"S-sino ka? Nasaan ako?" Ang sunod-sunod na tanong ni John sa lalaking kaharap na noo'y nagulat din sa biglaan niyang pagkagising. Napalunok pa nga ito habang nakatitig sa kanya.
"Ako ang nakabundol sa'yo kanina. Nag-ala superman ka kasi nang iligtas mo iyong bata. Humihingi ako sa iyo ng tawad, hindi ko sinasadya ang nangyari!" Paliwanag ng lalaki na mas lalong naging gwapo sa paningin niya habang ito ay nagsasalita.
"s**t, hindi pwede 'to!" Sigaw ng kanyang isip.
Nanumbalik din naman agad sa isip niya ang mga nangyari kanina, ang pagsagip niya sa bata na muntikan ng mabundol kanina at siya naman itong napahamak sa ngayon ngunit hindi naman niya iyon pinagsisihan, bukal sa loob niya na gawin iyon at walang nag-utos sa kanya.
Iginiya niya ang mga paningin sa buong silid. May hinahanap siya na hindi niya makita.
"Hindi naman nasaktan iyong batang sinagip mo kanina kaya hindi na siya isinugod sa ospital" Ang sabi ng lalaki na mukhang nahulaan kung ano ang iniisip niya.
Mabuti naman at nakaligtas iyong bata, nakahinga siya ng maluwag.
Sandaling namayani ang katahimikan hanggang sa,
"Ako nga pala si Jonard. Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa'yo at tatawag ako ng doktor? Gusto mo bang kumain?"
Hindi naiwasan ni John ang makilig sa pinapakitang concerned ng lalaking nagpakilalang Jonard. Ngunit pinigil niya iyon. Hindi niya nagugustuhan ang damdaming nagsisimulang umusbong. Sinasabi ng kanyang isip na natural lamang na gawin iyon ng binata dahil siya iyong nakabundol sa kanya at responsibilidad niya siya.
Umiling siya. Nakatutok siya sa kesame. Bigla niyang naisip ang gastusin sa ospital. Batid niyang pribado ang pinagdalhan sa kanya, tiyak malaki ang mababayaran nila.
Naisip niya sina Fred at si Shawie. Alam na kaya ng mga iyon na naospital siya? Alam niyang labis na mag-aalala ang mga iyon pagnalaman ang nangyari sa kanya.
Narinig niyang panay ang pakikipag-usap sa kanya ni Jonard ngunit hindi niya iyon pinansin. Daig pa nito ang nakikipag-usap sa isang pasyenteng na-coma. Hindi sa galit siya rito gawa nang pagkakabundol nito sa kanya dahil alam naman niyang isang aksidente lamang ang lahat, ayaw lang kasi niya ang kakaibang nararamdaman niya sa binata na nagsisimulang umusbong ng ganoon kaaga. Unang beses niyang makaramdam ng kakaiba na siyang pinakaayaw niyang mangyari.
"Hello, may kinakausap pa ba ako?" Untag sa kanya ni Jonard nang mapansin nito ang pananahimik niya.
"May iniisip lang ako, sorry" Ang malabnaw na tugon ni John.
"Kung ang iniisip mo ay ang bill sa ospital, you don't have to worry, I will shoulder it. At pinapatawag ko na iyong mga kamag-anak mo, anumang oras nandito na ang mga iyon!"
Manghuhula ba ang isang 'to? Kanina pa kasi niya napapansing lahat ng iniisip niya ay nahuhulaan nito.
Nagpaalam sandali ang binata, may aasikasuhin lang daw ito sandali at babalik din naman daw ito agad.
Nakahinga naman nang maluwag si John nang umalis si Jonard. Kanina pa kasi siya hindi mapakali lalo na nang minsang magpang-abot ang kanilang mga paningin. Nakakaturete ng utak. Nakakapangalog ng mga tuhod. Kung pwede lang sanang sabihin dito na huwag na itong bumalik.
Nang lumabas ng ospital si Jonard ay dumretso siya sa mall. Bumili siya ng damit na maisusuot dahil ayaw na muna niyang umuwi ng bahay. Magtsi-check-in na lang muna siya sa hotel upang doon na magbihis. Alam niyang nandoon pa rin sa bahay nila ang Daddy niya kaya minabuti niyang maghotel na lamang para makaiwas sa gulo.
Matapos niyang magbihis ng kanyang damit sa loob ng hotel ay dumaan na muna siya sa supermarket. Bumili siya ng iba't ibang klase ng prutas para kay John. Bumili rin siya ng apat na tangkay ng rosas upang ilagay sa flower vase sa loob ng silid ng binata. Napansin kasi niyang medyo nalalanta na ang bulaklak na nakalagay doon.
Kung tutuusin, hindi na dapat siya mag-effort. Sapat na sana ang madala niya ito sa ospital upang maipagamot at aakuin ang lahat ng bayarin. Ngunit bakit parang may bumubulong sa kanyang gawin ang mga bagay na iyon na hindi niya pwedeng suwayin.
Nang makita niya ang itsura ni John nang magising ito kanina at nababakas ang sobrang pag-aalala dahil siguro iniisip nito ang mga gastusin, parang kaysarap lang nitong yakapin at sabihing, wala itong dapat na ipag-aalala dahil siya na ang bahala sa kanya.
Iidlip na muli sana si John nang biglang bumukas ang pinto. Iniluwa mula roon sina Shawie at Fred at bakas sa mga mukha ang labis na pag-aalala sa kanya.
"Tisoy, napaano ka ba? Kumusta na pakiramdam mo? May masakit ba sa'yo?" Hindi magkanda-ugagang tanong sa kanya ni Shawie habang hawak niya ang isa nitong kamay.
"Natatandaan mo pa ba kami Tisoy, si Fred ito. At ito namang kasama ko ay si Shawie, ang pinakamagandang babae na walang matres sa balat ng lupa at nagmamay-ari lang naman ng pinakamalaki at sosyal na flowershop sa buong bansa!" Ang banat naman ni Fred.
"OA naman. Nakita lang na may benda ako sa ulo, kung ituring lang parang may amnesia na ako? Diba pwedeng may galos lang ng kaunti?" Ang nakangising pagkuminto ni John sa banat ni Fred.
"Pwede ba Fred, tumahimik ka na muna, seryosong usapan to eh!" Si Shawie.
Tumahimik naman si Fred.
"Nabundol po ako ng kotse, Ate Shawie. Sinagip ko po kasi iyong bata na tumawid ng kalsada habol ang bola niya kanina!"
"Sinagip? At anong akala mo sa sarili mo, si Superman? Paano kung napuruhan iyang mukha mo, e di mawawalan ka pa ng puhunan. Tisoy ha, hindi ko sinasabing masama ang tumulong pero sana iisipin mo muna ang sarili mong kaligtasan bago ang iba!" Ang pagsingit ni Fred.
"Fred, isasara mo ba iyang bunganga mo o palalabasin kita rito!" Bulyaw ni Shawie at pinandilatan talaga nito ang madaldal na si Fred.
"Gwardiya lang teh? O siya eto na tatahimik na. Maka-retouch na nga lang, baka mamaya may gwapong doktor o nurse pa ang papasok dito!" Sabay hugot ng maliit nitong salamin sa shoulder bag na dala-dala.
At natuloy din ang pag-uusap nina John at Shawie. Sinabi ng binata kay Shawie na wala na itong dapat ipangamba dahil maayos naman ang kalagayan niya. Wala namang bali sa kanya at tanging galos lamang ang natamo niyang pinsala maliban na lamang sa mga pasa na normal lang iyon dahil tumilapon siya.
Lubos naman ang pasalamat ni Shawie dahil hindi ganoon kagrabe ang sinapit ng kanyang anak-anakan. Humanga rin siya sa ipinakitang pagmamalasakit nito sa kapwa. Isa iyong kabayanihan, na sa panahon natin ngayon bihira na lamang ang nakagagawa.
"Wala na rin po tayong dapat ipag-aalala sa mga gastusin dito sa ospital dahil inako na po lahat ng nakabundol sa akin!" Ang sabi ng binata. At bigla na namang sumingit si Fred.
"Aba, dapat lang, siya ang nakabundol sa iyo Tisoy kaya kargo ka niya. Hay, naku kung makikita ko iyan mamaya talagang makakatikim siya sa akin. Teka lang, nasaan ba siya—?"
"—A-andito na po ako"
Boses iyo ni Jonard. Sabay silang napalingong tatlo sa may pintuan. Kung may labis mang nagulat sa biglaang pagsulpot ng binata iyon ay ang madaldal na si Fred. Namilog ang mga mata nito Bigla nitong tinakpan ang bibig sa labis na pagkabigla nang makita ang lalaki na may bitbit na plastic na naglalaman ng mga prutas at apat na tangkay ng rosas.
"Ako po iyong nakabundol sa kanya. Hindi ko po sinasadya ang nangyari!" Ang sabi nito sa buo at lalaking-lalaki nitong boses.
Mas lalong naging gwapo ito sa suot nitong kulay gray na t-shirt na hapit sa katawan na mas lalong nagpalitaw sa magandang hubog nito at puting skinny jeans.
"Ayos lang po, Sir, alam naman po naming aksidente lang ang lahat kaya walang dapat na sisihin sa nangyari!"
Si Shawie ang sumagot na halatang nininerbiyos dahil sa napaka-gwapong nilalang sa kanyang harapan. Siniko nito si Fred na natututulala pa ring nakatitig sa binata.
"Oh, ano na Freda, natahimik ka yata, bruha ka! Ano iyong sinabi mo kanina na makakatikim yong nakabundol kay Tisoy. Magsalita ka!" Pabulong na pang-aalaska ni Shawie kay Fred.
"Sobrang gwapo lang teh, diko kaya!" Ang tugon naman ni Fred na labis ang pagkakilig at pinapadyak-padyak pa talaga ang isang paa nito sa sahig.
"Ayan na nga bang sinasabi ko, nakahanap ka din ng katapat e no?"
Hindi naman naiwasang hindi matawa ni Jonard sa nakitang inasta ni Fred. Hindi naman bago sa kanya ang ganoong may humahanga sa kanya ngunit sadyang OA lang talaga nito. Ngunit hindi na niya iyon pinansin. Mas napatuon ang atensyon niya sa nanahimik na si John. Inayos ni Fred ang dala niyang mga prutas sa lagayan at ang mga rosas sa flower vase.
"Nag-abala ka pa!" Si John
"Bakit, ayaw mo ba?"
"Sobrang nakakahiya lang. Ikaw na nga ang gumastos ng lahat naisipan mo pang bumili ng mga iyan!"
"Hindi mo naman kailangang mahiya. Responsibilidad kita dahil ako ang nakabundol sa'yo kaya isipin mo na lang na ang lahat ng ginagawa ko ngayon ay bilang kabayaran sa nagawa ko. Kung may dapat mang mahiya, ako 'yun. Kasi baka nang dahil sa aksidente, may naantala kang trabaho o di naman kaya'y umabsent ka na sa school. Kulang pa nga ang mga ito sa pirwisyong nagawa ko"
Hindi na sumagot pa si John upang hindi na humaba pa ang kanilang usapan.Sinadya niyang ipikit ang kanyang mga mata at magkunwaring tulog. Nauulinagan niyang kinaksusap ni Jonard si Fred na para namang isang butiking naputulan ng buntot dahil hindi mapakali sa sobrang kilig at tuwang nadarama. Ramdam niyang panay ang pagpapa-charming nito sa lalaki.
Hay, talagang itong si Fred, lumalabas ang pagiging talipandas kapag lalaki na ang kaharap. Nakatulog din siya sa kaalaunan.
Araw na ng paglabas ni John ng ospital. Kasalukuyang inililigpit nina Fred at Shawie ang kanilang mga gamit habang hinihintay nila ang nurse na ibigay sa kanila ang discharge papers upang sila'y makauwi na. Ilang sandali, pumasok na ang nurse at iniabot nito ang papel kay Shawie. Nauna ng tumayo si John at nagpatiuna na sa paglakad.
"Tisoy, saan ka pupunta?!" Bulyaw sa kanya ni Fred.
"Uuwi na, bakit?"
"H-hindi lang ba natin hihintayin si Jonard? Sabi niya kasi, na kapag makakalabas ka na, etetext ko siya. Ihahatid niya raw tayo"
"Kaya naman siguro nating umuwi nang tayo lang Fred. Hindi naman ako naka-wheelchair na kailangan niyang ihatid!" May pagkasupladong tinuran ni John na siyang labis na ipinagtaka ng kaibigan niya.
Nagtuloy-tuloy na ito sa paghakbang. Mukhang nagmamadali at may iniiwasan. Nagkatinginan na lamang ang dalawang beki. Mukhang may sumpong yata ang tisoy nilang bunso-bunsuan.
Balik uli sa eskwela si John, tatlong araw rin ang naging absent niya kaya ganoon na lang ang pagsusumikap niyang makahabol sa mga aralin. Kinakailangan kasi niyang ma-maintain ang kanyang mga marka upang hindi siya matanggal sa scholarship.
Mahirap na. Iyon lamang ang alam niyang makakatulong sa kanya para maabot ang kanyang mga pangarap. Ayaw niyang maging pasanin ni Shawie at Fred. Labis-labis na ang tulong ng mga ito sa kanya. Pangarap niya na isang araw siya naman iyong tutulong sa kanila. Sila na lang kasi ang masasabing pamilya niya kahit hindi naman niya iyon kadugo.
Si Fred, bagamat lagi siyang inaasar nito pero batid niyang mahal siya nito bilang nakakabatang kapatid. Lalong-lalo na si Shawie na tumatayo na niyang mga magulang. Mula ng nasa puder siya nito, talagang pinaramdam nito sa kanya na hindi siya naiiba. Na hindi naman kailangang maging kadugo mo iyong tao para ituring mong isang kapamilya.
Palabas na siya ng university at nagtungo sa sakayan ng jeep nang mapansin niya ang isang kotseng mabagal ang takbo at nakasunod sa kanyang likuran ngunit hindi lang siya sigurado kung siya ba talaga ang sinusundan nito. Huminto ang kotse sa tapat niya. Bahagyang bumukas ang bintana nito. Si Jonard iyon na nakangiti sa kanya at kumindat pa talaga.
Iginiya naman niya ang kanyang mga mata sa paligid. Umaasang walang ibang taong nakakita sa pagkindat na iyon sa kanya ng binata. Sa pagkakaalam niya, sa babae lamang kumikindat ang isang lalaki. At kung lalaki sa lalaki na, tiyak isang napakalaking tsismis iyon.
Nagtataka si John kung paano nalaman nito na sa university na iyon siya nag-aaral at mukhang alam rin nito na sa ganoong oras din ang uwi niya. Sa natatandaan niya wala naman siyang sinabi tungkol dito.
"Hatid na kita sa inyo!" Ang pagmamagandang loob ng binata sa kanya nang nakababa na ito sa kotse at tumabi ng tayo sa kanya sa gilid ng kalsada.
"Huwag na. Hindi naman ako lumpo upang ihatid. Saka sanay na akong mag-commute !" Ang pagtataray ni John.
Ewan ba niya, alam naman niyang nagmamagandang loob lang iyong tao ay kung bakit parang natatakot siyang makipaglapit dito.
"Aba may attitude!" Paanas namang tinuran ni Jonard.
"Anong sabi mo?"
"Wala, sayang cute pa naman sana kaso may deperensiya yata sa pandinig!" Napailing-iling.
"Bakit ba? Ano pa ba ang gusto mo. Sa pagkakaalam ko tapos na ang responsibilidad mo sa akin!" Nairita siya sa sinabi ng lalaki.
"Well, gusto kitang ihatid sa inyo" Halatang pagpapa-cute nito sa kanya.
"Diba sinabi ko sa'yong kaya ko ng mag-commute. At isa pa hindi ako isang babae para ihatid!"
"May batas na bang naipasa na nagbabawal na ihatid ng isang lalaki ang kapareho niyang lalaki rin?"
Sobrang nainis na si John sa kakulitan ng binata. Sarap na nitong bigwasan sa sikmura para magtanda.
Tinitigan niya ito nang malalim upang iparating na hindi niya nagustuhan ang tinuran nito. Agad din namang napalis ang ngiti sa labi ni Jonard. Sumeryoso bigla ang itsura nito. Napabuntong-hininga.
"Honestly, gusto kitang maging kaibigan. Matapos ang aksidente, parang ayokong magtapos lang ng ganoon ang lahat. I want to know you more, Tisoy!"
Unang beses niyang narinig na may ibang taong tumawag sa kanya ng ganoon. Kadalasan kasing si Fred at Shawie lang tumatawag sa kanya ng tisoy dahil sa mestisuhin niyang itsura. May hatid na kilig iyon sa kanya, ngunit gaya ng dati deadma.
"Marami na akong kaibigan wala na akong planong dagdagan pa" Pagtataray niya pa rin.
Napailing na lamang si Jonard. Mukha ngang mahihirapan siyang palambutin ang isang ito. Daig pa ang isang babae sa kaartehan.
"Sige kung ayaw mo talaga. Hindi na kita pipilitin!"
Iyon lang ay tumalikod na si Jonard at nakita niyang bumalik na ito sa loob ng kotse. Sakto din namang napadaan ang isang pampasaherong jeep at isa siya sa mga estudyanteng nakipag-unahan na makasakay noon. Kapag ganoong oras kasi ay pahirapan ang pagsakay dahil sa daming estudiyanteng nag-aabang. Siksikan at di maiwasang magkatulakan para lang makasakay ngunit sa malas ay napuno na pala ang jeep at wala siyang ibang choice kundi ang bumalik sa gilid ng kalsada at maghihintay sa muling jeep na dadaan.
Naisip niyang kung sanay pumayag na lang siya sa inalok kanina ni Jonard , marahil nakauwi na siya ngayon. Hindi man niya lubusang aminin, ngunit labis ang panghihinayang niyang tumanggi siya lalo na at nagsimula nang dumilim ang kalangitan at nagbabadya ang isang napakalakas na ulan, kapag ganoong umuulan kasi ay mas lalong mahihirapan siyang makasakay. At binabaha din ang eskinitang dinadaanan niya papasok sa kanilang bahay.
Gusto lang naman kasi niyang umiwas habang maaga pa. Aaminin niyang sa unang pagtama ang kanilang paningin ay may nararamdaman siyang kakaiba na hindi niya mawari para sa binata. At sa kalaunan, kanya ring napagtanto na ang nararamdaman niyang iyon ay ang tinatawag na pagtatangi.
Masyado pang maaga upang sabihing pagmamahal ngunit iyon ang sa tingin niya ang nararamdaman niya kay Jonard. Bagay na pinaka-ayaw niya. Pinagsusumikapan niyang maituwid ang pagkataong meron siya dahil batid niya kung anong magiging papel niya sa mundo ng mga kagaya niya. Piniperahan, nilalait, hinahamak at naging parausan na rin ng mga lalaking malilibog gaya na lamang ng tiyuhin niyang si Lando noon. Iyon ang isang ala-ala na sa tingin niya isang bangugot na siyang dahilan upang sinisikap niyang magpakaastig at huwag mahulog sa kapareho niya ng kasarian.
Nang makabalik siya sa gilid ng kalsada ay hindi niya naiwasang mapalingon sa lugar na kung saan nakapark ang kotse ni Jonard kanina. Hindi mabura sa isip niya ang matamis nitong ngiti at ang mga titig nito sa kanya. Kaysarap lang na sariwain ang pagpupumilit nito na siya'y maihatid. Naging bato man ang puso niya, pero inaamin niyang tinablan din siya ng kilig.
May kung anong bumulong sa kanya na igiya ang mga paningin sa paligid upang masulyapan muli ang maamong mukha ng binata at iyon nga ang ginawa niya. Alam niyang wala na roon ang lalaki dahil nakaalis na ito kanina pa pero hindi niya maiwasang umasa na baka naroon lang ito at aalukin muli siya nito ng sakay.
Asa pa siya.
"Ako ba ang hinahanap mo?"
Halos napalundag si John sa pagkagulat at para ng humiwalay ang kaluluwa niya sa kanyang katawang lupa nang marinig ang pamilyar na boses na iyon mula sa kanyang likuran. Hindi siya kaagad nakakilos. Nanatili siyang nakatayo na para bang isang nakatirik na kandila.
"H-Hindi ah. At bakit naman kita hahanapin, umalis ka na diba?"
Nakayuko si John na sumagot. Ayaw niyang makita ni Jonard na pinamulahan siya at baka masukol pa nito ang pagsisinungaling niya. Dahil ang totoo ang binata naman talaga ang hinahanap niya. Pahamak ang bumulong na iyon. Sa loob niya.
"Kasi nami-miss mo na ako"
"Aba ang kapal lang, pre. Kung sabihin ko sa'yo na jeep ang tinitingnan ko. Masyado ka namang bilib sa sarili mo!"
"Sa pagkakaalam ko, oneway ang daan dito. At kung talagang jeep ang tinitingnan mo bakit diyan ka sa kanan titingin gayong lahat ng jeep na dumadaan dito ay nanggagaling sa kaliwa!"
"Naku patay, may utak pala ang isang'to!" Bulong niya.
"Aminin mo na kasing na-miss mo na agad ako kaya mo ako hinahanap!" Halatang inaasar na siya ni Jonard.
"Kung hinahanap ba e, na miss na agad? Pwede naman sigurong nanghinayang lang sa alok dahil nagsimula ng umulan!"
At bigla ngang bumuhos ang malakas na ulan. Nakita niyang nagsitakbuhan na ang lahat ng taong naroon para makahanap ng masisilungan. Siya nama'y kaagad na hinila ni Jonard sa kamay patungo sa naka-park nitong kotse sa may di kalayuan.
Habang hila-hila si John ni Jonard sa kamay, naramdaman niyang may parang kuryenteng nanulay sa kanyang kalamnan. Ramdam niya ang mainit nitong palad na pumapawi sa malamig na patak ng ulan sa kanyang balat.
Pinagbuksan siya nito ng pintuan ng kotse at agad din naman siyang pumasok habang si Jonard ay pumaikot pa muna at pumuwesto sa driver's seat. Bago binuhay ng binata ang makina ng sasakyan nito pinunasan na muna niya ang basa niyang mukha. Hindi naman naiwasan ni John na panakaw itong sulyapan. Sobrang nakakabighani lang ang pinkish nitong pisngi at ang cute nitong mga mata.
"May dumi ba ako sa mukha? Kanina mo pa ako tinititigan e, baka mamaya malulusaw na ako niyan" Bigla nitong sabi na siyang ikinaturete ng utak niya.
Kung anong iwas ng puso at isip niya sa binata ay taliwas naman iyon sa ipinapakita niyang kilos.
Agad niyang iginiya ang mga mata sa labas. Hindi siya makakatagal sa mga titig sa kanya ni Jonard na parang tumutupok sa kanyang kaibuturan. Nag-aapuhap siya ng idadahilan. Hangga't maari ayaw niyang masukol nito.
"Hihiramin ko lang sana iyang panyo mo kasi pupunasan ko rin ang basa kong mukha!" Ang naisip niyang pagpapalusot.
"Talaga lang ha!" Wika naman nito na parang hindi kumbinsido sa palusot niyang iyon. "Gusto mo ako na ang magpunas?"
"Ako na!" Kaagad din niyang inabot ang panyo at pinunas sa mamasa-masa niyang mukha at baka totohanin pa ng loko ang biro nito.
Pagkatapos niyang magpunas ay hindi na niya iyon ibinalik sa halip inilagay niya iyon sa kanyang bulsa. Naisip niyang nagamit na niya iyon at lalabhan na muna niya bago iyon isauli.
"Tisoy, ang panyo ko!" Untag sa kanya ng binata.
"Saka na, lalabhan ko na muna, kasi nagamit ko na!" Ang sagot niya.
"Ganun? Baka mamaya aamoy-amuyin mo lang iyan habang iniisip mo ako bago ka matulog sa gabi!" Pang-aalaska sa kanya ni Jonard na siyang ikina-kulo ng dugo niya.
Agad din naman niya iyong dinukot ang panyo sa bulsa at dahil napipikon na siya inihagis niya iyon sa mukha ng binata.
Kung tumila na sana ang ulan, talagang lalabas siya ng kotse at magtiya-tiyagang mag-aantay ng jeep na masasakyan pauwi abutin man siya ng hating-gabi, kesa makasama ang ulupong na ito na wala ng ibang ginawa kundi ang asarin siya.
"To naman o. Hindi ka rin pikunin e 'no? Alam mo bang gusto ko iyong mga taong madaling maasar!" Natatawang banat ni Jonard.
"Subukan mo. Kita mo 'to?" Inimuwestra niya ang kanyang kamao
"Takot naman ako!" Kunwari namang itinaas ng binata ang dalawa nitong kamay para ipakitang kunwari na natatakot siya.
Shit, mas lalo tuloy itong naging gwapo sa paningin niya sa ganoong ayos.
"Bakit hindi mo na lang kasi paandarin itong sasakyan at nang makauwi na ako!"
Naasar niyang wika ngunit may himig din itong pakiusap. Ayaw na niya kasing magtagal pa roon. At mas lalong ayaw na niyang makita pa si Jonard
"Sa isang kondisyon!"
"Ano?"
"Tawagin mo ako sa pangalan ko. Alam mo naman siguro ang pangalan ko diba? Napapansin ko kasi mula pa sa ospital hanggang ngayon ay hindi mo ako matawag-tawag sa pangalan ko. Kay dali lang naman sana nitong banggitin. O kaya'y pwede namang "pre" o "tol".
"Okey iyon lang pala. Sige JONARD, pwede bang umalis na tayo!" Ang sabi niya lang dahil sawa na siyang makipag-bangayan pa. Binigyan diin pa talaga niya ang JONARD. Ayaw niyang "pre" o "Tol ang itawag dito dahil nangangahulugan lang iyon na magkaibigan sila na ayaw niyang mangyari.
Napangiti naman si Jonard at napasuntok pa sa hangin na para bang naka-iskor sa nililigawan. Matapos maibigay ni John ang instruction patungo sa kanilang bahay ay lumarga na sila.
Ngunit hindi rin sila nakapagpatuloy dahil sa sobrang trapik gawa nang pagbaha sa bahaging iyon ng highway. Napakalakas pa rin ng ulan. Kaya ang ginawa ni Jonard ay iniliko niya ang sasakyan at naghanap ng ibang rotang madadaanan.
"Pakihinto mo na lang sa tabi itong sasakyan, magji-jeep na lang ako" Ang pakiusap niya sa binata. Nahihiya na kasi siya. Napansin kasi niyang hindi na ma-drawing ang mukha nito sa matinding trapik.
"Anlakas pa kaya ng ulan. At isa pa wala ka ng masasakyan ngayon. Mababasa ka lang at baka magkasakit ka pa niyan!" Ang pagtutol ni Jonard.
"Nakakahiya na sa'yo!"
"Ako ang nag-alok kaya wala kang dapat ikahiya!"
"Salamat!" Simpleng tugon niya na sinuklian naman ng isang nakakalunod na kindat ng binata.
Iniliko na naman ng binata ang kotse para makaiwas sa matinding trapik. Inakala naman ni John na naghahanap lang ito ng panibagong rota na madadaanan kaya hindi na lamang siya muling nagtanong. Ngunit laking gulat niya nang huminto sila sa tapat ng isang mamahaling hotel.
"Naisip kong dito na muna tayo sa hotel na tinutuluyan ko magpalipas ng oras habang hindi pa humuhupa ang ulan!" Ang sabi ni Jonard.
Hindi kaagad nakasagot si John. Nanginginig ang buo niyang katawan. Samo't saring mga katanungan ang namuo sa kanyang isip. Gaya na lamang ng kung ano ang gagawin ng dalawang lalaki sa loob ng isang hotel. Hindi sa hinuhusgshan niya si Jonard ngunit hindi niya maiwasang mangamba at matakot sa kung ano ang gagawin sa kanya ng binata gayong sila lamang dalawa ang nasa loob ng kwarto ng hotel na iyon.
Biglang nanariwa ang isang mapait na nakaraan na ayaw na niyang balikan pa o maulit na mangyari. Isang kabanata ng kanyang kabataan na kung saan pinagsamantalahan ang kanyang kahinaan.
"Ayoko dito! Pare-pareho lamang kayo!!!!!"