
Nang simula wala namang naging problema sa kanila ni Lance. Pareho lang naman sila nitong pagpaparaos lang ang gusto. Wala silang naging espesyal na relasyon bukod sa sundin ang hilig ng kanilang katawan. Hanggang sa dumating ang isang araw na hindi niya inaasahan na magtapat ng pag-ibig sa kanya si Lance, bagay na mariin niyang tinutulan.
Ayaw niya ng ganoon. Ayaw niyang maging kumplikado ang lahat. Kaya iniiwasan na niya ito. Ngunit ayaw pa rin siya nitong tigilan. Iginigiit pa rin nito ang pag-ibig nito sa kanya. Ngunit tulad ng sinabi niya, kaibigan lang talaga ang pwede niyang maibigay sa binata.
Isang araw, nabalitaan na lang niyang unti-unti ng sinisira ni Lance ang buhay nito. Hindi na ito pumapasok sa eskwela at lagi na lamang itong lasing. Mukhang hindi nito kinayang kontrolin ang kanyang damdamin.
Kahit papaano, nakaramdam din siya ng pagkahabag dito, lalo pa't isang araw ay lasing itong lumuhod sa kanyang harapan at nakikiusap na bigyan niya ito ng pagkakataon na ipadama ang kanyang pagmamahal sa kanya at subukan niyang buksan ang kanyang puso na umibig at hindi iyong pagsarhan siya nito gayong hindi pa naman niya ito sinusubukan.
Nangako si Lance na kung magiging sila man ni Jonard, hindi niya ito pipigilan sa mga nais nitong gawin. Malaya pa rin ito gaya ng dati.
Sa tulad niyang desperado, ayos na sa kanya iyong nasa tabi niya si Jonard. Hindi na mahalaga sa kanya kung mahal siya nito o hindi. Basta ba lagi niya itong nakikita na laging nasa tabi at hindi siya magsasawang ipadama ang pagtatangi nito sa binata.
Dahil na rin sa may pinagsamahan sila ni Lance at naging masaya rin naman siya sa piling nito at pagtugon sa hilig ng kanyang katawan, pumayag siya sa hinihiling nito sa isang kundisyon.
Una, dapat ayusin niya muli ang kanyang buhay, iiwas na siya sa bisyo at babalik na sa pag-aaral. Pangalawa, hindi dahil sa sila na, ay mahal na niya ito siyempre tuturuan pa niya ang sarili na ito'y ibigin, ngunit kung sa paglipas ng panahon ay hindi talaga niya mapilit ang sarili na mahalin ang binata, dapat bibigyan siya nito ng laya at bumalik sila sa dati bilang magkaibigan. Pumayag naman si Lance. Tuwang-tuwa pa nga ito dahil kahit papaano, binigyan niya ito ng pagkakataon upang maging sila.
Batid ni Jonard na ginagawa nga ni Lance ang lahat ng paraan upang mapaibig siya nito. Halos sambahin na nga siya ng huli. Isang araw lang na hindi sila nito magkikita, makakaasa siyang kinabukasan ay magkukumahog itong bibisitahin siya sa bahay na may dala ng kung ano-ano. Halos ituring na siya nito na parang isang babaeng nililigawan. Ngunit ayos lang sa kanya iyon, nakita naman niyang naging maayos na muli ang takbo ng buhay ng binata na isa sa binigay niyang kundisyon sa oras na pagbibigyan niya ito sa kanyang gusto.
Katawan lang ni Jonard ang naging pag-aari ni Lance. Hindi nito saklaw ang puso ng binata. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti ng may nararamdaman si Jonard kay Lance.
Naging matagumpay ito sa pagpa-ibig sa kanya. Dumating sa punto na nami-miss na niya ito at hinahanap-hanap na niya ang presensiya ni Lance. Tuluyan na ngang nahawi ang harang na ginawa niya upang sana'y hindi siya mahulog sa kapareho niya ng kasarian. Anong magagawa niya, nandoon na siya, kailangan na niya iyong sundin.
Monthsary nila iyon. Kung kadalasan si Lance ang nag-e-effort para ipagdiwang ang mahalagang araw na iyon para rito, na sa tingin naman niya wala namang pinagkaiba iyon sa ordinaryong mga araw, ngayon napapanahon na para siya ay bumawi. Bihis na bihis siya. May dala siyang chocolate at kumpol ng bulaklak na rosas. Gusto niyang sorpresahin si Lance sa apartment nito. Ipagtatapat na niya na mahal na rin niya ang binata at nais niyang iyon na ang bago nilang simula. Isang simula na mahal nila pareho ang isa't-isa. Gusto niyang malagay na sa tahimik, kahit na alam niyang isang bawal na relasyon ang meron sila ni Lance. Ang mahalaga, nagmamahalan silang pareho. Alam niyang matutuwa ang binata sa sasabihin nito kaya napapangiti siya habang binabagtas ang daan tungo sa apartment ng huli.
Kumatok siya sa pinto pero walang nagbukas nito. Pinihit niya ang siradura, hindi iyon naka-lock kaya pumasok na siya. Nakita niya ang nagkalat na bote ng alak at upos ng sigarilyo sa sofa at mangilan-ngilang supot ng junkfoods. Hindi na niya iyon pinansin bagkus, nagtuloy-tuloy siya sa kwarto ni Lance.
Hindi naman nakasara ang pinto nito kaya kitang-kita niya ang pangyayaring nagaganap sa loob na hindi niya inaasahan. Gusto niyang sorpresahin si Lance, ngunit siya pa pala iyong nasorpresa nang husto.
Kitang-kita niya kung paano bayuhin sa likuran ng Amerikanong kaniig nito ang boyfriend niya. Nabitawan niya ang hawak na bulaklak at chocolate, dahilan upang mapalingon ang dalawa sa kanya.
Nagulat ang mga ito na para bang nakakita ng isang ligaw na kaluluwa. Kasabay ng pagbagsak ng kanyang mga luha ay siya ring paghakbang niya palayo sa lugar na iyon. Kaysakit lang sa pakiramdam na maloko ng taong laging nagsasabi na mahal na mahal siya nito. Kung kailan natutunan na niyang mahalin si Lance ay saka naman ito nagtaksil sa kanya.
Pinahid niya ang kanyang mga luha. Ayaw niyang umiyak sa taong walang isang salita at hindi marunong manindigan. Bagama't wala siyang naramdaman rito nang una, ngunit bilang sila, hindi sana dapat iyon ginawa ni Lance, dahil kahit hindi pa naman niya kayang ibigay ang pagmamahal na hinahangad nito sa kanya, binibigay naman niya ang hilig ng katawan nito.
Sinimulan na niyang iwasan si Lance. Nasaktan talaga siya sa ginawang pagtataksil nito sa kanya dahil natutunan na rin niya itong mahalin. Mas mabuti na ring mas maaga pa, nalaman niya kung anong merong pagkatao si Lance, iyong tipong hindi nakukuntento sa iisa.
Kahit anong gawing pakiusap ni Lance na ito'y kanyang kausapin ay hindi niya ito pinagbigyan. Umuwi siya ng Pilipinas na walang paalam. Para ano pa? Wala ng sila kaya wala ng dahilan pa para siya'y magpaalam dito.
Nang makarating siya ng bahay ay isang malutong na sampal ang sumalubong sa kanya mula sa kanyang ama. Natunugan pala nito ang biglaang pag-uwi niya dahil na rin sa Tito niya. Sinabi na pala lahat ng huli na hindi siya pumamasok sa eskwelahan at tanging pagpapariwara ang kanyang ginagawa.
Hindi siya natinag sa sampal na iyon, bagkus, nagtuloy-tuloy siya sa kanyang kwarto na parang walang nangyari. Ngunit maagap na hinawakan siya ng kanyang ama sa braso para pigilan siya, upang sila'y magkausap.
"Dad, may jetlog pa ako. Let me take a rest for awhile!" Sapo niya ang noo.
"I said no. Kakausapin kita sa kung kelan ko gusto. At ang gusto ko ay ngayon na!" Dumadagundong ang boses ng Daddy niya sa buong bahay.
"Bakit ka nag-drop-out? Bakit ba lagi mong sinusuway ang kagustuhan ko para sa'yo. For God sake Jonard, para rin naman sa'yo ang lahat ng 'to!"
"Need not to answer that, Dad!" I suppposed you already knew the answer!"
"So just tell me kung ano ba talaga ang gusto mo at kung bakit ipinagpipilitan mo ang sa tingin mo ay tama?"
"First and foremost, I am not into politics. Gusto kong pamahalaan ang mga negosyo natin. Sorry to disappoint you but my decision is final!"
Nakita niyang kinuyom ng kanyang Daddy ang mga kamay nito. Tanda ng pagpipigil nang matinding galit. At upang hindi na lumala ang tensyon sa pagitan nilang dalawa, minabuti ni Jonard na umalis na lamang.
"Damn, huwag kang bastos, kinakausap pa kita!"
Narinig niyang sigaw ng kanyang Daddy, ngunit hindi na niya iyon pinansin at nagtuluy-tuloy ang paghakbang niya palabas. Ayaw na muna niyang makipagtalo sa ngayon. Gusto na muna niyang makahanap ng isang tahimik na lugar upang ipahinga ang katawan niya at isip. Hindi pa nga siya gaanong nakapag-move-on kay Lance tapos heto pa ngayon ang Daddy niya umi-eksina.
Nang makalabas siya ng pinto ay agad siyang dumiretso sa garahe. Naratnan niya doon si Mang Gardo na kasalukuyang pinupunasan ang side mirror ng kanyang kotse. Binati siya nito. Isang pagtango ang iginante niya.
"Akin na po ang susi Mang Gardo" Wika niya sa may edad ng lalaki at dali-dali naman nitong ibinigay sa kanya ang hinihingi niya.
"Sir, gusto n'yo po bang ipag-drive ko kayo?" Narinig niyang pagmamagandang loob ni Mang Gardo nang pinagbuksan siya nito ng kotse.
"No, hindi na. Kaya ko ng ipagmaneho ang sarili ko!"
Iyon lang ay pinaharorot na niya ang sasakyan. Hindi niya alam kung saan magtungo. Hapong-hapo siya. Gusto niyang makahanap ng lugar kung saan siya makapag-relax na walang makapanggulo sa kanya. Hirap ang kalooban niya ngayon. Si Lance at ang Daddy niya ang mga bagay na bumabagabag sa kanya. Kung pwede lang sanang itulog ang lahat at mawawala na lamang ito kinabukasan sa kanyang paggising.
Nasa kalagitnaan siya ng pagmamaneho. Dahil sa malalim ang kanyang iniisip ay hindi niya agad napansin ang batang tumatawid ng kalsada habol ang laruan nitong bola na tumatalbog-talbog pa. Wala itong kamuwang-muwang sa nagbabantang kapahamakan.
Huli na nang ito ay kanyang mapansin ngunit pinagsusumikapan niyang makapagpreno at mailiko ang sasakyan upang maiwasang mabundol ang bata. Nang makapagpreno ay nagulat naman siya ng pagsulpot ng isang lalaki sa harapan ng kanyang kotse na pinagsusumikapang maitulak ang bata para hindi tuluyang mabundol. Naging matagumpay naman iyong lalaki sa pagsagip ng bata ngunit siya naman itong nalagay sa alanganin.
Kaagad bumaba si Jonard ng kotse upang tingnan ang lalaking nabundol niya para masaklolohan. Duguan ang ulo nito na nakahandusay sa gitna ng kalsada. Tinitigan niya ang mukha nito. May kung ano naman ang nararamdaman niya na hindi niya maintindihan habang ito'y kanyang pinagmasdan.
"Titigan mo na lang ba yan hanggang sa mamatay iyan? Wala ka bang planong dalhin siya sa ospital!?" Untag sa kanya ng mga motoristang napapadaan na huminto sandali para maki-usyoso.
Saka naman siya nahimasmasan mula sa pagkatulala. Kaagad niyang binuhat ang lalaki at pinasok sa loob ng kanyang kotse upang madala sa pinakamalapit na ospital.
Naupo siya sa upuan sa labas ng emergency room. Hinihintay niya ang paglabas ng doktor na tumingin sa binatang nabundol niya. Pinagsaklob niya ang kanyang dalawang palad at nananalangin na sana walang nangyaring masama sa lalaki. Bagamat hindi naman niya iyon sinasadya at isa lamang iyong aksidente ngunit hindi kaya ng konsensiya niya na mabawian iyon ng buhay.
Lumabas na ang doktor. Sinalubong niya ito. At laking tuwa niya nang sinabi nitong hindi naman ganoon kalala ang natamo nitong pinsala. Maliban sa natamo nitong galos sa ulo ay wala naman itong nakitang bali sa katawan. Sa ngayon, nasa private ward na ang pasyente.
Nakahinga ng maluwag si Jonard sa sinabing iyon ng doktor. Naisip niyang umuwi na muna para magbihis.
Nang ihakbang na niya ang kanyang mga paa paalis sa lugar na iyon ay parang may nag-udyok sa kanya na silipin ang binatang nabundol niya. Kaya ang ginawa niya ay pumasok na muna siya sa loob ng silid.
Naupo siya sa silya malapit sa ulonan ng binata. Pinagmamasdan niya ang bawat anggulo ng mukha nito at dinidetalye sa kanyang isip. Mula sa makapal nitong mga kilay. Ang nakapikit nitong mga mata. Matangos na ilong. Ang makinis nitong pisngi at mamula-mula nitong mga labi na sa tingin niya napakalambot niyon at kaysarap na halikan.
Habang tinitignan niya nang ganoon ang lalaki ay bigla na lamang lumakas ang kaba ng kanyang dibdib. Para bang biglang gumaan ang loob niya rito. Sa dinami-dami ng gwapong lalaking nakita niya ay iyon ang unang beses niyang nararamdaman ang parang magnet na humihila sa kanyang mga mata upang ito'y titigan ng ganoon. Parang hindi siya nagsasawa. Hindi nakakaumay. Kusang kumilos ang kamay niya na para bang may sariling pag-iisip patungo sa pisngi ng binata. Gustung-gusto niya iyong mahawakan.
Gising na ang diwa ni John ngunit nakapikit pa rin ang kanyang mga mata. Naramdaman niya ang pagkirot sa bahagi ng kanyang ulo.Minulat niya ang kanyang mga mata.
Nagulat siya nang bumungad sa kanya ang isang napakagwapong lalaking titig na titig sa kanya. Tama, matagal na niyang inalis sa kanyang isip ang humanga sa kapwa niya lalaki ngunit ipokrito siya kung hindi niya aamining sobrang gwapo lang ng lalaking kaharap niya na noo'y nagulat din na para bang nakakita ng multo nang siya'y magising.
Ngunit hanggang doon lang iyon. Hindi niya dapat hahayaang mahulog sa kapwa niya lalaki dahil alam niyang walang magandang maidudulot iyon sa kanya.